Ibihis Ninyo ang Panginoong Jesucristo
Sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan, ibinubuhos ng Diyos ang maraming ipinangakong pagpapala sa atin na kalakip ng mga tipang iyon.
Habang lumalaki ang dalawang pinakabatang anak ko, nakatuklas ako ng mga aklat na nakakaaliw at nakakasiya ngunit gumagamit din ng simbolismo sa mga kuwento nito. Habang magkasama kaming nagbabasa sa gabi, gustung-gusto kong tinutulungan ang aking mga anak na maunawaan ang simbolismo na ginamit ng awtor sa pagtuturo ng mas malalim na alituntunin, maging ng mga alituntunin ng ebanghelyo.
Isang araw nakita kong lubos na itong naunawaan ng aking anak noong binatilyo siya. May sinimulan kasi siyang basahin na bagong aklat at gusto lamang niyang masiyahan sa kuwento, ngunit ang kanyang isipan ay pilit na hinahanap ang malalim na kahulugan ng lahat ng bagay na nababasa niya. Nadismaya siya, pero masaya ang kalooban ko.
Si Jesus ay nagturo sa pamamagitan ng mga kuwento at simbolo1—isang binhi ng mustasa upang ituro ang kapangyarihan ng pananampalataya,2 isang nawawalang tupa upang ituro ang kahalagahan ng mga kaluluwa,3 isang alibughang anak upang ituro ang katangian ng Diyos.4 Ang Kanyang mga talinghaga ay mga simbolo kung saan makapagtuturo Siya ng mas malalalim na aral sa mga taong may “pandinig [na nakakarinig].”5 Ngunit ang mga hindi naghahanap ng mas malalim na kahulugan ay hindi makauunawa,6 tulad ng maraming nagbabasa ng parehong mga aklat na binasa ko sa aking mga anak na hindi nakakaalam na may mas malalalim na kahulugan at marami pang matututuhan mula sa mga kuwentong iyon.
Nang ialay ng Diyos Ama ang Kanyang Bugtong na Anak bilang sakripisyo para sa atin, si Jesucristo ang naging pinakamahalagang simbolo ng walang hanggang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa bawat isa sa atin.7 Si Jesucristo ay naging Kordero ng Diyos.8
Mayroon tayong pribilehiyo at pagpapala na maanyayahan na makipagtipan sa Diyos, kung saan ang ating sariling buhay ay maaaring maging simbolo ng tipang iyon. Ang mga tipan ay lumilikha ng uri ng ugnayan na nagtutulot sa Diyos na hubugin at baguhin tayo at gabayan tayo upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas, inilalapit tayo sa Kanya at sa ating Ama9 at sa huli ay inihahanda tayo na makapasok sa Kanilang kinaroroonan.
Ang bawat tao sa mundo ay minamahal na anak na lalaki o anak na babae ng Diyos.10 Kapag pinili nating maging bahagi ng tipan, pinag-iibayo at pinalalalim nito ang ating kaugnayan sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na kapag pinipili nating makipagtipan sa Diyos, ang ating kaugnayan sa Kanya ay nagiging mas malapit kaysa noong bago tayo nakipagtipan, at binibiyayaan Niya tayo ng karagdagang awa at pagmamahal, ang pagmamahal na hatid ng tipan ay tinatawag na hesed sa wikang Hebreo.11 Ang landas ng tipan ay tungkol sa ating ugnayan sa Diyos—ang ating hesed na ugnayan sa Kanya.12
Nais ng ating Ama na magkaroon ng mas malalim na kaugnayan sa lahat ng Kanyang mga anak,13 ngunit tayo ang pipili. Kapag pinili nating mas mapalapit sa Kanya sa pamamagitan ng pakikipagtipan, mas lumalapit Siya sa atin14 at lalo tayong pinagpapala.
Ang Diyos ang nagtatakda ng mga kundisyon at obligasyon sa mga tipang ginagawa natin.15 Kapag pinili nating pumasok sa ugnayang iyon, pinatototohanan natin sa Kanya, sa pamamagitan ng mga simbolikong gawain ng bawat tipan na handa tayong sumunod sa mga kundisyong itinakda Niya.16 Sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan, ibinubuhos ng Diyos ang maraming ipinangakong pagpapala sa atin na kalakip ng mga tipang iyon,17 kabilang na ang dagdag na kakayahang magbago at maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas. Si Jesucristo ang sentro ng lahat ng tipang ginagawa natin, at ang mga pagpapala ng tipan ay ginawang posible dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.18
Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay ang simbolikong pasukan kung saan pumasok tayo sa pakikipagtipan sa Diyos. Ang paglubog sa tubig at muling pag-ahon ay simbolo ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa panibagong buhay.19 Sa ating binyag, tayo ay simbolikong namatay at isinilang na muli sa pamilya ni Cristo at ipinapakita natin na handa nating taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan.20 Tayo mismo ang kumakatawan sa simbolismo ng tipang iyon. Mababasa natin sa Bagong Tipan, “Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.”21 Sa ating binyag, simbolikong ibinihis natin si Cristo.
Ang ordenansa ng sakramento ay nagtuturo din sa Tagapagligtas. Ang tinapay at tubig ay simbolo ng laman at dugo ni Cristo na itinigis para sa atin.22 Ang kaloob na Kanyang Pagbabayad-sala ay simbolikong ibinibigay sa atin linggu-linggo kapag ang mayhawak ng priesthood, na kumakatawan sa Tagapagligtas, ay nagbibigay sa atin ng tinapay at tubig. Kapag kinain at ininom natin ang mga sagisag ng Kanyang laman at dugo, simbolikong nagiging bahagi natin si Cristo.23 Muli nating ibinibihis si Cristo kapag gumagawa tayo ng bagong tipan bawat linggo.24
Kapag nakikipagtipan tayo sa Diyos sa bahay ng Panginoon, mas pinalalalim natin ang ating kaugnayan sa Kanya.25 Lahat ng ginagawa natin sa templo ay nakatuon sa plano ng ating Ama para sa atin, na ang sentro nito ay ang Tagapagligtas at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.26 Tuturuan tayo ng Panginoon nang taludtod sa taludtod27 sa pamamagitan ng simbolismo ng mga ordenansa at tipan kapag binuksan natin ang ating puso at mapanalanging hinangad na maunawaan ang mas malalim na mga kahulugan.
Bilang bahagi ng endowment sa templo, tayo ay awtorisadong magsuot ng garment ng banal na priesthood. Ito ay kapwa sagradong obligasyon at pribilehiyo.
Sa maraming tradisyong panrelihiyon, ang espesyal na panlabas na kasuotan ay isinusuot bilang simbolo ng mga paniniwala at katapatan ng isang tao sa Diyos,28 at ang kasuotang panseremonya ay kadalasang isinusuot ng mga namumuno sa serbisyo ng pagsamba. Ang mga sagradong kasuotang iyon ay may malalim na kahulugan para sa mga nagsusuot nito. Nabasa natin sa banal na kasulatan na noong unang panahon, ang sagradong kasuotang panseremonya ay isinusuot din kaugnay ng mga ritwal sa templo.29
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo na nagpasiyang makipagtipan sa Diyos sa bahay ng Panginoon ay nagsusuot ng panlabas na sagradong kasuotang panseremonya habang sumasamba sa templo, na simbolo ng mga kasuotang isinuot sa sinaunang mga ritwal sa templo. Isinusuot din natin ang garment ng banal na priesthood, kapwa sa pagsamba sa templo at sa araw-araw ng ating buhay.30
Ang garment ng banal na priesthood ay may malalim na simbolo at nagtuturo din sa Tagapagligtas. Nang kumain sina Adan at Eva ng bunga at kailangang nilang umalis sa Halamanan ng Eden, sila ay binigyan ng kasuotang balat na isinuot nila.31 Marahil ay isang hayop ang isinakripisyo upang gawin ang mga kasuotang balat na iyon—na simbolo ng sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin. Ang salitang Kaphar ay salitang Hebreo para sa pagbabayad-sala, at isa sa mga kahulugan nito ay “takpan.”32 Ipinapaalala sa atin ng ating temple garment na ang Tagapagligtas at ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ay bumabalot sa atin habambuhay. Kapag isinuot natin ang garment ng banal na priesthood, ang magandang simbolong iyan ay nagiging bahagi natin.
Sa aklat ng Roma sa Bagong Tipan, mababasa natin: “Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya’t iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag. … Isuot ninyo ang Panginoong Jesucristo.”33
Labis akong nagpapasalamat sa pribilehiyong maisuot ang garment ng banal na priesthood upang ipaalala sa akin na ang Tagapagligtas at ang mga pagpapala ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala ay palaging bumabalot sa akin sa buong paglalakbay ko sa buhay na ito. Ipinapaalala rin nito sa akin na kapag tinutupad ko ang mga tipang ginawa ko sa Diyos sa bahay ng Panginoon, simbolikong isinusuot ko si Cristo, na Siya ring baluti ng liwanag. Siya ang magpoprotekta sa akin laban sa kasamaan,34 magbibigay sa akin ng kapangyarihan at dagdag na kakayahan,35 at magiging aking liwanag at gabay36 sa kadiliman at mga paghihirap sa mundong ito.
May malalim at magandang simbolikong kahulugan sa garment ng banal na priesthood at sa kaugnayan nito kay Cristo. Naniniwala ako na ang kahandaan kong37 magsuot ng sagradong garment ay nagiging simbolo ko sa Kanya.38 Ito ang sarili kong personal na tanda sa Diyos, hindi tanda sa iba.39
Labis akong nagpapasalamat sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo.40 Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin ay naging pinakadakilang simbolo ng walang hanggang pagmamahal Niya at ng ating Ama sa Langit sa bawat isa sa atin,41 na may mga nahahawakang simbolo ng pagmamahal at sakripisyong iyon—ang mga marka sa mga kamay, paa, at tagiliran ng Tagapagligtas—na nanatili maging pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli.42
Sa pagtupad ko sa aking mga tipan at obligasyon sa Diyos, kabilang na ang pagsusuot ng garment ng banal na priesthood, ang buhay ko mismo ay maaaring maging personal na simbolo ng aking pagmamahal at malalim na pasasalamat para sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, at ng hangarin kong makasama Siya sa tuwina.
Kung hindi pa ninyo ito nagawa, inaanyayahan ko kayong piliing magkaroon ng mas malalim na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya sa bahay ng Panginoon. Pag-aralan ang mga mensahe ng ating propeta (kabilang na ang magagandang turo sa mga footnote ng kanyang mga mensahe, na mayroon ang karamihan sa mga mensahe sa kumperensya). Paulit-ulit na siyang nagsalita tungkol sa mga tipan sa loob ng maraming taon at lalo na mula noong Siya ay maging Pangulo ng Simbahan. Matuto sa kanyang mga turo tungkol sa magagandang pagpapala at dagdag na kapangyarihan at kakayahan na maaaring mapasainyo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos.43
Nakasaad sa Pangkalahatang Hanbuk na hindi kailangang may mission call muna o magpakasal para gumawa ng mga tipan sa templo.44 Ang isang tao ay dapat 18 taong gulang man lang, hindi na high school o katumbas nito, at miyembro ng Simbahan nang hindi kukulangin sa isang taon. Mayroon ding mga pamantayan ng personal na kabanalan na kinakailangan.45 Kung nais ninyong palalimin ang inyong kaugnayan sa inyong Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng mga sagradong tipan sa bahay ng Panginoon, inaanyayahan ko kayo na kausapin ang inyong bishop o branch president at ipaalam sa kanya ang inyong mga hangarin. Tutulungan niya kayong malaman kung paano maghanda na tanggapin at tuparin ang mga tipang iyon.
Sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos, ang sarili nating buhay ay maaaring maging isang buhay na simbolo ng ating katapatan at malalim na pagmamahal sa ating Ama sa Langit, ang ating hesed sa Kanya,46 at ng hangarin nating umunlad at kalaunan ay maging katulad ng ating Tagapagligtas, na handang pumasok sa Kanilang kinaroroonan balang-araw. Pinatototohanan ko na sulit ang malalaking pagpapala ng pakikipagtipang iyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.