Liahona
Pag-uugnay sa Dalawang Dakilang Utos
Mayo 2024


14:14

Pag-uugnay sa Dalawang Dakilang Utos

Ang kakayahan nating sundin si Jesucristo ay nakasalalay sa ating tibay at lakas na ipamuhay ang una at pangalawang utos nang balanse at may pantay na debosyon.

Pambungad

Sa paglalakbay namin ng asawa kong si Lesa sa buong mundo sa pagtupad sa aming assignment, nagagalak kami sa pribilehiyong makadaupang-palad kayo sa malalaki at maliliit na kongregasyon. Ang katapatan ninyo sa gawain ng Panginoon ay nagpapalakas sa amin at nagsisilbing patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Umuuwi kami mula sa bawat paglalakbay na nag-iisip kung posible bang nakapagbigay kami sa inyo ng gaya nang natanggap namin mula sa inyo.

Rainbow Bridge.
Tsing Ma Bridge.
Tower Bridge.

Kapag naglalakbay, kaunti lamang ang oras naming makapamasyal. Gayunman, kapag posible, nag-uukol ako ng ilang sandali sa isang partikular na hilig ko. Ako ay may interes sa arkitektura at disenyo at espesyal na pagkawili sa mga tulay. Namamangha ako sa mga suspension bridge o tulay na nakabitin. Ito man ay ang Rainbow Bridge sa Tokyo, ang Tsing Ma Bridge sa Hong Kong, ang Tower Bridge sa London, o ang iba pa na nakita ko na, namamangha ako sa mahusay na engineering na ginamit sa loob ng mga kumplikadong istrakturang ito. Dinadala tayo ng mga tulay sa mga lugar na hindi natin mapupuntahan kung wala ang mga ito. (Bago ako magpatuloy, nalaman ko na pagkatapos kong maihanda ang mensaheng ito ay may naganap na isang kalunus-lunos na aksidente sa tulay sa Baltimore. Ikinalulungkot natin ang pagkawala ng maraming buhay at nakikiramay tayo sa mga pamilyang naapektuhan.)

Isang Kahanga-hangang Suspension Bridge

Kamakailan, isang assignment sa kumperensya ang nagdala sa akin sa California, kung saan muli kong tinawid ang sikat na Golden Gate Bridge, na itinuturing na kamangha-mangha sa daigdig ng engineering. Ang napakalaking istrakturang ito ay likhang pinagsama ang ganda ng porma, pakay na paggagamitan, at mahusay na engineering. Ito ay isang klasikong suspension bridge na may mga tore na mukhang pang-ipit ng aklat, na sinusuportahan ng napakalalaking katig na poste. Ang dalawang naglalakihan at magagarang tore na sumasalo sa bigat ng tulay na pumapailanlang sa ibabaw ng karagatan ang mga unang itinayong bahagi ng tulay. Magkasamang pinapasan nito ang bigat ng mga umiindayog na main suspension cable at mga vertical suspender cable, na siyang kumakalong sa pinakakalsada sa ibaba. Ang pambihirang tibay na kapasidad nito—ang lakas ng tore—ang siyang hiwaga sa likod ng engineering ng tulay na ito.

Itinatayo ang Golden Gate Bridge.

Golden Gate Bridge District

Nagpapatotoo ang mga naunang larawan sa pagtatayo ng tulay sa alituntuning ito ng engineering. Sinusuportahan ng magkatuwang na tore ang bigat ng bawat bahagi ng tulay, na kapwa nakasalalay sa ugnayan ng mga ito sa bawat isa.

Itinatayo ang Golden Gate Bridge.

Getty Images/Underwood Archives

Nang matapos na ang tulay, na may dalawang matibay na tore na matatag na nakatayo at mga katig na poste na nakaangkla sa pundasyon na bato, ito ay larawan ng tibay at ganda.

Golden Gate Bridge.

Inaanyayahan ko kayo ngayon na isaisip ang maringal na tulay na ito—nagtataasan ang kambal na tore na itinayo sa matibay na pundasyon—sa isang pananaw na ayon sa ebanghelyo.

Sa mga huling kaganapan sa ministeryo ni Jesucristo, sa panahon na tinatawag natin ngayong Semana Santa, isang Fariseo na tagapagtanggol1 ang nagtanong sa Tagapagligtas ng bagay na alam niyang halos imposibleng masagot:2 “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?” Ang tagapagtanggol, na “sinusubok siya” at naghahangad ng sagot na ayon sa batas, na tila may mapanlinlang na layunin, ay nakatanggap ng tunay, sagrado, at banal na tugon.

“At sinabi [ni Jesus] sa kanya, ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’

“Ito ang dakila at unang utos.” Pinakikinggan ang ating paghahalintulad sa tulay, ang unang tore!

“At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’” Ito ang pangalawang tore!

“Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”3 Ang mga natitirang bahagi ng tulay!

Suriin natin ang bawat isa sa dalawang dakilang utos na inihayag at binigkas sa sagot ni Jesucristo. Habang ginagawa natin ito, magtuon sa imahe ng kahanga-hangang suspension bridge sa inyong isipan.

Ibigin ang Panginoon

Ang una ay ibigin ang Diyos nang inyong buong puso, kaluluwa, at pag-iisip.

Sa sagot na ito, ibinuod ni Jesucristo ang pinakadiwa ng batas na bahagi ng mga sagradong turo sa Lumang Tipan. Ang ibigin ang Panginoon ay unang itinutuon sa inyong puso—na kaibuturan ng inyong pagkatao. Hinihiling ng Panginoon na umibig kayo nang buong kaluluwa ninyo—ang inyong inilaang buong sarili8—at sa huli, na umibig kayo nang buong pag-iisip ninyo—ang inyong talino at talas ng isip. Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi limitado o nagwawakas. Ito ay walang katapusan at walang hanggan.

Para sa akin, ang pagsasabuhay ng unang dakilang utos ay mahirap maintindihan kung minsan, at nakakakaba pa nga. Nagpapasalamat ako na habang lalo kong iniisip ang mga salita ni Jesus, higit kong nauunawaan ang utos na ito: “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”5 Kaya kong gawin ito. Magagawa kong ibigin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, na pagkatapos ay hahantong sa panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsamba sa templo. Naipapakita ang pag-ibig natin sa Ama at sa Anak sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, pagkakaroon ng marangal at malinis na buhay, at pagiging masunurin.

Ang pag-ibig sa Panginoon ay kadalasang nasusukat sa maliliit na gawain sa araw-araw, sa mga yapak sa landas ng tipan: para sa mga kabataan, paggamit ng social media upang magtaguyod sa halip na manira; pagtalikod sa party, pelikula, o aktibidad na maaaring humamon sa ating mga pamantayan; pagbibigay-pitagan sa mga bagay na sagrado.

Pakaisipin ang nakaaantig na halimbawang ito. Fast Sunday noon nang kumatok kami ni Vance6 sa pintuan ng isang maliit at hamak na tahanan. Inasahan namin at ng iba pang mga deacon sa korum na marinig sa kabila nang pintuan ang pasigaw at magiliw na tugon na mga salitang, “Tuloy kayo,” sa matigas na puntong German. Isa si Sister Muellar sa ilang biyudang dayo sa aming ward. Hindi niya masagot agad ang pintuan dahil halos hindi na siya makakita. Pagpasok namin sa loob ng medyo madilim na tahanan, binati niya kami ng malumanay na pagtatanong: Ano ang mga pangalan ninyo? Kumusta kayo? Iniibig ba ninyo ang Panginoon? Sumagot kami at ipinaalam sa kanya na naroon kami upang tanggapin ang kanyang fast offering o handog-ayuno. Kahit mga bata pa kami, kitang-kita namin ang kanyang maralitang kalagayan, at ang tugon niya na puno ng pananampalataya ay labis na nakaaantig: “May barya akong inilagay sa mesa kaninang umaga. Malaki ang pasasalamat ko’t maipagkakaloob ko ang aking fast offering. Maaari bang isilid ninyo ito sa sobre at sulatan para sa akin ang resibo ng fast-offering?” Pinalakas ng kanyang pag-ibig sa Panginoon ang aming pananampalataya sa bawat pagkakataong umalis kami sa tahanan niya.

Nangako si Haring Benjamin ng pambihirang kalamangan sa mga yaong sumusunod sa unang dakilang utos. “Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. … Sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, … kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, tatanggapin sila sa langit … sa isang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”7

Ang pag-ibig sa Panginoon ay humahantong sa walang hanggang kaligayahan!

Ibigin ang Inyong Kapwa

Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’”8 Ito ang pangalawang tore ng tulay.

Pinag-uugnay rito ni Jesus ang ating pag-ibig sa Panginoon na nasa langit at ang ating pag-ibig sa ating kapwa na nasa lupa. Nagtutulungan ang dalawang ugnayang ito. Hindi ganap ang pag-ibig sa Panginoon kung pinababayaan natin ang ating kapwa. Sakop ng pag-ibig na ito ang lahat ng anak ng Diyos nang walang pinipiling kasarian, estado sa lipunan, lahi, seksuwalidad, perang kinikita, edad, o etnisidad. Hinahanap natin ang mga yaong nasasaktan at pinanghihinaan ng loob, ang mga hinahamak, dahil “pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”9 Ating “[tinutulungan] ang mahihina, [itinataas] ang mga kamay na nakababa, at [pinalalakas] ang tuhod na mahihina.”10

Pakaisipin ang halimbawang ito: Nagulat si Brother Evans11 nang makaramdam siya ng pahiwatig na ihinto ang kanyang kotse at kumatok sa isang hindi pamilyar na pintuan ng isang pamilyang hindi kakilala. Nang sagutin ng isang balong ina na may mahigit 10 anak ang pintuan, ang kanilang mahirap na kalagayan at malaking pangangailangan ay kitang-kita niya. Ang una ay simple lamang na pintura para sa kanilang tahanan, na nasundan ng maraming taon ng temporal at espirituwal na paglilingkod sa pamilyang ito.

Kalaunan, ito ang naisulat ng nagpapasalamat na inang ito tungkol sa kaibigang sugo ng langit sa kanya: “Iginugol mo ang iyong buhay sa pagtulong sa amin na kaaba-aba. Gustung-gusto kong marinig ang mga bagay na sasabihin sa iyo ng Panginoon habang ipinahahayag Niya ang Kanyang pasasalamat sa kabutihang nagawa mo sa pinansiyal at espirituwal para sa mga taong tanging ikaw at Siya lamang ang nakaaalam. Salamat sa pagpapala sa amin sa napakaraming paraan, … sa mga missionary na ipinadala mo. … Madalas kong isipin kung nag-iisa ka bang pinili ng Panginoon o kung ikaw lamang ang tanging nakinig.”

Kasama rin sa pag-ibig sa inyong kapwa ang kabaitan at paglilingkod na tulad ng kay Cristo. Magagawa ba ninyong pakawalan ang mga sama ng loob, magpatawad ng mga kaaway, malugod na tanggapin at paglingkuran ang inyong kapwa, at tulungan ang matatanda? Ang bawat isa sa inyo ay bibigyang-inspirasyon habang nagtatayo kayo ng inyong tore ng pag-ibig para sa kapwa.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pagbibigay ng tulong sa iba—ang matapat na pagsisikap na pangalagaan ang iba tulad ng o higit pa sa pangangalaga natin sa ating sarili—ang ating kagalakan. Lalo na … kapag ito ay hindi maginhawa at kapag kailangan nating gawin ang isang bagay na hindi natin karaniwang ginagawa. Ang pamumuhay ng ikalawang dakilang utos na iyon ang susi sa pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo.”12

Isang Nagtutulungang Ugnayan

Itinuro pa ni Jesus, “Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”13 Maraming itinuturo ito. May mahalagang pagtutulungan ang ugnayan sa pagitan ng pag-ibig sa Panginoon at pag-ibig sa isa’t isa. Upang magampanan ng Golden Gate Bridge ang idinisenyong gamit nito, ang dalawang tore ay parehong matibay at may pantay na lakas na kayanin ang bigat ng mga suspension cable, ng kalsada, at ng trapiko na tumatawid sa tulay. Kung wala ang mahusay na proporsyong ito ng engineering, maaaring makompromiso ang tulay, at humantong pa sa pagguho nito. Upang magampanan ng alinmang suspension bridge ang layon sa pagkakagawa nito, kailangang ganap na magkatuwang ang mga tore nito. Gayundin, ang kakayahan nating sundin si Jesucristo ay nakasalalay sa ating tibay at lakas na ipamuhay ang una at pangalawang utos nang balanse at may pantay na debosyon sa dalawang ito.

Golden Gate Bridge.

Gayunman, ang tumitinding kaguluhan sa mundo ay nagpapahiwatig na kung minsan, hindi natin nakikita o naaalala ito. Ang ilan ay nakatuon nang husto sa pagsunod sa mga utos kung kaya’t hindi sila gaanong mapagparaya sa mga yaong sa tingin nila ay nagkukulang sa katwiran. Ang ilan ay nahihirapang ibigin ang mga yaong pinipiling mamuhay sa labas ng tipan o malayo sa pakikilahok sa anumang may kinalaman sa relihiyon.

Sa kabilang banda, may mga yaong binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-ibig sa iba nang hindi kinikilala na tayong lahat ay mananagot sa Diyos. Lubos namang tinatanggihan ng ilan ang ideya na may tinatawag na ganap na katotohanan o tama at mali at pinaniniwalaan nila na ang tanging bagay na hinihingi sa atin ay lubos na pagpaparaya at pagtanggap sa mga pagpili ng iba. Ang alinman sa kawalan ng balanseng ito ay maaaring ikatagilid o ikaguho ng inyong espirituwal na tulay.

Inilarawan ito ni Pangulong Dallin H. Oaks nang sabihin niyang: “Iniuutos sa atin na mahalin ang lahat, dahil itinuro ni Jesus sa talinghaga ng mabuting Samaritano na ang lahat ay ating kapwa-tao. Ngunit ang pagsusumigasig nating sundin ang pangalawang utos na ito ay hindi dapat maging dahilan para malimutan natin ang una, ang mahalin ang Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, at isipan.”14

Pagwawakas

Kaya ang tanong para sa bawat isa sa atin ay, Paano tayo magtatayo ng sarili nating tulay ng pananampalataya at katapatan—na pagtatayo ng matataas na tore ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa ating kapwa? Ang masasabi ko, kailangan lamang nating magsimula. Ang una nating pagsisikap ay maaaring katulad ng isang plano sa likod ng isang napkin o isang sinisimulang blueprint ng tulay na inaasam nating maitayo. Maaari itong kapalooban ng ilang makatotohanang mithiin na mas maunawaan ang ebanghelyo ng Panginoon o mangakong babawasan ang pagiging mapanghatol sa iba. Walang sinumang masyado pang bata o masyado nang matanda upang magsimula.

Iginuhit na disenyo ng tulay.

Sa paglipas ng panahon, sa mapanalangin at maingat na pagpaplano, ang mga ideyang hindi pa plantsado ay mailalatag nang maayos. Ang mga bagong kilos ay nagiging gawi. Ang mga unang draft ay nagiging mga blueprint. Itinatayo natin ang ating pansariling espirituwal na tulay na ang puso’t isip ay nakatuon sa Ama sa Langit at sa Kanyang Bugtong na Anak, pati na sa ating mga kapatid na kasama nating nagtatrabaho, naglalaro, at nabubuhay.

Sa mga darating na araw, kapag napadaan kayo sa isang maringal na suspension bridge o kaya’y nakakita kayo ng isang larawan nito na napakatataas ng tore, inaanyayahan ko kayong alalahanin ang dalawang dakilang utos na inilarawan ni Jesucristo sa Bagong Tipan. Nawa’y bigyang-inspirasyon tayo ng mga tagubilin ng Panginoon. Nawa’y sumigla ang ating puso’t isip sa pag-ibig sa Panginoon at sa pag-ibig sa ating kapwa.

Nawa’y mapalakas nito ang ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Sa Bagong Tipan, ang katagang tagapagtanggol ay katumbas ng tagasulat, na ang propesyon ay isang estudyante at guro ng batas, kabilang na ang nakasulat na batas ng Pentateuch, at gayon din ang ‘mga kaugalian ng mga elder’ (Mat. 22:35; Marcos 12:28; Lucas 10:25)” (Bible Dictionary, “Lawyer”).

  2. Noong sinaunang panahon, ang mga iskolar na mga Judio ay nakapaglista ng 613 utos sa Torah at aktibong pinagdebatihan ang kaugnay na kahalagahan ng isang utos kumpara sa iba pa. Marahil, layon ng tagapagtanggol na gamitin ang sagot ni Jesus laban sa Kanya. Kung sinabi Niya na pinakamahalaga ang isang utos, maaari itong magbigay ng pagkakataon na akusahan si Jesus ng pagbabalewala sa isa pang aspeto ng batas. Ngunit ang naging tugon ng Tagapagligtas ay nagpatahimik sa mga yaong pumaroon upang bitagin Siya na nagbigay ng pahayag na sa ngayon ay pundasyon sa lahat ng ginagawa natin sa Simbahan.

  3. Mateo 22:36–40.

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15.

  5. Juan 14:15.

  6. Binago ang parehong pangalan sa kwentong ito upang pangalagaan ang privacy.

  7. Mosias 2:41.

  8. Mateo 22:39.

  9. 2 Nephi 26:33.

  10. Doktrina at mga Tipan 81:5.

  11. Binago ang pangalan upang pangalagaan ang privacy.

  12. Russell M. Nelson, “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 100.

  13. Mateo 22:40.

  14. Dallin H. Oaks, “Dalawang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2019, 73–74.