“Elder Patrick Kearon: Inihanda at Tinawag ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2024.
Mga Bagong Calling
Elder Patrick Kearon: Inihanda at Tinawag ng Panginoon
Inihanda ng Panginoon si Elder Kearon sa kakaibang mga paraan at pinagkalooban siya ng mga espirituwal na kaloob na magtutulot sa kanya na pagpalain ang iba sa kanyang sagradong tungkulin bilang natatanging saksi “ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig.”
Isang Sabado ilang taon matapos matawag bilang General Authority Seventy, si Elder Patrick Kearon at ang kanyang asawang si Jennifer ay papasok noon sa isang supermarket habang papaalis naman sina Elder W. Rolfe Kerr at ang kanyang asawang si Janeil. Nag-usap sila sandali at pumunta na ang mga Kerr sa kanilang sasakyan.
Maya-maya lang, isang lalaki ang lumapit kay Elder Kearon at tuwang-tuwang nagtanong sa kanya, “General Authority ba iyong kausap mo?” Sumagot si Elder Kearon, “Oo. Siya si Elder W. Rolfe Kerr ng Pitumpu.”1 Tumango ang lalaki, tumingin kay Elder Kearon nang hindi siya nakikilala, at sinabing, “Masasabi mo talaga lagi kapag General Authority ang isang tao, hindi ba?” Pagkatapos ay nagmamadali nang umalis ang lalaki.
“Gustung-gusto ko ang kuwentong iyan dahil ganyan din ang pakiramdam ko,” sabi ni Elder Kearon nang nakangiti. “Maaaring maranasan kong muli iyan ngayon, at malamang na hindi pa rin ako makikilala na isang general Authority ng taong sa gitna ng maraming tao.”
Ang pagpapatawa patungkol sa sarili at pagpapakumbaba ni Elder Kearon ang kinagigiliwan sa kanya ng mga nakakakilala sa kanya o nagkaroon ng pribilehiyong makasama siya. Tinawag at inordenan bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Disyembre 7, 2023, batid ni Elder Kearon na ang kanyang bagong tungkulin ay hindi tungkol sa kanya kundi sa patuloy na gawain ng Panginoon.
“Lahat tayo ay nakikibahagi sa Kanyang gawain,” sabi niya, “nagsisikap na tulungan ang mga tao na madama ang Kanyang liwanag at ang Kanyang pagmamahal at ang Kanyang pagmamalasakit. Ang nais Niyang gawin natin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan ay maging pagpapala sa buhay ng iba.”
Inihanda ng Panginoon si Elder Kearon sa kakaibang mga paraan at pinagkalooban siya ng mga espirituwal na kaloob na magtutulot sa kanya na pagpalain ang iba sa kanyang sagradong tungkulin bilang natatanging saksi “ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23). Isang convert sa Simbahan sa edad na 26 at tanging miyembro ng Simbahan sa kanilang magkakapatid, si Elder Kearon ay isang taong may matinding pakikiramay. Alam niya kung paano makinig, makipag-ugnayan, at panatagin ang mga anak ng Diyos. Siya ay likas na mapagkawanggawa at mapaglingkod. Bunga ng masasakit na karanasan at pagkawala ng mga mahal sa buhay, nagpapatotoo siya na ang Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay nagbibigay ng nagpapagaling na balsamo at balang-araw ay gagawing tama ang lahat.
Si Elder Kearon ay tunay na disipulo ni Jesucristo na nagtitiwala sa Panginoon. Siya ay isang lider na madaling sundin dahil tapat siya sa pagsunod sa Tagapagligtas at sa pag-akay sa mga tao palapit sa Kanya.
“Ang Panginoon,” sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ang nagdala kay Patrick papunta sa katungkulang hawak niya ngayon.”
Mapagmahal at Matatapat na Magulang
Si Patrick Kearon ay isinilang sa Carlisle, Cumbria, sa hilagang England noong Hulyo 18, 1961, sa mga magulang na sina Paddy at Patricia Kearon. Nagkakilala ang kanyang mga magulang noong sila ay naglilingkod sa British armed forces sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig—ang kanyang ina bilang army nurse sa India at Burma at ang kanyang ama ay nasa Royal Air Force (RAF), na na-deploy sa France, North Africa, Sicily, at Italy.
Bagama’t hindi palasimba, namuhay sila nang matapat, mapaglingkod, at mapagsakripisyo bilang pamilya na nag-iwan ng matibay na impresyon kay Patrick, ang pinakabata sa limang anak ng mag-asawa. Naaalala niya si Pat bilang isang mapagmahal at “kahanga-hangang ina,” magiliw na gumagabay, kadalasan sa pamamagitan ng halimbawa, at hindi kailanman naging palapintas sa sinuman. Siya ay bukas-palad, matatag, at napakabalanse ng personalidad. At naaalala niya kay Paddy ang “kasiglahan nito, pagiging magiliw; ang pagmamahal nito sa … mainit na disyerto ng Arabia [at] England at sa luntiang mga burol ng Ireland; at ang pagkaakit nito sa kalangitan, sa sikat ng araw, at sa dagat. Kitang-kita ko ang impluwensya niya sa akin, dahil ako rin ay mahilig lumabas, magpahangin at magbilad sa sikat ng araw.”2
Pagkatapos ng kanyang serbisyo sa RAF, nagtrabaho ang ama ni Elder Kearon bilang defense contractor sa Saudi Arabia. Noong labingpitong-taong-gulang si Patrick, natutuhan niya ang isang mahalagang aral tungkol sa pagsunod, na ikinuwento niya sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang General Authority. Sa hindi pagpansin sa bilin ng kanyang mga magulang na magsuot ng sapatos nang magkamping sila sa disyerto, naglibut-libot siya na nakasuot ng “tsinelas” at nakagat ng alakdan sa talampakan.3
Makalipas ang tatlong taon, bumalik ang batang si Patrick sa England at tumira sa boarding school kung saan nakadama siya ng matinding lungkot dahil sa pangungulila sa kanyang mga magulang, kalungkutang naiibsan lamang sa mga liham nila na nagpapalakas ng kanyang loob.
“Malamang na mas nakayanan iyon ni Harry Potter sa Hogwarts kaysa sa akin. Mahirap talaga,” sabi niya na tinutukoy ang boarding school. “Uuwi lang ako kapag Pasko, Pasko ng Pagkabuhay, at sa panahon ng tag-init. Gumawa ako ng maliliit na kalendaryo sa mga piraso ng papel, naglalagay ng isang linya sa bawat araw, binibilang ang mga araw hanggang sa makabalik ako sa aking pamilya.”
Makalipas ang ilang taon, habang si Patrick ay nasa kanyang pangalawang boarding school sa England, isang malakas na bagyo ang dumating mula sa Irish Sea. Ang malakas na daluyong ng bagyo ay nagpabaha sa 5,000 tahanan sa karatig na lugar. Inatasan si Patrick at ang kanyang mga kaklase na tumulong sa malawakang paglilinis.
“Naaalala ko pa ang bigat ng mga carpet na nababad sa tubig at ang mabahong amoy nito,” sabi niya. “Pero naaalala ko na pinagtuunan namin nang husto ng mga kaibigan at kaeskwela ko ang trabaho hanggang sa matapos ito. At naaalala ko ang mga tao at ang pagpapasalamat nila.”
Marahil ang karanasang iyon ang unang nagpadama kay Patrick ng mga pagpapala ng pagbibigay at pagtanggap ng paglilingkod. Kalaunan, natanto niya na hindi na siya isang tinedyer na kulang sa kumpiyansa “habang nakikibahagi ako sa dakilang gawaing ito na tulungan ang ating kapwa.”4
Pagkatapos ng high school, bumalik si Patrick sa Saudi Arabia, kung saan sinimulan niya ang pagsasanay sa pamamahala sa isang malaking kumpanya ng pagkain at inumin. Ang karanasang iyon ang nagpasimula ng kanyang gawain sa ilang industriya, na kalaunan ay humantong sa communications consultancy sa England kasama si Sister Kearon.
“Bumaligtad ang Mundo Ko”
Noong 19 anyos si Patrick, namatay ang kanyang ama at bayaw sa isang malagim na aksidente sa sasakyan sa Saudi Arabia. “Bumaligtad ang aking mundo dahil sa kanilang pagkawala,” sabi niya. Ang gumagabay na kamay ng kanyang ama, mapagmahal na panghihikayat, at masayang pananaw sa mundo ay wala na. Napuspos ng pagdadalamhati at kahungkagan sa loob ng ilang panahon, umuwi si Patrick sa England kasama ang kanyang ina pero kalaunan ay bumalik sa Saudi Arabia para magtrabaho.
“Nagkaroon ako ng lahat ng mahahalagang oportunidad na matuto at umunlad at makita kung paano pinatatakbo ang mga negosyo,” sabi niya. Ipinagpapasalamat niya lalo ang “isang kahanga-hangang boss na nagturo at gumabay sa akin at naging mabuti kong kaibigan. Isa siya sa ilan na itinuring kong ama na isang pagpapala sa akin mula nang pumanaw ang aking ama.”
Kalaunan, habang nagtatrabaho sa London, nakilala ni Patrick ang ilang miyembro ng Simbahan.
“Sila ay magagandang halimbawa ng ating relihiyon,” paggunita niya. “Isa sa kanila ang taga-California, at nanirahan ako sa pamilyang iyon habang nagtatrabaho ako roon.”
Ang karanasang iyon ay nagbigay kay Patrick ng magandang impresyon sa Simbahan. Humanga siya sa masayang paglilingkod ng pamilya, pero marami siyang tanong tungkol sa doktrina at mga paniniwala ng Simbahan. Gayunman, pagbalik sa England pagkaraan ng dalawang taon, nakilala niya ang ilang “kahanga-hangang mga missionary” sa mga lansangan ng London. Matapos nilang talakayin ang ebanghelyo nang ilang buwan at sinabihang hindi siya umuusad tungo sa binyag, tinanong nila siya kung gusto niya ng basbas.
“Pumayag akong tumanggap ng basbas mula sa isang senior missionary na kilala ko,” paggunita niya. “Ang nadama ko noong basbasan ako ay mahalagang sandali sa aking pagbabalik-loob. Hindi ko talaga maikakaila ang liwanag at kagalakan at kapayapaan na hindi kayang mailarawan ng mga salita. Ang mga salitang sinambit sa basbas ay totoong inspirado at talagang makabuluhan.”
Ang karanasang iyon, kabilang ang “ilang iba pang bagay sa aking pagsulong tungo sa binyag,” ay nagbigay kay Patrick ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Makalipas ang ilang buwan, noong Bisperas ng Pasko ng 1987, nabinyagan siya bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Para sa mga naghahangad ng patotoo, sabi ni Elder Kearon: “Piliing manampalataya, at tumugon sa paanyaya sa Alma 32. Sundin ang iyong mga espirituwal na nararamdaman. Gagabayan kayo nito, at malalaman ninyo.”
“Isang Mapagkukunan ng Lakas”
Dalawang taon matapos siyang mabinyagan, dumalo si Patrick sa isang young single adult ward sa London kung saan niya nakilala si Jennifer Hulme, isang estudyante sa Brigham Young University mula sa Saratoga, California. Pumunta si Jennifer sa London para sa anim na buwang pag-aaral ng art history at English literature. Ang pinakabata sa walong anak, pinalaki siya sa Simbahan.
Kaagad na natuon ang kanyang pansin kay Patrick.
“Habang pinagmamasdan ko siya na nakikisalamuha sa mga tao sa ward, nakita ko kung paano niya sila pakitunguhan,” sabi ni Jennifer tungkol kay Patrick. “Bagong miyembro man iyon, isang nagbabalik na miyembro, isang taong nahihirapan, o malapit na kaibigan, pinakitunguhan niya ang lahat nang may tunay na pagmamahal at malasakit. Ang katangiang iyon ang pinakaunang nagustuhan ko sa kanya. Ito ay isang katangiang nakita ko na nilinang niya, at ginamit nang ganap ng Diyos, sa loob ng 33 taon ng pagsasama naming mag-asawa.”
Pagkatapos ng pagliligawan, ikinasal ang magkasintahan sa Oakland California Temple noong Enero 1991. Pagkatapos ay pinalaki nila ang kanilang pamilya sa England sa loob ng 19 na taon hanggang sa tawagin si Elder Kearon noong 2010 bilang General Authority Seventy matapos maglingkod sa ilang tungkulin sa pamumuno, kabilang na ang pagiging stake president at Area Seventy. Naglilingkod siya bilang Senior President ng Pitumpu nang tawagin siya sa Korum ng Labindalawang Apostol.
Sinabi ni Elder Kearon na ang kanyang asawa ay tapat na disipulo na nababatid ang tunay na identidad. “Siya ay masayahin, may magandang pananaw sa buhay, matulungin, at lahat ng pag-uugaling ito ay nakasentro sa Tagapagligtas. Siya ang pinagmumulan ng lakas at malaking pagpapala sa akin mula nang magkakilala kami.”
Sabi ni Susannah, ang pangalawa sa tatlong anak na babae ng mag-asawa, na gustung-gustong ilaan ng kanyang ina ang sarili: “Siya ay puno ng buhay at liwanag at mapagmahal sa ebanghelyo.” At tulad ng kanyang ama, ang kanyang ina ay isang “mahusay na tagapakinig.”
Ayon kay Susannah at kanyang mga kapatid, ang pagmamahal at paggalang ng kanilang mga magulang sa isa’t isa ay nagtutulot sa kanila na magkaisa sa pananampalataya tungo sa parehong mga mithiin. Nakikinig sila sa isa’t isa at iginagalang at pinahahalagahan ang mga iniisip at opinyon ng bawat isa.
Sinabi ni Emma, bunsong anak na babae ng mag-asawa, na ang maayos na relasyon ng kanyang mga magulang at ang matinding pagmamahal nila para sa kanilang mga anak “ay nagpadama ng lubos na kasiyahan at seguridad sa kanilang tahanan.”
Sabi naman ni Lizzie Kearon Staheli, ang panganay na anak, tungkol sa kanyang ama: “Nakikita ni Itay ang mga tao sa kung paano sila nakikita ni Cristo. Lagi siyang handang hikayatin at palakasin ang loob ng nila. Nakikita niya ang potensyal sa lahat ng tao, anuman ang kanilang kalagayan.”
Dagdag pa ni Emma: “Siya ay puspos ng pananampalataya at pinahahalagahan ang kagalakang dulot sa kanya ng ebanghelyo. Matapos matagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo bilang isang adult, pinasasalamatan niya ang kaibhang nagagawa nito sa buhay ng isang tao bilang pinagmumulan ng liwanag at kagalakan.”
Si Jean B. Bingham, dating Relief Society General President, ay inilarawan si Elder Kearon na isang kalmadong tao kahit sa mapanganib na sitwasyon. Naaalala niya ang isang pangyayari na siya, si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, si Elder Kearon, at ang iba pa ay na-stranded sa ibang bansa sa gitna ng pag-aalsang pulitikal. Sa patnubay ni Elder Bednar, tumawag ng ilang oras si Elder Kearon sa isang satellite phone at nakipagtulungan sa mga lokal na opisyal at kinatawan ng Simbahan upang makagawa ng paraan na makaalis sila sa bansa.
“Dahil sa kanyang pagiging kalmado, pagpokus sa mga dapat gawin, at inspiradong mga ideya, nasolusyunan iyon at nmakaalis kami nang ligtas,” sabi ni Sister Bingham.
Noong Disyembre 2021, nabigla ang pamilya nang nasuring may kanser sa suso si Sister Kearon.
“Hindi ko akalaing tatamaan ako o kami ng kanser,” sabi ni Sister Kearon. Sinabi niya na napakahirap ng sumunod na gamutan, pero ang Tagapagligtas ang pinagmumulan ng kanyang lakas sa lahat ng ito. “May oral chemotherapy pa rin ako, pero nagpapasalamat akong sabihing wala na akong kanser ayon sa mga doktor.”
Sabi ni Elder Kearon: “Nanatiling matatag at di-natitinag si Jen sa kabila ng lahat ng ito. Araw-araw naming ipinagpapasalamat ang kanyang kalusugan, at nagpapasalamat kami sa espesyal na pangangalagang ibinigay sa kanya.”
Tulad ng iba pang mga pagsubok na naranasan nilang mag-asawa, sinabi ni Sister Kearon, “Ipinararanas sa atin ng buhay na ito ang mga bagay na ayaw nating gawin. Ayaw natin ng mga bagay na ito. Hindi natin hiniling ang mga ito. Pero kailangan pa rin nating harapin ang mga ito. Ang pinakamainam na paraan para makayanan ang mahihirap na bagay ay bumaling sa Panginoon at hingin ang Kanyang lakas, na nananalig kay Jesucristo at sa Kanyang biyaya at kapangyarihan. Matagal na panahon na ang nakararaan, marami akong natutuhan tungkol sa kung paano tayo sinasaklolohan ng Tagapagligtas sa mahihirap na panahon ng ating buhay.”
Natamo nina Elder at Sister Kearon ang sagradong kaalamang iyon matapos isilang ang kanilang panganay na anak na si Sean.
“Ang Bato ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo”
Sa unang pagbubuntis ni Sister Kearon, maagang nalaman ng mag-asawa mula sa ultrasound scan na ang kanilang sanggol ay may “diperensya sa puso, isang nakamamatay na kundisyon,” sabi ni Elder Kearon. “Ginugol namin ang natitirang bahagi ng pagbubuntis sa paghahanap ng pinakamahuhusay na doktor, cardiologist, at cardiac surgeon na eksperto sa paglutas ng ganitong problema. Nakakita kami ng world-class team sa London, at tiwala sila na kaya nilang ayusin ang problema.”
Inoperahan ng mga surgeon si Sean noong siya ay 19 na araw na. Mahaba at masusi ang operasyon. Pagkatapos, sabi ni Elder Kearon, “Hindi na kinaya ng munting puso ni Sean na tumibok muli. Kaya siya ay pumanaw. Napakasakit ng kanyang kamatayan. Hindi ito ang resultang ipinag-ayuno namin, ipinagdasal, at hiniling, pero alam namin na ang kamay ng langit ay nasa karanasang iyon.”
Sabi ni Sister Kearon, “Ipinaranas sa amin ng Diyos ang mga buwang iyon ng pagbubuntis at ang maganda at maikling buhay ng aming anak sa paraang madarama namin na sa katapusan nito, alam naming nagawa namin ang lahat para sa kanya. Nakapagpanatag iyon nang lubos sa amin.”
Ang paggaling ay nagmula sa dagdag na pang-unawa sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na natamo ni Sister Kearon mula sa masusing pag-aaral ng 1 Nephi at 2 Nephi. “Sa aming pagdadalamhati sa kawalang ito, para akong umiikot sa itim na butas ng pagkalugmok,” sabi niya. “Gayunman, sa paglipas ng panahon, ang pagbagsak sa pagkalugmok ay pinigilan ng bato ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo—dahil ito ay totoo. Dahil sa Kanyang biyaya, at sa katotohanang Siya ay buhay, kahit na ang pinakamasasakit na kawalan ay nakakayanan at may pag-asa pa ring inaasam.”
Ang paggaling ay nagmula sa pagsilang ng tatlong anak na babae ng mag-asawa. “Hatid nila ay paggaling,” sabi ni Elder Kearon. “Sila ang pinakamagandang liwanag sa aming buhay, ang aming pinakamalaking kayamanan.”
Ang paggaling ay nagmula sa mga salita ng mga inspiradong lider ng Simbahan, kabilang na ang isang mensahe ni Elder Lance B. Wickman sa pangkalahatang kumperensya,5 kung saan ibinahagi ni Elder Wickman ang malungkot na paglakad niya sa kahabaan ng walang taong pasilyo ng ospital habang nag-aagaw-buhay ang kanyang musmos na anak dahil sa sakit. “Itinuro ni Elder Wickman na ‘Ang paniniwala ay pagkaunawa’ at ang paniniwalang iyan ay pagtitiwala sa Panginoon,” sabi ni Elder Kearon. “Napakahalaga sa akin ng kanyang mensahe dahil sa malinaw niyang pagkaunawa sa gayong karanasan. Lalo ko itong naunawaan sa maraming beses na pagbasa at pakikinig ko tungkol dito.”
At ang paggaling ay nagmula sa paglilingkod sa iba na nawalan din—maging sila man ay mga refugee sa Europa,6 mga inaabuso o inapi,7 o kapwa mga lider ng Simbahan tulad ni Elder Paul V. Johnson ng Panguluhan ng Pitumpu, na namatayan ng anak na babae sa sakit na kanser dalawang buwan bago nakasama ni Elder Kearon sa Europe Area Presidency noong 2015.
“Napakalaki ng naitulong nila ni Sister Kearon sa amin sa panahong iyon ng pagdadalamhati at pagpapagaling,” sabi ni Elder Johnson. “Napakamaalalahanin nila sa aming sitwasyon. Noon pa man ay mahal ko na sila dahil diyan.”
Iyan ang paraan ng pagkadisipulo. Dinadala natin ang mga pasanin ng isa’t isa. Nakikidalamhati tayo sa mga nagdadalamhati. Inaalo natin ang mga nangangailangan ng pag-alo. At tayo ay tumatayo bilang mga saksi ng Diyos—at ang walang hanggang pangako ng masayang pagkikitang muli na ginawang posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (Tingnan sa Mosias 18:8–9.)
Pagkatapos, kapag dumating sa atin ang mga panahon ng pagsubok, ang nagpapagaling na pagmamahal at balsamong iyon sa ministering ay nasusuklian. Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, handang ibahagi ni Elder Kearon sa buong mundo ang mensaheng iyon ng ebanghelyo na pag-asa, paggaling, at kapayapaan.
“Bakit nangyayari sa atin ang mahihirap na pagsubok?” tanong ni Elder Kearon. “Dahil pumarito tayo sa lupa upang matuto, umunlad, mapabanal, at magmahal at magtiwala sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas. Sa ngayon, hindi natin Sila nakikita, at hindi Nila tayo nahahawakan. Pero ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang katapusan—walang katapusan!”