Manalangin, Nariyan Siya
Inaanyayahan ko kayong ipagdasal na malaman na nariyan ang Ama sa Langit, ipagdasal na lumago upang maging katulad Niya, at ipagdasal na maipakita ang Kanyang pagmamahal sa iba.
Mga kapatid, nagagalak akong tumugon sa isang impresyon na mangusap sa mga bata!
Mga bata, saanman kayo naroon sa mundo, may nais akong ibahagi sa inyo.
Mahal kayo ng ating Ama sa Langit! Kayo ay Kanyang anak. Kilala Niya kayo. Nais Niya kayong pagpalain. Taos-puso kong idinadalangin na madama ninyo ang Kanyang pagmamahal.
Gusto ba ninyong makatanggap ng mga kaloob? Nais kong magsalita sa inyo tungkol sa isang nakapakaespesyal na kaloob na naibigay sa inyo ng Ama sa Langit para tulungan kayo. Ito ay ang kaloob na panalangin. Kaygandang pagpapala ng panalangin! Maaari tayong makipag-usap sa Ama sa Langit kahit kailan, kahit saan.
Noong nasa lupa si Jesus, tinuruan Niya tayong manalangin. Sabi Niya, “Kayo’y humingi at kayo’y tatanggap.”1
Anong mga kaloob ang maaari ninyong ipagdasal? Marami, pero ngayo’y nais kong magbahagi ng tatlo:
-
Ipagdasal na malaman.
-
Ipagdasal na lumago.
-
Ipagdasal na maipakita.
Pag-usapan natin ang bawat isa.
Una, Ipagdasal na Malaman
Ano ang kailangan ninyong malaman?
May isang awitin tungkol sa panalangin na kinakanta ng mga batang Primary sa buong mundo. Nagsisimula ito sa isang tanong. Alam ba ninyo kung anong awitin ito? Kung malakas lang talaga ang loob ko, kakantahin ko ito sa inyo!
“Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan?”2
Paano ninyo malalaman na nariyan talaga ang Ama sa Langit, kahit hindi ninyo Siya nakikita?
Inanyayahan na kayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. … At makinig!”3 Pakinggan kung ano ang nadarama ninyo sa inyong puso at ang mga ideyang pumapasok sa inyong isipan.4
Ang Ama sa Langit ay may niluwalhating katawan at Siya ang Ama ng inyong espiritu. Dahil taglay ng Ama sa Langit ang lahat ng kapangyarihan at alam ang lahat ng bagay, nakikita Niya ang lahat ng Kanyang anak5 at naririnig at sinasagot ang bawat panalangin. Maaari ninyo mismong malaman na nariyan Siya at na mahal Niya kayo.
Kapag alam ninyo na ang Ama sa Langit ay totoo at na mahal Niya kayo, maaari kayong mamuhay nang may lakas-ng-loob at pag-asa! “Manalangin; [nakikinig S’ya].”6
Nakadama na ba kayo ng pag-iisa? Isang araw noong anim na taong gulang ang apo naming si Ashley, siya lang ang walang kaibigang makalaro sa playground ng paaralan. Habang nakatayo siya roon, na nadaramang siya ay walang halaga at hindi pinapansin, may partikular na ideyang pumasok sa kanyang isipan: “Teka lang! Hindi ako nag-iisa! Kasama ko si Cristo!” Lumuhod si Ashley sa gitna mismo ng playground, humalukipkip, at nagdasal sa Ama sa Langit. Nang magmulat siya ng mga mata, naroo’t nakatayo ang isang batang babaeng kaedad niya na nagtatanong kung gusto niyang makipaglaro. Nalaman ni Ashley, “Mahalaga tayo sa Panginoon, at hindi talaga tayo nag-iisa kailanman.”
Kung minsa’y maaaring nais ninyong malaman kung bakit nangyayari ang isang mahirap na bagay sa inyong buhay o kung bakit hindi ninyo natanggap ang pagpapalang ipinagdasal ninyo. Ang kadalasang pinakamainam itanong sa Ama sa Langit ay hindi bakit kundi ano.
Naaalala ba ninyo noong magutom si Nephi at ang kanyang pamilya habang naglalakbay sa ilang? Noong lumabas si Nephi at ang kanyang mga kapatid para mangaso ng makakain, nabali ni Nephi ang kanyang pana. Pero hindi siya nagtanong kung bakit.
Gumawa ng bagong pana si Nephi at nagtanong sa kanyang amang si Lehi kung saan siya pupunta para makahanap ng pagkain. Nagdasal si Lehi, at ipinakita sa kanila ng Panginoon kung saan maaaring pumunta si Nephi.7 Gagabayan kayo ng Ama sa Langit kapag nagtanong kayo sa Kanya kung ano ang maaari ninyong gawin at ano ang maaari ninyong matutuhan.
Pangalawa, Ipagdasal na Lumago
Nais ng Ama sa Langit na tulungan kayong lumago! Mahal na mahal Niya tayo kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo para ipakita sa atin kung paano mamuhay.8 Si Jesus ay nagdusa, namatay, at nabuhay na mag-uli upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at lumago upang maging higit na katulad Niya.
Nais ba ninyong lumago sa pagtitiyaga o sa katapatan? Nais ba ninyong lumago sa isang kasanayan? Marahil ay mahiyain kayo at nais ninyong lumago sa lakas ng loob. “Manalangin[, nariyan siya]”!9 Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, maaaring magbago ang inyong puso at maaari kayong makatanggap ng lakas.
Isinulat ng bagong kaibigan kong si Jonah: “Madalas akong kabahan papunta sa paaralan sa umaga. Nag-aalala ako tungkol sa mga bagay-bagay tulad ng baka mahuli ako, baka may nalimutan ako, at pagsagot sa mga pagsusulit. Noong 10 taong gulang ako, nagsimula akong magdasal habang nagbibiyahe kami ng nanay ko papunta sa paaralan. Humihingi ako ng tulong na kailangan ko, at ipinagdarasal ko rin ang pamilya ko. Iniisip ko rin ang mga bagay na ipinagpapasalamat ko. Nakatulong sa akin [ang pagdarasal sa Ama sa Langit]. Kung minsa’y hindi ko nadarama kaagad ang ginhawa pagkababa ko ng sasakyan, pero kapag nakarating na ako sa klase ko, payapa na ang pakiramdam ko.”10
Ang pananampalataya ni Jonah ay lumalago kapag nagdarasal siya araw-araw at pagkatapos ay nagpapatuloy.
Pangatlo, Ipagdasal na Maipakita
Maaari kayong humingi ng tulong sa panalangin na maipakita ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa iba.11 Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, tutulungan kayo ng Ama sa Langit na mapansin ang isang taong malungkot upang maalo ninyo siya. Maaari Niya kayong tulungang maipakita ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapatawad sa isang tao. Maaari Niya kayong bigyan ng lakas ng loob na maglingkod sa isang tao at ibahagi ninyo sa kanya na siya ay anak ng Diyos. Maaari ninyong tulungan ang iba na makilala at matutuhang mahalin si Jesus at ang Ama sa Langit na tulad ninyo.12
Buong buhay kong ipinagdasal na maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tatay ko. Kahit noong bata pa ako, alam ko na kung ilang pagpapala ang maaari niyang matanggap. Maaaring matanggap ng aming pamilya ang mga pagpapala ng mabuklod para sa kawalang-hanggan. Madalas namin siyang ipinagdasal ng aking pamilya at mga kaibigan, pero hindi siya sumapi sa Simbahan. Hindi pinipilit ng Ama sa Langit ang sinuman na gumawa ng pagpili.13 Maaari Niyang sagutin ang ating mga panalangin sa iba pang mga paraan.
Noong nasa hustong gulang na ako, natanggap ko ang aking patriarchal blessing. Sa blessing, sinabi sa akin ng patriarch na ang pinakamainam na maaari kong gawin para tulungan ang pamilya ko na magkasama-sama sa langit ay ang maging halimbawa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kaya kong gawin iyan!
Nabuhay ang tatay ko hanggang edad 86. Limang araw matapos siyang pumanaw, nakaramdam ako ng sagradong kagalakan. Ipinaalam sa akin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu na nais ng tatay ko na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo! Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na lumuhod kami ng aking mga kapatid sa altar sa templo para mabuklod sa aking mga magulang. Nagsimula akong manalangin para sa pagpapalang ito noong nasa Primary ako, at natanggap ko ito noong lola na ako.
Marahil ay ipinagdarasal ninyo na mapagpala ang inyong pamilya at iba pang mga mahal ninyo sa buhay. Huwag sumuko! Ipapakita sa inyo ng Ama sa Langit kung ano ang maaari ninyong gawin.
Ibahagi sa Ama sa Langit ang nasa puso ninyo.14 Habang taos-puso kayong humihingi ng tulong Niya, matatanggap ninyo ang Kanyang Espiritu upang gabayan kayo.15 Ang pagdarasal araw-araw ay pupuspusin kayo ng pagmamahal para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Matutulungan kayo nitong naisin na sumunod sa Kanila habambuhay!
Isipin ang mangyayari kung magdarasal ang lahat ng bata sa Afrika, South America, Asia, Europe, North America, at Australia araw-araw. Mabibiyayaan ang buong mundo ng higit na pagmamahal ng Diyos!
Inaanyayahan ko kayong ipagdasal na malaman na nariyan ang Ama sa Langit, ipagdasal na lumago upang maging katulad Niya, at ipagdasal na maipakita ang Kanyang pagmamahal sa iba. Alam kong Siya ay buhay at mahal Niya kayo. “Manalangin[, nariyan siya].” Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.