Liahona
Ministeryo ng Unang Panguluhan
Mayo 2024


“Ministeryo ng Unang Panguluhan,” Liahona, Mayo 2024.

Mga Balita sa Simbahan

Ministeryo ng Unang Panguluhan

Sa isang mensahe sa social media na in-upload noong Pebrero 14, 2024, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat na gamitin ang Araw ng mga Puso bilang paalala na muling mangakong mahalin ang kanilang kapwa. Sinabi ni Pangulong Nelson na ito ang araw na ipinagdiriwang ng mga tao sa buong mundo ang pagmamahal. Samantalang ang pagmamahal ay maaaring ipakita sa tulong ng mga bulaklak, tsokolate, at regalo, “ang ikalawang dakilang utos ay nagtuturo ng ibang uri ng pagmamahal—yaong aktibong pagmamahal sa ating kapwa.”

Noong Pebrero 15, malugod na tinanggap ni Pangulong Nelson at ng kanyang mga tagapayo ang pangulo ng Navajo Nation na si Dr. Buu Nygren at ang asawa nitong si First Lady Jasmine Blackwater-Nygren sa Temple Square. Si Dr. Nygren ay tapat sa pangakong maghatid ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, kuryente, at maaayos na kalsada sa bawat tahanan ng Navajo. Nitong mga nakaraang taon, tumulong na ang Simbahan ni Jesucristo na maghatid ng ilan sa mga bagay na iyon sa Navajo Nation.

Sa broadcast ng Kaibigan sa Kaibigan noong Marso 9, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng kanyang asawang si Kristen kasama ang pito sa kanilang mga apo-sa-tuhod na edad-Primary kung paano marinig ang Espiritu Santo at kung ano ang ginagawa ng Espiritu Santo—nagbababala, nag-aalo, nagpapatotoo, gumagabay, nagtuturo, at marami pang iba.

“Nakikinig ang mga disipulo ni Jesucristo kay Jesucristo,” sabi ni Pangulong Oaks. “Kung minsa’y binibigyan Niya tayo ng isang damdamin, kung minsa’y isang ideya. Kung minsa’y naririnig natin ang Kanyang tinig. Hiniling na sa atin ni Pangulong Nelson, ang ating propeta, na makinig tayo sa ating Tagapagligtas at pakinggan Siya.”

Pagkaraan ng 61 taon ng pagsasama bilang mag-asawa, pansamantalang nagpaalam si Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa kanyang asawang si Kathleen, na pumanaw noong Oktubre 15, 2023. Sabi ni Pangulong Eyring, “Noon pa man ay si Kathleen na ang dahilan kaya ko ginustong magpakabuti nang husto hangga’t kaya ko.”

Noong Marso 24, inilaan ni Pangulong Eyring ang Red Cliffs Utah Temple sa St. George, Utah, USA. “Makasusumpong kayo ng kagalakan sa inyong paglilingkod dito na hindi magagawa sa ibang paraan,” wika niya sa mga serbisyo sa paglalaan.