Lesson 8
Doktrina at mga Tipan 19
Pambungad at Timeline
Nang malapit ng matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon noong Hunyo 1829, inupahan nina Propetang Joseph Smith at Martin Harris ang manlilimbag na si Egbert B. Grandin para maglimbag ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon sa halagang $3,000. Gayunman, ayaw simulan ni Grandin ang paglilimbag hangga’t hindi siya nakakasigurong mababayaran. Nakipagkasundo si Martin Harris na isasangla niya ang kapirasong bahagi ng kanyang sakahan para mabayaran ang pagpapalimbag.
Matapos ang paunang kasunduan, ikinabahala ni Martin ang pagsasangla sa kanyang sakahan. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19, na maaaring ibinigay noong tag-init ng 1829, iniutos ng Panginoon kay Martin Harris na “ibahagi ang kapiraso ng [kanyang] ari-arian … [at] bayaran ang utang na [kanyang] pinagkasundo sa manlilimbag” (D at T 19:34–35). Naghayag din ang Panginoon ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at nagturo tungkol sa pagsisisi.
-
Mga unang araw ng Hunyo 1829Nagpalimbag sina Joseph Smith at Martin Harris kay Egbert Grandin ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon.
-
Hulyo 1, 1829Natapos ni Joseph Smith ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
-
Tag-init ng 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 19.
-
Agosto 25, 1829Isinangla ni Martin Harris ang kanyang sakahan sa halagang $3,000 para mabayaran ang pagpapalimbag sa Aklat ni Mormon.
-
Marso 26, 1830Sinimulan nang ipagbili ang mga kopya ng Aklat ni Mormon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 19:1–20
Ipinaliwanag ng Panginoon ang mga ibinubunga ng hindi pagsisisi at inilarawan ang Kanyang pagdurusa para sa kasalanan
Isulat sa pisara ang sumusunod bago magsimula ang klase: Ano ang ipinagagawa ng Panginoon sa inyo na maaaring mahirap para sa inyo?
Talakayin nang bahagya ang tanong na ito sa klase. Ipaliwanag na naharap sa gayong hamon si Martin Harris at tinuruan ng ilang makapangyarihang katotohanan ng Panginoon upang gabayan siya. Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 19, alamin nila ang mga katotohanang itinuro ng Panginoon kay Martin at gamitin ang mga ito sa pagtugon nila sa iniuutos ng Panginoon sa kanila.
Ipaliwanag na nang malapit nang matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon noong Hunyo 1829, nakipag-usap sina Joseph Smith at Martin Harris sa tagapaglimbag na si Egbert B. Grandin sa Palmyra, New York para magpalimbag ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon. Ayon sa kalkula ni Grandin at ng kanyang typesetter na si John H. Gilbert, magkakahalaga ng $3,000 ang pagpapalimbag ng ganoong karaming kopya. Bilang bahagi ng negosasyon, pumayag si Martin Harris na isangla ang malaking bahagi ng kanyang sakahan bilang pambayad sa pagpapalimbag, ngunit hindi pa gaanong naisaayos ang mga detalye ng pagbabayad nang panahong iyon. Nilinaw ni Grandin na hindi muna niya bibilhin ang mga kailangang materyal ni sisimulan ang paglimbag hangga’t hindi siguradong mababayaran ni Martin Harris ang pagpapalimbag (tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], 86).
Matapos ang paunang kasunduan, nag-atubili si Martin na isangla kanyang sakahan. Bilang tugon sa pag-aalala ni Martin, nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag noong tag-init ng 1829 na kalaunan ay itinala bilang Doktrina at mga Tipan 19. Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 19, alamin ang itinuro ng Panginoon kay Martin Harris para tulungan siyang maging handa na gumawa ng malaking sakripisyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:1–3, at sabihin sa klase na tukuyin ang doktrina na itinuro ng Tagapagligtas kay Martin Harris.
-
Anong doktrina ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang Sarili sa talata 2? (Ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Ama. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang doktrinang ito.)
-
Sa paanong pamamaraan naipakita ni Jesucristo na naisagawa Niya ang kalooban ng Ama sa Langit?
-
Ayon sa mga talata 2–3, anong kapangyarihan mayroon ang Tagapagligtas dahil nagawa Niya ang kalooban ng Ama sa Langit?
-
Sa talata 3, inilarawan ng Tagapagligtas ang kanyang responsibilidad na hatulan ang lahat ng tao sa huling araw. Ayon sa Tagapagligtas, ano ang pagbabatayan ng Kanyang huling paghuhukom? (Tayo ay hahatulan ayon sa ating mga gawa.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano makakaapekto ang ating mga gawa sa gagawing paghuhukom o paghatol sa atin, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang detalye na itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang paghatol.
-
Ayon sa mga talata 4–5, ano ang mararanasan ng mga hindi nagsisisi? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang pariralang “ang mga kapighatian ay mangyayari” sa talata 5 ay tumutukoy sa pagdurusang mararanasan ng mga taong hindi nagsisisi.)
Isulat sa pisara ang walang katapusang kaparusahan at ang walang hanggang kaparusahan. Ipaliwanag na ang mga ito at ang iba pang katulad na mga kataga ay ginagamit kung minsan sa mga banal na kasulatan upang ilarawan ang kaparusahan na darating sa lahat ng hindi magsisisi. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:6–12, at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang walang katapusan o walang hanggang kaparusahan. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung ano ang natutuhan nila mula sa paglalarawan ng Panginoon sa mga katagang ito. (Ipaunawa sa mga estudyante na ang mga katagang walang katapusang kaparusahan at walang-hanggang kaparusahan ay hindi tumutukoy sa haba ng panahon na pagdudusahan ng mga tao ang kanilang mga kasalanan. Bagkus, dahil ang Tagapagligtas ay walang katapusan at walang hanggan, ang mga katagang ito ay tumutukoy sa kaparusahan na Kanyang ipapataw alinsunod sa banal na batas ng katarungan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:13–15, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Martin Harris matapos ilarawan ang walang katapusan at walang hanggang kaparusahan.
-
Ano ang dahilang ibinigay ng Panginoon sa pag-uutos kay Martin Harris na magsisi?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:16–17, at sabihin sa klase na alamin ang pinatotohanan ng Panginoon na mangyayari sa mga taong pinipili na magsisi at ano ang mangyayari sa mga taong pinipili na hindi magsisi.
-
Anong mga alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga talata 16–17 tungkol sa mga taong pinipili na magsisi at tungkol sa mga taong pinipili na hindi magsisi? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod na alituntunin gamit ang mga isinagot ng mga estudyante: Si Jesucristo ay nagdusa para sa ating mga kasalanan para makapagsisi tayo at hindi magdusang tulad Niya. Kung pipiliin nating hindi magsisi, kinakailangan tayong magdusa na katulad ng pagdurusa ni Cristo.)
Ipakita ang larawang Nananalangin si Jesus sa Getsemani (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 56; tingnan din sa lds.org/media-library). Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang tindi ng pagdurusa ng Tagapagligtas, ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 19:18–19 ay ang tanging mga talata sa banal na kasulatan kung saan inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa sa Kanyang sariling mga salita. Ang iba pang tala tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo habang isinasagawa ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay ibinigay ng iba (tingnan sa Mateo 26:36–39; Lucas 22:39–44; Marcos 14:32–41; Mosias 3:7). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:18–19, at alamin ang mga salita at pariralang ginamit ng Tagapagligtas upang ilarawan ang Kanyang pagdurusa. Maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang nalaman nila.
-
Aling mga salita o parirala ang pinakanapansin ninyo? Bakit?
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng mga salita o pariralang ito tungkol sa kahandaan ng Tagapagligtas na magdusa para sa ating mga kasalanan?
-
Ano ang mga nadama ninyo habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang pagdurusa ng Tagapagligtas para sa inyong mga kasalanan?
Ipaliwanag na ang pariralang “nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro” (D at T 19:18) ay tumutukoy sa panalangin ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani na kung maaari, hindi na Niya kailangang tiisin ang gayong paghihirap. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “gayon pa man … ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao” (D at T 19:19) ay sa kabila ng hindi malirip na sakripisyo, nagpasakop si Jesucristo sa kalooban ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Pagbabayad-sala.
-
Paano maaaring nakaimpluwensya kay Martin Harris habang pinag-iisipan niya kung isasangla ba niya ang kanyang sakahan para maipalathala ang Aklat ni Mormon ang pag-unawa na nagpasakop ang Tagapagligtas sa kalooban ng Ama sa Langit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:20. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Martin Harris matapos Niyang ilarawan ang Kanyang pagdurusa para sa kasalanan.
-
Ano ang muling iniutos ng Panginoon kay Martin Harris? Bakit?
-
Sa inyong palagay, bakit ipinaalala ng Panginoon kay Martin ang panahon na lumayo ang Espiritu sa kanya? (Para sa karagdagang ideya tungkol sa tanong na ito, tingnan ang komentaryo sa manwal ng estudyante para sa Doktrina at mga Tipan 19:20.)
-
Paano nakakaimpluwensya ang pag-unawa ninyo sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa inyong hangaring magsisi at gawin ang anumang iutos ng Tagapagligtas, gaano man ito kahirap?
Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin na pahalagahan ang mga sakripisyo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng palagiang pagsisisi.
Doktrina at mga Tipan 19:21–41
Nagbigay ang Panginoon kay Martin Harris ng ilang kautusan, kabilang na ang utos na ibahagi ang kanyang sakahan para sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon
Ipaliwanag na matapos iutos ng Panginoon kay Martin Harris na magsisi, binigyan siya ng Panginoon ng karagdagang mga kautusan at payo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:21–24, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Martin Harris. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Batay sa mga salita ng Panginoon kay Martin sa talata 23, ano ang matatanggap natin kapag natuto tayo kay Cristo, nakinig sa Kanyang mga salita, at lumakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu? (Kapag natuto tayo kay Cristo, nakinig sa Kanyang mga salita, at lumakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu, mapapayapa tayo. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang magagawa natin para matuto kay Cristo?
-
Anong mga pagkakataon ang mayroon tayo para marinig ang Kanyang mga salita?
-
Ano ang ibig sabihin ng maging maamo? (Kung kailangan, ipaliwanag na kasama sa pagiging maamo ang “may takot sa Diyos, matwid, mapagpakumbaba, natuturuan at matiisin sa pagdurusa. Ang maaamo ay nakahandang sumunod sa mga turo ng ebanghelyo” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Maamo, Kaamuan,” scriptures.lds.org]).
-
Kailan nagdulot ng kapayapaan sa inyong buhay ang paglakad sa kaamuan ng Espiritu ng Tagapagligtas?
-
Sa inyong palagay, paano nakatulong kay Martin Harris ang pagsunod sa mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 19:23 sa kanyang desisyon na isangla ang kanyang sakahan?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:25–35, at alamin ang mga karagdagang kautusan at payo ng Panginoon kay Martin Harris. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga pariralang “iniuutos ko sa iyo” at “huwag kang.” Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang natuklasan.
-
Anong kautusan ang ibinigay ng Panginoon kay Martin Harris hinggil sa kanyang sakahan?
-
Sa paanong paraan ninanasa ng isang tao ang kanyang sariling ari-arian?
-
Ayon sa mga talata 26–27, bakit napakahalagang mailimbag ang Aklat ni Mormon?
-
Ayon sa talata 33, ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung pinili ni Martin na “[hindi pahalagahan] ang mga payong ito”?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na sabay-sabay na basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:36–41, at alamin ang mga karagdagang alituntunin na maaaring humikayat kay Martin Harris na sundin ang mga kautusan ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa pangako ng Panginoon kay Martin Harris sa talata 38, ano ang matatanggap natin kung gagawin natin ang kalooban ng Panginoon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung gagawin natin ang kalooban ng Panginoon, mapapasaatin ang mga pagpapala na higit na mahalaga kaysa mga kayamanan ng mundo.)
-
Ano ang ilang pagpapala na nadarama ninyong mas mahalaga kaysa mga kayamanan ng mundo?
-
Sa paanong mga paraan higit na mahalaga ang Aklat ni Mormon kaysa sa sakahan ni Martin Harris?
Ipaliwanag na noong Agosto 25, 1829, bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, isinangla ni Martin Harris ang kanyang ari-arian bilang kabayaran para sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon. Itinuring ni Egbert Grandin na nabayaran na siya nang buo, at sinimulan na kaagad ang paglilimbag.
Balikan ang tanong na nakasulat sa pisara na tinalakay ninyo sa simula ng lesson. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang Panginoon kahit mahirap ito, at ipaalala sa kanila na sila ay makatatanggap ng mga pagpapala na higit na mahalaga kaysa mga kayamanan ng mundo.