Liahona
Binili ng Simbahan ang Kirtland Temple, Iba pang mga Ari-arian
Mayo 2024


“Binili ng Simbahan ang Kirtland Temple, Iba pang mga Ari-arian,” Liahona, Mayo 2024.

Mga Balita sa Simbahan

Binili ng Simbahan ang Kirtland Temple, Iba pang mga Ari-arian

Noong Marso 5, 2024, ang responsibilidad at pagmamay-ari sa Kirtland Temple sa Ohio, ilang makasaysayang gusali sa Nauvoo, Illinois, at iba’t ibang manuskrito at artifact mula sa Community of Christ ay opisyal na inilipat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang napagkasunduang halaga.

Ang Kirtland Temple ay inilaan noong 1836 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109–110), ngunit hindi nagtagal ay kinailangan itong lisanin ng mga Banal dahil sa pag-uusig. Kasunod ng paglilipat ng pagmamay-ari kamakailan, isinara sandali ang templo ngunit pagkatapos ay muling binuksan noong Marso 25 para malibot ng publiko nang walang bayad. Mananatili itong isang makasaysayang gusali.

Gayundin, sa Nauvoo ang Smith Family Homestead, ang Mansion House (tahanan nina Joseph at Emma mula 1843 hanggang mamatay si Joseph noong 1844), at ang Red Brick Store (kung saan itinatag ang Relief Society) ay muling binuksan para malibot ng publiko sa buong taon nang walang bayad.