Tumayo Ka! Tinatawag Ka Niya
Ang ebanghelyo ay hindi isang paraan para maiwasan ang mga hamon at problema kundi isang solusyon para maragdagan ang ating pananampalataya at matutuhan kung paano harapin ang mga ito.
Kamakailan, tinanong ko ang aking asawa, “Masasabi mo ba sa akin kung bakit sa pagkaalala ko ay wala tayong anumang naging malaking problema sa buhay?”
Tiningnan niya ako at sinabing, “Sige. Sasabihin ko sa iyo kung bakit wala tayong anumang malaking problema; iyon ay dahil malilimutin ka!”
Sa kanyang mabilis at matalinong sagot muli kong napagtanto na ang pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi nag-aalis ng pasakit at mga pagsubok, na kailangan para umunlad.
Ang ebanghelyo ay hindi isang paraan para maiwasan ang mga hamon at problema kundi isang solusyon para maragdagan ang ating pananampalataya at matutuhan kung paano harapin ang mga ito.
Nadama ko ang katotohanang ito ilang buwan na ang nakararaan noong naglalakad ako isang araw at biglang naging malabo, madilim, at hindi diretso ang paningin ko. Natakot ako. Pagkatapos, sinabi sa akin ng mga doktor, “Kung hindi mo sisimulang magpagamot, baka mawala ang paningin mo sa loob lamang nang ilang linggo.” Lalo akong natakot.
Pagkatapos, sinabi nila: “Kailangan mo ng intravitreal injections—injection mismo sa mata—habang nakadilat—tuwing apat na linggo, sa buong buhay mo.”
Ganoon na pala kalubha iyon.
Humantong sa isang tanong ang pagmumuni-muni ko. Tinanong ko ang aking sarili, “OK! Masama ang lagay ng pisikal na paningin ko, pero kumusta naman ang espirituwal na paningin ko? Kailangan ko ba ng anumang gamot para doon? At ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng malinaw na espirituwal na paningin?”
Pinagnilayan ko ang kuwento tungkol sa isang lalaking bulag na ang pangalan ay Bartimeo, na inilahad sa ebanghelyo ni Marcos. Sabi sa banal na kasulatan, “Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, ‘Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin.’”1
Ang totoo, sa paningin ng marami, si Jesus ay anak lamang ni Jose, kaya bakit tinawag Siya ni Bartimeo na “Anak ni David”? Ito ay dahil sa natanto niya na si Jesus nga ang Mesiyas, na ipinropesiyang isisilang bilang inapo ni David.2
Nakamamangha na ang bulag na lalaking ito, na walang pisikal na paningin, ay nakilala si Jesus. Nakita niya sa espirituwal na paraan ang hindi niya nakikita gamit ang pisikal na mga mata, samantalang marami pang iba ang nakakita kay Jesus gamit ang pisikal na mga mata ngunit lubhang bulag sa espirituwal.
Mula sa kuwentong ito marami pa tayong matututuhan tungkol sa malinaw na espirituwal na paningin.
Mababasa natin, “At sinaway siya ng marami na siya’y tumahimik, ngunit siya’y lalong nagsisigaw, ‘Anak ni David, mahabag ka sa akin!’”3
Lahat ng nakapaligid sa kanya ay pinapatahimik siya, ngunit lalo pa siyang sumigaw dahil alam niya kung sino talaga si Jesus. Binalewala niya ang mga tinig na iyon at sumigaw nang mas malakas.
Siya ay kumilos sa halip na pakilusin ng iba. Sa kabila ng kanyang limitadong kalagayan, ginamit niya ang kanyang pananampalataya upang higitan ang kanyang mga limitasyon.
Kaya, ang unang alituntuning natututuhan natin ay nagkakaroon tayo ng malinaw na espirituwal na paningin kapag nagtuon tayo kay Jesucristo at nananatiling tapat sa alam nating totoo.
Mga kapatid, para mapanatiling nakapokus ang ating espirituwal na paningin, kailangan nating magpasiyang huwag makinig sa mga tinig ng mundong nakapaligid sa atin. Sa nakalilito at magulong mundong ito, dapat tayong manatiling tapat sa nalalaman natin, tapat sa ating mga tipan, tapat sa pagsunod sa mga kautusan at pagtibayin ang ating mga paniniwala, maging mas malakas, tulad ng lalaking ito. Kailangan nating ipahayag nang mas malakas ang ating patotoo tungkol sa Panginoon sa mundo. Ang lalaking ito ay kilala si Jesus, nanatiling tapat sa kanyang pinaniniwalaan, at hindi nagambala ng mga tinig sa paligid niya.
Maraming tinig ngayon na nagtatangkang pahinain ang ating tinig bilang mga disipulo ni Jesucristo. Sinusubukan tayong patahimikin ng mga tinig ng mundo, ngunit iyan mismo ang dahilan kung bakit kailangan nating ipahayag nang mas malakas at mas matatag ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Sa lahat ng tinig sa mundo, inaasahan tayo ng Panginoon na ipahayag ang ating mga patotoo, itaas ang ating tinig, at maging Kanyang tinig. Kung hindi natin ito gagawin, sino ang magpapatotoo tungkol kay Jesucristo? Sino ang magsasambit ng Kanyang pangalan at maghahayag ng Kanyang banal na misyon?
Mayroon tayong espirituwal na atas na nagmumula sa ating kaalaman tungkol kay Jesucristo.
Ngunit ano ang ginawa ni Bartimeo matapos iyon?
Sa utos ng Panginoon na tumayo siya, kumilos siyang muli nang may pananampalataya.
Sabi sa banal na kasulatan, “Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.”4
Naunawaan ng mapagpakumbaba at tapat na lalaking ito na maaari siyang bumangon tungo sa mas magandang buhay sa utos ni Jesus. Alam niya na may higit pa siyang magagawa sa kanyang sitwasyon, at ang pinakaunang ginawa niya nang marinig niyang tinatawag siya ni Jesus ay ang ihagis ang kanyang balabal ng pagkapulubi.
Muli, kumilos siya sa halip na siya ay pakilusin ng iba.
Maaaring naisip niya, “Hindi ko na kailangan ito, ngayong dumating na si Jesus sa buhay ko. Ito ay panibagong araw. Tapos na ako sa miserableng buhay na ito. Sa pamamagitan ni Jesus makapagsisimula ako ng bagong buhay na may kaligayahan at kagalakan sa Kanya, kasama Siya, at sa pamamagitan Niya. At hindi mahalaga kung ano ang iniisip ng mundo tungkol sa akin. Tinatawag ako ni Jesus, at tutulungan Niya akong magbagong-buhay.”
Napakagandang pagbabago!
Nang ihagis niya ang balabal ng pagkapulubi, inalis niya ang lahat ng pagdadahilan.
At ito ang pangalawang alituntunin: napapanatili natin ang ating malinaw na espirituwal na paningin kapag tinalikuran natin ang likas na tao, kapag nagsisi tayo, at nagsimula ng bagong buhay kay Cristo.
Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan upang magkaroon ng mas magandang buhay sa pamamagitan ni Jesucristo.
Hangga’t binibigyan natin ng dahilan na kaawaan ang ating sarili, malungkot sa ating sitwasyon at problema, at sa lahat ng masasamang bagay na nangyayari sa ating buhay at maging sa lahat ng masasamang tao na sa palagay natin ay nagpapalungkot sa atin, pinapanatili nating suot ang balabal ng pagkapulubi. Totoo na kung minsan, sinadya man o hindi, nasasaktan tayo ng mga tao. Ngunit kailangan nating magpasiyang kumilos nang may pananampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aalis ng dating pag-iisip at damdamin na nakabalabal pa rin sa atin upang maitago ang mga pagdadahilan o kasalanan at itapon ito, batid na kaya at gagawin Niya na pagalingin tayo.
Walang magandang dahilan para sabihing, “Ganito na ako talaga dahil sa ilang hindi maganda at hindi kanais-nais na kalagayan. At hindi ko kayang magbago, at makatwiran lang iyon.”
Kapag ganyan tayo mag-isip, ipinasiya na nating tayo ay mapakikilos ng iba.
Suot pa rin natin ang balabal ng pagkapulubi.
Ang ibig sabihin ng kumilos nang may pananampalataya ay umasa sa ating Tagapagligtas, naniniwala na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, kaya nating tumayo at madaig ang lahat sa Kanyang utos.
Ang pangatlong alituntunin ay mula sa huling limang salita: “[siya] ay lumapit kay Jesus.”
Paano siya makakalapit kay Jesus gayong siya ay bulag? Ang tanging paraan ay lumakad palapit kay Jesus sa pamamagitan ng pagdinig sa Kanyang tinig.
At ito ang pangatlong alituntunin: pinapanatili nating malinaw ang ating espirituwal na paningin kapag naririnig natin ang tinig ng Panginoon at tinutulutan Siya na gabayan tayo.
Tulad ng pinangibabaw ng lalaking ito ang kanyang tinig sa mga tinig sa paligid niya, narinig niya ang tinig ng Panginoon sa gitna ng lahat ng iba pang mga tinig.
Ito rin ang pananampalatayang nagtulot kay Pedro na lumakad sa ibabaw ng tubig habang nananatili siyang nakatuon sa Panginoon at hindi nababagabag ng hangin sa kanyang paligid.
Nagtapos ang kuwento tungkol sa lalaking bulag sa mga salitang “nagbalik ang kanyang paningin at siya’y sumunod [kay Jesus] sa daan.”5
Isa sa pinakamahahalagang aral sa kuwentong ito ay na tunay na nanampalataya ang lalaking ito kay Jesucristo at nakatanggap ng himala dahil nagtanong siya nang may tunay na layunin, ang tunay na layuning sumunod sa Kanya.
At ito ang pinakadahilan para sa mga pagpapalang natatanggap natin sa ating buhay, ang pagsunod kay Jesucristo. Tungkol ito sa pagkilala sa Kanya, paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos dahil sa Kanya, pagbabago ng ating likas na pagkatao sa pamamagitan Niya, at pagtitiis hanggang wakas sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.
Para sa akin, ang pagpapanatiling malinaw ng espirituwal na paningin ay pagtutuon kay Jesucristo.
Kaya, lilinaw ba ang aking espirituwal na paningin, kapag nagpa-injection ako sa mata? Sino ang makapagsasabi? Ngunit nagpapasalamat ako sa nakikita ko.
Malinaw kong nakikita ang kamay ng Panginoon sa sagradong gawaing ito at sa buhay ko.
Nakikita ko ang pananampalataya ng marami saanman ako magtungo na nagpapalakas sa sarili kong pananampalataya.
Nakakakita ako ng mga anghel sa buong paligid ko.
Nakikita ko ang pananampalataya ng marami na hindi pisikal na nakakakita sa Panginoon ngunit espirituwal na nakakikilala sa Kanya, dahil lubos na kilala nila Siya.
Pinatototohanan ko na ang ebanghelyong ito ang sagot sa lahat ng bagay, dahil si Jesucristo ang sagot para sa lahat. Nagpapasalamat ako sa nakikita ko kapag sinusunod ko ang aking Tagapagligtas.
Ipinapangako ko na kapag dininig natin ang tinig ng Panginoon at tinulutan Siya na gabayan tayo sa landas ng tipan ng Tagapaligtas, mabibiyayaan tayo ng malinaw na paningin, espirituwal na pang-unawa, at kapayapaan ng puso at isipan habambuhay.
Nawa’y patotohanan natin Siya, nang mas malakas kaysa mga tinig sa ating paligid sa mundong kailangang makarinig ng higit pa tungkol kay Jesucristo at hindi lang kaunti. Nawa’y alisin natin ang balabal ng pagkapulubi na maaaring suot pa rin natin at daigin ang mundo tungo sa mas magandang buhay kay Cristo at sa pamamagitan ni Cristo. Nawa’y iwaksi natin ang lahat ng pagdadahilang hindi sundin si Jesucristo at hanapin ang lahat ng mabubuting dahilan para sumunod sa Kanya kapag naririnig natin ang Kanyang tinig. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.