“Elder I. Raymond Egbo,” Liahona, Mayo 2024.
Elder I. Raymond Egbo
General Authority Seventy
Habang nag-aaral siya sa isang religious boarding school sa Nigeria, patuloy na inanyayahan si Elder I. Raymond Egbo ng ate niya na “[halika] at tingnan [mo]” kung ano ang maibibigay ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa edad na 14, nagsimula siyang dumalo sa seminary sa gabi.
Habang binabasa ang seminary course of study, nakarating si Elder Egbo sa Doktrina at mga Tipan 135 at sa pagkamartir ni Joseph Smith.
“May isang bagay na lubhang nakaantig sa akin, at nalaman ko na si Propetang Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos. Alam kong pinaslang siya para sa katotohanan,” sabi ni Elder Egbo, na di-nagtagal ay sumapi sa Simbahan. “Ramdam ko pa rin ngayon ang naramdaman ko noong araw na nabasa ko ito.”
Kalaunan, noong estudyante siya sa unibersidad, hinikayat siya ng ate niya na magmisyon. Nagalit sa kanya ang kanilang ama dahil iniwan niya ang kanyang pag-aaral, ngunit regular na sinulatan ito ni Elder Egbo ng mga liham na naglalarawan sa lahat ng ginagawa at itinuturo niya.
Namangha si Elder Egbo, nang malapit nang matapos ang kanyang misyon, nang basahin sa kanya ng kanyang mission president ang isang liham mula sa kanyang ama na nagsasabing nabinyagan na siya. “Sabihin mo sa kanya na hihintayin ko siya,” pagsulat ng kanyang ama.
Si Elder Idyo Raymond Egbo ay isinilang sa Port Harcourt, Rivers State, Nigeria, noong Hunyo 25, 1974, kina Udo Idio Egbo at Veronica Ukamaka Egbo. Nakilala niya si Comfort Ikip Ese nang lumipat ang pamilya nito sa kanyang branch noong 1994. Ikinasal sila noong Mayo 15, 2003, sa Calabar, Nigeria. Mayroon silang tatlong anak.
Si Elder Egbo ay may mga degree sa education, regional planning, at business administration mula sa tatlong unibersidad. Nagtrabaho siya sa Seminaries and Institutes of Religion mula noong 2002 sa iba’t ibang posisyon, kabilang na ang country director at area director.
Nang tawagin siya sa kanyang calling, naglilingkod si Elder Egbo bilang Area Seventy sa Africa West Area. Naglingkod siya bilang pangulo ng Nigeria Calabar Mission at naging stake presidency counselor at high councilor. Naglingkod siya sa full-time mission sa Nigeria Lagos Mission.