Lesson 23
Doktrina at mga Tipan 63
Pambungad at Timeline
Noong tag-init ng 1831, pinangasiwaan ni Propetang Joseph Smith ang paglalaan ng lupain sa Independence, Missouri, kung saan itatayo ng mga Banal ang Sion. Nang bumalik ang Propeta sa Kirtland, Ohio, noong Agosto 27, sabik malaman ng mga Banal doon ang tungkol sa bagong lupaing ito at ang kanilang gagampanan sa pagtatatag ng Sion.
Ang nakalulungkot ay habang wala ang propeta, tinalikdan ng ilang miyembro ng Simbahan sa Kirtland ang mga kautusan ng Panginoon at gumawa ng mabibigat na kasalanan. Noong Agosto 30, 1831, natanggap ng propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, kung saan binalaan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa mga ibubunga ng kasamaan at paghihimagsik. Sinabi rin ng Panginoon sa mga Banal kung paano maghandang magtipon sa Sion at maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito
-
Hulyo 14, 1831Dumating si Joseph Smith at ang iba pa sa Independence, Missouri.
-
Agosto 2–3, 1831Inilaan ang lupain sa Jackson County, Missouri, para sa pagtatatag ng Sion, at isang lugar para sa templo ang inilaan sa Independence, Missouri.
-
Agosto 27, 1831Bumalik sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland, Ohio.
-
Agosto 30, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 63.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 63:1–21
Nagbabala ang Panginoon tungkol sa mga ibubunga ng kasamaan at nangako sa matatapat ng mana
Idispley o isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na ito, at pagkatapos ay sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 63 na makatutulong sa kanila na malaman ang maaari nilang gawin para manatiling tapat sa Panginoon at bakit mahalagang gawin nila ito.
Ipaliwanag na noong Agosto 27, 1831, nang bumalik ang Propeta sa Kirtland, Ohio, matapos ang kanyang paglalakbay patungong Missouri, nalaman niya na ilang Banal sa Ohio ang natuksong magkasala at nag-apostasiya habang siya ay wala. Tatlong araw mula nang dumating sa Kirtland, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 63:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon sa mga naghimagsik sa Kanya.
-
Paano ninyo ibubuod ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga naghimagsik na iyon?
Ipaliwanag na ilan sa mga nag-apostasiyang iyon ay nagsimula na hayagang kalabanin si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan. Halimbawa, sa kalagitnaan ng Oktubre 1831, isa sa nag-apostasiya na nagngangalang Ezra Booth ang naging isa sa mga pinakahayagang bumatikos at unang naglathala ng mga artikulo laban sa mga Mormon. Si Booth ay dating mangangaral na Methodist sa Ohio at naging interesado sa Panunumbalik matapos mabasa ang Aklat ni Mormon. Noong tagsibol ng 1831, naglakbay siya patungong Kirtland kasama sina John at Alice (Elsa) Johnson upang makilala si Joseph Smith. Sa kanilang pagbisita nasaksihan niya ang pagpapagaling ng Propeta sa may rayumang bisig ni Alice, at di-nagtagal matapos masaksihan ang himalang ito, siya ay nabinyagan. (Tingnan sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 153–54, josephsmithpapers.org; tingnan din sa “History of Brigham Young,” Millennial Star, Dis. 31, 1864, 834.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagkakaugnay ng pananampataya at mga tanda.
-
Ayon sa mga talatang ito, bakit naghihina sa kanilang pananampalataya ang ilan sa mga Banal sa Kirtland?
-
Anong doktrina ang itinuro ng Panginoon sa mga talatang ito tungkol sa pananampataya at sa mga tanda? (Tiyaking natukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang pananampalataya ay hindi dumarating dahil sa mga tanda)
-
Ano ang pananampalataya? (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 11:1 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; Alma 32:21.)
-
Bakit hindi matibay ang pananampalataya na nakabatay lamang sa nasaksihang mga tanda?
Ipaliwanag na si Ezra Booth ay isang halimbawa ng isang tao na umasa sa mga tanda sa halip na sa pananampalataya. Pagkatapos niyang mabinyagan, tumanggap siya ng priesthood at ipinadala sa misyon sa Missouri. Tila inaasahan niyang makapagbibinyag siya ng marami sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at paggawa ng mga himala. Gayunman, makalipas ang pangangaral sa loob ng maikling panahon at hindi makita ang mga resultang inaasahan niya, hindi na nasiyahan si Ezra at di naglaon ay nag-apostasiya. (Tingnan sa Manuscript History, vol. A-1, p. 153–54, josephsmithpapers.org.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:10–12, at alamin ang karagdagang katotohanan na itinuro ng Panginoon tungkol sa mga tanda at pananampalataya.
-
Anong karagdagang doktrina ang itinuro ng Panginoon sa mga talatang ito tungkol sa mga tanda at pananampataya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga tanda ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya ayon sa kalooban ng Diyos.)
-
Bakit mahalagang tandaan na ang mga tanda ay dumarating ayon sa kalooban ng Diyos sa halip na sa kagustuhan natin?
-
Ano kaya ang maiiba sa pagmimisyon ni Ezra Booth kung naunawaan at pinaniwalaan niya ang katotohanang ito?
Ipaliwanag na bukod pa sa paghahanap ng mga tanda, maraming miyembro ng Simbahan ang “tumalikod sa … mga kautusan [ng Diyos]” (D at T 63:13) noong wala ang Propeta. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 63:14–16, at alamin ang kasalanang nagawa ng ilang miyembro. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talata 16, ano ang mangyayari sa mga taong hindi pinagsisisihan ang pangangalunya? (Mawawala sa kanila ang Espiritu at magtatatwa ng pananampalataya.)
Ipaliwanag na humigit-kumulang anim na buwan na ang nakararaan, sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na huwag makiapid at magpakita ng pagnanasa (tingnan sa D at T 42:22–26), subalit hindi tumalima ang ilan sa mga Banal sa utos na ito ng Panginoon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:17–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari pa sa nakagawa ng mabibigat na kasalanan.
-
Sa palagay ninyo bakit tahasang sinabi ng Panginoon sa mga Banal ang mga ibinubunga ng kasalanan?
Ipaliwanag na kahit nakagawa ng mabibigat na kasalanan at nag-apostasiya ang ilang miyembro sa Kirtland noong wala ang Propeta, karamihan sa mga Banal ay nanatili pa ring tapat. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga nananatiling tapat at ginagawa ang Kanyang kalooban. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na ang pariralang “araw ng pagbabagong-anyo” sa talata 20 ay tumutukoy sa panahon na paparitong muli ang Panginoon at tatanggapin ng mundo ang malaparaisong kaluwalhatian nito.
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 20 tungkol sa gagawin ng Panginoon para sa atin kung magtitiis tayo nang may pananampalataya at gagawin ang Kanyang kalooban? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung magtitiis tayo nang may pananampalataya at gagawin ang kalooban ng Panginoon, mananaig tayo sa sanlibutan at makatatanggap ng mana mula sa Panginoon. [Tingnan din sa D at T 63:47.])
-
Ano ang ibig sabihin ng pariralang “mananaig sa sanlibutan”? (Ang manaig laban sa mga kasalanan at tukso ng sanlibutan.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nakatulong ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas para madaig ang mga tukso at pagsubok na naranasan nila. Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila sa alituntuning ito. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na napakapersonal.)
Doktrina at mga Tipan 63:22–56
Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa pagtatatag ng Sion at nangako ng mga pagpapala sa matatapat
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na nag-alala sila na hindi nila magawa ang isang mahirap na gawain. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung ano ang ginawa nila nang maharap sila sa ganitong gawain.
Ipaliwanag na sa pagbalik ni Propetang Joseph Smith sa Kirtland, sa kabila ng mga kasalanan at pag-aapostasiya ng ilang miyembro ng Simbahan doon, maraming Banal ang gustung-gusto pa ring malaman kung paano magagawa ang iniutos ng Panginoon na itatag ang Sion. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 63, at alamin ang ginawa ng Propeta nang maharap siya sa mga ganitong sitwasyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang isinagot ng Panginoon sa Propeta.
-
Ayon sa talata 23, paano natin malalaman ang kalooban ng Panginoon at ang mga hiwaga ng Kanyang kaharian? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan, tutulungan tayo ng Panginoon na malaman ang Kanyang kalooban at ang mga hiwaga ng Kanyang mga kaharian.)
-
Ano ang mga hiwaga ng kaharian ng Panginoon? (Sa konteksto ng ebanghelyo, ang mga hiwaga ay mga katotohanan na maaari lamang malaman at maunawaan sa pamamagitan ng paghahayag.)
-
Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sa kanya ay magiging isang balon ng tubig na buhay, na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan” (D at T 63:23)? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang “tubig na buhay” ay tumutukoy sa mga katotohanan tungkol sa Diyos at Kanyang kaharian na tutulong sa atin na maging katulad ng Diyos at magkaroon ng buhay na walang hanggan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:24–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang payo na ibinigay ng Panginoon tungkol sa pagtatatag ng Sion.
-
Anong payo ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa pagtatatag ng Sion?
Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 63:28–48, sinabi ng Panginoon sa mga Banal na huwag gamitan ng dahas ang pagbili ng lupain para sa Sion. Sinabi rin ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Sion para mapangalagaan sa mga huling araw. Bukod pa rito, sinabihan ang ilang Banal na maghanda para sa paglipat sa Missouri sa susunod na tagsibol, at ang iba ay kailangang manatili sa Ohio nang mas matagal.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:41, 46–48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga karagdagang itinuro ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa pagtatatag ng Sion.
-
Ayon sa talata 41, paano malalaman ng Propeta kung sino ang magtutungo sa Sion at sino ang mananatili sa Ohio?
-
Anong pangako ang ibinigay ng Panginoon sa mga handang magpadala ng pera para makatulong sa pagtatatag ng Sion?
Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 63:49–54, nangako ang Panginoon ng mga pagpapala sa matatapat na namatay bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito gayundin sa mga buhay pa sa panahong iyon. Sa mga talata 55–56, pinagsabihan ng Panginoon si Sidney Rigdon dahil sa kapalaluan nito. Naatasan si Sidney na magsulat ng diskripsyon ng lupain ng Sion (tingnan sa D at T 58:50) para malaman ng mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa malayo kung ano ang itsura ng lupain. Gagamitin ang diskripsyong ito para mahikayat ang mga Banal na mag-ambag ng perang pambili ng lupain sa Missouri. Ang unang diskripsyong ginawa ni Sidney ay hindi ayon sa itinagubilin ng Panginoon, kaya pinagsabihan Niya si Sidney at pinasulat muli ng ibang diskripsyon.
Doktrina at mga Tipan 63:57–66
Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga tagapaglingkod na alalahanin ang kasagraduhan ng Kanyang pangalan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento mula sa buhay ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):
“Isang araw sa ospital, nang itinutulak ako papalabas mula sa operating room ng isang narses na natisod, at kapagdaka ay lumabas sa kanyang nagngangalit na mga labi ang masasamang salita na hinaluan ng mga pangalan ng Tagapagligtas. Kahit halos wala pa akong malay-tao, ako ay nanliit at nagsumamong: ‘Pakiusap! Pakiusap! Pangalan iyan ng Panginoon ko na iyong hinahamak’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 188).
-
Paano naiba ang pagpipitagan ni Pangulong Kimball sa pangalan ng Panginoon sa paraan ng paggamit ng maraming tao sa pangalan ng Panginoon?
Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 63:59–64. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa paggamit sa Kanyang pangalan.
-
Batay sa itinuro ng Panginoon sa mga talatang ito, anong katotohanan ang matutukoy natin tungkol sa dapat na paggamit sa pangalan ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang pangalan ni Jesucristo ay sagrado at dapat mag-ingat sa pagsambit nito.)
-
Sa palagay ninyo, bakit iniutos sa atin ng Panginoon na gamitin ang Kanyang pangalan nang may pagpipitagan?
-
Paano nakadaragdag sa ating pang-unawa ang talata 62 tungkol sa ibig sabihin ng paggamit ng pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan?
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 63:64, at alamin ang mga karagdagang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagsasalita tungkol sa mga sagradong bagay.
-
Ano ang ilan pang mga salita, mga katotohanan, o mga bagay na “nagmumula sa kaitaasan” at sagrado?
-
Paano tayo makatitiyak na sinasambit natin ang mga ito nang may pag-iingat?
Patotohanan ang mga pagpapalang idinudulot ng paggalang sa pangalan ni Jesucristo sa ating mga salita at kilos. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang partikular na paraan na maaari nilang gamitin o ikilos sa pangalan ng Panginoon nang may higit na pagpipitagan at paggalang. Hikayatin silang gawin ang mga pamamaraang ito sa darating na linggo.