Liahona
Ito ay Naaayon sa Karunungan ng Panginoon na Dapat Tayong Magkaroon ng Aklat ni Mormon
Mayo 2024


11:13

Ito ay Naaayon sa Karunungan ng Panginoon na Dapat Tayong Magkaroon ng Aklat ni Mormon

Dalangin ko na ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ngayong taon ay maging kagalakan at pagpapala para sa bawat isa sa atin.

Mahal kong mga kapatid, lubos kaming nagpapasalamat sa inyong mga pagsisikap sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo. Ang inyong araw-araw na ugnayan sa Diyos at sa Kanyang salita ay may mahalagang kahihinatnan. “Kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.”1

Ang pagbabasa ng mga turo ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan ay nakatutulong sa atin na gawin ang ating mga tahanan na santuwaryo ng pananampalataya at sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo.2 Inaanyayahan nito ang Espiritu sa ating mga tahanan. Pinupuspos ng Espiritu Santo ang ating mga kaluluwa ng kagalakan3 at nagpapabalik-loob sa atin upang maging mga disipulo tayo ni Jesucristo habambuhay.

Nitong huling ilang taon, habang binabasa ang mga aklat ng banal na kasulatan, nakita natin ang malawak na pananaw ng mga turo ng Diyos sa Kanyang mga anak sa lahat ng pangunahing dispensasyon ng ebanghelyo.4

Sa bawat dispensasyon, nakita natin na paulit-ulit ang nangyayari. Ipinanunumbalik o inihahayag ng Diyos ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang mga tao ay sumusunod sa mga propeta at lubos na pinagpapala. Gayunman, sa paglipas ng panahon, tumitigil ang ilang tao sa pagsunod sa mga salita ng mga propeta at inilalayo nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo. Ito ang tinatawag nating apostasiya. Ang ebanghelyo ay unang inihayag kay Adan, ngunit ang ilan sa mga anak nina Adan at Eva ay hindi sumunod sa mga turo ng Panginoon at nag-apostasiya.5 Nakikita natin na paulit-ulit na nangyari ang pagpapanumbalik at apostasiya sa mga dispensasyon nina Enoc, Noe, Abraham, Moises, at iba pa.

Ngayon, sa kasalukuyan, nabubuhay tayo sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.6 Ito ang tanging dispensasyon na hindi magwawakas sa apostasiya.7 Ito ang dispensasyon na sasalubong sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang paghahari sa milenyo.

Kaya, ano ang kakaiba sa dispensasyong ito? Ano ang ipinagkaloob ng Panginoon sa atin ngayon, lalo na para sa ating panahon, na tutulong sa atin na mapalapit sa Tagapagligtas at hindi Siya iwan kailanman?

Ang isang sagot na pumapasok sa aking isipan ay ang mga banal na kasulatan—at lalo na ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.

Bagama’t nangako ang Diyos na hindi na magkakaroon ng isa pang pangkalahatang apostasiya, kailangan nating tandaan at mag-ingat na umiwas sa personal na apostasiya—inaalala, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bawat isa sa atin ay responsable sa ating indibiduwal na espirituwal na paglago.”8 Ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, tulad ng ginagawa natin ngayong taon, ay palaging naglalapit sa atin sa Tagapagligtas—at tumutulong sa atin na manatiling malapit sa Kanya.

Tinatawag natin itong “pag-aaral,” at maganda iyon dahil nagpapahiwatig ito ng pagsisikap. Ngunit hindi natin kailangan palagi na matuto ng anumang bagong katotohanan. Minsan, ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay tungkol lamang sa pakiramdam na nauugnay tayo sa Diyos ngayon—binibigyan ng sustansya ang kaluluwa, espirituwal na pinalalakas bago lumabas upang harapin ang mundo, o nakasusumpong ng paggaling matapos ang isang mahirap na araw sa mundo.

Pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan nang sa gayon ay mapalalim ng Espiritu Santo, ang dakilang guro, ang ating pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at matulungan tayong maging higit na katulad Nila.9

Habang nasasaisip ang mga bagay na ito, maaari nating pagnilayan, “Ano ang naituro sa atin ng Espiritu Santo ngayong linggo sa ating pag-aaral ng Aklat ni Mormon?” at “Paano tayo inilalapit nito sa Tagapagligtas?”

Ang mga ito ay magagandang tanong para sa ating pag-aaral ng banal na kasulatan sa tahanan. Ang mga ito ay magagandang tanong din upang masimulan ang klase sa araw ng Linggo sa simbahan. Napapahusay natin ang ating pagtuturo sa simbahan sa araw ng Linggo sa pamamagitan ng pagpapabuti sa ating pag-aaral sa tahanan sa buong linggo. Kaya nga sa ating mga klase sa araw ng Linggo, “siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya.”10

Narito ang ilang mga talata na itinimo ng Espiritu sa aking isipan mula sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon ngayong linggo:

  • Iniutos ni Nephi kay Jacob na “ingatan ang mga laminang ito, at ipasa ang mga ito … sa bawat sali’t salinlahi. At kung may mga pangangaral na banal, o paghahayag … , o pagpropesiya,” dapat “iukit [ni Jacob ang mga iyon] … sa mga laminang ito … para sa kapakanan ng [kanilang] mga tao.”11

  • Kalaunan ay nagpatotoo si Jacob, “Aming sinasaliksik ang mga [banal na kasulatan], … at taglay ang lahat ng patotoong ito kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag.”12

Ngayon, dahil sa mga talatang ito ay naalala ko ang naunang sinabi ni Nephi tungkol sa mga laminang tanso:

“Aming nakuha ang mga [talaan] … at sinaliksik ang mga yaon at natuklasan na ang mga yaon ay … napakahalaga para sa amin kung kaya’t maaari naming mapanatili ang mga kautusan ng Panginoon sa aming mga anak.

“Anupa’t ito ay naaayon sa karunungan ng Panginoon na dapat naming dalhin ang mga yaon, habang kami ay naglalakbay sa ilang patungo sa lupang pangako.”13

Ngayon, kung ito ay karunungan para kay Lehi at sa kanyang pamilya na magkaroon ng mga banal na kasulatan, ito ay karunungan para sa atin sa kasalukuyan. Ang malaking halaga at espirituwal na kapangyarihan ng mga banal na kasulatan ay patuloy na hindi lumalabo sa ating mga buhay ngayon.

Kailanman ay walang tao sa kasaysayan na may access sa Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan na tulad ng tinatamasa natin ngayon.14 Oo, si Lehi at ang kanyang pamilya ay pinagpala na dalhin ang mga laminang tanso, ngunit wala silang kopya para sa bawat tolda! Ang pinakamahalagang kopya ng Aklat ni Mormon ay ang ating personal na kopya. Ito ang kopya na binabasa natin.

Sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, itinuro sa atin ni Lehi ang kahalagahan ng personal na karanasan sa pagmamahal ng Diyos. Matapos niyang kainin ang bunga, nakita ni Lehi ang kanyang asawa na si Saria at ang kanyang mga anak na sina Nephi at Sam sa di-kalayuan.

“Nakatayo sila na waring hindi alam kung saan sila patutungo.

“… Kinawayan ko sila,” sabi ni Lehi, “at sinabihan ko rin sila sa isang malakas na tinig na dapat silang lumapit sa akin, at kumain ng bunga, na higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga.

“At … lumapit sila sa akin at kumain din ng bunga.”15

Nagustuhan ko ang halimbawa ni Lehi bilang magulang na nangangalaga at nagtuturo. Sina Saria, Nephi, at Sam ay may mabubuti at matwid na buhay. Ngunit ang Panginoon ay may mas maganda at mas kasiya-siya na inilaan para sa kanila. Hindi nila alam kung saan ito hahanapin, ngunit alam ni Lehi. Kaya tinawag niya sila “sa isang malakas na tinig” na lumapit sa punungkahoy ng buhay at kainin ang bunga para sa kanilang sarili. Ang kanyang utos ay malinaw. Hindi maaaring hindi ito maunawaan.

Ako ay bunga ng gayon ding magulang na nangangalaga at nagtuturo.16 Noong ako ay bata pa, siguro 11 o 12 taong gulang, tinanong ako ng aking ina, “Mark, alam mo ba para sa iyong sarili, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na ang ebanghelyo ay totoo?”

Nagulat ako sa kanyang tanong. Noon pa man ay sinikap ko nang maging “mabuting bata,” at akala ko ay sapat na iyon. Ngunit alam ng aking ina, tulad ni Lehi, na may iba pang kailangan. Kailangan kong kumilos at alamin para sa aking sarili.

Tumugon ako na hindi pa ako nagkakaroon ng gayong karanasan. At tila hindi naman siya nagulat sa aking sagot.

Pagkatapos ay may sinabi siya na hindi ko kailanman malilimutan. Naaalala ko pa rin ang kanyang mga salita hanggang ngayon: “Nais ng Ama sa Langit na alamin mo para sa iyong sarili. Ngunit kailangan mong magsikap. Kailangan mong basahin ang Aklat ni Mormon at manalangin upang malaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sasagutin ng Ama sa Langit ang iyong mga dasal.”

Hindi ko pa nabasa kailanman ang Aklat ni Mormon noon. Inisip ko na wala pa ako sa hustong gulang upang magawa iyon. Ngunit mas nakaaalam ang aking ina.

Dahil sa kanyang tanong, nagkaroon ako ng matinding hangarin na alamin para sa aking sarili.

Kaya, bawat gabi, sa silid namin ng dalawa ko pang kapatid na lalaki, binubuksan ko ang ilaw sa itaas ng aking kama at nagbabasa ako ng isang kabanata sa Aklat ni Mormon. Pagkatapos, pagkapatay ng ilaw, tahimik akong bumababa ng aking kama upang lumuhod at manalangin. Nanalangin ako nang mas taos-puso at may higit na hangarin kaysa dati. Hiniling ko sa Ama sa Langit na mangyaring ipaalam sa akin ang katotohanan ng Aklat ni Mormon.

Mula sa panahong sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon, nadama kong alam ng Ama sa Langit ang aking mga pagsisikap. At nadama kong mahalaga ako sa Kanya. Habang nagbabasa at nananalangin ako, nakadama ako ng kapanatagan at kapayapaan. Sa bawat kabanata, ang liwanag ng pananampalataya ay mas nagniningning sa loob ng aking kaluluwa. Sa paglipas ng panahon, natanto ko na ang mga nadama kong ito ay mga pagpapatibay ng katotohanan mula sa Espiritu Santo.17 Nalaman ko para sa aking sarili na ang Aklat ni Mormon ay totoo at na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo. Lubos akong nagpapasalamat para sa inspiradong paanyaya ng aking ina.

Ang karanasang ito ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon noong bata pa ako ay nagpasimula ng huwaran ng pag-aaral ng banal na kasulatan na patuloy na nagpapala sa akin hanggang ngayon. Ako ay nagbabasa pa rin ng Aklat ni Mormon at nananalangin nang nakaluhod. At pinagtitibay ng Espiritu Santo ang katotohanan nito nang paulit-ulit.

Tama ang sinabi ni Nephi. Ito ay naaayon sa karunungan ng Panginoon na dapat nating dalhin ang mga banal na kasulatan sa buong buhay natin. Ang Aklat ni Mormon ang “saligang bato” na dahilan kung bakit naiiba ang dispensasyong ito sa lahat ng naunang dispensasyon. Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon at sinusunod natin ang buhay na propeta, hindi magkakaroon ng personal na apostasiya sa ating mga buhay.18

Ang paanyaya na lumapit sa punungkahoy ng buhay sa pamamagitan ng paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos ay hindi lamang paanyaya ni Lehi sa kanyang pamilya, at hindi lamang ito paanyaya ng aking ina sa akin na magbasa at manalangin tungkol sa Aklat ni Mormon. Ito ay paanyaya rin mula sa ating propeta, na si Pangulong Russell M. Nelson, sa bawat isa sa atin.

“Ipinapangako ko” sabi niya, “na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinapangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay.”19

Dalangin ko na ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ngayong taon ay maging kagalakan at pagpapala para sa bawat isa sa atin at maglapit sa atin sa Tagapagligtas.

Buhay ang Ama sa Langit. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng Kanyang mga salita at nagpaparating ng Kanyang pagmamahal. Si Pangulong Russell M. Nelson ang buhay na propeta ng Panginoon sa mundo ngayon. Alam kong totoo ang mga bagay na ito dahil sa nagpapatibay na patotoo ng Espiritu Santo, na siyang patotoo na una kong natanggap habang binabasa ang Aklat ni Mormon noong bata pa ako. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 64:33.

  2. “Ang bagong integrated kurikulum na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan ay may potensyal na mailabas ang kapangyarihan ng pamilya, habang ang bawat pamilya ay tapat at maingat na ginagawang santuwaryo ng pananampalataya ang kanilang tahanan. Ipinapangako ko na habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, paglipas ng ilang panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kalugod-lugod. Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, at ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at [sa inyong] tahanan ay mababawasan. Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya” (Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113).

  3. “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 11:13).

  4. “Ang mga dispensasyon ay mga panahon kung kailan tumatawag ang Panginoon ng kahit isang tagapaglingkod na binigyang-karapatan sa mundo na nagtataglay ng mga susi ng banal na priesthood, at may sagradong tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo sa mga tao sa mundo” (Topics and Questions, “Dispensations,” Gospel Library).

  5. Tingnan sa Moises 5:12–16.

  6. Nakita ng propetang si Daniel ang ating panahon, ang ating dispensasyon, nang ipaliwanag niya ang panaginip ni Nebukadnezar. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang bato sa panaginip na iyon, natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay, gumugulong pasulong upang punuin ang buong lupa (tingnan sa Daniel 2:34–35, 44–45; Doktrina at mga Tipan 65:2).

  7. “Tinawag ng Diyos Ama at ni Jesucristo si Propetang Joseph Smith upang maging propeta ng dispensasyong ito. Lahat ng banal na kapangyarihan ng mga naunang dispensasyon ay ibinalik sa pamamagitan niya. Ang dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon ay hindi magiging limitado sa oras at lugar. Hindi ito magwawakas sa apostasiya, at pupunuin nito ang mundo (Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Liahona, Nob. 2006, 79–80).

  8. Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” Liahona, Nob. 2018, 8.

  9. Tingnan sa “Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024, v.

  10. Doktrina at mga Tipan 50:22; tingnan din sa mga talata 17–21.

  11. Jacob 1:3–4.

  12. Jacob 4:6.

  13. 1 Nephi 5:21–22.

  14. Ibinalita kamakailan na 200 milyong kopya na ng Aklat ni Mormon ang naipamahagi sa dispensasyong ito. Talagang kahanga-hanga iyon. Ang Aklat ni Mormon ay isinalin na ngayon sa 113 wika, na may 17 bagong pagsasalin na ginagawa pa lamang. Napakalaking pagpapala na magkaroon ng Aklat ni Mormon na nakalimbag, digital, audio, video, at iba pang mga format. (Tingnan sa Ryan Jensen, “Church Distributes 200 Millionth Copy of the Book of Mormon,” Church News, Dis. 29, 2023, newsroom.ChurchofJesusChrist.org)

  15. 1 Nephi 8:14–16; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  16. “Ang pinakamakapangyarihang espirituwal na impluwensya sa buhay ng isang bata ay ang mabuting halimbawa ng mapagmahal na mga magulang at lolo’t lola na tapat na tumutupad sa sarili nilang mga sagradong tipan. Ang mga magulang na nangangalaga at nagtuturo ay tinuturuan ang kanilang mga anak na sumampalataya kay Jesucristo upang kanila ring ‘malaman kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan’ [2 Nephi 25:26]. Ang kaswal at pabagu-bagong pagtupad sa mga tipan ay humahantong sa paghina ng espirituwalidad. Ang espirituwal na pinsala ay kadalasang pinakamatindi sa ating mga anak at apo” (Kevin W. Pearson, “Payag Ka pa ba?,” Liahona, Nob. 2022, 69).

  17. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:22–24.

  18. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (sa pambungad sa Aklat ni Mormon).

  19. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62–63.