Liahona
Nagpasakop sa Kagalakan Dahil kay Cristo
Mayo 2024


11:35

Nagpasakop sa Kagalakan Dahil kay Cristo

Pinatototohanan ko na naririnig ng ating Ama sa Langit ang inyong luhaang pagsamo at lagi Siyang tutugon nang may sakdal na karunungan.

Mahal namin kayo, Elder Kearon. Puwede ko bang mahiram ang puntong iyan nang 10 minuto?

Kinasasabikang mga Himala

Sa Bagong Tipan nalaman natin ang tungkol kay Bartimeo, isang bulag na sumisigaw kay Jesus na naghahangad ng himala. “Sinabi sa kanya ni Jesus, Humayo ka; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. [At] agad na nagbalik ang kanyang paningin.”1

Sa isa pang okasyon, isang lalaki sa Bethsaida ang umasam na mapagaling. Kaya lang, ang himalang ito ay hindi kaagad dumating. Sa halip, binasbasan siya ni Jesus nang dalawang beses bago “bumalik ang kanyang paningin.”2

Sa isang pangatlong halimbawa, si Apostol Pablo ay “tatlong ulit [na] nanalangin sa Panginoon” sa kanyang pagdurusa,3 subalit, sa pagkakaalam natin, hindi ipinagkaloob ang kanyang tapat na pagsamo.

Tatlong magkakaibang tao. Tatlong iba-ibang karanasan.

Kaya, ang tanong: Bakit agad na natatanggap ng ilan ang mga himalang inaasamikan nila, samantalang ang iba ay matiyagang nagtitiis, naghihintay sa Panginoon?4 Maaaring hindi natin alam ang dahilan, subalit salamat na lang, alam natin na “mahal [Niya tayo]”5 at “ginagawa ang lahat ng bagay para sa [ating] kapakanan at kaligayahan.”6

Mga Banal na Layunin

Tinitiyak ng Diyos, na nakikita ang katapusan sa simula pa lang,7 na “Ang [inyong] kasawian at ang [inyong] mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang,”8 at ilalaan ang mga iyon “para sa [inyong] kapakinabangan.”9

Para tulungan tayong makakita ng higit na kabuluhan sa ating mga pagsubok, itinuro ni Elder Orson F. Whitney: “Walang nasasayang sa dinaranas nating kapaitan o pagsubok. Nakatutulong ito sa ating edukasyon. … Lahat … ng ating [matiyagang] tinitiis … ay nagpapatatag sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating puso, nagpapalawak sa ating kaluluwa, at ginagawa tayo nitong mas sensitibo at mapagkawanggawa. … Sa pamamagitan ng kalungkutan at pighati, pagpapakahirap at pagdurusa natin nakakamit ang edukasyon na siyang pakay ng ating pagparito at gagawin tayo nitong higit na katulad ng ating [mga magulang] sa langit.”10

Nauunawaan na “ang kapangyarihan ni Cristo ay [mananatili] sa [kanya]” sa kanyang mga pagdurusa, sinabi ni Apostol Pablo nang mapagpakumbaba, “Sapagkat kapag ako’y mahina, ako nga’y malakas.”11

Pinatutunayan tayo ng mga pagsubok ng buhay.12 Kahit ang Tagapagligtas ay “natuto ng pagsunod” at ginawang “sakdal … sa pamamagitan ng mga pagdurusa.”13

At isang araw ay mahabagin Niyang ipahahayag, “Masdan, dinalisay kita, pinili kita mula sa hurno ng paghihirap.”14

Ang matutong magtiwala sa mga banal na layunin ng Diyos ay bumubuhay ng pag-asa sa pagod na mga kaluluwa at nagpapaningas sa determinasyon sa mga panahon ng dalamhati at pighati.15

Mga Banal na Pananaw

Ilang taon na ang nakalipas, ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang mahalagang kabatirang ito: “Kapag tinitingnan natin ang lahat ng bagay nang may walang-hanggang pananaw, lubos nitong pagagaanin ang ating pasanin.”16

Sina Holly at Trey Porter.

Nasaksihan namin kamakailan ng asawa kong si Jill ang katotohanang ito sa matapat na buhay nina Holly at Rick Porter, na ang 12-taong-gulang na anak na si Trey ay pumanaw sa isang nakalulunos na sunog. May matitinding paso sa mga kamay at paa na nakuha sa magiting na pagsisikap na masagip ang kanyang mahal na anak, nagpatotoo si Holly kalaunan sa ward sacrament meeting tungkol sa malaking kapayapaan at kagalakang ibinuhos ng Panginoon sa kanyang pamilya sa kanilang pagdadalamhati, gamit ang mga salitang tulad ng mahimala, hindi kapani-paniwala, at nakamamangha.

Nakakapit sa mga kamay na nagpapagaling.

Ang matinding kalungkutan ng mahal na inang ito ay napalitan ng higit na kapayapaan sa ideyang ito: “Ang aking mga kamay ay hindi ang mga kamay na nagliligtas. Ang mga kamay na iyon ay sa Tagapagligtas! Sa halip na magsilbing paalala ang mga peklat ko sa mga bagay na hindi ko nagawa, naaalala ko ang mga peklat na natamo ng aking Tagapagligtas.”

Isinasakatuparan ng patotoo ni Holly ang pangako ng ating propeta: “Habang nag-iisip kayo nang selestiyal, makikita ninyo ang mga pagsubok at oposisyon nang may bagong pananaw.”17

Sabi ni Elder D. Todd Christofferson: “Naniniwala ako na ang hamon ng pagdaig at paglago mula sa mga pagsubok ay naging kalugud-lugod sa atin nang ilahad ng Diyos sa premortal na daigdig ang Kanyang plano ng pagtubos. Dapat nating harapin ang hamong iyan ngayon na nababatid na tutulungan tayo ng ating Ama sa Langit. Ngunit mahalagang bumaling tayo sa Kanya. Kung wala ang Diyos, ang madidilim na karanasang ito ay mauuwi sa pagiging desperado, kawalan ng pag-asa, at maging sa kapaitan.”18

Mga Banal na Alituntunin

Upang maiwasan ang kadiliman ng kawalang-kasiyahan at sa halip ay makasumpong ng higit na kapayapaan, pag-asa, at maging ng kagalakan sa gitna ng mahihirap na hamon ng buhay, ibinabahagi ko ang tatlong banal na alituntunin bilang mga paanyaya.

Una—mas lumalakas ang pananampalataya sa pag-uuna kay Jesucristo.19 “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip,” pahayag Niya; “huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”20 Itinuro ni Pangulong Nelson:

“Ang [ating] buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa [ating] pananampalataya [kay Cristo] at sa Kanyang Pagbabayad-sala.”21

“Habang tinitiis ko ang matinding sakit na dulot ng aking pinsala kamakailan, nakadama ako ng mas malalim na pagpapahalaga kay Jesucristo at sa di-maunawaang kaloob ng Kanyang Pagbabayad-sala. Isipin ninyo ito! Dumanas ang Tagapagligtas ng ‘mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso’ upang tayo ay Kanyang mapanatag, mapagaling, [at] masagip sa oras ng mga pangangailangan.”22

Sabi pa niya: “Dahil sa aking pinsala, paulit-ulit kong pinagnilayan ang ‘kadakilaan ng Banal ng Israel.’ Sa aking pagpapagaling, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang banal na kapangyarihan sa mapayapa at di-mapag-aalinlanganang mga paraan.”23

“Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob,” paghihikayat ng ating Tagapagligtas, “dinaig ko na ang sanlibutan.”24

Pangalawa—mas sumisigla ang pag-asa sa pamamagitan ng pagsasaisip sa ating walang-hanggang tadhana.25 Patungkol sa kapangyarihang likas sa patuloy na “mithiing kamtin ang mga kahanga-hangang biyaya na ipinangako ng ating Ama … [na] dapat nating pagtuunan ng pansin araw-araw,” nagpatotoo si Sister Linda Reeves: “Hindi ko alam kung bakit marami tayong pagsubok, ngunit para sa akin ang gantimpala ay napakalaki, … sobrang masaya at higit pa sa ating pang-unawa, kaya sa araw na iyon ng gantimpala, maaari nating sabihin sa ating maawain at mapagmahal na Ama na, ‘Iyon na po ba ang lahat ng kailangan naming gawin?’ … Malaking bagay ba … kung magdusa man tayo rito, kung sa bandang huli ay ang mga pagsubok na iyon ang … kailangan natin para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan … sa kaharian ng Diyos?”26

Ibinahagi ni Pangulong Nelson ang kabatirang ito: “Isipin ang tugon ng Panginoon kay Joseph Smith nang humiling ito ng tulong sa Piitan ng Liberty. Itinuro ng Panginoon sa Propeta na ang hindi makataong pagtrato sa kanya ay magbibigay sa kanya ng karanasan at para sa kanyang ikabubuti. ‘Kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti,’ pangako ng Panginoon, ‘ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.’ Itinuro ng Panginoon kay Joseph na isipin ang selestiyal at isipin ang walang-hanggang gantimpala sa halip na magtuon sa napakatinding paghihirap na nararanasan sa oras na iyon.”27

Ang pagbabago ng pananaw ni Joseph ay nagdulot sa kanya ng mas malalim na pagpapabanal, tulad ng makikita sa liham na ito sa isang kaibigan: “Matapos mabilanggo sa loob ng mga pader ng piitan nang limang buwan, sa wari ko’y magiging mas maunawain ang puso ko sa tuwina pagkatapos nito kaysa noon. … Sa palagay ko ay hindi ko madarama ang nadarama ko ngayon kung hindi ko naranasang mapagmalupitan.”28

Pangatlo—mas lumalawak ang kakayahan sa pamamagitan ng pagtutuon sa kagalakan.29 Sa pinakamahalaga at pinakamasakit na mga sandali ng kawalang-hanggan, ang ating Tagapagligtas ay hindi tumanggi, sa halip ay ininom ang mapait na saro.30 Paano Niya ginawa iyon? Natutuhan natin, “Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis [ni Cristo] ang krus,”31 ang Kanyang kalooban ay “[nagpasakop] sa kalooban ng Ama.”32

Si Cristo sa Getsemani.

Itong katagang “nagpasakop” ay lubhang nakakaantig sa akin. Tumindi ang interes ko rito nang malaman ko na sa Spanish, isinasalin ang salitang “nagpasakop” bilang “nalulon”; sa German, bilang “nalamon”; at sa Chinese, bilang “nabalutan.” Sa gayon, kapag napakasakit at napakahirap ng mga hamon sa buhay, naaalala ko ang pangako ng Panginoon—na “hindi [tayo] magdanas ng ano mang uri ng paghihirap, maliban sa [magpasakop] [malulon, malamon, at mabalutan] sa kagalakan dahil kay Cristo.”33

Nakikita ko sa marami sa inyo ang kagalakang ito, na “hindi [maabot] ng isipan ng tao,”34 kahit hindi pa naaalis ang inyong mapapait na saro. Salamat sa pagtupad ninyo sa inyong mga tipan at pagsaksi para sa Diyos.35 Salamat sa tulong ninyo upang mapagpala kaming lahat, samantalang “may lumbay na ’di makita, nakakubli sa puso.”36 Dahil kapag naghatid kayo ng pagpapaginhawa ng Tagapagligtas sa iba, masusumpungan ninyo ito para sa inyong sarili, pagtuturo ni Pangulong Camille N. Johnson.37

Mga Banal na Pangako

Ngayon, samahan ninyo akong bumalik sa sacrament meeting kung saan namin nasaksihan ang himala sa pamilya ni Holly Porter na tinulungan ng Panginoon.38 Sa pulpito habang pinagninilayan ko kung ano ang sasabihin para mapanatag ang kahanga-hangang pamilyang ito at ang kanilang mga kaibigan, pumasok ito sa aking isipan: “Gamitin ang mga salita ng Tagapagligtas.”39 Kaya, magtatapos ako ngayon tulad ng ginawa ko noong Sabbath na iyon, gamit ang Kanyang mga salita, “na humihilom sa sugatang kaluluwa.”40

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.”41

“Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; … upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.”42

“Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo.”43

Ang Aking Patotoo

May masayang pagpipitagan, pinatototohanan ko na ang ating Tagapagligtas ay buhay at “ang Kanyang mga pangako ay matutupad.”44 Lalo na sa inyo na mga nababagabag o “nahihirapan sa anumang dahilan,”45 pinatototohanan ko na naririnig ng ating Ama sa Langit ang inyong mga luhaang pagsamo46 at laging tutugon nang may sakdal na karunungan.47 “Nawa’y ipagkaloob sa inyo ng Diyos,” tulad ng nagawa Niya para sa aming pamilya sa mga oras ng malaking pangangailangan, “na ang inyong mga pasanin ay gumaan,”48 at “[magpasakop pa] sa kagalakan dahil kay Cristo.”49 Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.