“Pambungad sa Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (Religion 324–325)” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Pambungad,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Tipan
Pambungad sa Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (Religion 324–325)
Ang Ating Layunin
Ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion ay nagsasaad na:
“Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], 1).
Upang makamit ang ating layunin, itinuturo natin sa mga estudyante ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Ang doktrina at mga alituntuning ito ay itinuturo sa paraang humahantong sa pagkaunawa at pagiging matatag. Tinutulungan natin ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral at maihanda sila sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba.
Upang maisakatuparan ang mga layuning ito, ikaw at ang mga estudyante na tinuturuan mo ay hinihikayat na gamitin ang sumusunod na Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo habang magkakasama ninyong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan:
-
Magturo at mag-aral sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Pag-ibayuhin ang pagmamahal, paggalang, at layunin sa loob ng klase.
-
Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, at basahin ang teksto para sa kurso.
-
Unawain ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta.
-
Tukuyin, unawain, damhin ang katotohanan at kahalagahan ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo at ipamuhay ang mga ito.
-
Ipaliwanag, ibahagi, at patotohanan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo.
-
Maisaulo at maunawaang mabuti ang mga scripture mastery passage at ang mga Pangunahing Doktrina.
Ang mga mungkahi sa pagtuturo sa manwal na ito ay naglalahad ng mga paraan para makamtan ang mga resultang ito sa iyong pagtuturo. (Tandaan na dapat ituring na mga resulta sa halip na mga pamamaraan sa pagtuturo ang Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo.) “Kapag naipatupad nang buong talino at nakaayon sa isa’t isa, ang mahahalagang alituntuning ito ay makapag-aambag sa kakayahan ng mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan at ang mga doktrina at alituntuning nilalaman ng mga ito. Hinihikayat din nito ang mga estudyante na aktibong gampanan ang kanilang papel sa pag-aaral nila ng ebanghelyo at pinagyayaman ang kakayahan ng mga estudyante na ipamuhay ang ebanghelyo at ituro ito sa iba.” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, 10).
Paghahanda ng Lesson
Iniutos ng Panginoon sa mga taong nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo na “[ituro ang] mga alituntunin ng aking ebanghelyo” (D at T 42:12). Iniutos pa Niya na ang mga katotohanang ito ay dapat ituro ayon sa “[paggabay] ng Espiritu,” na “ibibigay … sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya” (D at T 42:13–14). Habang inihahanda mo ang bawat lesson, mapanalangin mong hingin ang patnubay ng Espiritu para matulungan kang maunawaan ang mga banal na kasulatan at ang doktrina at mga alituntunin na nilalaman nito. Sundin din ang mga pahiwatig ng Espiritu habang nagpaplano ka kung paano matutulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan, maturuan ng Espiritu Santo, at magkaroon ng hangaring ipamuhay ang natutuhan nila.
Sa kursong ito, ang Doktrina at mga Tipan ang pangunahing teksto na gagamitin mo sa iyong paghahanda at pagtuturo. Pag-aralan nang may panalangin ang mga bahagi o mga talata na ituturo mo. Hangaring maunawaan ang konteksto ng kasaysayan at nilalaman ng scripture block. Kapag naging pamilyar ka sa konteksto at nilalaman ng bawat scripture block, tukuyin ang doktrina at mga alituntunin na itinuturo nito, at magpasiya kung alin sa mga katotohanang ito ang pinakamahalaga para sa iyong mga estudyante na maunawaan at maipamuhay. Kapag natukoy mo na kung ano ang iyong pagtutuunan, mapagpapasiyahan mo kung alin sa mga pamamaraan, istilo, at aktibidad ang pinakamakatutulong sa iyong mga estudyante para matutuhan at maipamuhay nila ang mga sagradong katotohanan na matatagpuan sa mga banal na kasulatan.
Ang manwal na ito at ang katugma na Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Estudyante ay nilayong tulungan ka sa prosesong ito. Rebyuhing mabuti ang materyal ng lesson na nauugnay sa scripture block na ituturo mo. Ang materyal na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang konteksto at nilalaman ng bawat scripture block at tutulong sa iyo sa pagtukoy ng ilan sa doktrina at mga alituntunin na nilalaman nito. Ang mga mungkahi sa pagtuturo sa manwal na ito ay tutulong din sa iyo at sa iyong mga estudyante na maisama ang marami sa Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo sa bawat lesson. Maaari mong piliing gamitin ang lahat o ilan sa mga mungkahi para sa isang scripture block, at maaari mong iakma ang mga iminungkahing ideya ayon sa patnubay ng Espiritu at sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga estudyanteng tinuturuan mo. Kapag ginamit mo ang mga mungkahi sa pagtuturo o ang sarili mong mga ideya, tiyaking isaisip kung aling pangunahing resulta sa mga mungkahi sa pagtuturo ang nais mong matamo, at pumili ng alternatibong ideya sa pagtuturo na tutulong sa pagtamo ng gayon ding resulta.
Mahalaga na matulungan mo ang mga estudyante na mapag-aralan ang buong scripture block sa bawat lesson. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang buong mensahe na nais iparating ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Gayunman, habang pinaplano mo ang iyong lesson, maaaring matuklasan mo na hindi sasapat ang oras sa klase para gamitin ang lahat ng mungkahi sa pagtuturo na nasa manwal. Hingin ang patnubay ng Espiritu at pag-isipan nang may panalangin ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante habang tinutukoy mo kung aling mga bahagi ng scripture block ang bibigyang-diin para matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng mga katotohanan ng ebanghelyo at maipamuhay ang mga ito. Kung maikli ang oras, kinakailangan mong iangkop ang iba pang mga bahagi ng lesson na ibinubuod ang isang grupo ng mga scripture verse o sinasabi sa mga estudyante na mabilis na tukuyin ang isang alituntunin o doktrina bago magpatuloy sa susunod na grupo ng mga scripture verse.
Habang pinag-iisipan mo kung paano iaangkop ang mga materyal ng lesson, tiyaking sundin ang payo na ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Madalas kong marinig na itinuturo ni Pangulong Packer na umayon muna tayo, at saka tayo umangkop. Kung napag-aralan na natin nang husto ang iminungkahing lesson na ibibigay natin, kung gayon ay masusunod natin ang Espiritu para maiangkop ito” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], LDS.org).
Sa paghahanda mo ng lesson, maaari mong gamitin ang Notes at Journal tools sa LDS.org o sa Gospel Library app para sa mga mobile device. Magagamit mo ang mga tool na ito para magmarka ng mga banal na kasulatan, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, mga artikulo sa mga magasin ng Simbahan, at mga lesson. Makapagdaragdag at makakapag-save ka rin dito ng mga note o tala na magagamit mo sa iyong mga lesson. Para malaman pa kung paano gamitin ang mga tool na ito, tingnan ang Notes and Journal Help page sa LDS.org.
Paano Binuo ang Manwal na Ito
Ang Religion 324–325 ay kurso na pag-aaralan nang dalawang semester. Ang Religion 324 ay gabay ng mga estudyante sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 1–76. Ang Religion 325 ay tumatalakay sa Doktrina at mga Tipan 77–138 at mga Opisyal na Pahayag 1 at 2. Ang manwal ng titser na ito ay naglalaman ng 56 na lesson, 28 para sa bawat semester ng Doktrina at mga Tipan. Bawat lesson ay nilayong maituro sa isang 50-minutong sesyon ng klase. Kung nagkaklase ka nang dalawang beses bawat linggo, magtuturo ka ng isang lesson sa bawat sesyon ng klase. Kung isang beses lamang kada linggo ang iyong klase sa loob ng 90 hanggang 100 minuto, iminumungkahi na dalawang lesson ang ituro mo para sa bawat sesyon ng klase.
Ang mga lesson sa manwal na ito ay naglalaman ng mga sumusunod na bahagi:
Pambungad
Bawat lesson ay nagsisimula sa maikling pambungad sa bahagi o mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan na pag-aaralan sa lesson na iyan. Ang pambungad ay naglalaan ng buod ng kontekstong pangkasaysayan at ng nilalaman ng bawat bahagi. Ang mga pambungad na ito, na matatagpuan din sa manwal ng estudyante, ay maglalaan sa iyo at sa iyong mga estudyante ng mahalagang buod ng mga scripture passage na pinag-aralan sa bawat lesson.
Timeline
Bawat pambungad ay may kasamang timeline. Ang timeline na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang konteksto ng bawat section o bahagi ng Doktrina at mga Tipan sa pamamagitan ng pagpapakita kung kailan ito natanggap kaugnay sa iba pang mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang pinakamalaking bahagi ng bawat lesson ay naglalaman ng patnubay at mga ideya kung paano mo maaaring ituro ang isang partikular na scripture passage, kasama ang mga tanong, sipi o pahayag, diagram, aktibidad, at impormasyon tungkol sa kasaysayan. Ipinapakita ng mga ideyang ito kung paano mo isasama ang Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo sa iyong pagtuturo upang matulungan ang mga estudyante na mas mapalalim ang kanilang conversion sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo.
Grupo ng mga Scripture Verse at Buod ng Konteksto
Ang bawat lesson sa manwal na ito ay nakatuon sa isang scripture block sa halip na sa isang partikular na konsepto, doktrina, o alituntunin. Ang pormat na ito ay tutulong sa iyo at sa mga estudyante mo na mapag-aralan ang mga banal na kasulatan ayon sa pagkakasunod-sunod nito at pag-isipan ang doktrina at mga alituntunin sa konteksto nito kapag nakita o napansin nila ito sa teksto ng banal na kasulatan. Ang scripture block sa bawat lesson ay karaniwang nahahati sa mas maliliit na segment, o verse grouping, na sinusundan ng mga ideya o pagtutuon sa isang partikular na paksa. Bawat isa sa mga segment o bahaging ito ay nagsisimula sa isang scripture reference na naglilista ng mga scripture verse na kasama sa segment na iyan, kasunod ang buod ng konteksto ng mga pangyayari o mga turo na tinalakay sa grupong iyan ng mga scripture verse.
Doktrina at mga Alituntunin
Sa bahagi ng bawat lesson, may makikita kang mahalagang doktrina at mga alituntunin na nakasulat sa bold letter. Ang mga doktrina at alituntuning ito ay tinukoy sa kurikulum dahil (1) nakikita sa mga ito ang pangunahing mensahe ng scripture block, (2) ang mga ito ay angkop lalo na sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga estudyante, o (3) ang mga ito ay mahahalagang katotohanan na makatutulong sa mga estudyante na mas mapalalim ang kanilang ugnayan sa Panginoon. Ipinayo ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Habang naghahanda ka ng lesson, hanapin ang mga alituntuning nakapagpapabago ng kalooban. … Ang alituntuning nakapagpapabago ng kalooban ay ang yaong humahantong sa pagsunod sa kagustuhan ng Diyos” (“Converting Principles” [evening with a general authority, Peb. 2, 1996], 1). Dapat mong malaman na hindi tatangkain ng manwal na ito na tukuyin ang lahat ng doktrina at alituntunin na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan.
Ang mga mungkahi sa pagtuturo sa manwal na ito ay nagbibigay sa mga estudyante ng maraming pagkakataon na matukoy ang doktrina at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan. Maaari ding imungkahi paminsan-minsan sa mga lesson na ikaw bilang titser ang maaaring tumukoy sa isang doktrina o alituntunin. Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang natuklasan nila, maging maingat na hindi mo maipahiwatig na mali ang mga sagot ng mga estudyante dahil lamang sa iba ang mga salitang ginamit nila sa mga salitang ginamit sa manwal o dahil wala sa kurikulum ang katotohanang binanggit nila. Gayunman, kung ang pahayag ng estudyante ay maaaring gawin mas tama o talagang maling doktrina, pag-isipang mabuti kung paano mo magiliw na lilinawin o itatama ang kanyang pagkaunawa at kasabay nito ay maipadama pa rin ang pagmamahal at pagtitiwala.
Mga Tulong sa Pagtuturo
Ang mga tulong sa pagtuturo ay kasama sa mga mungkahi sa pagtuturo sa lahat ng lesson. Ang mga tulong na ito sa pagtuturo ay tumutulong sa pagpapaliwanag ng Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo at gumagabay sa epektibong paggamit ng iba’t ibang pamamaraan, kasanayan, at paraan sa pagtuturo. Kapag naunawaan mo ang mga alituntuning nakapaloob sa mga tulong sa pagtuturo, humanap ng mga paraan para patuloy na magamit ang mga ito sa iyong pagtuturo.
Mga Karagdagang Ideya sa Pagtuturo
Makikita ang mga karagdagang ideya sa pagtuturo sa katapusan ng ilang lesson. Nagbibigay ang mga ito ng mga mungkahi para sa pagtuturo ng doktrina at mga alituntunin na maaaring hindi natukoy o nabigyang-diin sa malaking bahagi ng lesson. Sa ilang pagkakataon, ang mga ito ay naglalaan ng alternatibong paraan sa pagtuturo ng isang scripture block. Hindi ka obligadong gamitin ang mga ideyang ito sa pagtuturo. Dapat kang magpasiya kung gagamitin mo ang mga mungkahing ito batay sa haba ng oras, mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, at ayon sa patnubay ng Espiritu.
Ang 2013 Edition ng mga Banal na Kasulatan
Ang impormasyon sa manwal na ito ay batay sa 2013 edition ng mga banal na kasulatan na inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang 2013 edition ng mga banal na kasulatan ay kinapapalooban ng binagong mga section heading para sa ilang bahagi o section ng Doktrina at mga Tipan. Ang mga pagbabago sa mga section heading, pati na sa ilang petsa at lokasyon, ay ginawa para ipakita ang huling pagsasaliksik at mga natuklasan tungkol sa kasaysayan at maglaan ng karagdagan o mas malinaw na konteksto para sa mga banal na kasulatan.
Ang teksto ng 2013 edition ng mga banal na kasulatan ay makukuha online sa scriptures.lds.org at sa Gospel Library app para sa mga digital device.
Maaaring ginagamit ng ilan sa iyong mga estudyante ang dating (1981) edisyon ng mga banal na kasulatan. Karamihan sa mga pagbabago sa 2013 edition ay maliit lang at hindi makakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga petsa, lugar, at iba pang impormasyon sa mga section heading ay maaaring maiba depende sa edisyon ng mga banal na kasulatan na ginagamit ng mga estudyante. Sa pagkakataong ito, makabubuting banggitin ang mga rebisyon noong 2013 sa pamamagitan ng pagpapabasa nito sa isang estudyante na mayroong 2013 edition ng banal na kasulatan o sa pagsasabi sa mga estudyante na makikita ang 2013 edition sa Gospel Library app.
Mga Inaasahan sa Estudyante para sa Graduation Credit
Para makatanggap ng credit para sa institute graduation, kinakailangang basahin ng mga estudyante ang teksto ng banal na kasulatan para sa kurso (Doktrina at mga Tipan 1–76 para sa Religion 324, at Doktrina at mga Tipan 77–138 at mga Opisyal na Pahayag 1 at 2 para sa Religion 325) at dapat ding matugunan ang attendance requirements at magpakita ng kakayahan sa pamamagitan ng pagkumpleto ng learning assessment sa materyal ng kurso.
Paano Ko Iaakma ang mga Lesson sa mga Estudyanteng may mga Kapansanan?
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyante na may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon na tutulong sa kanila na magtagumpay. Maghanap ng mga paraan para matulungan sila na madama na minamahal, tinatangap, at kabilang sila. Magkaroon ng ugnayang may pagtitiwala.
Para sa karagdagang ideya at resources, tingnan ang Disability Resources page sa disabilities.lds.org at ang bahagi ng Seminaries and Institutes of Religion policy manual na may pamagat na “Adapted Classes and Programs for Students with Disabilities.”