Pagsalungat sa Lahat ng Bagay
Upang magamit ang ating kalayaang pumili, kailangang mayroon tayong magkakasalungat na opsiyon na pag-iisipan.
Kamakailan, habang nagmamaneho sa isang lungsod na hindi pamilyar sa amin, hindi sinasadyang nagkamali ako ng pagliko, kaya napunta kami ng asawa ko sa isang express highway na tila walang katapusan at hindi na kami makaikot pabalik. Kami ay magiliw na inanyayahan sa tahanan ng isang kaibigan at nag-alala na mahuhuli na kami ngayon ng pagdating doon kaysa sa inaasahan.
Habang nasa highway na ito at desperadong naghahanap ng daan upang makalabas muli, sinisi ko ang aking sarili dahil hindi ako masyadong nagtuon sa navigation system. Dahil sa karanasang ito ay napaisip ako kung paano tayo gumagawa ng mga maling desisyon sa ating mga buhay kung minsan at kung paano tayo nagtitiis sa mga ibinunga niyon nang mapagpakumbaba at matiyaga hanggang sa muli nating mabago ang ating landas.
Ang buhay ay tungkol sa paggawa ng mga pagpili. Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang banal na kaloob na kalayaang pumili upang matuto tayo mula sa ating mga pagpili—mula sa mga tama at gayundin sa mga mali. Itinatama natin ang ating mga maling pagpili kapag nagsisisi tayo. Dito nangyayari ang pag-unlad. Ang plano ng Ama sa Langit para sa ating lahat ay matuto, bumuti, at sumulong patungo sa buhay na walang hanggan.
Mula noong tinuruan kaming mag-asawa ng mga missionary at sumapi kami sa Simbahan maraming taon na ang nakalipas, palagi akong naaantig ng malalalim na turo ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob sa Aklat ni Mormon. Itinuro niya sa kanya na “ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili”1 at na “talagang kinakailangan na may pagsalungat sa lahat ng bagay.”2 Upang magamit ang ating kalayaang pumili, kailangang mayroon tayong magkakasalungat na opsiyon na pag-iisipan. Sa paggawa nito, ipinapaalala rin sa atin ng Aklat ni Mormon na tayo ay “tinuruan nang sapat”3 at na “ang Espiritu ni Cristo”4 ay ipinagkaloob sa bawat isa sa atin upang “malaman [natin] ang mabuti sa masama.”5
Sa buhay, palagi tayong nahaharap sa maraming mahahalagang pagpili. Halimbawa:
-
Pagpili kung susundin natin o hindi ang mga kautusan ng Diyos.
-
Pagpiling manampalataya at makahiwatig kapag nangyayari ang mga himala o maghintay nang may pag-aalinlangan na mangyari ang isang bagay bago piliin lamang na maniwala noon.
-
Pagpiling magtiwala sa Diyos o abangan nang may takot ang isa pang hamon sa susunod na araw.
Nang magkamali ako sa pagliko sa highway na iyon, ang pagdurusa mula sa mga bunga ng sarili nating mga maling desisyon ay kadalasang masakit dahil tayo mismo ang dapat sisihin. Gayunpaman, palagi nating mapipiling tumanggap ng kapanatagan sa banal na proseso ng pagsisisi, ituwid muli ang mga pagkakamali, at sa paggawa nito ay matuto ng ilang aral na nagpapabago ng buhay.
Kung minsan makararanas din tayo ng pagsalungat at mga pagsubok sa mga bagay na hindi natin makokontrol, tulad ng:
-
Mga problema sa kalusugan at mga panahon ng pagkakasakit.
-
Mga panahon ng kapayapaan at mga panahon ng digmaan.
-
Mga oras sa umaga at gabi at mga panahon ng tag-init at taglamig.
-
Mga oras sa pagtatrabaho na sinundan ng pagpapahinga.
Bagama’t karaniwang hindi tayo makapipili sa ganitong mga uri ng sitwasyon dahil sadyang nangyayari ito, makapipili pa rin tayo kung paano tumugon sa mga ito. Makatutugon tayo nang may positibo o nang may negatibong pag-uugali. Maaari nating hangaring matuto mula sa karanasan at humingi ng tulong at suporta sa ating Panginoon, o maaari nating isipin na tayo ay nag-iisa sa pagsubok na ito at dapat nating pagdusahan ito nang mag-isa. Maaari nating “i-adjust ang ating mga layag” sa bagong realidad, o maaari tayong magpasiya na huwag baguhin ang anumang bagay. Sa madilim na gabi, mabubuksan natin ang ating mga ilaw. Sa maginaw na taglamig, dapat nating piliing magsuot ng makakapal na damit. Sa panahon ng karamdaman, maaari tayong humingi ng medikal at espirituwal na tulong. Pinipili natin kung paano tumugon sa mga kalagayang ito.
Ang mag-adjust, matuto, maghangad, at pumili ay puro mga salitang kilos. Tandaan na tayo ang kumikilos at hindi mga bagay na pinakikilos. Huwag nating kalimutan kailanman na ipinangako ni Jesus na “dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga karamdaman ng kanyang mga tao … upang … kanyang [matulungan]” tayo kapag bumaling tayo sa Kanya.6 Maaari nating piliing itayo ang ating saligan sa bato na si Jesucristo upang kapag dumating ang buhawi, “hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa [atin].”7 Ipinangako Niya na “kung sinuman ang lalapit [sa Kanya], siya ay tatanggapin [Niya]; at pinagpala ang mga yaong lumalapit sa [Kanya].”8
Ngayon, may isang karagdagang alituntunin na lalong mahalaga. Sinabi ni Lehi na “talagang kinakailangan na may pagsalungat sa lahat ng bagay.”9 Ibig sabihin ang mga magkasalungat ay hindi nahihiwalay sa isa’t isa. Maaari pa ngang punan ng mga ito ang isa’t isa. Hindi natin matutukoy ang kagalakan kung hindi tayo makararanas ng kalungkutan sa ilang pagkakataon. Ang pagkagutom kung minsan ay tumutulong sa atin na maging mapagpasalamat lalo na kapag nagkaroon tayong muli ng sapat na pagkain. Hindi natin matutukoy ang katotohanan kung hindi rin tayo nakakikita ng mga kasinungalingan.
Ang magkakasalungat na ito ay tulad ng magkabilang panig ng isang barya. Palaging naroon ang magkabilang panig. Si Charles Dickens ay nagbigay ng halimbawa tungkol sa ideyang ito nang isulat niya na “ito ang pinakamasayang panahon, ito rin ang pinakamalungkot na panahon.”10
Magbibigay ako ng halimbawa mula sa sarili nating buhay. Ang pag-aasawa, pagbuo ng pamilya, at pagkakaroon ng mga anak ay nagdulot sa atin ng pinakamasasayang sandali sa ating buhay ngunit pinakamatitinding sandali rin ng sakit, dalamhati, at pighati kapag may nangyari sa sinuman sa atin. Ang walang katapusang kagalakan at kaligayahan kasama ang ating mga anak kung minsan ay sinusundan din ng mga paulit-ulit na panahon ng pagkakasakit, pagpapaospital, at puyat sa gabi na puno ng kapighatian, pati na rin ng kaginhawahan na natatamo sa panalangin at mga basbas ng priesthood. Itinuro sa atin ng iba’t ibang karanasang ito na hindi tayo nag-iisa sa mga sandali ng pagdurusa, at ipinakita rin nito sa atin kung gaano natin makakaya ang mga ito sa tulong ng Panginoon. Ang mga karanasang ito ay nakatulong upang mahubog tayo sa mabubuting paraan, at ang lahat ng ito ay lubos na makabuluhan. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit tayo narito?
Makahahanap din tayo sa mga banal na kasulatan ng ilang magagandang halimbawa:
-
Itinuro ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob na ang mga paghihirap na naranasan niya sa ilang ay tumulong sa kanya na malaman ang kadakilaan ng Diyos at na “ilalaan [ng Diyos] ang [kanyang] mga paghihirap para sa [kanyang] kapakinabangan.”11
-
Sa malupit na pagbilanggo kay Joseph Smith sa Liberty Jail, sinabi sa kanya ng Panginoon na “ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa [kanya] ng karanasan, at para sa [kanyang] ikabubuti.”12
-
Sa huli, ang walang hanggang sakripisyo ni Jesucristo ang tiyak na pinakadakilang halimbawa ng sakit at pagdurusa na nakita, ngunit naghatid din ito ng mga kamangha-manghang pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala sa lahat ng anak ng Diyos.
Kung saan may sikat ng araw, naroon din ang mga anino. Ang baha ay maaaring magdulot ng pagkawasak, ngunit karaniwan ay nagdadala rin ito ng buhay. Ang mga luha ng dalamhati ay kadalasang nagiging luha ng kapanatagan at kaligayahan. Ang kalungkutang nadama sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay ay mapapawi kalaunan ng kagalakan sa muling pagkikita. Sa mga panahon ng digmaan at pagkawasak, maraming mumunting kabaitan at pagmamahal ang nangyayari din para sa mga taong may “mga matang makakakita, at ng mga pandinig na makakarinig.”13
Ang ating mundo ngayon ay kadalasang kilala sa takot at pagkabalisa—takot sa maaaring mangyari sa atin sa hinaharap. Ngunit itinuro sa atin ni Jesus na magtiwala at “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”14
Palagi nating sikapin na makita ang magkabilang panig ng bawat pagsalungat na mararanasan natin sa ating mga buhay. Bagama’t maaaring ang magkabilang panig ay hindi natin kaagad nakikita kung minsan, malalaman at matitiyak natin na palaging nariyan ang mga ito.
Makatitiyak tayo na ang ating mga paghihirap, kalungkutan, pagdurusa, at pasakit ay hindi naglalarawan sa atin; sa halip, ito ang paraan na tutulong sa atin na umunlad at mas mapalapit sa Diyos. Ang ating mga pag-uugali at pagpili ang humuhubog sa atin nang mas mabuti kaysa sa mga hamon sa atin.
Kapag malusog, pahalagahan at pasalamatan ito sa bawat sandali. Kapag may karamdaman, hangarin na matiyagang matuto mula rito at malaman na maaari itong mapagaling ayon sa kalooban ng Diyos. Kapag nalulungkot, magtiwala na ang kaligayahan ay nariyan lamang; madalas na hindi pa lamang natin nakikita ito. Sadyang baguhin ang inyong pokus at isipin ang mga positibong aspeto ng mga hamon, dahil tiyak na palaging nariyan din ang mga ito! Huwag kalimutang magpasalamat. Piliing maniwala. Piliing manampalataya kay Jesucristo. Piliing palaging magtiwala sa Diyos. Piliing “mag-isip nang selestiyal,” tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan!15
Palagi nating isaisip ang kamangha-manghang plano ng Ama sa Langit para sa atin. Mahal Niya tayo at isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak upang tumulong sa ating mga pagsubok at buksan para sa atin ang pintuan upang makabalik sa Kanya. Si Jesucristo ay buhay at nakatayo riyan sa bawat sandali, naghihintay na piliin nating humingi sa Kanya ng tulong, lakas, at kaligtasan. Ang mga bagay na ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.