Liahona
Inorden Na Noon Pa Man Upang Maglingkod
Mayo 2024


11:30

Inorden Na Noon Pa Man Upang Maglingkod

Nais ng ating Ama sa Langit na ihayag sa inyo ang personal na pag-oorden noon pa man sa inyo, at gagawin Niya iyon kapag hinangad ninyong matuto at sumunod sa Kanyang kalooban.

Sa gabing ito, nangungusap ako sa mga kabataan ng Simbahan, ang mga bagong salinlahi ng mga kabataang lalaki at kabataang babae na nagdadala ng pamantayan para sa susunod na salinlahi.

Noong Oktubre 2013, ang mahal nating propetang si Pangulong Russell M. Nelson ay nagsabi: “Matagal na kayong kilala ng inyong Ama sa Langit. Kayo, bilang Kanyang anak na lalaki o babae, ay pinili Niyang isilang sa mundo sa panahong ito mismo, upang maging mga pinuno sa Kanyang dakilang gawain sa mundo.”1

Dalawang taon na ang nakalipas, nagpatuloy si Pangulong Nelson:

“Ngayon, muli kong pinagtitibay nang husto na hinihiling ng Panginoon sa bawat karapat-dapat at may kakayahang binatilyo na maghanda at maglingkod sa misyon. Para sa mga lalaking Banal sa mga Huling Araw, ang paglilingkod sa misyon ay isang responsibilidad ng priesthood. Kayong mga kalalakihan ay inireserba para sa panahong ito na nagaganap ang ipinangakong pagtitipon ng Israel. …

“Para sa inyo na bata pa at may kakayahang mga sister, ang misyon ay isa ring maganda, ngunit opsiyonal, na oportunidad. … Ipagdasal na malaman kung nais ng Panginoon na magmisyon kayo, at sasagot ang Espiritu Santo sa inyong puso’t isipan.”2

Ang mga pagbanggit ng ating propeta sa pagrereserba ng Panginoon sa mga kabataan sa ating panahon para sa oras na ito ng pagtitipon ng Israel at sa kanyang paanyayang manalangin upang malaman ang nais ng Panginoon na gawin ninyo ay bahagyang tinutukoy ang buhay at mga pagpapalang natanggap ninyo mula sa Diyos bago pa kayo isilang dito sa mundo.3 Lahat tayong isinilang dito sa mundo ay namuhay muna kasama ang ating Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak.4 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ako, ang Panginoong Diyos, ang lumalang ng lahat ng bagay … sa espiritu, bago ang mga ito ay naging likas sa balat ng lupa.”5

Nang nilalang Niya kayo sa espiritu, minahal Niya kayo bilang Kanyang mga espiritung anak na lalaki at babae at ibinigay sa bawat isa sa inyo ang mga likas na kabanalan at walang hanggang tadhana.6

Sa inyong buhay bago pa isilang sa mundo, “nagkaroon kayo ng sariling katangian at pinag-ibayo ang inyong mga espirituwal na kakayahan.”7 Kayo ay pinagpala ng kalayaan sa pagpili, ang kakayahang gumawa ng mga pagpapasiya para sa inyong sarili at gumawa kayo ng mahahalagang desisyon, tulad ng desisyong sundin ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, na “magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad … at sa huli ay makamtan ang [inyong] banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”8 Ang desisyong ito ay nakaapekto sa inyong buhay noon, sa inyong buhay bago pa isilang, at ito ay patuloy na nakaaapekto sa buhay ninyo ngayon.9 Bilang anak ng Diyos na nabubuhay noon bago pa isilang, kayo ay “umunlad … sa katalinuhan at natutuhan [ninyong] mahalin ang katotohanan.”10

Bago kayo isilang, itinalaga ang bawat isa sa inyo ng Diyos upang gumanap sa mga partikular na misyon habang nasa mortal na buhay rito sa mundo.11 Kung kayo ay mananatiling karapat-dapat, ang mga pagpapala ng utos na iyon na ibinigay bago pa tayo isilang ang magbibigay sa inyo ng lahat ng uri ng oportunidad sa buhay na ito, kabilang ang mga oportunidad na maglingkod sa Simbahan at makilahok sa pinakamahalagang gawaing nagaganap sa mundo ngayon: ang pagtitipon ng Israel.12 Ang mga pangako at pagpapalang iyon sa buhay bago kayo isilang ay tinatawag na inyong pag-oorden noon pa man. “Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan.”13 Ito ay hindi garantiya na tatanggap kayo ng mga partikular na tungkulin o responsibilidad. Ang mga pagpapala at oportunidad sa buhay na ito ay resulta ng inyong matwid na paggamit sa inyong kalayaan sa pagpili, tulad ng inyong pag-oorden noon pa man sa inyong buhay bago pa isilang ay resulta ng pagkamatwid.14 Habang pinatutunayan ninyong karapat-dapat kayo at nagpapatuloy sa landas ng tipan, makatatanggap kayo ng mga oportunidad na maglingkod sa inyong klase sa Young Women o korum ng priesthood. Kayo ay mapagpapalang makapaglingkod sa templo, maging ministering brother o sister, at makapagmisyon bilang disipulo ni Jesucristo.

Bakit ba mahalagang hangaring malaman at maunawaan ang inyong pag-oorden noon pa man? Sa panahong naglipana ang mga katanungan, kung kailan napakaraming naghahangad na malaman ang kanilang totoong pagkatao, ang katotohanang kilala at binasbasan ng Diyos ang bawat isa sa atin bago tayo isilang sa mundong ito ng “mahalagang [mga] katangian ng pagkakakilanlan … sa buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay [sa] mortal, at sa walang hanggan” ang magdadala ng kapayapaan at kasiguruhan sa ating isipan at puso.15 Ang malaman ninyo kung sino kayo ay nagsisimula sa pag-unawa sa mga pagpapalang inorden noon pa man ng Diyos na ibinigay sa inyo bago kayo isilang sa mundong ito. Nais ng ating Ama sa Langit na ihayag sa inyo ang personal na pag-oorden noon pa man sa inyo, at gagawin Niya iyon kapag hinangad ninyong matuto at sumunod sa Kanyang kalooban.16

Gusto kong binabasa ang mga post ni Pangulong Nelson sa Instagram. Isa sa mga paborito ko ay noong Hulyo 20, 2022. Isinulat niya:

“Naniniwala ako na kung tuwirang nagsasalita sa inyo ang Panginoon, ang una Niyang titiyakin ay na nauunawaan ninyo ang inyong tunay na pagkatao. Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. …

“… Huwag kayong magkakamali tungkol dito: Banal ang inyong potensyal. Dahil sa inyong masigasig na paghahanap, ipababanaag sa inyo ng Diyos kung sino ang maaari ninyong kahinatnan.”17

Maaari ko bang ibahagi sa inyo kung paano itinuro sa akin ng aking ama sa lupa na matuklasan ang aking pagkatao at ang plano ng Diyos sa buhay ko?

Isang Sabado ng umaga noong ako ay 13-anyos, tinatabas ko ang damo bilang bahagi ng aking lingguhang mga gawain. Nang matapos ako, narinig kong sumara ang pinto sa likod ng aming bahay at pagtingin ko ay nakita ko ang aking ama na tinatawag ako upang samahan siya. Naglakad ako papunta sa likod-bahay at inanyayahan niya akong umupo kasama siya sa hagdan. Maganda ang umagang iyon. Naaalala ko pa ring nakaupo siyang napakalapit sa akin kaya nagdidikit na ang aming mga balikat. Nagsimula siya sa pagsasabing mahal niya ako. Tinanong niya ako kung ano ang mga mithiin ko sa buhay. Naisip ko, “Aba, madali iyan.” Sigurado ako sa dalawang bagay: Nais kong mas tumangkad pa, at nais kong magkamping nang mas madalas. Simple lamang ako. Ngumiti siya, tumigil sandali, at sinabing: “Steve, nais kong magbahagi sa iyo ng isang bagay na napakahalaga sa akin. Nanalangin akong itatak ng Ama sa Langit sa iyong isip at sa iyong kaluluwa ang sasabihin ko ngayon upang hindi mo ito malimutan kailanman.”

Nakuha ng aking ama ang buo kong atensiyon sa sandaling iyon. Bumaling siya at tumingin sa aking mga mata at sinabing, “Anak, protektahan mo ang mga pribadong oras mo sa iyong buhay.” Nagkaroon ng mahabang katahimikan habang hinahayaan niyang tumimo sa aking puso ang kahulugan niyon.

Pagkatapos ay nagpatuloy siya, “Alam mo, ang mga oras na ikaw lamang mag-isa at walang ibang taong nakaaalam ng ginagawa mo? Sa mga oras na iyon na iniisip mo, ‘Anumang gawin ko ngayon ay hindi makaaapekto sa iba, kundi sa akin lamang’?”

Pagkatapos ay sinabi niya, “Higit pa sa alinmang oras sa iyong buhay, ang ginagawa mo sa mga pribadong oras ng buhay mo ang magdudulot ng pinakamalaking epekto sa kung paano mo haharapin ang mga hamon at sakit na darating sa iyo; at ang mga ginagawa mo sa mga pribadong oras sa buhay mo ang magdudulot din ng mas malaking epekto sa kung paano mo haharapin ang mga tagumpay at kaligayahang mararanasan mo nang higit pa sa ibang oras sa buhay mo.”

Natanggap ng aking ama ang hiling ng kanyang puso. Ang tunog at bigat ng kanyang boses, at ang pagmamahal na nadama ko sa kanyang mga salita ay tumatak sa aking isipan at sa aking kaluluwa noong araw na iyon.

Natutuhan ko sa paglipas ng mga taon na ang pinakadakilang himala ng araw na iyon sa hagdan ng aking tahanan noong bata pa ako ay, sa mga pribadong oras ng aking buhay, maaari akong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin upang makatanggap ng paghahayag. Ang aking ama ay nagtuturo kung paano ko matututuhan ang tungkol sa mga pagpapalang inorden ng Diyos noon pa man. Sa mga pribadong sandaling iyon, natutuhan kong salita ng Diyos ang Aklat ni Mormon. Natutuhan kong inorden ako ng Diyos noon pa man na magmisyon. Natutuhan kong kilala ako ng Diyos at naririnig niya at sinasagot ang aking mga panalangin. Natutuhan kong si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos.

Bagaman nakagawa ako ng maraming pagkakamali simula noong hindi malilimutang araw na iyon kasama ang aking ama, ang pagsisikap na protektahan ang aking mga pribadong oras sa buhay ay nanatiling angkla sa gitna ng mga unos ng buhay at napag-ibayo ako nitong mahanap ang mga ligtas na kanlungan at ang nakapagpapagaling at nakapagpapalakas na mga pagpapala ng pag-ibig at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.

Aking mga nakababatang kapatid, habang pinoprotektahan ninyo ang mga pribadong oras ng inyong buhay sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang na libangan; pakikinig sa magagandang musika; pagbabasa ng mga banal na kasulatan; pagkakaroon ng regular at makahulugang panalangin; at pagsisikap na matanggap at pagnilayan ang inyong patriarchal blessing, makatatanggap kayo ng paghahayag. Sa mga salita ni Pangulong Nelson, ang inyong mga mata ay magiging “mulat na mulat … sa katotohanan na ang buhay na ito talaga ay ang panahon na magpapasiya kayo kung anong klaseng pamumuhay ang gusto ninyo magpakailanman.”18

Sasagutin ng ating Amang nasa Langit ang inyong mga panalangin, lalo na ang mga panalanging inialay sa mga pribadong oras ng inyong buhay. Ihahayag Niya sa inyo ang mga handog at talentong inorden sa inyo noon pa man, at madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal na babalot sa inyo, kung tapat kayong hihingi at tunay na hahangaring malaman. Habang pinoprotektahan ninyo ang mga pribadong oras ng inyong buhay, ang pakikilahok ninyo sa mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo ay magiging mas makahulugan. Higit na mas mailalapit ninyo ang inyong sarili sa Diyos dahil sa mga tipang ginagawa ninyo sa Kanya at kayo ay iaangat upang magkaroon ng mas dakilang pag-asa, pananampalataya, at kasiguruhan sa mga pangakong ginawa Niya para sa inyo. Nais ba ninyong malaman ang plano ng Diyos para sa inyo? Saksi akong nais Niyang malaman ninyo, at binibigyan Niya ng inspirasyon ang Kanyang propeta sa mundo na anyayahan ang bawat isa sa atin na manalangin at matanggap ang nakamumulat na mga karanasang ito sa ating mga sarili.19 Saksi ako sa katotohanan at kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas na ginagawang posible na maabot at matanggap ang mga pagpapalang inorden ng Diyos noon pa man, sa pangalan ni Jesucristo, amen.