Liahona
Elder Karl D. Hirst
Mayo 2024


“Elder Karl D. Hirst,” Liahona, Mayo 2024.

Elder Karl D. Hirst

General Authority Seventy

Si Elder Karl D. Hirst ay itinuturing ang kanyang sarili na “isang karaniwang tao na may isang pambihirang tungkulin.”

Medyo karaniwan din ang tingin ng bagong General Authority Seventy sa kanyang patotoo at sa mga pagpapatibay rito. “Walang pagbisita, wala talagang espirituwal na kagila-gilalas—at tumigil na ako sa pag-aalala tungkol diyan dahil masayang-masaya ako sa paraan ng pagpili ng Diyos na mangusap sa akin, kahit piliin Niyang mangusap sa ibang mga tao sa ibang paraan,” sabi ni Elder Hirst. “Hindi ito kagila-gilalas, ngunit sagana ito.”

Ang ama ni Elder Hirst na si Jack ay may isang maliit na tindahan. Nalaman niya ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng mga kostumer at sumapi siya sa Simbahan ilang taon matapos isilang si Karl noong Pebrero 28, 1972, sa Bury, Lancashire, England.

Nagsimula ang patotoo ni Elder Hirst tungkol kay Jesucristo nang malaman niya ang mga kuwento tungkol sa Tagapagligtas at kumanta siya ng mga himno habang dumadalo siya sa Sunday School sa ibang simbahan noong bata pa siya kasama ang kanyang inang si Vivien Ruth Meakin Hirst, at lola.

Kalaunan ay dumalo ang batang si Karl sa mga miting ng mga Banal sa mga Huling Araw at tumanggap ng paanyaya mula sa isang guro sa Primary na magpabinyag, na tinanggap niya sa edad na 10. Sa mahigit limang-dekada ng buhay, napanatili ni Elder Hirst ang kanyang pananampalataya at patotoong tulad sa isang bata.

“Nangusap sa akin ang Diyos sa puso ko sa paraang katulad ng ginawa Niya noong nasa Primary ako at sa paraang katulad ng ginawa Niya noong nasa Sunday School ako,” sabi ni Elder Hirst.

Pinakasalan niya si Claire Elizabeth Wright noong Mayo 29, 1993, sa Burnley, Lancashire. Ibinuklod sila kalaunan sa araw na iyon sa London England Temple.

Si Elder Hirst ay tumanggap ng bachelor of law degree noong 1996 mula sa Lancaster University at master of business administration degree mula sa Alliance Manchester Business School noong 2016. Mula noong 1997, nagtrabaho na siya bilang isang barrister (abogado).

Anim ang anak, nanirahan noon ang mga Hirst sa Bolsover, Chesterfield, England, at naglilingkod bilang mga session director ng For the Strength of Youth nang tawagin siya.

Print