“Elder Michael B. Strong,” Liahona, Mayo 2024.
Elder Michael B. Strong
General Authority Seventy
Ang pag-aaral ng ebanghelyo ni Elder Michael B. Strong ay nagsimula sa bahay, kung saan siya tinuruan ng kanyang mga magulang.
“Lumago ang aking patotoo at lumakas nang lumakas sa paglipas ng panahon, sa halos di-mapapansing mga paraan,” sabi ni Elder Strong. Paggunita niya, “Madalas kong makita ang impluwensya ng Diyos sa buhay ko, ngunit nabigyang-diin ito ng ilang napakalalim at napakatinding espirituwal na karanasan.”
Habang pinalalaki nilang mag-asawa ang kanilang pamilya, sadya nilang isinabuhay ang ebanghelyo sa kanilang buhay. “Sinikap naming gawin ito upang maging bahagi ang ebanghelyo sa aming buhay,” sabi ni Elder Strong. “Ito ang buhay namin.”
Si Elder Strong ay tumanggap ng bachelor of science degree sa microbiology na may minor sa chemistry mula sa Brigham Young University noong 1989 at ng medical degree mula sa Baylor College of Medicine noong 1993.
Naging isa siyang doktor at nagtatrabaho siya bilang chief medical information officer para sa University of Utah nang tawagin siya.
Natanto ni Elder Strong na kapag may mga problema siya, pati na sa kanyang propesyon, nagabayan siya sa mga solusyon dahil nagawa niyang ipagdasal ang mga hamong iyon. “Nadarama ko lang na binibigyan ako ng Panginoon ng mga ideya at ginagawang malinaw sa akin ang mga solusyon na hindi ko makikita sa ibang paraan,” wika niya. “Natanto ko na talagang nagmamalasakit Siya sa atin.”
Nang tawagin siya bilang General Authority Seventy, naglilingkod si Elder Strong bilang Area Seventy sa Utah Area. Naglingkod na rin siya bilang pangulo ng Perú Lima Central Mission, stake president, bishop, at full-time missionary sa Bolivia Cochabamba Mission.
Si Michael Brent Strong ay isinilang sa Salt Lake City noong Agosto 6, 1965. Pinakasalan niya si Cristin Connelly noong Agosto 22, 1987, sa Salt Lake Temple. Mayroon silang anim na anak. Sina Elder at Sister Strong ay naninirahan sa Centerville, Utah, USA.