Liahona
Isang Mas Mataas na Uri ng Kagalakan
Mayo 2024


15:37

Isang Mas Mataas na Uri ng Kagalakan

Nawa’y hangarin at masumpungan nating lahat ang mas mataas na uri ng kagalakang nagmumula sa paglalaan ng ating buhay sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Tatlong dekada na ako ngayong naging napakapalad na makapagsalita sa pangkalahatang kumperensya. Sa panahong iyon, marami nang nagtanong sa akin tungkol sa mga mensaheng ito sa iba’t ibang panig ng mundo. Kailan lang, may isang partikular na bagay na laging itinatanong. Karaniwa’y ganito ang tanong: “Elder Uchtdorf, nakinig akong mabuti sa huli ninyong mensahe pero … wala akong narinig tungkol sa pagpapalipad ng eroplano?”

Pagkatapos ng araw na ito, baka hindi ko na marinig ang tanong na iyan.

Tungkol sa “Masayang Pag-indak sa mga Ulap na Hinawi ng Sinag ng Araw”1

Mahirap paniwalaan na 120 taon pa lang ang nakararaan nang unang umangat sa lupa sina Wilbur at Orville Wright at lumipad sa ibabaw ng buhanginan ng Kitty Hawk, North Carolina. Apat na maiikling paglipad sa araw na iyon ng Disyembre ang nagpabago sa mundo at nagbigay-daan sa isa sa pinakamalalaking imbensyon sa kasaysayan ng mundo.

Ang paglipad ay mapanganib noong mga panahong iyon. Alam iyon ng magkapatid. At gayon din ng kanilang amang si Milton. Sa katunayan, takot na takot siyang mamatay ang dalawang anak niya sa isang aksidente sa paglipad kaya nangako sila sa kanya na hindi na sila lilipad nang magkasama kailanman.

At hindi nga nila ginawa iyon—maliban sa isang pagkakataon. Pitong taon matapos ang makasaysayang araw na iyon sa Kitty Hawk, sa wakas ay ibinigay ni Milton Wright ang kanyang pahintulot at pinanood ang paglipad nina Wilbur at Orville sa unang pagkakataon. Nang makalapag sila, kinumbinsi ni Orville ang kanyang ama na sumakay sa una at kaisa-isang pagsakay nito sa eroplano at nang malaman niya mismo kung ano ang pakiramdam ng sumakay rito.

Nang umangat ang eroplano mula sa lupa, naglahong lahat ang takot ng 82-taong-gulang na si Milton sa labis na katuwaan. Natuwa si Orville nang masayang sumigaw ang kanyang ama ng, “Taasan mo pa, Orville, taasan mo pa!”2

Pareho kami ng nararamdaman ng taong ito!

Marahil kaya ako nagsasalita paminsan-minsan tungkol sa pagpapalipad ng eroplano ay dahil alam ko ang isang bagay na nadama ng mga Wright. Ako man ay “kumawala sa mahigpit na kapit ng mundo at masayang sumayaw sa kalangitan sakay ng mga pakpak na pilak.”3

Ang unang paglipad ng magkapatid na Wright, na nangyari 37 taon lamang bago ako isinilang, ay nagbigay-daan sa mga pakikipagsapalaran, pagkamangha, at dalisay na kasiyahan sa buhay ko.

Gayon pa man, kamangha-mangha man ang kagalakang iyon, mayroon pang mas mataas na uri ng kagalakan. Ngayon, sa diwa ng malaking kasiyahan ni Milton Wright na, “Taasan mo pa, Orville, taasan mo pa,” gusto kong magsalita tungkol sa mas mataas na uri ng kagalakang ito—kung saan ito nagmumula, paano natin ito nadarama, at paano natin ito mas mararanasan.

Ang Buong Layunin ng Buhay ng Tao

Hindi na siguro kailangan pang sabihin na gusto ng lahat na lumigaya.4 Gayunpaman, hindi na rin kailangang sabihin na hindi lahat ay maligaya. Ang malungkot, tila para sa maraming tao, mahirap matagpuan ang kaligayahan.5

Bakit kaya? Kung kaligayahan ang hangad natin sa lahat, bakit hindi natin ito matagpuan? Sa pagpapakahulugan sa isang country song, siguro’y naghahanap tayo ng kagalakan sa mga maling lugar.6

Saan Tayo Makakahanap ng Kaligayahan?

Bago natin talakayin kung paano makahanap ng kagalakan, hayaan ninyong kilalanin ko na ang depresyon at ang iba pang mahihirap na hamon sa isipan at damdamin ay totoo, at ang sagot ay hindi lamang, “Subukan mong maging mas masaya.” Ang layunin ko ngayon ay huwag isipin na magaan o maliit na bagay ang mga problema sa kalusugang pangkaisipan. Kung nahaharap kayo sa gayong mga hamon, nakikidalamhati ako sa inyo, at nasa tabi ninyo ako. Para sa ilang tao, maaaring kabilang sa paghahanap ng kagalakan ang paghingi ng tulong mula sa mga bihasang mental health professional na itinutuon ang kanilang buhay sa pasasagawa ng napakahalagang sining. Dapat nating pasalamatan ang gayong tulong.

Ang buhay ay hindi lamang isang walang-katapusang sunud-sunod na masisidhing emosyon. “Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay.”7 At kung ang Diyos mismo ay nananangis, tulad ng pinagtitibay ng mga banal na kasulatan na ginagawa Niya,8 siyempre pa ay mananangis din tayo. Ang kalungkutan ay hindi tanda ng kabiguan. Sa buhay man lang na ito, ang kagalakan at kalungkutan ay hindi mapaghihiwalay.9 Tulad ninyong lahat, nakadarama rin ako ng kabiguan, pighati, lungkot, at pagsisisi.

Gayunman, naranasan ko rin mismo na unti-unting matanto ang isang bagay na pumupuspos sa kaluluwa ng kagalakang napakasidhi na halos hindi ko mapigilang ibulalas ito. Natuklasan ko sa sarili ko na ang payapang tiwalang ito ay nagmumula sa pagsunod sa Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang mga turo at halimbawa.

Ang kapayapaang ibinibigay Niya sa atin ay hindi katulad ng ibinibigay ng mundo.10 Nakahihigit ito. Ito ay mas mataas na uri at mas banal. Sinabi ni Jesus, “Ako’y pumarito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan.”11

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang tunay na “magandang balita ng malaking kagalakan”!12 Ito ay isang mensahe ng walang-katumbas na pag-asa! Isang mensaheng nag-uugnay sa atin kay Jesucristo at nagpapagaan sa ating pasanin.13 Nagpapalakas ng banal na impluwensya. Nagbibigay ng pagpapala ng langit, mas malalim na pang-unawa, mas banal na mga tipan, walang-hanggang seguridad, at walang-katapusang kaluwalhatian!

Kagalakan ang pinakalayunin ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ito ang dahilan kaya kayo nilikha—“upang [kayo] ay magkaroon ng kagalakan”!14 Kayo ay nilikha para dito!

Hindi itinago ng ating Ama sa Langit ang landas tungo sa kaligayahan. Hindi ito isang lihim. Ito ay para sa lahat!15

Ipinangako ito sa mga taong tumatahak sa landas ng pagkadisipulo, sumusunod sa mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas, sumusunod sa Kanyang mga utos, at tumutupad sa mga tipang ginawa nila sa Diyos. Kahanga-hangang pangako!

May Iba pang Maibibigay ang Diyos

Lahat tayo ay may mga kakilala na nagsasabing hindi nila kailangan ang Diyos para maging masaya, na masaya na sila nang walang relihiyon.

Kinikilala at iginagalang ko ang mga damdaming ito. Nais ng ating pinakamamahal na Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak na lumigaya palagi hangga’t maaari, kaya pinuno Niya ang mundong ito ng magaganda at mabubuting kasiyahan at kaluguran, “kapwa upang makalugod sa mata at … pasiglahin ang puso.”16 Para sa akin, ang pagpapalipad ng eroplano ay naghatid ng malaking kaligayahan. Nakikita ito ng iba sa musika, sining, mga libangan, o sa kalikasan.

Sa pag-anyaya sa lahat at pagbabahagi ng magandang balita ng malaking kagalakan ng Tagapagligtas, hindi natin binabalewala ang alinman sa mga pinagmumulang ito ng kagalakan. Sinasabi lang natin na may iba pang maibibigay ang Diyos. Isang mas mataas na uri at mas masidhing kagalakan—isang kagalakang higit pa sa anumang bagay na ibinibigay ng mundong ito. Ito ay isang kagalakang nagtitiis sa dalamhati, dumaraig sa kalungkutan, at pumapawi ng lumbay.

Ang kaligayahang dulot ng mundo, sa kabilang dako, ay hindi nagtatagal. Hindi nito kayang magtagal. Likas sa lahat ng bagay sa mundo ang tumanda, mabulok, masira, o lumipas. Pero ang kagalakang mula sa Diyos ay walang hanggan, dahil ang Diyos ay walang hanggan. Pumarito si Jesucristo upang alisin tayo sa temporal na kalagayan at palitan ang katiwalian ng kawalan ng katiwalian. Siya lamang ang may taglay ng kapangyarihang iyon, at tanging ang galak na dulot Niya ang walang hanggan.

Kung nadarama ninyo na maaaring may iba pang ganitong uri ng kagalakan sa inyong buhay, inaanyayahan ko kayong magsimula sa pagsunod kay Jesucristo at pagtahak sa Kanyang Daan. Ito ay isang paglalakbay sa buhay na ito—at sa kabilang-buhay. Hayaan ninyong magmungkahi ako ng ilang panimulang hakbang sa makabuluhang paglalakbay na ito ng pagtuklas sa tunay na kagalakan.

Magsilapit sa Diyos17

Naaalala ba ninyo ang babae sa Bagong Tipan na nagtiis ng pagdurugo sa loob ng 12 taon?18 Ginugol niya ang lahat ng mayroon siya sa mga manggagamot, pero lalo lamang lumala ang kanyang lagay. Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus; alam ng lahat ang Kanyang kapangyarihang magpagaling. Pero mapapagaling Niya kaya siya? At paano kaya siya makakalapit sa Kanya? Naging “marumi” siya dahil sa kanyang karamdaman ayon sa batas ni Moises, at sa gayo’y kinailangang lumayo siya sa iba.19

Ang paglapit sa Kanya sa publiko at pagsamong mapagaling ay tila hindi papayagan.

Pero, naisip niya, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”20

Sa wakas, nadaig ng kanyang pananampalataya ang kanyang takot. Tiniis niya ang pangungutya ng iba at lumapit sa Tagapagligtas.

Sa huli, abot-kamay na niya Siya. Inunat niya ang kanyang kamay.

At siya ay gumaling.

Hindi ba medyo katulad tayong lahat ng babaeng ito?

Maaaring maraming dahilan kaya tayo atubiling lumapit sa Tagapagligtas. Maaari tayong makaranas ng panlilibak o pagkondena ng iba. Sa ating pagmamataas, maaari nating balewalain ang posibilidad na napakahalaga ng isang napakasimpleng bagay. Maaari nating isipin na dahil sa ating kalagayan ay hindi tayo karapat-dapat sa Kanyang pagpapagaling—na napakalayo na natin o napakarami na nating kasalanan.

Tulad ng babaeng ito, natutuhan ko na kung lalapit tayo sa Diyos at aabutin Siya, talagang makasusumpong tayo ng paggaling, kapayapaan, at kagalakan.

Hanapin ito.

Itinuro ni Jesus, “Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo.”21

Naniniwala ako na ang simpleng pariralang ito ay hindi lamang isang espirituwal na pangako; ito ay isang pagpapahayag ng katotohanan.

Kung naghahanap tayo ng mga dahilan para magalit, magduda, mamighati o mapag-isa, matatagpuan din natin ang mga ito.

Gayunman, kung naghahanap tayo ng kagalakan—kung naghahanap tayo ng mga dahilan para magalak at masayang sundin ang Tagapagligtas, matatagpuan natin ang mga ito.

Bihira tayong makahanap ng isang bagay na hindi natin hinahanap.

Naghahanap ba kayo ng kagalakan?

Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo.

Dalhin Ninyo ang mga Pasanin ng Isa’t Isa22

Itinuro ni Jesus,“Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.”23

Sa paghahanap natin ng kagalakan, ang pinakamainam na paraan kaya para matagpuan ito ay ang maghatid ng kagalakan sa iba?

Mga kapatid, alam ninyo at alam ko na ito ay totoo! Ang kagalakan ay parang isang tapayan ng harina o isang garapon ng langis na hindi kailanman mauubos.24 Ang tunay na kagalakan ay nadaragdagan kapag ibinabahagi ito.

Hindi ito kailangang maging engrande o kumplikado.

Maaari tayong gumawa ng mga simpleng bagay.

Tulad ng pagdarasal nang buong puso para sa isang tao.

Pagbibigay ng tapat na papuri.

Pagtulong sa isang tao na madama na siya ay tanggap, iginagalang, pinahahalagahan, at minamahal.

Pagbabahagi ng isang paboritong talata sa banal na kasulatan at ng kahulugan nito sa atin.

O kahit sa pakikinig lamang.

“Kung kayo ay nasa paglilingkod sa inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos,”25 at gagantihan ng Diyos nang sagana ang inyong kabaitan.26 Ang kagalakang ibinibigay ninyo sa iba ay babalik sa inyo sa “hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw.”27

“Ano Ngayon ang Dapat [Nating] Gawin?28

Sa darating na mga araw, linggo, at buwan, inaanyayahan ko kayong:

  • Mag-ukol ng oras sa isang taimtim at buong- pusong pagsisikap na lumapit sa Diyos.

  • Masigasig na maghanap araw-araw ng mga sandali ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan.

  • Maghatid ng kagalakan sa iba na nasa paligid ninyo.

Mahal kong mga kapatid, mahal na mga kaibigan, habang sinasaliksik ninyo ang salita ng Diyos para maunawaan nang mas malalim ang walang-hanggang plano ng Diyos, tinatanggap ang mga paanyayang ito, at sinisikap na tumahak sa Kanyang Daan, mararanasan ninyo “ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip,”29 kahit sa gitna ng kalungkutan. Mas madarama ninyo ang di-mapapantayang pagmamahal ng Diyos na nag-uumapaw sa inyong puso. Papawiin ng liwanag ng langit ang kadiliman ng inyong mga pagsubok, at masisimulan ninyong maranasan ang di-masambit na mga kaluwalhatian at kababalaghan ng hindi namamalas, perpekto, at makalangit na kapaligiran. Madarama ninyo na lumalaya kayo sa pasakit na dulot ng mundong ito.

At tulad ng butihing si Milton Wright, marahil ay itataas ninyo ang inyong tinig sa kagalakan at sisigaw ng, “Taasan pa Ninyo, Ama, taasan pa Ninyo!”

Nawa’y hangarin at masumpungan nating lahat ang mas mataas na uri ng kagalakang nagmumula sa paglalaan ng ating buhay sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Ito ang aking taimtim na dalangin sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. John Gillespie Magee Jr., “High Flight,” poetryfoundation.org.

  2. Tingnan sa Christopher Klein, “10 Things You May Not Know about the Wright Brothers,” History, Mar. 28, 2023, history.com.

  3. Magee, “High Flight.”

  4. Dalawang libo at apat na raang taon na ang nakararaan, napansin ni Aristotle na kaligayahan ang isang bagay na pinakahahangad ng lahat ng tao. Sa kanyang treatise na Nicomachean Ethics, itinuro niya na ang pinakamabuting pagsumikapan sa buhay ay ang bagay na pinipili nating gawin dahil gusto natin iyon (taliwas sa mga bagay na pinipili nating gawin upang maisakatuparan ang isang partikular na mithiin). Ganito, higit sa lahat, ang kaligayahan. “Lagi tayong naghahangad ng kaligayahan, dahil napakahalaga nito,” wika niya, “at hindi ito kailanman isang paraan para magkamit ng ibang bagay” (The Nichomachean Ethics of Aristotle, pagsasalin ni J. E. C. Weldon [1902], 13–14).

  5. Tingnan sa Harry Enten, “American Happiness Hits Record Lows,” CNN, Peb. 2, 2022, cnn.com; Tamara Lush, “Poll: Americans Are the Unhappiest They’ve Been in 50 Years,” Associated Press, Hunyo 16, 2020, apnews.com; “The Great Gloom: In 2023, Employees Are Unhappier Than Ever. Why?” BambooHR, bamboohr.com.

  6. Tingnan sa Wanda Mallette, Patti Ryan, at Bob Morrison, “Lookin’ for Love (in All the Wrong Places)” (1980).

  7. 2 Nephi 2:11.

  8. Tingnan sa Juan 11:35; Moises 7:28–37.

  9. Tingnan sa 2 Nephi 2:11.

  10. Tingnan sa Juan 14:27.

  11. Juan 10:10.

  12. Lucas 2:10, New Revised Standard Version.

  13. Tingnan sa Mateo 11:28–30.

  14. 2 Nephi 2:25.

  15. Kung nag-aalala kayo kung tatanggapin ba kayo o hindi ng inyong Ama sa Langit at tutulutan kayong matanggap ang Kanyang kagalakan, inaanyayahan ko kayong basahin nang may panalangin ang talinghaga ni Cristo tungkol sa alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:11–32). Sa talinghagang iyon, malalaman natin ang nadarama ng ating Ama sa Langit tungkol sa Kanyang mga anak at kung paano Niya hinihintay at ipinagdiriwang ang ating pagbabalik matapos tayong lumayo sa Kanya! Mula sa sandaling tayo ay “matauhan” (tingnan sa talata 17) at magsimula sa paglalakbay pauwi, makikita Niya tayo, sapagkat Siya ay nakabantay at naghihintay. At sino ang hinihintay Niya? Tayo! Kapag lumapit tayo sa Kanya, ipagdiriwang Niya ang ating pagbalik at tatawagin tayong Kanyang anak.

  16. Doktrina at mga Tipan 59:18. Ipinaliliwanag din ng paghahayag na ito na, “Ikinalulugod ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao; sapagkat sa ganitong hangarin ang mga ito ay ginawa” (talata 20).

  17. Sa mga taong lumalapit sa Diyos, ibinibigay Niya ang dakilang pangakong ito: “Ako ay lalapit sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 88:63; tingnan din sa Santiago 4:8).

  18. Tingnan sa Marcos 5:24–34.

  19. Tingnan sa Bible Dictionary, “Clean and Unclean.”

  20. Marcos 5:28.

  21. Mateo 7:7.

  22. Sa pagdadala ng mga pasanin ng isa’t isa, ating “matutupad ang kautusan ni Cristo” (Galacia 6:2; tingnan din sa Mosias 18:8).

  23. Mga Gawa 20:35.

  24. Tingnan sa 1 Mga Hari 17:8–16.

  25. Mosias 2:17.

  26. Sa kanyang Sulat sa mga Taga-Roma, ipinahayag ni Pablo na ang Diyos ay “gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa: sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan: … kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti” (Roma 2:6–7, 10).

  27. Lucas 6:38. Ang ating kaligtasan mismo at walang-hanggang kaligayahan ay nakasalalay sa ating pagkahabag at kabaitan sa iba (tingnan sa Mateo 25:31–46).

  28. Lucas 3:10.

  29. Filipos 4:7.