Institute
Lesson 48: Doktrina at mga Tipan 124


“Lesson 48: Doktrina at mga Tipan 124,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 48,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 48

Doktrina at mga Tipan 124

Pambungad at Timeline

Nang sapilitang paalisin ang mga miyembro ng Simbahan sa Missouri noong taglamig ng 1838–1839, nakahanap sila ng kanlungan sa Illinois at Iowa Territory. Matapos pahintulutang makatakas sa pagkabihag noong Abril 1839, sumama si Propetang Joseph Smith sa mga Banal sa Quincy, Illinois, at tumulong sa pagpapasimula ng isang bagong lugar na pagtitipunan sa Commerce, Illinois, na kalaunan ay pinalitan ang pangalan at ginawang Nauvoo. Halos dalawang taon kalaunan, noong Enero 19, 1841, si Propetang Joseph Smith ay nakatanggap ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124, kung saan ipinag-utos sa kanya ng Panginoon na magsulat ng “kapita-pitagang pagpapahayag ng [Kanyang] ebanghelyo” sa mga lider ng “lahat ng bansa sa mundo” (D at T 124:2–3) at iniutos sa mga Banal na magtayo ng isang boarding house para sa mga bisita at isang templo sa Nauvoo. Pinayuhan din ng Panginoon ang mga indibiduwal na miyembro ng Simbahan at nagtalaga ng mga kalalakihan na maglilingkod sa iba’t ibang katungkulan sa pamumuno sa priesthood.

Taglamig ng 1838–1839Ang mga miyembro ng Simbahan ay sapilitang pinaalis sa Missouri at nagkanlong sa Illinois at Iowa Territory.

Abril 16, 1839Habang inililipat sa Columbia, Missouri, para sa paglilitis, si Propetang Joseph Smith at ang kanyang mga kasama ay pinayagang makatakas sa pagkabihag.

Abril–Mayo 1839Ang mga miyembro ng Simbahan ay bumili ng lupain sa Commerce, Illinois—na kalaunan ay pinalitan ang pangalan at ginawang Nauvoo—at itinatag ito bilang isang lugar na pagtitipunan.

Agosto 15, 1840Ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang kanyang unang diskurso sa publiko tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay.

Disyembre 16, 1840Ipinagkaloob ng estado ng Illinois ang isang opisyal na charter sa lunsod ng Nauvoo.

Enero 19, 1841Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 124.

Abril 6, 1841Inilatag ang mga batong panulok ng Nauvoo Temple.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 124:1–21

Iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na magpadala ng “pagpapahayag ng … ebanghelyo … sa lahat ng bansa sa mundo” at pinayuhan ang mga indibiduwal na miyembro ng Simbahan

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong: Ano ang pinakamagandang papuri na matatanggap ninyo mula sa ibang tao? Bakit?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong: Anong papuri ang gusto ninyong matanggap mula sa Panginoon? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na ito. Hikayatin sila na alamin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 124 ang mga katangiang pinahahalagahan ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod.

Ipaalala sa mga estudyante na noong palayasin ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Missouri noong taglamig ng 1838–1839, marami sa kanila ang tumira sa maliliit na komunidad sa Illinois at Iowa sa pampang ng Ilog Mississippi. Ginawa ng mababait na mamamayan sa mga komunidad na ito ang lahat ng makakaya nila para tulungan ang mga Banal ngunit madalas na nahirapang makahanap ng sapat na pagkain at tirahan para sa malaking bilang ng mga refugee.

Ipakita ang sumusunod na talata, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Noong Abril 1839, si Propetang Joseph Smith at kanyang kapwa mga bihag ay pinayagang makatakas at nagtungo sa Quincy, Illinois, kung saan nila muling nakasama ang kanilang mga pamilya. Pagdating niya sa Quincy, bumili ang Propeta at iba pa ng mga lupain sa Illinois at Iowa Territory para matirahan ng mga Banal. Ang Commerce, Illinois, na kanilang naging bagong headquarters, ay pinalitan nila ng pangalan at ginawang Nauvoo, na salitang Hebreo para sa “maganda.” Gayunpaman, para maitatag ang kanilang lunsod maraming buwang nagtrabaho nang napakahirap ang mga Banal—na karamihan ay nagdarahop matapos magsitakas sa kanilang pamayanan sa Missouri—sa paghahawan ng mga lupain at pagtatayo ng mga bagong tahanan at kabuhayan. Nang sumunod na taglamig, sapat na ang progresong nagawa nila kaya napagtuunan na ng mga lider ng Simbahan ang pagsasaayos ng pamunuan ng Simbahan, na naubusan ng mga miyembro dahil sa apostasiya at pagkamatay na nangyari sa magulong panahon sa Missouri. Noong Enero 19, 1841, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124, kung saan pinangalanan ng Panginoon ang Nauvoo bilang “isang batong panulok ng Sion” (D at T 124:2) at siyang headquarters ng Simbahan nang panahong iyon, at nagtalaga ng mga kalalakihan na maglilingkod sa mga katungkulan sa pamumuno sa Simbahan.

Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124:1–22, pinuri at pinayuhan ng Panginoon ang iba’t ibang lider ng Simbahan sa Nauvoo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at mga pangalan:

Doktrina at mga Tipan 124:1–3—Joseph Smith

Doktrina at mga Tipan 124:12–14—Robert B. Thompson

Doktrina at mga Tipan 124:15—Hyrum Smith

Doktrina at mga Tipan 124:16–17—John C. Bennett

Doktrina at mga Tipan 124:18–19—Lyman Wight

Doktrina at mga Tipan 124:20–21—George Miller

Mag-assign sa bawat estudyante ng tig-isa ng mga reference na ito, at sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga naka-assign na talata sa kanila, na inaalam kung ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taong ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Habang nagbabahagi sila, isulat ang kanilang mga sagot sa pisara sa tabi ng kaugnay na mga scripture reference at mga pangalan.

  • Alin sa mga papuring ito ang gusto ninyong matanggap mula sa Panginoon? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na mabilis na rebyuhin ang mga papuring ibinigay ng Panginoon kina Hyrum Smith at George Miller sa mga talata 15 at 20.

  • Batay sa sinabi ng Panginoon tungkol sa dalawang lalaking ito, ano ang Kanyang nadarama tungkol sa mga taong may integridad? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Mahal at pinagtitiwalaan ng Panginoon ang mga taong may integridad ang puso.)

Ipaliwanag na mahal ng Panginoon ang lahat ng tao. Gayunman, ang pagpapahayag ng Panginoon ng pagmamahal kina Hyrum Smith at George Miller sa mga talata 15 at 20 ay nagpapakita na nasisiyahan Siya sa kanilang pamumuhay dahil sa kanilang integridad, ibig sabihin sa kadalisayan, katapatan, at kabutihan nila.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917-2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ni Elder Wirthlin tungkol sa kahulugan ng integridad.

“Para sa akin ang ibig sabihin ng katapatan [o integridad] ay palaging paggawa ng tama at mabuti anuman ang ibunga nito. Ibig sabihin ay pagiging mabuti mula sa kaibuturan ng ating kaluluwa, hindi lamang sa ating mga kilos kundi, ang pinakamahalaga, sa ating isipan at puso. Ang katapatan ay nangangahulugan ng pagiging mapagkakatiwalaan at may integridad na hindi tayo sisira sa tiwala o tipang ibinigay sa atin” (Joseph B. Wirthlin, “Personal Integrity,” Ensign, Mayo 1990, 30).

  • Ano ang ilang sitwasyon na maaaring masubok ang integridad ng isang tao?

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin na makatutulong sa atin na mapanatili ang ating integridad kahit mahirap itong gawin?

Sabihin sa mga estudyante na umisip ng isang taong kilala nila na may integridad. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase kung bakit ang taong naisip nila ay isang halimbawa ng taong may integridad.

Hikayatin ang mga estudyante na isulat kung ano ang gagawin nila para mapagsikapang magkaroon ng integridad sa kanilang isipan, salita, at kilos.

Doktrina at mga Tipan 124:22–83

Iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na magtayo ng bahay na matutuluyan ng mga bisita at ng isang templo sa Nauvoo

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 124:22–83, ang Panginoon ay nagbigay ng partikular na mga utos sa mga miyembro ng Simbahan. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 124:22–27, 56, 60. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon na gawin ng mga Banal.

  • Ano ang nais ng Panginoon na itayo ng mga Banal sa Nauvoo? (Isang boardinghouse na papangalanan nila na Nauvoo House, at isang templo.)

  • Ayon sa mga talata 23, 60, bakit iniutos sa mga Banal na magtayo ng Nauvoo House?

Magdispley ng larawan ng Nauvoo Temple.

Nauvoo Temple

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Nauvoo.

  • Bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Nauvoo?

Ipaliwanag na itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang “kaganapan ng priesthood” ay natatamo sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa sa templo at pagtupad sa kaugnay na mga tipan (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 491). Kahit naipanumbalik na ang mga susi ng priesthood sa Kirtland Temple noong 1836, hindi lahat ng mga ordenansa ng templo ay inihayag noong panahong iyon. Halimbawa, noong Agosto 15, 1840, anim na buwan bago natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124, itinuro ni Propetang Joseph Smith sa unang pagkakataon ang doktrina ng pagtubos sa mga patay sa pamamagitan ng pagbibinyag para sa mga patay o proxy baptism. Mula noon, maraming pagbibinyag para sa mga patay ang isinagawa sa Ilog Mississippi o sa kalapit na mga batis.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 124:29–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga pagbibinyag para sa mga patay.

  • Ayon sa Panginoon saan dapat isagawa ang pagbibinyag para sa mga patay?

  • Ayon sa talata 30, bakit tinulutan ng Panginoon ang mga Banal na magsagawa ng mga pagbibinyag para sa mga patay sa mga lugar bukod sa templo?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung ang mga Banal ay magbibinyag para sa mga patay sa labas ng templo matapos ang takdang panahon ng pagkumpleto sa templo?

Ipaliwanag na itinigil ang pagbibinyag para sa mga patay sa Ilog Mississippi noong Oktubre, 3, 1841, nang ipahayag ng Propeta, “Wala nang isasagawang mga pagbibinyag para sa mga patay, hanggang sa ang ordenansa ay isagawa sa Bahay ng Panginoon. … Gayon ang wika ng Panginoon!” (Mga Turo: Joseph Smith, 549–51). Noong Nobyembre 1841, matapos magawa ang bautismuhan at mailaan sa silong ng Nauvoo Temple na hindi pa ganap na natatapos, ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay ipinagpatuloy.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 124:37–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang isa pang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Nauvoo.

Isulat ang sumusunod na di-kumpletong pahayag sa pisara: Ang templo ang tanging lugar kung saan …

  • Batay sa itinuro ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124:28–42, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na nakasulat sa pisara? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara tulad ng sumusunod: Ang templo ang tanging lugar kung saan matatamo natin ang lahat ng mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa kaligtasan ng mga buhay at mga patay.)

  • Paano kaya nakahikayat sa mga Banal ang doktrinang ito na gawin ang anumang sakripisyong kailangan upang maitayo ang Nauvoo Temple?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 124:41–83 na ipinaliliwanag na ipinangako ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na kung maitatayo nila ang templo sila ay pagpapalain. Kung hindi, sila ay isusumpa. Nangako rin ang Panginoon na pananagutin Niya ang mga kaaway ng Simbahan dahil hindi naitayo ng mga Banal ang templo sa Jackson County, Missouri. Bukod pa rito, nagbigay ang Panginoon sa mga Banal ng mga tagubilin hinggil sa pagtatayo ng Nauvoo House.

Doktrina at mga Tipan 124:84–145

Binanggit ng Panginoon ang mga pangalan ng mga maglilingkod sa iba’t ibang katungkulan sa pamumuno sa priesthood

Ipaalala sa mga estudyante na ang mga suliranin sa Missouri ay may negatibong epekto sa pamumuno ng Simbahan. Noong panahong iyon, ilang lider ang umalis sa Simbahan, at ang iba ay namatay o napatay. Matapos mapalayas ang mga Banal mula sa Missouri noong taglamig ng 1838–1839, ang mga lider ng Simbahan ay nag-ukol ng maraming oras sa paghahanda sa mga Banal na magtipon sa Illinois at Iowa. Sa taglamig ng 1840–1841, nagawa nang mapagtuunan sa wakas ng pamunuan ng Simbahan ang mga bakanteng posisyon sa Simbahan. Ang Doktrina at mga Tipan 124:84–145 ay naglalaman ng mga pangalan ng mga lalaki na tinawag na maglingkod sa Simbahan, kasama ang mga pangako at babala sa kanila ng Panginoon.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 124:91–95. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagbabagong ginawa ng Panginoon sa pamunuan ng Simbahan.

  • Anong tungkulin ang tinanggap ni William Law?

  • Anong tungkulin ang tinanggap ni Hyrum Smith?

Maaari mong ipaliwanag na noong tawagin si Hyrum Smith na maging Patriarch ng Simbahan, iisang patriarch lang ang naglilingkod sa buong Simbahan. Kapag mas maraming stake ang inoorganisa, nag-oordena ng mga patriarch sa bawat stake.

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako kay Hyrum Smith bilang bahagi ng kanyang bagong tungkulin? (Si Hyrum ay binigyan ng mga pagpapalang ipinangako noon kay Oliver Cowdery, na itiniwalag dahil sa paghihimagsik noong 1838 [tingnan sa talata 95].)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 124:103–42 na ipinaliliwanag na tinawag ng Panginoon si Sidney Rigdon na patuloy na maglilingkod bilang tagapayo kay Propetang Joseph Smith. Kinilala rin ng Panginoon si Joseph Smith bilang Propeta at Pangulo ng Simbahan at si Brigham Young bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at inilahad ang mga miyembro ng korum na iyon. Bukod pa rito, pinangalanan ng Panginoon ang mga miyembro ng high council, ang pangulo ng mga high priest (ang stake president), ang pangulo ng elders quorum, ang mga Pangulo ng mga Korum ng mga Pitumpu, at ang bishopric.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:143. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit ibinigay ng Panginoon ang “mga katungkulan” at “mga susi” na ito ng priesthood.

  • Ayon sa talata 143, bakit ibinigay ng Panginoon ang mga susi at mga katungkulan ng priesthood upang isaayos at pamahalaan ang Kanyang gawain? (Ibinigay ng Panginoon ang mga susi at mga katungkulan ng priesthood upang isaayos at pamahalaan ang Kanyang gawain nang sa gayon ay magawang ganap ang Kanyang mga Banal.)

Magtapos sa pagpapatotoo sa alituntuning ito at sa iba pang mga katotohanang tinukoy sa lesson na ito. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.