Liahona
Maging Kaisa ni Cristo
Mayo 2024


15:5

Maging Kaisa ni Cristo

Nagkakaisa tayo sa ating pagmamahal at pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang diwa ng tunay na pagiging kabilang ay ang maging kaisa ni Cristo.

Nadama ko nang husto ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula pa noong bata pa ako, ngunit ang katotohanan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay naging malinaw sa akin noong ako ay 25 taong gulang. Katatapos ko lang sa Stanford Law School at nag-aaral ako para sa California bar exam. Tumawag ang nanay ko at sinabing nag-aagaw-buhay ang lolo kong si Crozier Kimball, na nakatira sa Utah. Sinabi niya na kung gusto kong makita si Lolo, kailangan kong umuwi. Ang lolo ko ay 86 na taong gulang at malubha ang sakit. Maganda ang naging pagbisita ko. Tuwang-tuwa siya na makita ako at nagbahagi sa akin ng kanyang patotoo.

Noong tatlong taong gulang lamang si Crozier, ang kanyang ama na si David Patten Kimball ay namatay sa edad na 44.1 Umasa si Crozier na ikalulugod ng kanyang ama at ng kanyang lolo na si Heber C. Kimball ang kanyang pamumuhay at madama na siya ay tapat sa kanyang pamana.

Ang pangunahing payo ng lolo ko sa akin ay iwasan ang anumang kapalaluan o pagmamagaling dahil sa matatapat na ninunong ito. Sinabi niya sa akin na ang dapat kong pagtuunan ay ang Tagapagligtas at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sabi niya na lahat tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Kahit sino pa man ang ating mga ninuno sa mundo, bawat isa sa atin ay mag-uulat sa Tagapagligtas kung gaano natin sinunod nang mabuti ang Kanyang mga kautusan.

Ang tawag ni Lolo sa Tagapagligtas ay “Tanod ng Pasukan,” na binanggit sa 2 Nephi 9:41. Sinabi niya sa akin na siya ay umaasa na sapat ang naging pagsisisi niya para maging marapat sa awa ng Tagapagligtas.2

Labis akong naantig. Alam ko na siya ay isang mabuting tao. Siya ay isang patriarch at naglingkod sa ilang misyon. Itinuro niya sa akin na walang makababalik sa Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawa nang mag-isa kung wala ang tulong ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Naaalala ko hanggang sa araw na ito ang malaking pagmamahal at pagpapahalaga ni Lolo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Noong 2019 nang nasa Jerusalem ako dahil sa isang tungkulin,3 binisita ko ang isang silid sa itaas na maaaring malapit sa lugar kung saan hinugasan ng Tagapagligtas ang mga paa ng Kanyang mga Apostol bago ang Kanyang Pagpapako sa Krus. Nadama ko ang Espiritu at inisip kung paano Niya iniutos sa Kanyang mga Apostol na mahalin ang isa’t isa.

Naalala ko ang nagsusumamong Panalangin ng Pamamagitan ng Tagapagligtas para sa atin. Ang panalanging ito ay naganap sa mga huling oras ng Kanyang buhay sa mundo tulad ng nakatala sa Ebanghelyo Ayon kay Juan.

Pinapatungkulan ng panalanging ito ang mga tagasunod ni Cristo, kabilang tayong lahat.4 Sa panalangin ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama, nagsumamo Siya na “silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin.” Sinabi pa ng Tagapagligtas, “At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.”5 Ang pagiging isa ang idinalangin ni Cristo bago ang pagkakanulo sa Kanya at Pagpapako sa krus. Ang pagiging isa kay Cristo at sa ating Ama sa Langit ay matatamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Ang nakapagliligtas na awa ng Panginoon ay hindi batay sa angkan, edukasyon, estado ng pamumuhay, o lahi. Ito ay batay sa pagiging kaisa ni Cristo at sa Kanyang mga kautusan.

Natanggap nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ang paghahayag tungkol sa organisasyon at pamamahala ng Simbahan noong 1830, matapos maorganisa ang Simbahan. Ang tinatawag na bahagi 20 ay binasa ni Propetang Joseph sa unang kumperensya ng Simbahan at siyang unang paghahayag na inaprubahan ng pangkalahatang pagsang-ayon.6

Ang nilalaman ng paghahayag na ito ay katangi-tangi. Itinuturo nito sa atin ang kahalagahan at ang ginagampanan ng Tagapagligtas at kung paano matatamo ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang biyaya. Si Propetang Joseph ay 24 na taong gulang noon at nakatanggap na ng maraming paghahayag at natapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Sina Joseph at Oliver ay kapwa inordenang Apostol, kaya may awtoridad sila na mamuno sa Simbahan.

Ang mga talata 17 hanggang 36 ay naglalaman ng buod ng mahalagang doktrina ng Simbahan, kabilang na ang katotohanang may Diyos, ang Paglikha ng sangkatauhan, ang Pagkahulog, at ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang talata 37 ay naglalaman ng mahahalagang kinakailangan para mabinyagan sa Simbahan ng Panginoon. Ang mga talata 75 hanggang 79 ay naglalahad ng mga panalangin sa sakramento na ginagamit natin tuwing Sabbath.

Ang mga doktrina, alituntunin, sakramento, at gawain na itinatag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta ng Pagpapanumbalik, ay tunay na napakahalaga.7

Ang mga kinakailangan para sa binyag, bagama’t malalim, ay natatangi sa kasimplehan nito. Kabilang sa mga ito ang pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos, bagbag na puso at nagsisising espiritu,8 pagsisisi sa lahat ng kasalanan, pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo, pagtitiis hanggang wakas, at pagpapakita sa pamamagitan ng ating mga gawa na natanggap natin ang Espiritu ni Cristo.9

Mahalaga na lahat ng kwalipikasyon para sa binyag ay espirituwal. Hindi kailangan kung ano ang natamong kabuhayan o estado sa lipunan. Ang espirituwalidad na hinihingi sa mga maralita at mayayaman ay pareho lamang.

Hindi kailangan na kabilang sa anumang lahi, kasarian, o etnisidad. Nilinaw ng Aklat ni Mormon na lahat ay inaanyayahang makibahagi sa kabutihan ng Panginoon, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”10 “Lahat ng tao ay may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba, at walang pinagbabawalan.”11

Dahil tayo ay “magkakatulad” sa harapan ng Diyos, hindi makabuluhang bigyang-diin ang ating mga pagkakaiba. May mga tao na di-tamang naghihikayat sa atin na “isipin na ibang-iba ang mga tao sa atin at sa isa’t isa gayong hindi naman talaga. Ang [ilan] ay labis na pinalalaki ang totoo ngunit maliliit na pagkakaiba.”12

Dagdag pa rito, mali ang pag-aakala ng ilan na dahil inaanyayahan ang lahat ng tao na tanggapin ang Kanyang kabutihan at buhay na walang hanggan, wala nang kinakailangang gawin.13

Subalit pinatutunayan sa mga banal na kasulatan na lahat ng tao na may pananagutan ay kailangang pagsisihan ang mga kasalanan at sundin ang Kanyang mga kautusan.14 Nilinaw ng Panginoon na lahat ay may kalayaang moral at “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, … at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan; at maging matapat sa kanyang mga salita, at piliin ang buhay na walang hanggan.”15 Upang matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, kailangan nating gamitin ang ating kalayaang moral upang piliin si Cristo at sundin ang Kanyang mga kautusan.

Sa buong buhay ko, ang ibig sabihin ng “kalayaan” at “kakayahang pumili” ay sinuri at pinagdebatehan. Marami at patuloy na dumarami ang intelektuwal na mga argumento tungkol sa mga paksang ito.

Sa pabalat ng isang lathalain ng alumni ng isang kilalang unibersidad kamakailan, sinabi ng isang kilalang propesor ng biology, “Walang puwang para sa kakayahang pumili.”16 Hindi nakakapagtaka na binanggit ng propesor sa artikulo na, “Walang Diyos, … at walang kakayahang pumili, at ito ay isang malawak, walang saysay, at hungkag na sansinukob.”17 Hinding-hindi ko ito masasang-ayunan.

Ang pangunahing doktrina ng ating pananampalataya ay ang pagkakaroon natin ng kalayaang moral,18 na kinapapalooban ng kakayahang pumili.19 Ang kalayaan ay kakayahang pumili at kumilos. Ito ay mahalaga sa plano ng kaligtasan. Kung walang kalayaang moral, hindi tayo matututo, uunlad, o makapipili na maging kaisa ni Cristo. Dahil sa kalayaang moral, tayo “ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan.”20 Sa Kapulungan sa Langit bago ang buhay na ito, kasama sa plano ng Ama ang kalayaan bilang mahalagang bahagi. Naghimagsik si Lucifer at “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao.”21 Dahil dito, ang pribilehiyong magkaroon ng mortal na katawan ay ipinagkait kay Satanas at sa mga sumunod sa kanya.

Ginamit ng iba pang mga premortal na espiritu ang kalayaan nila sa pagsunod sa plano ng Ama sa Langit. Ang mga espiritu na pinagpalang isinilang dito sa mundo ay may kalayaan pa rin. Malaya tayong pumili at kumilos, ngunit hindi natin makokontrol ang mga ibubunga nito. “Ang pagpili sa kabutihan at katuwiran ay humahantong sa kaligayahan, kapayapaan, at buhay na walang hanggan, samantalang ang pagpili sa kasalanan at kasamaan ay humahantong sa kapighatian at kalungkutan sa bandang huli.”22 Tulad ng sinabi ni Alma, “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”23

Sa mundong ito na matindi ang kumpitensya, walang tigil ang pagsisikap na magpakahusay. Ang pagsisikap na maabot ang pinakamainam nating mararating ay isang matwid at makabuluhang gawain. Naaayon ito sa doktrina ng Panginoon. Ang maliitin o hamakin ang iba o maging hadlang sa kanilang tagumpay ay salungat sa doktrina ng Panginoon. Hindi natin masisisi ang mga sitwasyon o ang ibang tao sa desisyon na kumilos nang salungat sa mga kautusan ng Diyos.

Sa mundo ngayon, madaling magtuon sa materyal na bagay at tagumpay sa trabaho. May ilang nakalimot na sa mga walang-hanggang alituntunin at pagpili na may walang-hanggang kahalagahan. Karunungan sa atin na sundin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na “isipin ang kahariang selestiyal.”24

Ang pinakamahahalagang pagpili ay magagawa ng halos lahat, anuman ang kanilang mga talento, kakayahan, oportunidad, o estado ng pamumuhay. Napakahalaga ng pagbibigay-diin sa mga pagpapasiya tungkol sa pamilya. Malinaw ito sa buong banal na kasulatan. Isipin ang salaysay sa 1 Nephi kung saan “lumisan [si Lehi] patungo sa ilang. At iniwan niya ang kanyang tahanan, at ang lupaing kanyang mana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang [mga] mamahaling bagay, at wala siyang dinala maliban sa kanyang mag-anak.”25

Kapag naharap tayo sa mga paghihirap at pagsubok sa buhay, maraming nagaganap na pangyayari na hindi natin makokontrol. Ang mga problema sa kalusugan at aksidente ay malinaw na akma sa kategoryang ito. Ang nangyari kamakailan na pandemyang COVID-19 ay nakaapekto nang malubha sa mga taong ginawa naman ang dapat nilang gawin. Karamihan sa pinakamahahalagang pagpili ay mayroon tayong kontrol. Noong ako ay missionary pa, pinakabisado sa amin ni Elder Marion D. Hanks, na aming mission president, ang ilang bahagi ng tula ni Ella Wheeler Wilcox:

Walang pagkakataon, walang tadhana, walang kapalaran,

Ang magpapahina, pipigil, o hahadlang

Sa kaluluwang matatag na naninindigan.26

Pagdating sa alituntunin, pag-uugali, espirituwal na pagsamba, at matwid na pamumuhay, tayo ang may kontrol. Ang ating pananampalataya at pagsamba sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay isang pagpapasiyang tayo ang gumagawa.27

Mangyaring unawain na hindi ko hinihikayat na huwag gaanong pahalagahan ang edukasyon o trabaho. Ang ibig kong sabihin, kapag mas ipinaprayoridad natin ang edukasyon at trabaho kaysa sa pamilya o sa pagiging kaisa ni Cristo, matinding kapighatian ang di-sinasadyang ibubunga nito.

Ang malinaw at simpleng doktrinang inilahad sa Doktrina at mga Tipan 20 ay nakaaantig at nakahihimok dahil pinalalakas at nililinaw nito ang sagrado at espirituwal na mga konsepto. Itinuturo nito na ang kaligtasan ay dumarating kapag binibigyang-katwiran at pinababanal ni Jesucristo ang mga nagsisising kaluluwa dahil sa biyaya ng Tagapagligtas.28 Inihahanda nito ang mga kondisyon para sa pinakapangunahing ginagampanan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Dapat nating sikaping isama ang iba sa ating kalipunan na kaisa ni Cristo. Kung gusto nating sundin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na tipunin ang nakalat na Israel sa magkabilang panig ng tabing, kailangan nating isama ang iba sa ating kalipunan na kaisa ni Cristo. Gaya ng napakagandang itinuro ni Pangulong Nelson: “Sa lahat ng kontinente at isla sa karagatan, ang matatapat ay tinitipon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga pagkakaiba sa kultura, wika, kasarian, lahi, at nasyonalidad ay nawawalan ng kabuluhan habang pinapasok ng mga Banal ang daan ng tipan at lumalapit sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas.”29

Pinagkakaisa tayo ng ating pagmamahal at pananampalataya kay Jesucristo at bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Ang diwa ng tunay na pagiging kabilang ay ang maging kaisa ni Cristo. Ang mga ordenansa ng binyag at ang sakramento na inilahad sa Doktrina at mga Tipan 20, kalakip ang ating mga tipan sa templo, ay pinagkakaisa tayo sa natatanging mga paraan at nagtutulot sa atin na maging isa sa bawat paraan na makabuluhan sa kawalang-hanggan at na mamuhay nang payapa at nagkakasundo.

Ibinabahagi ko ang aking walang-alinlangan at tiyak na patotoo na si Jesucristo ay buhay, at dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong maging kaisa ni Cristo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Si David, sa edad na 17, ay tumulong sa pagtatawid sa mga Banal sa nagyeyelong Sweetwater River nang sila ay na-stranded sa mataas na kapatagan ng Wyoming (tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal 1846–1893 [2020], 290–91)

  2. Tingnan sa Moroni 7:27–28.

  3. Ang Chief Rabbi ng Norway na si Rabbi Michael Melchior, at ako ay mga pangunahing tagapagsalita sa Jewish–Latter-day Saint scholar’s dialogue na idinaos noong Hunyo 5, 2019, sa BYU Jerusalem Center sa Israel.

  4. Tingnan sa Juan 17:20.

  5. Juan 17:21–22.

  6. Tingnan sa “The Conference Minutes and Record Book of Christ’s Church of Latter Day Saints, 1838–1839, 1844” (karaniwang kilala bilang Far West Record), June 9, 1830, Church History Library, Salt Lake City; Steven C. Harper, Making Sense of the Doctrine and Covenants (2008), 75.

  7. Ang Doktrina at mga Tipan 20 ang unang paghahayag na inilathala sa pahayagan ng Simbahan at ginamit ng mga missionary pagdating sa doktrina at sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng binyag at ng sakramento (tingnan sa Harper, Making Sense of the Doctrine and Covenants, 75).

  8. Tingnan sa 2 Nephi 2:7.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37.

  10. 2 Nephi 26:33.

  11. 2 Nephi 26:28.

  12. Peter Wood, Diversity: The Invention of a Concept (2003), 20.

  13. Pinaniwalaan ni Nehor ang pananaw na ito (tingnan sa Alma 1:4).

  14. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:49–50.

  15. 2 Nephi 2:27–28.

  16. Stanford (lathalain ng Stanford Alumni Association), Dis. 2023, pabalat.

  17. Sa Sam Scott, “As If You Had a Choice,” Stanford, Dis. 2023, 44. Ang tinutukoy na propesor sa artikulo ay si Robert Sapolsky, isang Stanford professor ng biology, neurology, at neurosurgery, at isang mahusay na awtor ng mga aklat ng siyensya. Ang artikulo ay naglalaman ng magkakasalungat na pananaw, kabilang ang pananaw mula kay Alfred Mele, isang propesor ng pilosopiya sa Florida State University na namuno sa isang malaking proyektong John Templeton Foundation tungkol sa kakayahang pumili. Sabi niya, “Hindi pa talaga napatunayan ng mga siyentipiko na ang kakayahang pumili—kahit pa masidhi—ay isang ilusyon” (sa Scott, “As If You Had a Choice,” 46).

  18. Tingnan sa D. Todd Christofferson, “Moral Agency” (Brigham Young University devotional, Ene. 31, 2006), speeches.byu.edu.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:27.

  20. 2 Nephi 2:27.

  21. Moises 4:3.

  22. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 46.

  23. Alma 41:10.

  24. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 117–20.

  25. 1 Nephi 2:4.

  26. Poetical Works of Ella Wheeler Wilcox (1917), 129.

  27. Gustong-gusto ko ang sipi na ibinahagi ni Elder Neal A. Maxwell na ipinahayag sa napakalinaw na paraan: “Kung hindi pa ninyo inuuna ang kaharian ng Diyos, wala nang kaibhan sa huli ang napili ninyong unahin” (iniugnay kay William Law, isang English clergyman noong ika-18 siglo; sinipi sa Neal A. Maxwell, “Response to a Call,” Ensign, Mayo 1974, 112).

  28. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:29–31. Binigyang-diin ng teolohiyang Calvinist ang pagbibigay-katwiran at pagpapabanal ng mga nahulog na kaluluwa sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo. Itinuro nito na kapag itinalaga na ng Diyos ang isang kaluluwa para sa kaligtasan, wala nang makapagbabago sa kahihinatnan. Ang Doktrina at mga Tipan 20 ay malinaw na salungat sa Calvinism. Mababasa rito, “Ang tao ay maaaring mahulog mula sa biyaya at malayo sa buhay na Diyos” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:32–34; Harper, Making Sense of the Doctrine and Covenants, 74).

  29. Russell M. Nelson, “Pagtatayo ng mga Tulay,” Liahona, Dis. 2018, 51.