Liahona
Pangulong Paul V. Johnson
Mayo 2024


“Pangulong Paul V. Johnson,” Liahona, Mayo 2024.

Pangulong Paul V. Johnson

Sunday School General President

Mula sa kanyang trabaho bilang seminary teacher hanggang sa siyam na taong ginugol niya bilang Commissioner of Education ng Simbahan, nagkaroon na ang magiging Sunday School General President na si Pangulong Paul V. Johnson ng maraming karanasan sa pagtuturo ng ebanghelyo. Ngunit ang pinakamahalagang katangiang hatid niya sa kanyang bagong tungkulin, ayon sa kanya, ay “ang pagmamahal ko sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at ang pagmamahal ko rin sa mga kabataan at sa ibang mga tao.”

Si Pangulong Johnson ay isinilang noong Hunyo 24, 1954, sa Gainesville, Florida, USA, kina Vere Johnson at Winifred Amacher. Bago siya nag-isang taong gulang, lumipat ang kanyang mga magulang sa Logan, Utah, USA, kung saan pinalaki nila siya at ang pitong kapatid niya.

Nakilala niya ang kanyang magiging asawa, si Jill Washburn, nang ma-recruit siyang maglaro ng high school football sa Monticello, Utah, ng isang dating coach na lumipat doon mula sa Logan. Nagkita na dati sina Paul at Jill, ngunit ngayo’y naging magkaibigan na sila habang dumadalo sa iisang ward at seminary class. Sinulatan siya ni Sister Johnson nang maglingkod siya sa full-time mission sa Norway.

Ikinasal sila noong Agosto 18, 1976, sa Logan Utah Temple. Mayroon silang 9 na anak at 43 apo.

Magkasama nang nakaranas ang mga Johnson ng mga pagsubok, mula sa pagkamatay ng isang anak na babae dahil sa kanser hanggang sa paghihirap sa sarili nilang mga problema sa kalusugan. Ngunit sinabi ni Pangulong Johnson na ang mga karanasang iyon ang humubog sa kanyang pananaw sa plano ng Diyos. “Sa palagay ko dahil diyan, bilang guro, ay nasasabik akong tulungan ang mga kabataan na kumapit sa Tagapagligtas at sa kanilang Ama sa Langit,” wika niya.

Si Pangulong Johnson ay nagtamo ng bachelor’s degree sa zoology noong 1977 at ng master’s degree sa counseling and guidance noong 1978, kapwa mula sa Brigham Young University. Nagtamo siya ng doctor of education degree mula sa Utah State University noong 1989.

Si Pangulong Johnson ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Abril 2005 at naglilingkod na bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu simula noong Agosto 1, 2021. Naglingkod na siya bilang counselor sa Europe Area Presidency, counselor sa Chile Area Presidency, counselor sa isang stake presidency, at bishop.

Bibigyan siya ng emeritus status, na magiging epektibo sa Agosto 1, 2024, kapag nagsimula siya sa kanyang bagong calling.