Liahona
Pagsuporta sa Sumisibol na Henerasyon
Mayo 2024


11:14

Pagsuporta sa Sumisibol na Henerasyon

Ang mga ugnayan sa buhay ng mga kabataan ang may pinakamalaking impluwensya sa kanilang mga pagpili.

Sa paghahandang magsalita sa inyo, naantig ako sa kuwento tungkol kay Helaman at sa mga kabataang anak ng mga tao ni Ammon. Nadama ko ang kapangyarihan ng pagtuturo ng mga propeta sa Aklat ni Mormon sa mga magulang, bishop, at miyembro ng ward sa pag-aaral ng salaysay na ito.

Si Helaman ay isang lalaking mapagkakatiwalaan ng mga kabataang Ammonita. Tinulungan niya silang lumaki at tumanda sa kabutihan. Kilala at mahal nila siya at “ninais nilang [siya] ang maging pinuno nila.”1

Minahal ni Helaman ang mga kabataang ito na parang mga anak niya at nakita ang kanilang potensyal.2 Itinuro ni Elder Dale G. Renlund na “para mabisang mapaglingkuran ang iba kailangan natin silang tingnan … ayon sa paningin ng Ama sa Langit. [Doon] lamang natin mauunawaan ang tunay na kahalagahan ng isang kaluluwa. [Doon] lamang natin madarama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa … lahat ng Kanyang anak.”3 Ang mga bishop ngayon ay biniyayaang makahiwatig para makita ang banal na pagkatao ng mga kabataang nasa kanilang pangangalaga.

“Binilang”4 ni Helaman ang mga kabataang nasa kanyang pangangalaga. Inuna niya ang pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa kanila.

Sa isang kritikal na panahon noong manganib ang kanilang buhay, nawala sa paningin ni Helaman at ng kanyang mga kabataang mandirigma ang hukbong humahabol sa kanila. Kinausap ni Helaman ang mga kabataan:

“Dinggin, hindi natin nalalaman na baka tumigil sila sa layuning tayo ang sumalakay sa kanila. …

“Samakatwid, ano ang masasabi ninyo, aking mga anak … ?”5

Sumagot ang matatapat na kabataang ito, “Ama, dinggin, kasama natin ang ating Diyos, at hindi niya pahihintulutang bumagsak tayo; kaya nga tayo ay humayo.”6 Nagtagumpay sila sa araw na iyon, dahil sinuportahan ni Helaman ang mga kabataang ito sa pasiya7 nilang kumilos.8

May dakilang adhikain ang mga kabataang Ammonita at magiting na “[tinulungan] ang mga tao.”9 “Ang maliit na hukbong [ito],” na pinamunuan ni Helaman, ay nagpalaganap ng “malaking pag-asa at labis na kagalakan”10 sa puso ng bihasang mga hukbo ng mga Nephita. Maaaring pamunuan ng mga bishop ngayon ang kanilang matatalinong kabataan sa pagpapala sa ward at pagtitipon ng Israel. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ito “ang misyon [nila] dito sa lupa.”11

Tulad ng mga kabataang Ammonitang ito na naging “matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na [ipinagkatiwala] sa kanila,”12 tapat na sinunod ni Helaman ang kanyang mga pinuno. Anuman ang hamon o problema, laging “matatag na nanindigan”13 si Helaman na isulong ang kanilang layunin. Nang utusan siyang “humayo … kasama ang [kanyang] mga batang anak,”14 sumunod siya.

Ang mga kabataan ngayon ay biniyayaan ng mga bishop na sumusunod sa patnubay ng ating mga pinuno na “makipagsanggunian sa [mga] ward Young Women president.”15 Tinitiyak ng mga stake president na natuturuan ang mga bishop at Young Women president sa pagtupad sa kanilang mga responsibilidad sa mga kabataan.16

Iginalang ni Helaman ang mga tipan. Nang ituro ni Ammon ang ebanghelyo sa mga magulang ng mga kabataang lalaki, tinanggap nila ito nang taos-puso. Napakatapat nila sa kanilang bagong buhay ng matwid na pagkadisipulo kaya nakipagtipan sila na “[ibaba] ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik.”17 Kaya lang nila naisip na labagin ang tipang ito, kung babalikan nila ang pakikipaglaban noon, ay dahil nakita nilang nanganganib ang mga Nephita.

Gustong tulungan ng mga Ammonita ang mga taong ito na nagbigay sa kanila ng ligtas na tahanan. Hinikayat sila ni Helaman, pati na ng iba, na tuparin ang kanilang tipan na huwag nang makipaglaban kailanman. Mas nagtiwala siya sa lakas na ibibigay ng Diyos kaysa lakas na maibibigay ng mga Ammonitang ito gamit ang kanilang mga espada at pana.

Nang maharap si Helaman at ang kanyang mga kabataang mandirigma sa mga hamon, hindi natakot si Helaman. “Dinggin, ito ay hindi na mahalaga—nagtitiwala kaming ililigtas kami ng Diyos.”18 Sa isang pagkakataon, nang malapit na silang mamatay sa gutom, ang kanilang tugon ay “ibinuhos [nila] ang [kanilang] mga kaluluwa sa panalangin sa Diyos, upang palakasin niya [sila] at iligtas [sila]; … [at] dinalaw [sila] ng mga paniniyak ng Panginoon … na ililigtas niya [sila]”19 “dahil sa kanilang labis na pananampalataya sa yaong itinuro sa kanila na paniwalaan.”20

Nalaman natin mula kay Helaman na sinuportahan ng kanilang mga magulang ang mga kabataang ito. Batid ng matatapat na magulang na ito na pangunahing responsibilidad nilang turuan ang kanilang mga anak. Itinuro nila sa kanilang mga anak na sundin ang mga kautusan at “lumakad nang matwid”21 sa harap ng Diyos. Itinuro sa kanila ng kanilang mga ina na “kung hindi sila mag-aalinlangan, ililigtas sila ng Diyos.”22 Nagpakita ang kanilang mga ama ng makapangyarihang halimbawa ng pakikipagtipan.23 Batid ng mga dating mandirigmang ito ang mga kakila-kilabot na nangyayari sa digmaan. Ipinagkatiwala nila ang kanilang walang-karanasang mga anak sa pangangalaga ni Helaman at sinuportahan ang mga ito sa pagpapadala ng “maraming pagkain.”24

Hindi nag-iisa si Helaman noon nang maglingkod siya sa kanyang hukbo ng mga kabataan. May mga tao sa kanyang paligid na hiningan niya ng suporta at patnubay. Humingi siya ng tulong kay Kapitan Moroni, at dumating iyon.

Walang naglilingkod sa kaharian ng Panginoon na naglilingkod nang mag-isa. Biniyayaan tayo ng Panginoon ng mga ward at stake. Sa pamamagitan ng Kanyang ipinanumbalik na organisasyon, mayroon tayong mga sanggunian, karunungan, at inspirasyong tumugon sa anumang hamon.

Nagbibigay ng patnubay ang bishop sa ward sa pamamagitan ng mga council.25 Naghihikayat siya ng mga quarterly ministering interview at pagkatapos ay hinihikayat niya ang elders quorum at Relief Society na tuparin ang kanilang responsibilidad na mag-minister sa mga pamilya. Ang mga presidency na ito ang nangunguna sa pagsusuri sa mga pangangailangan at paghahanap ng inspiradong mga solusyon. Nagbibigay ng suporta ang mga stake president sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga elders quorum at Relief Society presidency sa mga responsibilidad na ito.

Ang kinakailangang patnubay para sa mga lider at magulang ay matatagpuan sa Gospel Library at Gospel Living apps. Sa mga inspiradong sangguniang ito, matatagpuan natin ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga makabagong propeta, at ang Pangkalahatang Hanbuk. Maraming sanggunian sa tab ng Mga Kabataan sa Gospel Library para sa mga quorum at class presidency26 at naroon ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Habang pinag-aaralan ng lahat ng miyembro ng ward ang mga inspiradong sanggunian na ito at humihingi ng patnubay mula sa Espiritu, lahat ay maaaring gabayan ng Panginoon sa pagpapalakas sa mga kabataan.

Mapagpapala at mapapalakas ang buong ward kapag nagtuon ang mga miyembro sa sumisibol na henerasyon. Sa kabila ng ating mga pagkakamali at pagkukulang, inaanyayahan ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin, sa pamamagitan ng patnubay ng Kanyang Espiritu, na tumulong sa iba. Alam Niya na tayo ay lalago at mapapabanal kapag sinunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.27 Hindi mahalaga kung hindi perpekto ang ating mga pagsisikap. Kapag nakipagtulungan tayo sa Panginoon, maaari tayong magtiwala na ang ating mga pagsisikap ay aayon sa Kanyang gagawin para sa mga kabataan.

Sa pagsunod sa patnubay ng Espiritu Santo sa pagtulong sa mga kabataan, nagiging mga saksi tayo ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa kanilang buhay. Ang pagkilos ayon sa mga pahiwatig mula sa Panginoon ay nagtatatag ng mga ugnayang may pagmamahal at tiwala. Ang mga ugnayan sa buhay ng mga kabataan ang may pinakamalaking impluwensya sa kanilang mga pagpili.

Matututuhan ng mga kabataan ang huwaran ng paghahayag kapag nakilahok sila sa atin sa proseso ng paghahanap at pagkilos ayon sa mga pahiwatig na maglingkod sa iba. Kapag bumaling ang mga kabataan sa Panginoon para sa inspiradong patnubay na ito, lalalim ang kanilang ugnayan at tiwala sa Kanya.

Ipinapahayag natin ang ating tiwala sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta at patnubay, nang hindi naghahangad na kontrolin sila.28 Kapag tumigil tayo sa pagkontrol at hinayaan natin ang mga kabataan na matuto sa pamamagitan ng pagsasanggunian, pagpili ng inspiradong landas, at pagpapatupad ng kanilang plano, daranas sila ng tunay na kagalakan at paglago.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring na “ang magiging pinakamahalaga ay kung ano ang natututuhan nila mula sa [inyo] kung sino talaga sila at kung ano talaga ang maaari nilang kahinatnan. Sa palagay ko hindi nila ito gaanong matututuhan mula sa mga aralin. Matututuhan nila ito mula sa nadarama nila kung sino kayo, sino sila sa tingin ninyo, at ano ang iniisip ninyo na maaaring kahinatnan nila.”29

Pinahahanga tayo ng ating mga kabataan sa kanilang tapang, pananampalataya, at mga kakayahan. Kapag pinili nilang maging lubos na aktibong mga disipulo ni Jesucristo, mauukit ang Kanyang ebanghelyo sa puso nila. Ang pagsunod sa Kanya ay magiging bahagi ng kanilang pagkatao, hindi lamang ng kanilang ginagawa.

Tinulungan ni Helaman ang mga kabataang Ammonita na makita kung paano namumuhay ang isang magiting na disipulo ni Jesucristo. Maaari tayong maging mabibisang halimbawa sa mga kabataan kung paano namumuhay ang mga disipulo ni Cristo ngayon. Ipinagdarasal ng matatapat na magulang na makita ng kanilang mga anak ang mga halimbawang ito sa kanilang buhay. Walang programang maaaring humalili sa impluwensya ng mga adult na mapagmahal at tumutupad sa mga tipan.

Bilang pangulo ng priests quorum, maaaring magpakita ng halimbawa ang bishop para sa mga kabataan kung paano maging tapat na asawa at mapagmahal na ama30 sa pamamagitan ng pagprotekta, paglalaan, at pamumuno31 sa matwid na mga paraan. Ang mga bishop, na “nakatutok ang mga mata sa mga kabataan,”32 ay magkakaroon ng isang impluwensyang magtatagal sa maraming henerasyon.

Ang mga kabataan ngayon ay ilan sa pinakamararangal33 na espiritu ng Ama sa Langit. Kabilang sila sa matatatag na tagapagtanggol ng katotohanan at kalayaan sa premortal na mundo.34 Sila ay isinilang sa mga panahong ito para tipunin ang Israel sa pamamagitan ng kanilang makapangyarihang patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo. Kilala Niya ang bawat isa sa kanila at alam Niya ang kanilang malaking potensyal. Nagpapasensya Siya habang lumalago sila. Tutubusin Niya sila at poprotektahan. Pagagalingin Niya sila at gagabayan. Bibigyan Niya sila ng inspirasyon. Tayo, na kanilang mga magulang at lider, ay naihandang suportahan sila. Nariyan ang Simbahan ng Tagapagligtas para tulungan tayo habang pinalalaki natin ang susunod na henerasyon.

Pinatototohanan ko na ang Simbahan ni Cristo, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at pinamumunuan ngayon ni Pangulong Russell M. Nelson, ay inorganisa para tulungan ang mga kabataan na tuparin ang kanilang dakilang layunin sa mga huling araw na ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Alma 53:19.

  2. “Kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi … ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila! … Kayo ay kabilang sa mga pinakamahusay [sa lahat ng] ipinadala ng Panginoon sa mundong ito. Mayroon kayong kapasidad na maging mas matalino at mahusay at magkaroon ng epekto sa mundo kaysa naunang mga henerasyon!” (Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library).

  3. Dale G. Renlund, “Sa Paningin ng Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 94.

  4. Alma 56:55.

  5. Alma 56:43–44.

  6. Alma 56:46.

  7. “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama” (Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104).

  8. “Kapag binigyan natin ng kapangyarihan ang mga kabataan sa pamamagitan ng pag-anyaya at pagtutulot sa kanila na kumilos, susulong ang Simbahan sa mahimalang mga paraan” (mula sa pulong kasama si Elder David A. Bednar; tingnan din sa 2020 Temple and Family History Leadership Instruction, Peb. 27, 2020, Gospel Library).

  9. Alma 53:22.

  10. Alma 56:17.

  11. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” Gospel Library.

  12. Alma 53:20.

  13. Alma 58:12.

  14. Alma 56:30.

  15. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 7.1.2, Gospel Library.

  16. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.7.2.

  17. Alma 23:7.

  18. Alma 58:37.

  19. Alma 58:10–11.

  20. Alma 57:26.

  21. Alma 53:21.

  22. Alma 56:47.

  23. Tingnan sa Alma 23:7; 24:17–19.

  24. Alma 56:27.

  25. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 7.1.1.

  26. “Sa paghahanap natin ng walang-hanggang katotohanan, ang dalawang tanong na ito ay makatutulong na matukoy natin kung ang konsepto ay mula sa Diyos o sa iba: Ang itinuro bang konsepto ay nakaayon sa mga banal na kasulatan o sa salita ng mga buhay na propeta? Ang konsepto ba ay pinagtitibay ng patotoo ng Espiritu Santo? Inihahayag ng Diyos ang mga katotohanan [ng doktrina] sa pamamagitan ng mga propeta, at pinagtitibay sa atin ng Espiritu Santo ang mga katotohanang iyon at tinutulungan tayong ipamuhay ang mga iyon” (John C. Pingree Jr., “Walang Hanggang Katotohanan,” Liahona, Nob. 2023, 100).

  27. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2–4.

  28. “Kung ang [ating] kabataan ay masyadong hindi nabibigatan [sa gawain ng Diyos] mas malamang na [madadaig sila ng] mundo. … Ilang deacons at teachers quorum presidency ang binubuo ng pagtawag lamang sa isang mag-aalay ng panalangin o magpapasa ng sakramento? Mga kapatid, talagang natatangi ang mga espiritung ito, at magagawa nila ang mga bagay na mahalaga kung bibigyan sila ng pagkakataon!” (Neal A. Maxwell, “Unto the Rising Generation,” Ensign, Abr. 1985, 11).

  29. Henry B. Eyring, “Teaching Is a Moral Act” (mensaheng ibinigay sa Brigham Young University annual conference, Ago. 27, 1991), 3, speeches.byu.edu.

  30. Tingnan sa “Tema ng Aaronic Priesthood Quorum,” Gospel Library.

  31. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  32. “Umaasa kami na bibigyang-diin at pagtutuunan ng bishopric ang mga responsibilidad sa priesthood ng mga kabataang lalaki at tutulungan sila sa kanilang mga tungkulin sa korum. Ang mga may kakayahang Young Men adviser ay tatawagin upang tulungan ang mga Aaronic Priesthood quorum presidency at bishopric sa kanilang mga tungkulin. Naniniwala kami na mas maraming kabataang lalaki at kabataang babae ang tutugon sa matinding hamon na ito at mananatili sa landas ng tipan dahil sa [pagtutok na] ito sa ating mga kabataan” (Quentin L. Cook, “Mga Pagbabago para Palakasin ang mga Kabataan,” Liahona, Nob. 2019, 41).

  33. “Inireserba ng [ating] Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na [espiritu]—[marahil,] masasabi kong, ang pinakamahusay [Niyang] pangkat—para sa huling yugtong ito. Ang magigiting na espiritung iyon—ang pinakamahuhusay na manlalaro—ay kayo!” (Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” Gospel Library).

  34. “Maaaring ang tinedyer na minamahal ninyo ay naging isa sa magigiting na mandirigma na nasa panig ng kalayaan at katotohanan. … Makakatulong tayo sa paraan ng pagtugon natin sa determinasyon nilang magpasiya para sa kanilang sarili. Mahihiwatigan nila kung itinuturing natin sila na para bang naging isa sila sa matatapat na mandirigma mula sa premortal na buhay, na tapat pa rin sa pagtatanggol sa kalayaang moral at batid ang malaking halaga nito sa paghahatid ng kaligayahan sa kanila. Kung itinuturing natin silang matatapat na mandirigma mula sa premortal na buhay, maaari din nating ituring na tanda ng kanilang potensyal ang kagustuhan nilang magsarili, isang tanda na sinusubukan nila ang kapangyarihan ng kalayaan na maghahatid sa kanila ng kaligayahan” (Henry B. Eyring, “A Life Founded in Light and Truth” [Brigham Young University devotional, Ago. 15, 2000], 3, 4, speeches.byu.edu).