Institute
Lesson 36: Doktrina at mga Tipan 93


“Lesson 36: Doktrina at mga Tipan 93,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 36,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 36

Doktrina at mga Tipan 93

Pambungad at Timeline

Noong May 6, 1833, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 93. Sa paghahayag na ito, itinuro ng Tagapagligtas sa mga Banal kung paano sumamba at “makarating sa Ama sa aking pangalan, … at tumanggap ng kanyang kaganapan” (D at T 93:19). Itinuro din Niya kung paano tayo makatatanggap ng katotohanan at liwanag, inihayag ang walang hanggang katangian ng lahat ng kalalakihan at kababaihan, at iniutos kay Propetang Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan na “[isaayos]” ang kanilang mga tahanan (D at T 93:43–50).

Pebrero 2, 1833Natapos ni Joseph Smith ang kanyang pagsasalin ng Bagong Tipan.

Marso 8, 1833Nagpatuloy si Joseph Smith sa kanyang inspiradong pagsasalin ng Lumang Tipan.

Abril 1833Ang Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio, ay natapos sa tag-init.

Mayo 4, 1833Isang komite ang pinili upang mangalap ng pondo para sa pagtatayo ng gusali para sa Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio.

Mayo 6, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 93.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 93:1–20

Itinuro ng Panginoon kung paano natin Siya makikilala at matatamo ang kaganapan ng kaluwalhatian

Idispley ang isang larawan ni Jesucristo.

  • Ano ang kaibhan ng alam ang tungkol kay Jesucristo at kilala si Jesucristo? (Ang malaman ang tungkol kay Jesucristo ay kinapapalooban ng pag-alam ng mga katotohanan tungkol sa Kanya. Ang makilala si Jesucristo ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng personal na pakikipag-ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng pagtanggap ng patotoo tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo at sa pagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan.)

  • Bakit mahalagang malaman ang tungkol kay Jesucristo at makilala Siya? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na hindi natin matatamo ang ating buong potensiyal bilang mga anak ng Diyos kung hindi natin nakikilala si Jesucristo at ang Ama sa Langit [tingnan sa Juan 17:3].)

Sabihin sa mga estudyante na humanap ng mga katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 93 na makatutulong sa kanila na malaman pa ang tungkol sa Tagapagligtas at makilala rin Siya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagtatamo ng kaalaman tungkol kay Jesucristo.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 1 tungkol sa pagtatamo ng kaalaman tungkol kay Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tatalikuran natin ang ating mga kasalanan, lalapit kay Cristo, mananawagan sa Kanyang pangalan, susunod sa Kanyang tinig, at susunod sa Kanyang mga kautusan, makikita natin ang Kanyang mukha at malalamang Siya na nga. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na i-cross-reference ang talata 1 sa Doktrina at mga Tipan 88:68. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 88:68. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at maghanap ng karagdagang impormasyon hinggil sa pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 93:1. (Dapat matuklasan ng mga estudyante na ang pangako na makikita ang mukha ng Panginoon ay matutupad ayon sa “sariling panahon [ng Panginoon], at sa kanyang sariling pamamaraan” [D at T 88:68].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:2–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang malalaman natin tungkol sa Tagapagligtas kung ipamumuhay natin ang alituntunin sa talata 1.

  • Bakit mahalagang malaman natin na si Jesucristo ang “tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao” (talata 2)?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niya na “ibinigay [ng Ama sa Langit] ang kanyang kaganapan” (talata 4)? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na tinanggap ni Jesucristo ang lahat ng mayroon ang Ama, kabilang ang Kanyang kaluwalhatian, kapangyarihan, kaalaman, at kagalakan. Isa itong paraan kaya naging kaisa si Jesucristo ng Ama sa Langit.)

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 93:6–18, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang isang bahagi ng patotoo ni Juan Bautista tungkol sa Tagapagligtas na itinala ni Apostol Juan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 93:6–11, at alamin kung ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa itinala ni Juan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 93:12–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natanggap ni Jesucristo ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama.

  • Paano natanggap ni Jesucristo ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay nagpatuloy nang biyaya sa biyaya hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama.)

  • Sa talata 13, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya”?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang pariralang “[Siya ay] nagpatuloy nang biyaya sa biyaya” ay nagpapahiwatig na natuto at umunlad ang Tagapagligtas nang “taludtod sa taludtod, [nang] tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Ang salitang biyaya ay tumutukoy sa “ibinibigay [na] dakilang tulong o lakas sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya,” scriptures.lds.org). Araw-araw na humingi si Jesucristo ng biyaya, o banal na tulong at lakas ng Ama sa Langit, at nagtamo ng malaking kaalaman at kapangyarihan hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan ng kaluwalhatian.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang ating Tagapagligtas ay isang Diyos bago siya isinilang sa mundong ito, at gayon pa rin siya nang siya ay pumarito. Diyos pa rin siyang tulad ng dati nang siya ay isilang sa mundo. Ngunit pagdating sa buhay na ito kinailangan niyang magsimula na tulad ng iba pang mga bata at magtamo ng kaalaman nang taludtod sa taludtod. …

“… Walang dudang si Jesus ay naparito sa mundo at naranasan din ang mga sitwasyong kailangang pagdaanan ng bawat isa sa atin—nalimutan niya ang lahat, at kinailangan niyang umunlad nang biyaya sa biyaya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 354–56).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit inihayag ng Panginoon ang isang bahagi ng talaan ni Juan Bautista.

  • Ayon sa talata 19, bakit inihayag ng Panginoon ang talaan ni Juan Bautista?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Ang perpektong pagsamba ay pagtulad. Iginagalang natin ang mga taong tinutularan natin” (Bruce R. McConkie, The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 568).

  • Ano ang ipinahihiwatig ng pahayag na ito ni Elder McConkie at ng mga turo na napag-aralan natin sa Doktrina at mga Tipan 93 kung paano natin dapat sambahin ang Ama sa Langit? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na dapat nating sambahin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo.)

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 93:20, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong tinutularan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan, tatanggap tayo nang biyaya sa biyaya hanggang sa matanggap natin ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama, tulad ng ginawa ni Jesucristo.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na malaman natin na tayo, tulad ng Tagapagligtas, ay makatatanggap ng kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama at magiging katulad Niya kung susundin natin ang mga kautusan at tatanggap ng biyaya sa biyaya?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano nila maipamumuhay ang alituntuning nakasulat sa pisara, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Lorenzo Snow

“Huwag [umasang] maging perpekto kaagad. Kung ganito ang iisipin ninyo, panghihinaan kayo ng loob. Maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti bukas kaysa ngayon. Huwag nating hayaang daigin pa tayo bukas ng mga tuksong marahil ay dumaraig sa atin ngayon. Kaya’t patuloy na bumuti nang unti-unti bawat araw; at huwag hayaang lumipas ang buhay nang wala tayong nagagawang kabutihan sa iba gayundin sa ating sarili” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow [2012], 116).

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang espirituwal na pag-unlad na nagawa nila sa nakalipas na ilang taon.

  • Ano ang isang halimbawa kung paano kayo natuto at umunlad sa nakalipas na ilang taon dahil sinunod ninyo ang mga kautusan? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)

Magpatotoo na tulad ni Jesucristo na naging katulad ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, makakaya rin nating gawin ito.

Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng isang mithiin hinggil sa kung ano ang gagawin nila upang maging mas mabuti bukas kaysa ngayon upang matularan nila ang Tagapagligtas at unti-unting maging katulad Niya at ng ating Ama sa Langit.

Doktrina at mga Tipan 93:21–39

Itinuro ng Panginoon kung paano tumanggap ng katotohanan at liwanag

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:21–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang inihayag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sarili at sa atin sa buhay bago tayo isinilang sa mundong ito.

  • Ano ang inihayag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sarili sa talata 21?

Ipaliwanag na dahil si Jesucristo ang Panganay sa lahat ng espiritung anak ng Ama sa Langit at sinunod ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay, Siya ay “itinalaga na tagapagmana” ng lahat ng mayroon ang Ama (Sa Mga Hebreo 1:2).

Ipaliwanag na tayo ay isisinilang sa pamamagitan ni Jesucristo at nagiging kabahagi ng kaluwalhatian ng Ama kapag tayo ay espirituwal na isilang na muli at nalinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay magiging bahagi tayo ng Simbahan ng Panganay. Sa ganitong paraan, tayo ay magiging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Mga Taga Roma 8:17) at matatanggap ang lahat ng mayroon ang Ama (tingnan sa D at T 76:55).

  • Bakit mahalagang malaman natin na tayo “rin sa simula ay kasama ng Ama” (D at T 93:23)?

Ipaliwanag na bagama’t namuhay tayo kasama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa premortal na buhay, tinuruan Nila tayo at maaari nating tanggapin o hindi tanggapin ang katotohanan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 93:24–28, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa katotohanan.

  • Ano ang matututuhan ninyo sa kahulugang ibinigay ng Panginoon sa katotohanan sa talata 24?

Ituro ang pariralang “na isang sinungaling mula pa sa simula” sa talata 25, at ipaliwanag na ang pariralang ito ay tumutukoy kay Satanas. Tulad ng ginawa niya sa premortal na buhay, patuloy tayong hinahadlangan ni Satanas sa pagtanggap ng katotohanan.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo sa talata 26?

  • Ayon sa talata 28, ano ang mangyayari sa atin kung patuloy tayong tumatanggap ng katotohanan at liwanag sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pagtanggap ng katotohanan at liwanag, maaari tayong maging katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.)

  • Paano nauugnay ang alituntuning ito sa iba pang mga alituntunin na nakasulat sa pisara?

Ipaliwanag na noong kapiling natin ang Diyos bago tayo isilang, tayo ay may kalayaan—ang kakayahang pumili at kumilos para sa ating sarili. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:29–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nakaaapekto ang kalayaan natin sa ating kakayahan na tumanggap ng liwanag at katotohanan.

  • Ano ang ibubunga kung pipiliin nating huwag tumanggap ng liwanag?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 93:33–35 na ipinaliliwanag na itinuro ng Panginoon na makatatanggap lamang tayo ng ganap na kagalakan kapag ang ating katawan at espiritu ay muling nagsama sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:36–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga karagdagang katotohanan na itinuro ng Panginoon tungkol sa liwanag at katotohanan.

  • Ano ang natutuhan natin tungkol sa liwanag at katotohanan sa mga talata 36–37?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talata 39 tungkol sa kung ano ang maaaring maging dahilan ng pagkawala sa atin ng liwanag at katotohanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dahil sa pagsuway at mga maling kaugalian, mawawala sa atin ang liwanag at katotohanan.)

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga aktibidad o mga kaugalian ngayon na maaaring maging dahilan para mawala sa atin ang liwanag at katotohanan?

Magpatotoo na kapag ginagamit natin ang ating kalayaan para tumanggap ng liwanag at katotohanan, tayo ay magiging higit na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit at kalaunan ay tatanggapin ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos at kadakilaan sa kahariang selestiyal. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang maaaring nakahahadlang sa kanilang mga pagsisikap na matanggap ang liwanag at katotohanan. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin na ihinto ang mga gawing ito upang patuloy silang makatanggap ng liwanag at katotohanan at maging higit na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.

Doktrina at mga Tipan 93:40–53

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na palakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 93:40–53 na ipinaliliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga Banal na “palakihin ang [kanilang] mga anak sa liwanag at katotohanan” [talata 40]. Pinagsabihan din ng Panginoon ang ilang lider ng Simbahan sa hindi paggawa nito.