Liahona
Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo
Mayo 2024


11:35

Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo

Lahat ng bagay tungkol sa plano ng Ama para sa Kanyang pinakamamahal na mga anak ay nilayong iuwi tayong lahat.

Nais kong magpasalamat para sa inyong mga panalangin habang sinisimulan kong mag-adjust sa tungkuling ibinigay sa akin, sa pamamagitan ni Pangulong Nelson, na maglingkod bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo. Malamang na naisip ninyo kung gaano ako napakumbaba nito, at panahon ito ng matinding pagbabago at matamang pagsusuri sa sarili. Gayunman, talagang malaking karangalan ang maglingkod sa Tagapagligtas, sa anumang kapasidad, at makasama kayo sa pagbabahagi ng mabuting balita ng Kanyang ebanghelyo ng pag-asa.

Bukod pa riyan, may nagsabi na sa likod ng bawat bagong Apostol ay may isang namamanghang biyenang babae. Hindi ko alam kung talagang may nagsabi niyon, ngunit sa sitwasyong ito, tiyak na maaaring totoo iyon. At may hinala ako na kahit wala na ang biyenan kong babae ay namamangha pa rin siya.

Ilang buwan na ang nakalipas, nang bumisita kaming mag-asawa sa ibang bansa para sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan, gumising ako nang maaga isang araw at pupungas-pungas na dumungaw sa bintana ng aming hotel. Sa ibaba sa mataong kalsada, nakita ko na may nakalagay na harang sa daan at may nakatalagang pulis sa malapit para pabalikin ang mga sasakyan kapag nakarating sila sa harang. Noong una, iilang sasakyan lamang ang nagdaan at pinabalik. Pero kalaunan at nang dumami na ang mga sasakyan, nagsimulang humaba ang pila ng mga sasakyan.

Mula sa bintana sa itaas, minasdan ko ang pulis na tila nasisiyahan sa kanyang kapangyarihang harangan ang daloy ng mga sasakyan at pabalikin ang mga tao. Sa katunayan, tila umiindak na ang kanyang paghakbang, na para bang nagsisimula na siyang sumayaw, habang papalapit ang bawat sasakyan sa harang. Kapag nainis ang drayber dahil sa harang, mukhang ayaw ng pulis na tumulong o makisimpatiya. Umiling-iling lang siya nang paulit-ulit at tumuro sa kabilang direksyon.

Mga kaibigan ko, mga kapwa ko disipulo sa landas ng mortal na buhay, ang magandang plano ng ating Ama, maging ang Kanyang “kamangha-manghang” plano,1 ay nilayon upang iuwi kayo, hindi upang hindi kayo papasukin sa kahariang selestiyal.2 Walang sinumang naglagay ng harang sa daan at nagtalaga ng isang tao roon para pabalikin at paalisin kayo. Sa katunayan, kabaligtaran ito. Ang Diyos ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo. “Nais [Niya] na ang lahat ng Kanyang mga anak ay piliing bumalik sa Kanya,”3 at ginagawa Niya ang lahat para matulungan tayong makauwi sa Kanya.

Pinamahalaan ng ating mapagmahal na Ama ang Paglikha ng mundong ito mismo para sa layuning maglaan ng pagkakataon sa inyo at sa akin na magkaroon ng mga karanasan sa mortalidad na magpapaunlad at magpapadalisay sa atin, ang pagkakataong gamitin ang ating kalayaang moral na bigay ng Diyos na piliin Siya,4 matuto at lumago, magkamali, magsisi, mahalin ang Diyos at ang ating kapwa, at makabalik sa Kanya balang araw.

Isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak sa makasalanang mundong ito upang maranasan ang mortal na buhay, magpakita ng halimbawa na tutularan ng iba pa Niyang mga anak, at magbayad-sala at tumubos. Inaalis ng dakilang nagbabayad-salang kaloob ni Cristo ang bawat harang sa pisikal at espirituwal na kamatayan na maghihiwalay sa atin mula sa ating walang-hanggang tahanan.

Lahat ng tungkol sa plano ng Ama para sa Kanyang pinakamamahal na mga anak ay nilayon upang iuwi tayong lahat.

Ano ang tawag ng mga sugo ng Diyos, na Kanyang mga propeta, sa planong ito sa mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik? Ang tawag nila rito ay ang plano ng pagtubos,5 ang plano ng awa,6 ang dakilang plano ng kaligayahan,7 at ang plano ng kaligtasan, na para sa lahat, “sa pamamagitan ng dugo ng aking Bugtong na Anak.”8

Ang layunin ng dakilang plano ng kaligayahan ng Ama ay ang inyong kaligayahan, dito mismo, ngayon mismo, at sa mga kawalang-hanggan. Hindi nito layunin ang hadlangan ang inyong kaligayahan at magdulot sa inyo ng pag-aalala at pangamba.

Sa katunayan, layunin ng plano ng pagtubos ng Ama na kayo ay matubos, kayo ay masagip sa pamamagitan ng mga pagdurusa at kamatayan ni Jesucristo,9 kayo ay mapalaya mula sa gapos ng kasalanan at kamatayan. Hindi para iwan kayo sa gayong kalagayan.

Ang layunin ng plano ng awa ng Ama ay magbigay ng awa kapag bumalik kayo sa Kanya at tinupad ninyo ang inyong tipan ng katapatan sa Kanya. Hindi para ipagkait ang awa at magdulot ng pasakit at kalungkutan.

Sa katunayan, layunin ng plano ng kaligtasan ng Ama ang inyong kaligtasan sa selestiyal na kaharian ng kaluwalhatian kapag tinanggap ninyo “ang patotoo kay Jesus”10 at inialay ang buong kaluluwa ninyo sa Kanya.11 Hindi para hindi kayo papasukin sa kahariang selestiyal.

Ibig bang sabihin nito ay puwede na kahit ano ang gawin natin sa ating buhay? Na hindi mahalaga kung paano natin piliing gamitin ang ating kalayaan? Na maaari nating sundin o hindi sundin ang mga utos ng Diyos? Hindi, siyempre hindi. Tiyak na isa sa palagiang mga paanyaya at pagsamo ni Jesus noong Kanyang mortal na ministeryo ay na tayo ay magbago at magsisi at lumapit sa Kanya.12 Ang pinakamahalagang ipinahihiwatig sa lahat ng Kanyang mga turo na mamuhay ayon sa mas mataas na pamantayang moral13 ay ang isang panawagan tungo sa personal na pag-unlad, tungo sa nagpapabagong pananampalataya kay Cristo, tungo sa malaking pagbabago ng puso.14

Nais ng Diyos na gumawa tayo ng malaking pagbabago sa mga simbuyo ng ating pagkamakasarili at kapalaluan, na alisin natin ang pagiging likas na tao,15 na “humayo [tayo] at … huwag nang magkasala.”16

Kung naniniwala tayo na ang layon ng plano ng Ama para sa lahat ay iligtas tayo, tubusin tayo, kaawaan tayo, at sa gayon ay lumigaya tayo, ano ang layon ng Anak na nagsakatuparan ng dakilang planong ito?

Sinabi mismo ng Anak sa atin: “Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”17

Ang kalooban ni Jesus ay ang kalooban ng mabait na Ama! Nais Niyang gawing posible para sa bawat huli sa mga anak ng Kanyang Ama na matanggap ang pinakadakilang layunin ng plano—ang buhay na walang hanggan sa piling Nila. Walang sinumang hindi kasama sa banal na potensyal na ito.

Kung nag-aalala kayo na baka hindi kayo maging karapat-dapat kahit kailan, o na ang mapagmahal na yakap ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Cristo ay maawaing sakupin ang lahat ng tao maliban sa inyo, nagkakamali kayo. Ang kahulugan ng walang hanggan ay walang katapusan. Ang walang hanggan ay sakop kayo at ang mga mahal ninyo sa buhay.18

Ipinaliwanag ni Nephi ang magandang katotohanang ito: “Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya. Samakatwid, wala siyang inuutusan na hindi sila makababahagi ng kanyang pagliligtas.”19

Hinahanap ng Tagapagligtas, ang Mabuting Pastol, ang Kanyang nawawalang mga tupa hanggang sa matagpuan Niya ang mga ito.20 “[Ayaw Niya] na sinuman ay mapahamak.”21

“Ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko.”22

“Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo.”23

Hindi Niya itinaboy ang babaeng inaagasan ng dugo; hindi Siya umiwas sa ketongin; hindi Niya itinakwil ang babaeng nahuling nangangalunya; hindi Niya tinanggihan ang nagsisisi—anuman ang kanilang kasalanan. At hindi Niya kayo tatanggihan o ang mga mahal ninyo sa buhay kapag dinala ninyo sa Kanya ang inyong mga bagbag na puso at nagsisising espiritu. Hindi iyan ang Kanyang layon o Kanyang hangarin, ni ang Kanyang plano, layunin, naisin, o inaasam.

Hindi, hindi Siya naglalagay ng mga harang at balakid; inaalis Niya ang mga iyon. Hindi Niya kayo hinahadlangang pumasok; malugod Niya kayong tinatanggap.24 Ang Kanyang buong ministeryo ay totoong pagpapahayag ng layuning ito.

At mangyari pa nariyan ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo mismo, na mas mahirap nating maunawaan, na hindi natin kayang maarok. Ngunit, at mahalaga ang “ngunit” na ito, nauunawaan talaga natin, maiintindihan natin, ang banal at nakapagliligtas na layon ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa nang mamatay si Jesus sa krus, na sumasagisag na ang daan pabalik sa kinaroroonan ng Ama ay bukas na bukas na—sa lahat ng babaling sa Kanya, magtitiwala sa Kanya, magpapaubaya ng kanilang mga pasanin sa Kanya, at magpapasan ng Kanyang pamatok sa pamamagitan ng pakikipagtipan.25

Sa madaling salita, ang plano ng Ama ay hindi tungkol sa mga harang sa daan. Hindi iyon kailanman, at hindi magiging iyon kailanman. May mga bagay ba tayong kailangang gawin, mga kautusang susundin, mga aspeto ng ating mga likas na pag-uugali na dapat baguhin? Oo. Ngunit sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, magagawa natin ang mga iyan, kaya nating gawin iyan.

Ito ang mabuting balita! Lubos akong nagpapasalamat para sa mga simpleng katotohanang ito. Ang mithiin ng Ama, ang Kanyang plano, Kanyang layunin, Kanyang layon, Kanyang hiling, at Kanyang inaasam ay pagalingin kayong lahat, bigyan kayong lahat ng kapayapaan, iuwi kayong lahat, at ang mga mahal ninyo sa buhay, sa Kanyang tahanan. Saksi ako rito sa pangalan ni Jesucristo, na Kanyang Anak, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 117, 118.

  2. Tingnan sa 2 Nephi 26:25, 27.

  3. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.1, Gospel Library.

  4. Tingnan sa Moises 7:33.

  5. Tingnan sa Jacob 6:8; Alma 12:30.

  6. Tingnan sa Alma 42:15.

  7. Tingnan sa Alma 42:8, 16.

  8. Moises 6:62.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:4.

  10. Doktrina at mga Tipan 76:50–70.

  11. Tingnan sa Omni 1:26.

  12. Tingnan sa Mateo 4:17.

  13. Tingnan sa Mateo 5–7. Halimbawa, sa Mateo 5:43–44, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na hindi sapat na “ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.” Para masunod Siya, kailangan ding “ibigin [nila] ang [kanilang] mga kaaway.”

  14. Tingnan sa Mosias 5:2. Upang ang awa ni Jesucristo ay magkaroon ng epekto sa ating buhay, kailangang bumalik tayo sa Kanya. Itinuro ni Nakababatang Alma na ang maluwalhating “plano ng pagtubos ay hindi maisasakatuparan, maliban lamang sa mga hinihingi ng pagsisisi … ; sapagkat maliban sa mga hinihinging ito, ang awa ay hindi magkakaroon ng bisa” (Alma 42:13).

  15. Tingnan sa Mosias 3:19.

  16. Juan 8:11.

  17. Juan 6:38.

  18. Tingnan sa Russell M. Nelson, “The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35: “Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang hanggan—walang katapusan. Ito ay walang hanggan din dahil maililigtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa Kanyang matinding pagdurusa. Ito ay walang hanggan sa panahon, na tumapos sa naunang nakaugaliang pag-aalay ng hayop. Ito ay walang hanggan sa saklaw—ito ay dapat gawin nang minsanan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa walang-hanggang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang-hanggang bilang ng mga mundong Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan na hindi kayang sukatin ng anumang panukat ng tao o unawain ng sinuman.”

  19. 2 Nephi 26:24.

  20. Tingnan sa Lucas 15:4.

  21. 2 Pedro 3:9; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:11–12.

  22. 3 Nephi 9:14.

  23. 3 Nephi 17:7; tingnan din sa talata 6.

  24. Sa mga turo ni Jesucristo na nagpapahiwatig na hindi mamanahin ng ilang tao ang kaharian ng langit, nilinaw Niya na ang kahihinatnang ito ay hindi ang Kanyang hangarin para sa kanila kundi bunga ng sarili nilang mga pagpili (tingnan sa Mateo 7:13–14, 21–25).

  25. Tingnan sa Mateo 27:50–51; Mga Hebreo 9:6–12.