Liahona
Mahalaga ang mga Salita
Mayo 2024


13:58

Mahalaga ang mga Salita

Ang mga salita ay nakakaimpluwensya sa saloobin. Ang mga ito ay nagpapahayag ng ating mga iniisip, nadarama, at nararanasan, mabuti o masama man ang idulot nito.

Mga kapatid, at mga kaibigan sa buong mundo, karangalan kong magsalita sa napakalaking grupong ito, na marami ay mga miyembro ng ating Simbahan at marami ay mga kaibigan at bagong mga tagapakinig sa brodkast na ito ng kumperensya. Malugod namin kayong binabati!

Ang mga mensaheng ibinabahagi sa pulpitong ito ay ipinararating sa mga salita. Ipinahahayag ang mga ito sa Ingles at isinasalin sa halos 100 iba’t ibang wika. Palaging iisa ang ginagamit. Mga salita. At napakahalaga ng mga salita. Sasabihin ko iyang muli. Mahalaga ang mga salita!

Ang mga ito ang ginagamit sa pakikipag-ugnayan natin; inilalarawan nito ang ating mga paniniwala, moralidad, at pananaw. Kung minsa’y sumasambit tayo ng mga salita; kung minsan ay nakikinig tayo. Ang mga salita ay nakakaimpluwensya sa saloobin. Ang mga ito ay nagpapahayag ng ating mga iniisip, nadarama, at nararanasan, mabuti o masama man ang idulot nito.

Sa kasamaang-palad, ang mga salita ay maaaring hindi pinag-isipan, padalus-dalos, at nakakasakit. Kapag nasabi na, mahirap nang bawiin ang mga ito. Ang mga ito ay maaari makasugat ng damdamin, makasakit, makapagpahina ng loob, at mauwi pa sa pamiminsala. Maaari itong magdulot ng kalungkutan sa atin.

Sa kabilang banda, ang mga salita ay maaaring magdiwang ng tagumpay, magbigay ng pag-asa at manghikayat. Maaari tayong hikayatin ng mga ito na muling mag-isip, magsimulang muli, at magbago ng landas. Maaaring buksan ng mga salita ang ating isipan sa katotohanan.

Kaya nga, una sa lahat, mahalaga ang mga salita ng Panginoon.

Sa Aklat ni Mormon, naharap ang propetang si Alma at ang kanyang mga tao sa sinaunang Amerika sa walang-katapusang pakikidigma sa mga nagbalewala sa salita ng Diyos, pinatigas ang kanilang puso, at sinira ang kanilang kultura. Maaaring makidigma ang matatapat, ngunit ipinayo ni Alma: “At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos.”1

Ang “salita ng Diyos” ay nakahihigit sa lahat ng iba pang pagpapahayag. Gayon na ito mula pa sa Paglikha ng daigdig nang mangusap ang Panginoon: “‘Magkaroon ng liwanag,’ at nagkaroon ng liwanag.”2

Nagmula sa Tagapagligtas ang mga pagtiyak na ito sa Bagong Tipan: “Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.”3

At ito: “Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking [mga] salita, at siya’y mamahalin ng aking Ama, at kami’y lalapit sa kanya, at kami’y gagawa ng tahanang kasama siya.”4

At nagmula kay Maria, ina ni Jesus, ang mapagpakumbabang patotoong ito: “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.”5

Ang paniniwala at pakikinig sa salita ng Diyos ay higit na maglalapit sa atin sa Kanya. Nangako si Pangulong Russell M. Nelson, “Kung pag-aaralan ninyo ang Kanyang mga salita, madaragdagan ang kakayahan ninyong maging higit na katulad Niya.”6

Hindi ba gusto nating lahat na maging, sabi nga sa himno, “[mas pinagpala at banal]—mithiing si Cristo ay matularan”?7

Iniisip ko ang batang si Joseph Smith na nakaluhod at naririnig ang mga salita ng kanyang Ama sa Langit: “[Joseph,] Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”8

“Naririnig [natin] Siya” sa mga salita ng banal na kasulatan, pero ipinamumuhay ba natin ang mga iyon, o napapansin ba natin na nangungusap Siya sa atin? Nagbabago ba tayo?

Ating “naririnig Siya” sa personal na paghahayag at mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, sa mga sagot sa panalangin, at sa mga sandaling iyon na tanging si Jesucristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang maaaring magdala ng ating mga pasanin, magkaloob sa atin ng kapatawaran at kapayapaan, at yakapin tayo “[sa] mga bisig ng kanyang pagmamahal.”9

Pangalawa, mahalaga ang mga salita ng mga propeta.

Pinatototohanan ng mga propeta ang kabanalan ni Jesucristo. Itinuturo nila ang Kanyang ebanghelyo at ipinapakita ang Kanyang pagmamahal sa ating lahat.10 Pinatototohanan ko na naririnig at sinasambit ng ating buhay na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, ang salita ng Panginoon.

Mahusay magsalita si Pangulong Nelson. Sabi niya, “Manatili sa landas ng tipan,”11 “Tipunin ang Israel,”12 “Hayaang manaig ang Diyos,”13 “Makipag-unawaan sa mga taong naiiba sa atin,”14 “Magpasalamat,”15 “Palakasin ang inyong pananampalataya kay Jesucristo,”16 “Pangalagaan ang inyong patotoo,”17 at “Maging isang tagapamayapa.”18

Kamakailan lang, hiniling niya sa atin na “mag-isip nang selestiyal.” “Kapag hindi maganda ang inyong sitwasyon,” sabi niya, “mag-isip nang selestiyal! Kapag tinutukso, mag-isip nang selestiyal! Kapag binigo kayo ng inyong mga mahal sa buhay, mag-isip nang selestiyal! Kapag namatay ang isang tao nang maaga, mag-isip nang selestiyal. …Kapag hindi mapahinga ang isip ninyo sa problema, mag-isip nang selestiyal! … Sa pag-iisip ninyo nang selestiyal, unti-unting [m]agbabago ang inyong puso., … makikita ninyo ang mga pagsubok at oposisyon nang may bagong pananaw, … [at] madaragdagan ang inyong pananampalataya.”19

Kapag nag-iisip tayo nang selestiyal, nakikita natin ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito at … ang talaga[ng kahihinatnan nito].”20 Sa mundong ito na puno ng pagkalito at pagtatalo, kailangan nating lahat ang pananaw na iyan.

Si Elder George Albert Smith, bago pa siya naging Pangulo ng Simbahan, ay nagsalita tungkol sa pagsang-ayon sa propeta at pakikinig sa kanyang mga salita. Sabi niya: “Ang obligasyong ginagawa natin kapag nagtataas tayo ng ating mga kamay … ay napakasagrado. Ibig sabihin ay … susuportahan natin siya; ipagdarasal natin siya; … at sisikapin nating isagawa ang kanyang mga tagubilin ayon sa utos sa kanya ng Panginoon.”21 Sa madaling salita, masigasig tayong kikilos ayon sa mga salita ng ating propeta.

Bilang isa sa 15 propeta, tagakita, at tagapaghayag na sinang-ayunan kahapon ng ating pandaigdigang Simbahan, nais kong ibahagi sa inyo ang isa sa aking mga karanasan sa pagsang-ayon sa propeta at pagtanggap sa kanyang mga salita. Para sa akin, ito ay kahalintulad ng karanasan ng propetang si Jacob, na nagsabing, “Narinig ko na ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa akin.”22

Sina Elder at Sister Rasband sa Thailand.

Noong nakaraang Oktubre ay nasa Bangkok, Thailand, kami ng asawa kong si Melanie dahil naghahanda akong ilaan ang magiging ika-185 templo.23 Para sa akin, ang tungkuling ito ay katang-tangi at nakakapagpakumbaba. Ito ang unang templo sa Southeast Asia peninsula.24 Napakaganda ng disenyo nito—isang istrukturang may anim na palapag at siyam na taluktok, na “[inangkop] na mabuti”25 para maging bahay ng Panginoon. Ilang buwan kong pinag-isipan ang paglalaan. Ang nakapanatag sa aking kaluluwa at isipan ay na ang bansa at ang templo ay pinangalagaan ng mga propeta at apostol. Naibalita na noon ni Pangulong Thomas S. Monson ang templo26 at ni Pangulong Nelson ang paglalaan.27

Bangkok Thailand Temple.

Ilang buwan na akong nakapaghanda ng panalangin sa paglalaan. Ang mga sagradong salitang iyon ay naisalin sa 12 wika. Handa na kami. Iyon ang akala ko pero hindi pa pala.

Noong gabi bago ang paglalaan, nagising ako na nagugulumihanan at nadamang kailangang ayusin agad ang tungkol sa panalangin sa paglalaan. Sinubukan kong balewalain ang pahiwatig, iniisip na handa na ang panalangin. Ngunit patuloy pa rin ang pahiwatig ng Espiritu. Nadama ko na may ilang salitang nawawala, at sa kalooban ng langit ay dumating ang mga iyon sa akin sa paghahayag, at isiningit ko ang mga salitang ito sa bandang dulo ng panalangin: “Nawa’y mag-isip kami nang selestiyal, na hinahayaang manaig ang Inyong Espiritu sa aming buhay, at laging nagsisikap na maging mga tagapamayapa.”28 Ipinaalala sa akin noon ng Panginoon na pakinggan ang mga salita ng ating buhay na propeta: “Mag-isip nang selestiyal,” “hayaang manaig ang Espiritu,” “magsikap na maging mga tagapamayapa.” Mahalaga sa Panginoon at sa atin ang mga salita ng propeta.

Ang pangatlo, at napakahalaga, ay ang ating sariling mga salita. Maniwala kayo sa akin, sa ating mundo na puno ng emoji29, mahalaga ang ating mga salita.

Ang ating mga salita ay maaaring sumusuporta o galit, masaya o malupit, mahabagin o walang malasakit. Kapag galit ang isang tao, maaaring makasakit ng damdamin ang mga salita—at manatili roon. Ang ating mga salita sa internet, text, social media, o mga tweet ay maaaring magkaroon ng ibang kahulugan. Kaya mag-ingat sa sinasabi ninyo at kung paano ninyo sinasabi ang mga ito. Sa ating pamilya, lalo na sa mga mag-asawa at mga anak, maaari tayong paglapitin o paglayuin ng ating mga salita.

Magmumungkahi ako ng tatlong simpleng parirala na maaari nating gamitin para maalis ang sakit mula sa mga paghihirap at di-pagkakasundo, magpasigla, at magbigay-kapanatagan sa bawat isa:

“Salamat.”

“Sorry.”

At “mahal kita.”

Sabihin ang mabubuting salitang ito hindi lamang kapag may espesyal na okasyon o may nangyaring kapahamakan. Gamitin ang mga ito nang madalas at taos-puso, sapagkat nagpapakita ito ng pagpapahalaga sa iba. Ang mga salita ng maraming tao ay nagiging walang kabuluhan; huwag ninyong tularan iyan.

Maaari nating sabihing “salamat” sa elevator, sa parking area, sa palengke, sa opisina, sa pila, o sa ating mga kapitbahay o kaibigan. Maaari nating sabihing “sorry” kapag nakagawa tayo ng pagkakamali, hindi nakadalo sa miting, nakalimot sa isang kaarawan, o nakakita ng taong nasasaktan. Maaari nating sabihing “Mahal kita,” at ang mga salitang iyon ay may dalang mensaheng “Iniisip kita,” “Nagmamalasakit ako sa iyo,” “Narito ako para sa iyo,” o “Ikaw ang lahat sa akin.”

Narito ang isang personal na halimbawa. Mga asawang lalaki, makinig kayo. Mga babae, makatutulong din ito sa inyo. Bago ang full-time assignment ko sa Simbahan, madalas akong magbiyahe para sa kumpanya namin. Medyo matagal akong wala sa bahay at nasa malalayong bansa sa mundo. Sa pagtatapos ng araw ko, saan man ako naroon, lagi akong tumatawag sa bahay. Kapag sinasagot ng asawa kong si Melanie ang telepono at nagkukuwento ako, laging nauuwi ang pag-uusap namin sa pagsasabi ng “Mahal kita.” Araw-araw, nagsilbing angkla ang mga salitang iyon sa aking kaluluwa at pag-uugali; naging proteksyon ko ang mga iyon laban sa masasamang plano. Ang “Melanie, mahal kita” ay nagpapahayag ng mahalagang pagtitiwala namin sa isa’t isa.

Madalas sabihin ni Pangulong Thomas S. Monson na, “May mga paang patatatagin, mga kamay na aabutin, mga isipang hihikayatin, mga pusong bibigyan ng inspirasyon, at mga kaluluwang ililigtas.”30 Iyan mismo ang gagawin ng pagsasabi ng “salamat,” “sorry,” “mahal kita.”

Mga kapatid, mahalaga talaga ang mga salita.

Nangangako ako na kung “mag[pa]pakabusog [tayo] sa mga salita ni Cristo;”31 na humahantong sa kaligtasan, sa mga salita ng ating propeta na gumagabay at naghihikayat sa atin, at sa sarili nating mga salita na nagpapahayag kung sino tayo at ano ang mahalaga sa atin, ang mga kapangyarihan ng langit ay bubuhos sa atin. “Ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”32 Tayo ay mga anak ng Ama sa Langit at Siya ang ating Diyos, at inaasahan Niyang magsalita tayo “sa wika ng mga anghel”33 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.34

Mahal ko ang Panginoong Jesucristo. Siya, sa mga salita ng propetang si Isaias sa Lumang Tipan, ang “Kamangha-manghang Tagapayo, [Ang] makapangyarihang Diyos, [Ang] walang hanggang Ama, [Ang] Prinsipe ng Kapayapaan.”35 At tulad ng nilinaw ni Apostol Juan, si Jesucristo mismo “ang Salita.”36

Pinatototohanan ko ito bilang isang Apostol na tinawag sa banal na paglilingkod sa Panginoon—upang ipahayag ang Kanyang salita—at tinawag upang tumayo bilang Kanyang natatanging saksi. Sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.