Liahona
Bunga na Nananatili
Mayo 2024


11:39

Bunga na Nananatili

Ang pagbubuklod ng Espiritu Santo sa ating mga ordenansa ay mahalaga kung nais nating matanggap ang mga ipinangakong pagpapala para sa buong kawalang-hanggan.

Noong bata pa ako, gustung-gusto ko ng mga sariwa at hinog na peach. Hanggang sa araw na ito, kapag naiisip ko ang pagkagat sa makatas na hinog na peach na maasim-asim pa, natatakam ako. Kapag pinipitas ang mga peach nang hinog na hinog na, tumatagal ang mga ito nang dalawa hanggang apat na araw bago mabulok. Masaya ang mga alaala ko na magkakasama kami ng aking ina at mga kapatid sa aming kusina habang nagpipreserba kami sa mga botelya ng mga inaning peach para sa darating na taglamig. Kung tama ang pagpreserba namin sa mga peach, tatagal ang masarap na prutas na ito nang ilang taon, hindi lamang dalawa hanggang apat na araw. Kung naihanda at nainit nang tama, ang prutas ay napipreserba hangga’t hindi nabubuksan ang pinaglagyan nito.

Inatasan tayo ni Cristo na “humayo at magbunga, … [upang] ang mga bunga ninyo’y mananatili.”1 Ngunit hindi tungkol sa mga peach ang sinasabi Niya. Ang mga pagpapala ng Diyos sa Kanyang mga anak ang tinutukoy Niya. Kung tayo ay gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos, ang mga pagpapalang nauugnay sa ating mga tipan ay maaaring lumampas pa sa buhay na ito at maibubuklod sa atin, o mapangangalagaan, magpakailanman, at nagiging bunga na nananatili sa kawalang-hanggan.

Ang Espiritu Santo, sa Kanyang banal na tungkulin bilang Banal na Espiritu ng Pangako, ay ibubuklod ang bawat ordenansa sa matatapat sa kanilang mga tipan upang magkabisa ang mga ito pagkatapos ng mortalidad.2 Ang pagbubuklod ng Espiritu Santo sa ating mga ordenansa ay mahalaga kung nais nating matanggap ang mga ipinangakong pagpapala para sa buong kawalang-hanggan, at maging bunga na nananatili.

Napakahalaga nito lalo na kung nais nating tayo ay madakila.3 Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Dapat tayong magsimula na isinasaisip ang mithiin. … Tiyak na para sa bawat isa sa atin, ang ‘mithiin’ na nais nating makamit ay ang mabuhay magpakailanman kasama ang ating mga pamilya sa isang mataas na kalagayan kung saan tayo ay nasa piling ng Diyos, ng ating Ama sa Langit, at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.”4 Sinabi rin ni Pangulong Nelson: “Ang selestiyal na kasal ay mahalagang bahagi ng paghahanda para sa buhay na walang hanggan. Kailangang maikasal ang isang tao sa tamang kabiyak, sa tamang lugar, ng tamang awtoridad, at sundin ang sagradong tipang iyon nang buong katapatan. Sa gayon ay matitiyak ang kadakilaan ng isang tao sa selestiyal na kaharian ng Diyos.”5

Ano ang mga pagpapalang dulot ng kadakilaan? Kabilang dito ang paninirahan sa piling ng Diyos sa kawalang-hanggan nang magkasama bilang mag-asawa, nagmamana ng “mga trono, kaharian, pamunuan, at mga kapangyarihan, … at pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan,”6 tumatanggap ng lahat ng mayroon ang Diyos Ama.7

Inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith:

“Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas;

“At upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal];

“At kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo.

“Maaari siyang pumasok sa iba, subalit iyon na ang katapusan ng kanyang kaharian; hindi siya magkakaroon ng pag-unlad.”8

Nalaman natin dito na ang isang tao ay maaaring maparoon sa kahariang selestiyal, o manahanan sa piling ng Diyos, kahit walang asawa. Ngunit para madakila sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, ang isang tao ay kailangang pumasok sa kasal sa pamamagitan ng wastong awtoridad at pagkatapos ay maging tapat sa mga tipang ginawa sa kasal na iyon. Kapag tapat tayo sa mga tipang ito, mabubuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ang ating tipan sa kasal.9 Ang gayong mga nabuklod na pagpapala ay nagiging bunga na nananatili.

Ano ang kailangan para tapat na matupad ang bago at walang hanggang tipan ng kasal?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na may dalawang uri ng ugnayan kapag pumasok tayo sa walang hanggang tipang ito ng kasal: lateral na ugnayan sa pagitan ng mag-asawa, at bertikal na ugnayan sa Diyos.10 Upang ang mga pagpapala ng kadakilaan ay mabuklod sa atin at manatili pagkatapos ng buhay na ito, dapat tayong maging tapat kapwa sa lateral at bertikal na ugnayan ng tipan.

Upang mapanatili ang lateral na ugnayan sa inyong asawa, ipinayo sa atin ng Diyos na “mahalin ang [inyong] asawa nang buo ninyong puso, at … pumisan sa kanya at wala nang iba.”11 Para sa mga ikinasal, ang pumisan sa kanya at wala nang iba pa ay nangangahulugang nag-uusap kayo nang may pagmamahal, minamahal at inaalagaan ninyo ang isa’t isa, inuuna ninyo ang oras na makasama ang inyong asawa kaysa sa panlabas na mga interes, at sumasamo kayo sa Diyos na tulungan kayong madaig ang inyong mga kahinaan.12 Ibig sabihin din nito na walang anumang uri ng emosyonal o seksuwal na relasyon sa hindi ninyo asawa, kabilang na ang pang-aakit o pakikipagdeyt, at walang pornograpiya, na nagpapasidhi ng pagnanasa.13

Upang mapanatili ang lateral na ugnayan sa tipan, kailangang hangarin ng bawat magkapartner na magpakasal. Itinuro kamakailan ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Alam din natin na hindi … pipilitin [ng Diyos] ang sinuman na mabuklod nang labag sa kalooban nito. Ang mga pagpapala sa ugnayang nabuklod ay tiyak sa lahat ng tumutupad sa kanilang mga tipan pero hindi kailanman sa napilitang mabuklod sa isang tao na hindi karapat-dapat o ayaw nito.”14

Ano ang bertikal na ugnayan na tinukoy ni Pangulong Nelson? Ang bertikal na ugnayan ay ang pakikipag-ugnayan natin sa Diyos.

Upang mapanatili ang bertikal na ugnayan sa Diyos, tayo ay dapat na tapat sa mga tipan sa templo na ginawa natin tungkol sa mga batas ng pagsunod, sakripisyo, ebanghelyo, kalinisang-puri, at paglalaan. Nakikipagtipan din tayo sa Diyos na tatanggapin at uunawain ang ating makakasama sa kawalang-hanggan at magiging mabuting asawa at magulang. Kapag pinananatili natin ang bertikal na ugnayan, nagiging karapat-dapat tayo sa mga pagpapala ng pagiging bahagi ng pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng tipang Abraham, kabilang na ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng mga inapo, ebanghelyo, at priesthood.15 Ang mga pagpapalang ito ay bunga rin na nananatili.

Bagama’t umaasa tayo na lahat ng pumapasok sa bago at walang hanggang tipan ay mananatiling tapat at ang mga pagpapala ay maibubuklod sa kanila sa buong kawalang-hanggan, kung minsan ang huwarang iyon ay tila hindi natin kayang gawin. Sa buong paglilingkod ko, nakakilala ako ng mga miyembro na gumagawa at tumutupad ng mga tipan, samantalang ang kanilang asawa ay hindi. Mayroon ding mga walang asawa, na hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa sa buhay na ito. At may mga hindi tapat sa kanilang mga tipan sa kasal. Ano ang mangyayari sa mga indibiduwal sa bawat sitwasyong ito?

  1. Kung mananatili kayong tapat sa mga tipang ginawa ninyo noong kayo ay tumanggap ng endowment, matatanggap ninyo ang mga personal na pagpapalang ipinangako sa inyo sa endowment kahit ang inyong asawa ay hindi tumupad sa kanyang mga tipan o kumalas na sa bigkis ng kasal. Kung kayo ay ibinuklod at nag-diborsyo kalaunan, at kung hindi nakansela ang inyong pagbubuklod, ang personal na mga pagpapala ng pagbubuklod na iyon ay mananatiling may bisa sa inyo kung mananatili kayong tapat.16

    Kung minsan, dahil sa damdaming dulot ng pagtataksil at matinding pasakit, maaaring nais nang kanselahin ng isang matapat na asawa ang pagkakabuklod niya sa hindi tapat na asawa upang mawalay na nang lubos sa kanya, kapwa sa lupa at sa kawalang-hanggan. Kung nag-aalala kayo na nakatali pa rin kayo sa isang dating asawa na hindi nagsisisi, tandaan, hindi na kayo nakatali! Hindi nanaisin ng Diyos na manatili ang sinuman sa isang ugnayang nabuklod sa buong kawalang-hanggan nang labag sa kanyang kalooban. Titiyakin ng Ama sa Langit na matatanggap natin ang lahat ng pagpapalang batay sa ating mga hangarin at pagpili.17

    Gayunman, kung nais kanselahin ang pagbubuklod, nirerespeto ang kalayaang magpasiya. Maaaring sundin ang ilang pamamaraan. Pero hindi ito dapat gawin nang kaswal! Hawak ng Unang Panguluhan ang mga susi para magbuklod sa lupa at sa langit. Kapag naaprubahan na ng Unang Panguluhan ang kanselasyon ng pagbubuklod, ang mga pagpapalang nauugnay sa pagbubuklod na iyon ay wala nang bisa; kanselado ang mga ito kapwa sa lateral at bertikal na paraan. Mahalagang maunawaan na upang matanggap ang mga pagpapala ng kadakilaan, kailangan nating ipakita na handa tayong pumasok at tapat na tumupad sa bago at walang hanggang tipang ito, sa buhay man na ito o sa kabilang-buhay.

  2. Para sa mga walang asawang miyembro ng Simbahan, tandaan sana ninyo na “sa paraan at panahon ng Panginoon, walang mga pagpapalang ipagkakait sa Kanyang matatapat na Banal. Ang Panginoon ang hahatol at magbibigay ng gantimpala sa bawat tao batay sa taos na [mga hangarin] ng puso at gawa.”18

  3. Kung hindi kayo nanatiling tapat sa mga tipan sa templo, may pag-asa pa ba? Oo! Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pag-asa. Ang pag-asang iyan ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo kalakip ang taos-pusong pagsisisi at pagsunod sa mga turo ni Cristo. Nakakita na ako ng mga taong nakagawa ng mabibigat na pagkakamali at nilalabag ang mga sagradong tipan. Karaniwan din akong nakakakita ng mga taong taos-pusong nagsisisi, napapatawad, at bumabalik sa landas ng tipan. Kung nalabag ninyo ang inyong mga tipan sa templo, hinihimok ko kayong bumaling kay Jesucristo, sumangguni sa inyong bishop, magsisi at buksan ang inyong kaluluwa sa malakas na kapangyarihang magpagaling na makakamtan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga kapatid, binigyan tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ng mga tipan upang matamo natin ang lahat ng inilalaan Niya para sa atin. Ang mga sagradong pagpapalang ito na mula sa Diyos ay mas masarap kaysa anumang bunga sa mundo. Maaaring mapreserba ang mga ito para sa atin magpakailanman, nagiging bunga na nananatili, kapag tayo ay tapat sa ating mga tipan.

Pinatototohanan ko na ipinanumbalik ng Diyos ang awtoridad na magbuklod sa lupa at sa langit. Ang awtoridad na iyan ay matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay hawak ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa at ginagamit sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Russell M. Nelson. Ang mga pumapasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal at tumutupad sa tipang iyon ng kasal ay maaaring maging sakdal at kalaunan ay tumanggap ng kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama, anuman ang mga kalagayang hindi nila kayang kontrolin.19

Ang mga ipinangakong pagpapalang ito na tumutukoy sa ating mga tipan ay maibubuklod sa atin ng Banal na Espiritu ng Pangako at magiging bunga na nananatili magpakailanman at sa walang hanggan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Juan 15:16.

  2. Tingnan sa Dale G. Renlund, “Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2023, 35–38; Doktrina at mga Tipan 132:7.

  3. Ang ordenansa ay nabubuklod kapag ito ay ginawang may bisa kapwa sa langit at sa lupa dahil isinasagawa ito ng isang taong may awtoridad at pinagtitibay ng Espiritu Santo.

    “Maaaring iniisip natin na ang kapangyarihang magbuklod ay may kaugnayan lamang sa ilang partikular na ordenansa sa templo, ngunit ang awtoridad na iyon ay kailangan upang magkaroon ng bisa ang anumang ordenansa nang lampas pa sa kamatayan. Ang kapangyarihang magbuklod ay naglalagay ng selyo ng pagkalehitimo sa inyong binyag, halimbawa, kaya kinikilala iyon dito at sa langit. Sa huli, lahat ng mga ordenansa ng priesthood ay ginagawa sa ilalim ng mga susi ng Pangulo ng Simbahan, at tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, ‘Binigyan [tayo ng Pangulo ng Simbahan] ng awtoridad, inilagay niya sa ating priesthood ang kapangyarihang magbuklod dahil hawak niya ang mga susing iyon’ [sinipi ni Harold B. Lee, sa Conference Report, Okt. 1944, 75]” (D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihang Magbuklod,” Liahona, Nob. 2023, 20).

    “Ang isang gawain na ibinubuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ay isang bagay na pinagtitibay ng Espiritu Santo; ito ay isang bagay na sinang-ayunan ng Panginoon. … Walang sinuman ang maaaring magsinungaling sa Espiritu Santo at makaiwas dito nang hindi natutuklasan. … Ang mga alituntuning ito ay angkop din sa lahat ng iba pang ordenansa at pagsasagawa sa Simbahan. Samakatwid kung ang dalawang partido [sa kasal] ay ‘matwid at tapat’ [Doktrina at mga Tipan 76:53], kung sila ay karapat-dapat, isang selyo ng pagpapatibay ang inilalagay sa kanilang kasal sa templo; kung sila ay hindi marapat, ang mga ito ay hindi mabibigyang-katwiran sa pamamagitan ng Espiritu at ang pagpapatibay ng Espiritu Santo ay ipinagkakait. Ang sumunod na pagkamarapat ay magbibigay-bisa sa pagbubuklod at ang di-pagiging matwid ang sisira sa anumang pagbubuklod” (Bruce R. McConkie, “Holy Spirit of Promise,” sa Preparing for an Eternal Marriage Student Manual sa [2003], 136).

    Ang Banal na Espiritu ng Pangako ay ang Espiritu Santo na naglalagay ng tatak ng pagsang-ayon sa bawat ordenansa: binyag, kumpirmasyon, ordenasyon, kasal. Ang pangako ay na matatanggap ang mga pagpapala sa pamamagitan ng katapatan. Kung susuwayin ng isang tao ang isang tipan, sa binyag man, ordinasyon, kasal o anupaman, babawiin ng Espiritu ang tatak ng pagsang-ayon, at hindi matatanggap ang mga pagpapala. Bawat ordenansa ay ibinuklod sa isang pangako ng gantimpala batay sa katapatan. Inaalis ng Banal na Espiritu ang tatak ng pagsang-ayon kapag hindi natutupad ang mga tipan” (Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1954], 1:45).

  4. Russell M. Nelson, Heart of the Matter: What 100 Years of Living Have Taught Me (2023), 15. Lahat ng tipan ay kailangang mabuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako upang magkaroon ng bisa ang mga ito pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:7).

  5. Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Liahona, Nob. 2008, 94.

  6. Doktrina at mga Tipan 132:19.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:38.

  8. Doktrina at mga Tipan 131:1–4.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19–20. “Ang pinakamataas na destinasyong iyan—kadakilaan sa kahariang selestiyal—ang pinagtutuunan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (Dallin H. Oaks, “Mga Kaharian ng KaluwalhatianLiahona, Nob. 2023, 26).

  10. “Ang pagkakaroon ng mga mag-asawa at pamilya ng natatanging lateral na ugnayan [na] lumilikha ng espesyal na pagmamahal ay nangyayari din sa bagong ugnayang nabubuo kapag ibinibigkis natin ang ating sarili sa pamamagitan ng tipan nang bertikal sa … Diyos” kapag pumapasok tayo sa bago at walang hanggang tipan ng kasal” (Russell M. Nelson, Heart of the Matter, 41–42).

  11. Doktrina at mga Tipan 42:22; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.16. Sa pagtalakay rito tungkol sa kasal, tinutukoy ko ang kasal ayon sa batas ng Diyos, na naglalarawan sa kasal bilang legal at naaayon sa batas na pagsasama ng isang lalaki at isang babae (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library).

  12. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:22–24.

  14. Dallin H. Oaks, “Mga Kaharian ng Kaluwalhatian,” 29; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 86:8–11; 113:8; Abraham 2:9–11.

  16. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 38.4.1.

    Noong full-time missionary ako sa Switzerland, ibinahagi namin ng kompanyon ko ang ebanghelyo sa mabait na 60-taong-gulang na mag-asawang Swiss. Nang ituro namin sa mag-asawang ito ang tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, nagpakita ng malaking interes ang babae sa itinuturo namin. Nang sumunod na ilang linggo, nagkaroon siya ng patotoo sa katotohanan na ang Simbahan ni Jesucristo ay ipinanumbalik, nang may tamang awtoridad mula sa Diyos at pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at apostol. Inasam naming ituro sa mag-asawang ito ang tungkol sa isa sa mga pinakadakilang doktrina ng Pagpapanumbalik, ang pagkakataon para sa kasal na walang hanggan. Gayunman, nakakagulat na nang ituro namin sa mag-asawang ito ang tungkol sa doktrina ng walang hanggang kasal, sinabi ng babaeng Swiss na wala siyang interes na makasama ang kanyang asawa sa buong kawalang-hanggan. Para sa kanya, hindi itinakda ng langit na makasama niya ang kanyang asawa na 36 na taon na niyang kasama. Nabinyagan ang sister na ito, pero ang kanyang asawa ay hindi. Hindi sila kailanman nabuklod sa templo.

    Gayunman, sa marami, ang langit ay hindi magiging langit nang hindi kasama ang taong pinakasalan nila. Ang makasama ang asawang minamahal ninyo, magpakailanman ay tunay na parang langit. Tulad ng ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa kanyang minamahal at pinakamamahal na asawang si Pat, hindi magiging langit ang langit kung wala siya (tingnan sa “Scott Taylor: For Elder Holland, Heaven without His Wife and Children ‘Wouldn’t Be Heaven for Me,’” Church News, Hulyo 22, 2023, thechurchnews.com).

  17. Dallin H. Oaks, “Mga Kaharian ng Kaluwalhatian,” 26.

  18. Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” 94.

  19. Tingnan sa Juan 15:16.