Liahona
Elder Steven D. Shumway
Mayo 2024


“Elder Steven D. Shumway,” Liahona, Mayo 2024.

Elder Steven D. Shumway

General Authority Seventy

Nang dalawang taon na siyang nagtatrabaho sa Exxon Chemical Co. sa Houston, Texas, USA, nalaman ni Elder Steven D. Shumway na natawag ang kanyang mga magulang na mamuno sa isang mission sa Bolivia at nangailangan ng tulong sa negosyo ng pamilya sa Arizona.

“Ayokong sapilitan kayong pabalikin,” sabi sa kanya ng kanyang ama. “Pero kung hindi ka babalik, nag-aalala ako sa mangyayari sa negosyo.”

Mahirap na desisyon iyon, sabi ni Elder Shumway.

Limang oras silang naglakbay ng kanyang asawa patungong Dallas Texas Temple at doon ginugol ang maghapon nang walang natatanggap na sagot. Pagkatapos, bumisita sila sa isang bookstore at nakita nila ang talambuhay ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na, Go Forward with Faith.

“Pareho naming nadama na sinasabi ng Panginoon, ‘Kailangan ninyong sumulong nang may pananampalataya sa aking paraan, hindi sa inyong paraan,’” sabi ni Elder Shumway. “Kaya lumipat kami sa Arizona, na naging isa sa mga pinakamahahalaga at pinakamagagandang pagbabago sa aming buhay.”

Ang isa sa pinakamagagandang bagay na natutuhan nila sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa, sabi ni Elder Shumway, ay na “kapag tinanggap ninyo ang paanyaya [ng Panginoon], uunlad kayo. Uunlad kayo. Mas umaayos ang mga bagay-bagay kaysa kung sinusubukan ninyong gawin ang mga bagay-bagay sa inyong paraan.”

Si Steven D. Shumway ay isinilang noong Hunyo 30, 1970, sa Springerville, Arizona, USA, kina Wilford Douglas at Dixie Ann Shumway, at lumaki sa Eager, Arizona. Pinakasalan niya si Heidi O’Brien sa Salt Lake Temple noong Disyembre 29, 1994. Mayroon silang apat na anak at naninirahan sa Pinetop, Arizona.

Si Elder Shumway ay nagtamo ng degree sa chemical engineering mula sa Brigham Young University noong 1996, nagtrabaho sa Exxon Chemical Co. mula 1996 hanggang 1998, at naging president at CEO ng Whiting Brothers Investment Co. mula pa noong 1998.

Nang tawagin siya sa kanyang calling, naglilingkod siya noon bilang Area Authority Seventy. Nakapaglingkod na siya bilang pangulo ng Illinois Chicago Mission, stake president, bishop, elders quorum president, stake mission preparation teacher, at full-time missionary sa Pennsylvania Philadelphia Mission.