Liahona
Elder Sergio R. Vargas
Mayo 2024


“Elder Sergio R. Vargas,” Liahona, Mayo 2024.

Elder Sergio R. Vargas

General Authority Seventy

Nang umibig si Elder Sergio R. Vargas kay Andrea Sanchez, inakala niya na may simpleng solusyon siya sa mga pagkakaiba nila sa relihiyon: magkakaroon sila ng isang kasalan sa kanyang simbahan para sa kanyang pamilya at isa pang kasalan sa simbahan nito para sa kanyang pamilya.

Gayunman, agad niyang nalaman na hindi magiging gayon kadaling gawin iyon. Si Andrea ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at nais niyang makasal sa templo. Kaya inanyayahan siya nitong pag-aralan ang iba pa tungkol sa kanyang relihiyon mula sa mga missionary.

Tinanggap ni Elder Vargas ang paanyaya, na nagpabago sa kanyang buhay.

Naalala niya na nagtatrabaho siya sa isang kumpanya ng salmon sa panahong iyon, na tumutulong sa paghahatid ng mga buhay na isda sakay ng barko. Sa isang 25-oras na paglalayag, nakakita siya ng isang pribadong lugar para basahin ang Aklat ni Mormon at tanungin ang Ama sa Langit tungkol sa ebanghelyo. Ito ay espirituwal na nagpabago sa kanya.

Si Elder Vargas ay isinilang noong Nobyembre 2, 1976, sa Puerto Varas, Chile, kung saan sila lumaki ng dalawa niyang kapatid. Ang kanyang inang si Gladys Barria ang namahala sa bahay samantalang ang kanyang amang si Renato Vargas ay isang pulis. Sa kabila ng mga pakikipag-usap sa mga missionary noong binata pa siya, naging mas interesado siyang maglaro ng basketball kaysa matuto ng ebanghelyo.

Nang makilala ni Elder Vargas si Sister Vargas, saka lamang siya naging handang makinig sa mga missionary nang may bukas na puso’t isipan, sabi niya. Ikinasal sila noong Hulyo 26, 2003, at kalauna’y nabuklod sa Santiago Chile Temple. Ang mag-asawa ay may tatlong anak.

Nang matawag bilang General Authority Seventy, naglilingkod si Elder Vargas bilang Area Seventy sa South America South Area. Kabilang sa mga dati niyang tungkulin sa Simbahan ang high councilor, branch president, at stake president.

Si Elder Vargas ay nagtapos ng bachelor’s degree sa marine resources mula sa Los Lagos University noong 1999 at tumanggap ng business administration diploma mula sa Austral University noong 2002. Kamakailan lang, nagtrabaho siya bilang production and operational manager para sa Ventisqueros, isang miyembro ng German Schörghuber Corporate Group.