Liahona
“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”
Mayo 2024


14:43

“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”

Maaari tayong mapanatag at maaari nating malaman na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, at si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas.

Sa isang open house at media day para sa isang bagong bahay ng Panginoon kamakailan, sinamahan ko ang isang grupo ng mga mamamahayag sa paglilibot sa sagradong istruktura. Inilarawan ko ang mga layunin ng mga templo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at tumugon ako sa kanilang maraming mahuhusay na tanong.

Bago pumasok sa silid selestiyal, ipinaliwanag ko na ang partikular na silid na ito sa bahay ng Panginoon ay simbolikong kumakatawan sa kapayapaan at kagandahan ng tahanan sa langit kung saan tayo maaaring bumalik pagkatapos ng buhay na ito. Sinabi ko sa aming mga panauhin na hindi kami magsasalita habang nasa silid selestiyal, ngunit masaya kong sasagutin ang anumang mga tanong pagkatapos naming lumipat sa kasunod na hihintuan sa paglilibot.

Paglabas sa silid selestiyal at habang nagtitipon kami sa kasunod na lokasyon, tinanong ko ang aming mga panauhin kung mayroon silang anumang mga napansin na nais nilang ibahagi. Madamdaming sinabi ng isa sa mga mamamahayag, “Hindi pa ako nakaranas ng anumang tulad niyon sa buong buhay ko. Hindi ko alam na may katahimikang tulad niyon sa mundo; hindi ko talaga pinaniwalaan na posible ang gayong kapanatagan.”

Naantig ako ng katapatan at katapangan ng pahayag ng taong ito. At ang reaksyon ng mamamahayag ay nagtampok ng isang mahalagang aspekto ng kapanatagan—pagdaig at pagbalewala sa kaguluhan sa paligid sa labas.

Nang pagnilayan ko kalaunan ang komento ng mamamahayag at pagbulayan ko ang kadalasang abalang takbo ng ating modernong pamumuhay—ang pagkaabala, ingay, mga paglihis, pagkagambala, at mga detour na tila palaging nangangailangan ng ating pansin—isang banal na kasulatan ang pumasok sa aking isipan: “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”1

Dalangin ko na bigyang-kaliwanagan ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin habang isinasaalang-alang natin ang mas mataas at mas banal na antas ng kapanatagan sa ating buhay—isang panloob na espirituwal na kapanatagan ng kaluluwa na nagtutulot sa atin na malaman at maalala na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, at si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas. Ang kamangha-manghang pagpapala na ito ay maaaring makamtan ng lahat ng miyembro ng Simbahan na matapat na nagsisikap na maging “mga pinagtipanang tao ng Panginoon.”2

Mapanatag

Noong 1833, ang mga Banal sa Missouri ay naging target ng matinding pag-uusig. Pinalayas sila ng mga mandurumog mula sa kanilang mga tahanan sa Jackson County, at nagsikap ang ilang mga Banal na itatag ang kanilang buhay sa ibang kalapit na bayan. Ngunit nagpatuloy ang pag-uusig, at ang mga pagbabanta ng kamatayan ay marami. Sa mga mapanghamong kalagayang ito, inihayag ng Panginoon ang sumusunod na tagubilin kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio:

“Kaya nga, maaliw sa inyong mga puso hinggil sa Sion; sapagkat lahat ng laman ay nasa aking mga kamay; mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”3

Naniniwala ako na ang paalala ng Panginoon na “mapanatag” ay nangangailangan ng higit pa sa hindi lamang pagsasalita o paggalaw. Marahil ang Kanyang layunin ay upang alalahanin at asahan natin Siya at ang Kanyang kapangyarihan “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon.”4 Kaya, ang “mapanatag” ay maaaring isang paraan ng pagpapaalala sa atin na huwag mabigong magtuon sa Tagapagligtas bilang pangunahing pinagmumulan ng espirituwal na kapanatagan ng kaluluwa na nagpapalakas sa atin na magawa at makaya ang mahihirap na bagay.

Nakatayo sa Bato

Ang tunay na pananampalataya ay palaging nakatuon sa Panginoong Jesucristo—sa Kanya bilang Banal at Bugtong na Anak ng Ama at sa Kanya at nagtutubos na misyon na ginawa Niya.

“Sapagkat kanyang tinugon ang mga layunin ng batas, at kanyang inaangkin ang lahat ng yaong may pananampalataya sa kanya; at sila na may pananampalataya sa kanya ay kakapit sa bawat mabuting bagay; anupa’t ipinagtatanggol niya ang kapakanan ng mga anak ng tao.”5

Si Jesucristo ang ating Manunubos,6 ang ating Tagapamagitan,7 at ang ating Tagapagtanggol8 kasama ang Walang Hanggang Ama at ang bato kung saan dapat nating itayo ang espirituwal na saligan ng ating buhay.

Ipinaliwanag ni Helaman, “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo [nakatayo], na tunay na saligan, isang saligan na kung [tatayuan] ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”9

Ang simbolismo ni Cristo bilang ang “bato” kung kanino dapat nating itayo ang saligan ng ating buhay ay talagang may itinuturo. Mangyaring tandaan sa talatang ito na ang Tagapagligtas ay hindi ang saligan. Sa halip, tayo ay pinaaalalahanan na itayo ang ating personal na espirituwal na saligan sa Kanya.10

Ang saligan o pundasyon ay ang bahagi ng gusali na nag-uugnay rito sa lupa. Ang isang matibay na saligan o pundasyon ay nagbibigay ng proteksyon mula sa mga kalamidad at marami pang ibang nakasisirang puwersa. Ang isang maayos na pundasyon ay ginagawang pantay ang bigat ng gusali sa isang sukat ng lupa upang maiwasang masyadong mabigatan ang lupa sa ilalim at nagbibigay ng pantay na lupa para sa pagtatayo.

Bahay na may matibay na pundasyon.

Ang isang matibay at maaasahang ugnayan sa pagitan ng lupa at ng pundasyon ay mahalaga upang ang istruktura ay manatiling matibay at matatag sa paglipas ng panahon. At para sa mga partikular na uri ng konstruksyon, maaaring gumamit ng mga anchor pin at bakal na baras upang maiugnay ang pundasyon ng isang gusali sa “bedrock,” ang matigas at buong bato sa ilalim ng mga materyal sa ibabaw tulad ng lupa at graba.

Bahay na nakaangkla sa bedrock.

Sa parehong paraan, ang saligan o pundasyon ng ating buhay ay kailangang nakaugnay sa bato ni Cristo upang tayo ay manatiling matibay at matatag. Ang mga sagradong tipan at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas ay maihahalintulad sa mga anchor pin at bakal na baras na ginagamit upang maiugnay ang isang gusali sa bedrock. Sa tuwing matapat nating tinatanggap, nirerebyu, inaalala, at pinaninibago ang mga sagradong tipan, ang ating mga espirituwal na angkla ay mas pinatitibay at pinatatatag sa “bato” ni Jesucristo.

“Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos.”11

Paunti-unti at patindi nang patindi “sa paglipas ng panahon,”12 “[napupuspos] ng kabanalan ang [ating] mga iniisip nang walang humpay,” ang ating “pagtitiwala ay [lumalakas nang lumalakas] sa harapan ng Diyos,” at “ang Espiritu Santo ang [ating] magiging kasama sa tuwina.”13 Tayo ay nagiging mas matatag, nakaugat, matibay, at maayos.14 Haangga’t ang saligan ng ating buhay ay nakatayo sa Tagapagligtas, tayo ay pinagpapalang “mapanatag”—na magkaroon ng espirituwal na katiyakan na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, at si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas.

Mga Sagradong Panahon, mga Banal na Lugar, at ang Tahanan

Ang Panginoon ay naglalaan kapwa ng mga sagradong panahon at ng mga banal na lugar upang matulungan tayong magkaroon ng karanasan at matuto tungkol sa panloob na kapanatagan na ito ng ating mga kaluluwa.

Halimbawa, ang Sabbath ay araw ng Diyos, isang sagradong panahon na inilaan upang alalahanin at sambahin ang Ama sa ngalan ng Kanyang Anak, makibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, at tumanggap at magpanibago ng mga sagradong tipan. Bawat linggo, sinasamba natin ang Panginoon sa ating pag-aaral sa tahanan at gayon din bilang “mga kapwa mamamayan ng mga banal”15 sa oras ng sacrament meeting at iba pang mga pulong. Sa Kanyang banal na araw, ang ating mga iniisip, ginagawa, at ikinikilos ay mga tanda na ibinibigay natin sa Diyos at isang pahiwatig ng ating pagmamahal para sa Kanya.16 Bawat araw ng Linggo, kung nais natin, maaari tayong mapanatag at maaari nating malaman na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, at si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas.

Ang pinakamahalagang bahagi ng ating pagsamba sa Sabbath ay ang “magtungo sa pa[na]langinan at ihandog ang [ating] sakramento sa … banal na araw [ng Panginoon].”17 Ang “[mga] panalanginan” kung saan tayo nagtitipon sa Sabbath ay mga meetinghouse at iba pang mga aprubadong pasilidad—mga banal na lugar ng pagpipitagan, pagsamba, at pagkatuto. Ang bawat meetinghouse at pasilidad ay inilaan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood bilang isang lugar kung saan maaaring manahan ang Espiritu ng Panginoon at kung saan ang mga anak ng Diyos ay makararating “sa kaalaman ng kanilang Manunubos.”18 Kung nais natin, maaari tayong “mapanatag” sa ating mga banal na lugar ng pagsamba at maaari nating malaman nang may katiyakan na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, at si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas.

Ang templo ay isa pang banal na lugar na partikular na inilaan para sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos at pagkatuto ng mga walang hanggang katotohanan. Naiiba tayong mag-isip, kumilos, at manamit sa bahay ng Panginoon kaysa sa iba pang mga lugar na madalas nating puntahan. Sa Kanyang banal na bahay, kung nais natin, maaari tayong mapanatag at maaari nating malaman na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, at si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas.

Ang mga pangunahing layunin ng sagradong oras at mga banal na lugar ay magkatulad na magkatulad: na paulit-ulit na ituon ang ating pansin sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano, sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, sa nagpapatibay na kapangyarihan ng Espiritu Santo, at sa mga pangakong kaugnay ng mga sagradong ordenansa at tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Ngayon, uulitin ko ang isang alituntuning binigyang-diin ko na noon. Ang ating mga tahanan ay dapat kapwa maging pangunahing kumbinasyon ng sagradong oras at banal na lugar kung saan ang mga indibiduwal at mga pamilya ay maaaring “mapanatag” at maaari nilang malaman na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, at si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas. Ang paglisan sa ating mga tahanan upang sumamba sa Sabbath at sa bahay ng Panginoon ay tiyak na mahalaga. Ngunit tanging kapag bumalik tayo sa ating mga tahanan nang may espirituwal na pananaw at lakas na nakuha sa mga banal na lugar at aktibidad na iyon lamang natin mapapanatili ang ating pokus sa mga pangunahing layunin ng mortal na buhay at madadaig ang mga tukso na talagang laganap sa ating nahulog na mundo.

Ang ating patuloy na mga karanasan sa Sabbath, templo, at tahanan ay dapat magpatibay sa atin nang may kapangyarihan ng Espiritu Santo, nang may patuloy at mas malakas na pakikipagtipan sa Ama at sa Anak, at nang “may ganap na kaliwanagan ng pag-asa”19 sa mga walang hanggang pangako ng Diyos.

Habang ang tahanan at Simbahan ay tinitipon nang magkakasama kay Cristo,20 maaaring sa bawat panig ay pinagmamalupitan tayo, subalit hindi nadudurog ang ating mga isip at puso. Maaaring nililito tayo ng ating mga kalagayan at hamon, subalit hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Maaaring pinag-uusig tayo, subalit matatanto rin natin na hindi tayo nag-iisa kailanman.21 Makatatanggap tayo ng espirituwal na lakas upang maging at manatiling matibay, matatag, at totoo.

Pangako at Patotoo

Ipinapangako ko na kapag itinatayo natin ang saligan ng ating buhay sa “bato” ni Jesucristo, mapagpapala tayo ng Espiritu Santo na makatanggap ng indibiduwal at espirituwal na kapanatagan ng kaluluwa na nagtutulot sa atin na malaman at maalala na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas, at maaari tayong mapagpala na magawa at makaya ang mahihirap na bagay.

Masaya kong pinatototohanan na ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, tayo ay Kanyang mga anak, si Jesucristo ay ang ating Manunubos at ang “bato” ng ating kaligtasan. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.