Liahona
Mga Templo, mga Bahay ng Panginoon na Itinatayo sa Buong Mundo
Mayo 2024


13:56

Mga Templo, mga Bahay ng Panginoon na Itinatayo sa Buong Mundo

Kapag karapat-dapat at mapanalangin kayong pumunta sa Kanyang banal na bahay, pagkakalooban kayo ng Kanyang kapangyarihan.

Nagustuhan ba ninyo ang magagandang titik na kinanta natin? “Itataguyod at lakas ay iaalay, … kamay ko ang s’yang sa inyo’y maggagabay.”1 Pinalalakas ng Panginooon ang Kanyang mga Banal, anuman ang edad nila, kapag pumunta sila sa Kanyang banal na bahay. Mula sa Kinshasa hanggang sa Zollikofen hanggang sa Fukuoka hanggang sa Oakland, pinupuno ng mga kabataan, sa kanilang sariling pagkukusa, ang mga bautismuhan ng mga templo. Dati, karamihan sa mga ordinance worker ay namumuti na ang buhok—pero hindi na ngayon. Ang mga tinawag na missionary, service missionary, at returned missionary ay naglilingkod sa maraming bahagi ng templo. May lumalaganap na diwa sa buong mundo na naghihikayat sa atin na magpunta sa bahay ng Panginoon.

Mga isang taon na ang nakalipas, isang kaibigan ng aming pamilya, edad 95, na nakatira sa silangang bahagi ng Estados Unidos, na tinuruan ng mga missionary sa loob ng 70 taon, ang nagsabi sa kanyang anak na babae, “Gusto kong sumama sa iyo sa templo.”

Sabi ng kanyang anak, “Kung gayon, Inay, kailangan mo munang mabinyagan.”

Binyag ng isang matandang babae.

“Sige,” sagot nito, “gusto ko nang mabinyagan.” Nabinyagan nga siya. Makalipas ang ilang araw, mapitagan siyang pumasok sa bautismuhan ng templo. At mahigit isang buwan pa lamang ang nakalipas, natanggap niya ang kanyang sariling endowment at pagbubuklod. “Lumalaganap ang dunong at lakas ng Diyos; ang tabing sa mundo’y nahahawing unti-unti.”2

Matandang babae sa labas ng templo.

Naiisip ba ninyo kung bakit inuutos ng Panginoon sa Kanyang propeta ngayon na magtayo sa iba’t ibang panig ng mundo ng Kanyang mga banal na templo?3 Bakit Niya ibinigay, sa partikular na panahong ito, ang kinakailangang kasaganaan sa Kanyang mga pinagtipanang tao na sa pamamagitan ng kanilang mga banal na ikapu ay makapagtatayo ng daan-daang bahay ng Panginoon?

Ngayong umaga, nagpakita si Pangulong Dallin H. Oaks ng larawan ng mga templong itinatayo sa buong mundo. Kamakailan lamang ay bumisita kami ni Kathy sa Pilipinas. Isipin ang himalang ito: Ang Manila Temple ay inilaan noong 1984. 26 na taon ang lumipas bago maitayo ang pangalawang templo, sa Cebu City, noong 2010. Ngayon, makalipas ang 14 na taon, 11 templo ang itinatayo, dinidisenyo, o inihahanda para sa paglalaan. Mula sa hilaga patungong timog: Laoag, Tuguegarao, Santiago, Urdaneta, Alabang, Naga, Tacloban City, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro, at Davao. Nakamamanghang makita ang kagila-gilalas na gawain ng Diyos!

Mga templo sa Pilipinas.

Sa buong mundo, mas lumalapit na sa atin ang mga bahay ng Panginoon. Bakit sa ating panahon?

Ang mga Huling Araw

Nagbabala ang Panginoon na sa mga huling araw, ang mga bansa ay maglalaban-laban,4 ang mga tao ay “magiging maibigin sa kanilang sarili,”5 ang “lahat ng bagay ay magkakagulo,”6 lalaganap ang pagkalito,7 at “ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay.”8 Nakita na nga natin na nagsisipanlupaypay ang puso ng mga tao: ang mga tukso ng mundo, ang panggagambala ng mga nang-aakit na tinig, ang pagpapabaya sa espirituwal na kalusugan, ang pagkapagod mula sa mga hinihiling ng pagkadisipulo.9 Marahil ay nalungkot kayo nang makita ninyo ang isang taong minamahal ninyo, na noon ay taos-pusong nangusap tungkol sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo, nagpatotoo sa Aklat ni Mormon, at sabik na tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, na biglang lumayo, sa ngayon, mula sa kanyang mga paniniwala at naging hindi aktibo sa Simbahan. Ang payo ko sa inyo ay huwag panghinaan ng loob! Maaayos ang lahat. Dahil walang imposible sa Diyos.10

Kaugnay ng ipinropesiyang kaguluhan at kawalan ng paniniwala na ito sa mundo, ang Panginoon ay nangako na magkakaroon ng mga pinagtipanang tao, mga taong nasasabik sa Kanyang muling pagparito, mga taong tumatayo sa mga banal na lugar at hindi natitinag.11 Nangusap Siya tungkol sa matwid na mga tao na nilalabanan ang mga panlilinlang ng kaaway, pinatatatag ang kanilang pananampalataya, nag-iisip nang selestiyal, at lubos na nagtitiwala sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Bakit inilalapit ng Panginoon sa atin ngayon ang daan-daan sa Kanyang mga templo? Ang isang dahilan ay sa gitna ng mga kaguluhan at tukso ng mundo, Siya ay nangako na palalakasin at pagpapalain Niya ang Kanyang mga pinagtipanang Banal, at ang Kanyang mga pangako ay natutupad!

Mga Pangako mula sa Kirtland Temple

Paano tayo pinalalakas, pinapanatag, at pinoprotektahan ng mga banal na bahay na ito? Makahahanap tayo ng sagot sa mga pagsamo ni Propetang Joseph Smith sa paglalaan ng Kirtland Temple. Sa templong ito kinanta ng mga Banal ang, “Tayo’y aawit, sisigaw sampu ng hukbo ng langit.”12 Nagpakita mismo ang Tagapagligtas, at nagbalik ang mga sinaunang propeta, iginagawad ang mga karagdagang susi ng priesthood para sa ipinanumbalik na ebanghelyo.13

Sa banal na okasyong iyon sa Kirtland Temple, nanalangin ang Propeta na sa banal na bahay ng Panginoon, ang mga Banal ay pagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos, na mapasakanila ang pangalan ni Jesucristo, na mapangalagaan sila ng Kanyang mga anghel, at na sila ay umunlad sa Panginoon at “makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo.”14 Ang mga makapangyarihang pagsamong ito ay matutupad sa ating buhay kapag matapat tayong sumamba sa bahay ng Panginoon.

Pagkalooban ng Kapangyarihan

Sa Kanyang bahay, tayo ay literal na pagkakalooban ng kapangyarihan ng langit.15 Ang ating pananampalataya kay Jesucristo at ang ating pagmamahal sa Kanya ay pagtitibayin at palalakasin. Espirituwal na pagtitibayin sa atin ang ating tunay na pagkakakilanlan at ang mga layunin ng buhay.16 Kapag tayo ay nanatiling matapat, pinagpapala tayo ng proteksyon mula sa mga tukso at panggagambala. Nadarama natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas habang tinutulungan Niya tayo sa ating mga paghihirap at kalungkutan. Pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan ng Diyos.

Mapasaatin ang Kanyang Pangalan

Sa Kanyang banal na bahay, mas lubos nating tinataglay ang Kanyang pangalan sa ating sarili. Kapag tayo ay bininyagan, ipinapahayag natin ang ating paniniwala sa Kanya at ang kahandaan nating sundin ang Kanyang mga kautusan. Sa loob ng templo, banal tayong nangangako, sa pamamagitan ng ating mga tipan, na susundin natin Siya magpakailanman.

Pagre-render sa Heber Valley Utah Temple.

Nakamamangha ang mga kabataan ng Simbahang ito. Sa mundong puno ng hamon, tinataglay nila ang pangalan ni Cristo sa kanilang sarili. Sa Heber City, Utah, nagdaos ng isang pampublikong pagpupulong para pag-usapan ang mga detalye ng plano sa pagtatayo ng templo. Tatlong daang kabataan ang nagtipon sa katabing parke para ipakita ang kanilang pagsuporta sa ipinanukalang templo. Isang kabataang lalaki, na nangungusap sa mga pinuno ng pamahalaan sa pulong na iyon, ang buong tapang na nagsabing, “Umaasa akong maikasal sa templong ito. [Matutulungan ako ng templo] na mapanatiling malinis at dalisay ang aking sarili.” Isa pang kabataan ang naglarawan sa templo bilang simbolo ng liwanag at pag-asa. Tinatanggap ng mga kabataang lalaki at babae ng Simbahan sa buong mundo ang pangalan ni Jesucristo.17

Mga kabataang pinupuno ang isang parke sa Heber City.

Kasama Natin ang mga Anghel

Sa Kirtland Temple, nanalangin si Propetang Joseph na “[ang] mga anghel ay mangalaga sa [Kanyang mga Banal].”18 Ang regular na pagsasagawa ng mga ordenansa para sa ating mga ninuno sa templo ay naghahatid ng matamis at tiyak na kumpirmasyon na magpapatuloy ang buhay pagkatapos ng kamatayan.

Bagama’t ang marami sa ating mga karanasan sa bahay ng Panginoon ay masyadong sagrado para ibahagi sa ibang tao, maaari nating ibahagi ang ilan. Apatnapung taon na ang nakalipas, habang naninirahan sa Florida, kami ni Kathy ay nagpunta sa templo sa Atlanta, Georgia. Noong Miyerkules ng gabi, ika-9 ng Mayo 1984, nang patapos na kami sa sesyon sa templo, nilapitan ako ng isang ordinance worker at tinanong niya kung mayroon pa akong oras para magsagawa ng panimulang ordenansa ng initiatory para lamang sa isang tao. Kakaiba ang pangalan ng taong kinatawan ko. Ang pangalan niya ay Eleazer Cercy.

Kinabukasan, napuno ang templo ng mga Banal. Habang naghahanda akong isagawa ang pangalawa kong endowment para sa araw na iyon, ibinigay sa akin ang pangalan ng taong kakatawanin ko. Nakakagulat na ang pangalan ay pareho sa indibiduwal na kinatawan ko noong nakaraang gabi, si Eleazer Cercy. Nadama ko ang Espiritu ng Panginoon nang matapos ang endowment. Kalaunan nang hapong iyon, habang nasa templo pa, nakita ni Kathy ang isang matandang kaibigan ng aming pamilya na si Sister Dolly Fernandez, na ngayon ay nakatira na sa Atlanta. Dahil wala siyang kasamang lalaking kapamilya, tinanong niya kung maaari ba akong tumulong sa pagbubuklod ng kanyang ama sa mga magulang nito. Siyempre, ikinarangal ko ito.

Habang nakaluhod ako sa altar para sa banal na ordenansang ito, muli kong narinig ang pangalang nakakintal na sa aking isipan, ang kanyang ama na si Eleazer Cercy. Lubos akong naniniwala na pagkatapos ng buhay na ito ay makikilala at mayayakap ko ang taong kilala sa kanyang mortal na buhay bilang si Eleazer Cercy.

Ang karamihan sa ating mga karanasan sa bahay ng Panginoon ay naghahatid ng kapayapaan at tahimik na paghahayag kaysa sa mga kagila-gilalas na karanasan. Pero makatitiyak kayo na pinangangalagaan tayo ng mga anghel!

Kaganapan ng Espiritu Santo

Ang kaloob na Espiritu Santo ay ibinigay sa atin nang makumpirma tayong miyembro ng Simbahan. Tuwing linggo, sa karapat-dapat na pagtanggap natin ng tinapay at tubig bilang pag-alaala sa ating Tagapagligtas, pinapangakuan tayo na mapapasaatin ang Kanyang Espiritu sa tuwina.19 Kapag pumunta tayo nang may mga handang puso sa bahay ng Panginoon, ang pinakabanal na lugar sa mundo, tayo ay uunlad sa Panginoon at matatanggap natin “ang kaganapan ng Espiritu Santo.”20 Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapupuspos tayo ng kapayapaan at kagalakan at ng di-mailarawang pag-asa.21 Matatanggap natin ang lakas na manatili bilang Kanyang mga disipulo kahit na napupunta tayo sa labas ng mga banal na lugar.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa Kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang palatandaan na ang Diyos Ama at … si Jesucristo … [ang] mamumuno sa [Simbahan] na ito sa karingalan at kaluwalhatian.”22 Ang pagtatayo ng mga bahay ng Panginoon sa buong mundo ay isang napakahalagang gawain at mahimalang tanda.23

Mahal kong mga kaibigan, kung kaya natin at hindi pa natin nadaragdagan ang pagpunta natin sa templo, maghanap tayo ng dagdag na oras para sumamba sa bahay ng Panginoon. Ipanalangin natin ang mga templo na inanunsyo sa buong mundo, upang ang mga lupa ay mabili, aprubahan ng mga pamahalaan ang mga plano, palawakin ang mga kakayahan ng mga magagaling na manggagawa, at ang mga banal na paglalaan ay magdala ng pagsang-ayon ng langit at pagdalaw ng mga anghel.

Mga Pangako

Ang templo ay literal na bahay ng Panginoon. Ipinapangako ko sa inyo na kapag karapat-dapat at mapanalangin kayong pumunta sa Kanyang banal na bahay, pagkakalooban kayo ng Kanyang kapangyarihan, mapapasainyo ang Kanyang pangalan, pangangalagaan kayo ng Kanyang mga anghel, at uunlad kayo na natatanggap ang mga pagpapala ng Espiritu Santo.

Ipinangako ng Panginoon, “Bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga.”24 Maraming paraan para makita ang mukha ni Cristo, at walang lugar na mas hihigit pa kaysa sa Kanyang banal na bahay.25

Sa panahong ito ng pagkalito at kaguluhan, pinatototohanan ko na ang templo ay Kanyang banal na bahay at na tutulong ang mga ito na mapangalagaan, maprotektahan, at maihanda tayo para sa maluwalhating araw na, kasama ang Kanyang mga banal na anghel, ang ating Tagapagligtas ay magbabalik nang may karingalan, kapangyarihan, at dakilang kaluwalhatian. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

  2. “Espiritu ng Diyos,” Mga Himno, blg. 2.

  3. Kasalukuyang mayroong 182 templo na gumagana. Anim ang sumasailalim sa renobasyon. Pito ang naghihintay na mailaan at isa ang naghihintay na muling mailaan. Mayroong 45 na ginagawa at 94 pa ang inanunsyo o ginagawan ng plano at disenyo.

  4. Tingnan sa Lucas 21:10.

  5. 2 Timoteo 3:2.

  6. Doktrina at mga Tipan 88:91.

  7. Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Tulad ng timon na gumagabay sa isang barko, gayon din ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa atin. Dahil sa mga wastong alituntunin, magagawa nating mahanap ang daan at makatayong matibay, matatag, at hindi matitinag nang sa gayon ay makapagbalanse tayo at hindi mahulog sa nagngangalit na mga unos ng kadiliman at pagkalito sa mga huling araw” (“Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2021, 126).

  8. Doktrina at mga Tipan 45:26.

  9. “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (Mateo 16:24).

  10. Tingnan sa Lucas 1:37.

  11. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 87:8.

  12. Mga Himno, blg. 2.

  13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110. Bago ang panahong ito, natanggap na ni Propetang Joseph Smith ang Aaronic Priesthood at ang mga susi nito mula kay Juan Bautista, at natanggap na niya ang Melchizedek Priesthood at ang mga susi nito mula kina Apostol Pedro, Santiago, at Juan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 27:12–13).

  14. Doktrina at mga Tipan 109:15; tingnan din sa talata 22.

  15. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Matutulungan tayo ng templo sa ating mithiin. Doon ay pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan ng Diyos, na nagbibigay sa atin ng kakayahang madaig si Satanas, ang pasimuno ng lahat ng pagtatalo” (“Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 101).

  16. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library.

  17. Elder Colin Stauffer, personal na liham, Ene. 30, 2024.

  18. Doktrina at mga Tipan 109:22.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.

  20. Doktrina at mga Tipan 109:15.

  21. Tingnan sa Roma 15:13.

  22. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  23. Sinabi ni Pangulong Brigham Young, “Magkakaroon tayo ng daan-daang templo at libu-libong kalalakihan at kababaihang mangangasiwa doon para sa mga namayapa, nang hindi nagkaroon ng pagkakataon na marinig at masunod ang Ebanghelyo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 349). At sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Ipinropesiya ng mga nauna sa atin na maraming itatayong templo sa Hilaga at Timog Amerika, sa mga isla ng Pasipiko, Europa, at sa ibang lugar. Para maisagawa itong pagtutubos gaya ng kailangang mangyari, daan-daang templo ang kailangang maitayo” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 247).

  24. Doktrina at mga Tipan 93:1.

  25. Sabi ni Elder David B. Haight:

    “Totoo na talagang nakita ng ilan ang Tagapagligtas, ngunit kung titingin sa diksyunaryo ang isang tao, malalaman niya na marami pang ibang kahulugan ang salitang makita, tulad ng makilala Siya, mahiwatigan Siya, kilalanin Siya at ang Kanyang gawain, madama ang Kanyang kahalagahan, o maunawaan Siya.

    “Ang gayong makalangit na kaliwanagan at mga pagpapala ay maaaring makamtan ng bawat isa sa atin” (“Temples and Work Therein,” Ensign, Nob. 1990, 61).