“Elder D. Martin Goury,” Liahona, Mayo 2024.
Elder D. Martin Goury
General Authority Seventy
Lumaki sa isang maliit na nayon sa Côte d’Ivoire, pinangarap ni Elder D. Martin Goury na maging isang pari at maglingkod sa iba.
Noong Oktubre 1992, habang nasa London, England para mag-aral ng Ingles at magtamo ng edukasyon, nakakilala siya ng mga missionary na Banal sa mga Huling Araw. Binigyan si Elder Goury ng mga missionary, na ang isa ay ang kaisa-isang katutubo na nagsasalita ng French sa London, ng kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang French.
Sinimulan niyang basahin ang aklat at di-nagtagal ay nakatanggap siya ng patotoo na iyon ay totoo. Nang may dumating na bagong pares ng mga missionary sa kanyang apartment makalipas ang ilang buwan, sumapi siya sa Simbahan. “Naaalala ko na napakasaya ko,” wika niya.
Lalo siyang natuwa nang turuan siya ng mga missionary tungkol sa priesthood. “Ipinaliwanag nila ang kahulugan ng priesthood at kung paano ko magagamit iyon sa paglilingkod sa ibang mga tao. Para sa akin, iyon ay pangarap kong nagkatotoo,” sabi ni Elder Goury. “Tuwang-tuwa ako.”
Si Dalébé Martin Goury ay isinilang noong Enero 30, 1964, kina Yoro Goury Maurice at Bame Gaby Odette. Lumaki siya sa isang nayon na tinatawag na Lehipa at sa mga lungsod ng Oume at Gagnoa. Pinakasalan niya si Ruth Simone Kennington sa London England Temple noong Abril 8, 1995. Naninirahan sila sa Abidjan, Côte d’Ivoire, at may apat na anak.
Si Elder Goury ay nagtamo ng bachelor’s degree sa pagtuturo mula sa CAFOP (Animation and Educational Training Centers) de Man noong 1988 at sa mechanical engineering mula sa London South Bank University noong 1997. Nagtrabaho siya bilang isang guro sa paaralang primarya, design engineer, senior project manager at deputy project director para sa Cameron, general manager ng Nigeria operations para sa OneSubsea Services, at country operations manager para sa Schlumberger. Kamakailan, nagtrabaho si Elder Goury para sa Simbahan bilang isang leader and member support coordinator.
Naglilingkod siya bilang Area Seventy sa Africa West Area nang tawagin siya. Dati siyang naglingkod bilang pangulo ng Benin Cotonou Mission, bishop, bishopric counselor, branch president, at elders quorum president.