“Lesson 34: Doktrina at mga Tipan 88:70–141,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 34,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 34
Doktrina at mga Tipan 88:70–141
Pambungad at Timeline
Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88:1–126 noong Disyembre 27 at 28, 1832. Makalipas ang mga isang linggo, noong Enero 3, 1833, idinikta ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88:127–37 matapos manalangin ang mga high priest sa isang pagpupulong para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pagtatatag ng Sion. Tinukoy ng Propeta ang paghahayag na ito bilang isang “‘dahon ng olibo’ … [na] pinitas mula sa Puno ng Paraiso” (D at T 88, section heading), marahil dahil ito ay mensahe ng kapayapaan na may kakayahang palubagin ang hindi magandang damdamin ng ilang Banal sa Missouri sa mga lider ng Simbahan sa Kirtland, Ohio (tingnan sa D at T 84:76). Apat na karagdagang talata (D at T 88:138–41) ang idinagdag sa paglalathala ng 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan.
Ito ang pangalawa sa dalawang lesson na tatalakay sa Doktrina at mga Tipan 88. Sa bahagi ng paghahayag na tinalakay sa lesson na ito, iniutos ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na turuan ang isa’t isa at maghandang maglingkod bilang mga missionary. Inihayag din Niya ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito, ang pagkakasunud-sunod ng pagkabuhay na mag-uli ng mga tao, at ang ilang pangyayaring may kaugnayan sa huling digmaan kay Satanas pagkatapos ng Milenyo. Bukod pa rito, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng isang bahay ng Diyos sa Kirtland at iniutos sa mga elder na magtatag ng “paaralan ng mga propeta” (D at T 88:127) sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith. Ang mga dadalo sa paaralan ay dapat matutong magkakasama sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya at pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan sa isa’t isa.
-
Hunyo 1832–Enero 1833Nagpatuloy ang hindi pagkakasundo ng mga lider ng Simbahan sa Missouri at ng mga lider ng Simbahan sa Ohio.
-
Disyembre 27–28, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 88:1–126.
-
Enero 3, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 88:127–37.
-
Enero 5, 1833Si Frederick G. Williams ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag upang humalili kay Jesse Gause bilang tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote o High Priesthood.
-
Enero 11, 1833Ipinadala ni Joseph Smith ang Doktrina at mga Tipan 88:1–126, at marahil ang Doktrina at mga Tipan 88:127–37, kina William W. Phelps sa Missouri, inilalarawan ito bilang “dahon ng olibo” at “mensahe ng … kapayapaan” (D at T 88, section heading).
-
Enero 23, 1833Nagsimula ang Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio.
-
Setyembre 1835Ang Doktrina at mga Tipan 88:138–41 ay inilathala sa 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 88:70–86
Iniutos ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na manatili at maghanda para sa kanilang paglilingkod
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na ginawa nila kamakailan na nangailangan ng paghahanda. Sabihin sa ilang estudyante na ilarawan ang kanilang ginawa at kung paano sila naghanda.
-
Paano nakaimpluwensya ang inyong paghahanda o hindi paghahanda sa inyong tagumpay?
Ipaliwanag na nais ng Panginoon na maging handa tayo para sa mahahalagang pangyayari na pangwalang-hanggan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 88 na tutulong sa kanila na maunawaan kung ano ang gusto ng Panginoon na paghandaan nila at kung bakit kailangan nilang maghanda.
Ipaalala sa mga estudyante na sa isang pagpupulong ng mga high priest sa Kirtland, Ohio, noong Disyembre 27–28, 1832, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 88:1–126. Ninais ng mga dumalo roon na malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanila at sa pagtatayo ng Sion.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:70. Sabihin sa klase na alamin ang gustong ipagawa ng Panginoon sa mga elder.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga elder?
Ipaliwanag na ang utos na ito ay katulad ng utos na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga sinaunang Apostol. Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol na ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng bansa, ngunit kailangan nilang manatili sa Jerusalem hanggang sa sila ay mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan (tingnan sa Lucas 24:47–49). Ipaliwanag na bagama’t pansamantalang malilimitahan ang gawaing misyonero dahil sa utos na manatili sa Kirtland, tiniyak ng Panginoon sa mga elder na susulong ang gawain.
Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:72–73. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga elder.
-
Anong mga parirala sa talatang ito ang pinakanapansin ninyo? Bakit?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 88:74–76, at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga elder habang sila ay nasa Kirtland.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga elder habang sila ay nasa Kirtland?
-
Ayon sa talata 75, bakit iniutos ng Panginoon na gawin nila ang mga bagay na ito? (Upang Kanyang tuparin ang “dakila at huling pangakong” ginawa Niya sa kanila.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng “dakila at huling pangakong” ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:67–68. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang pangakong ibinigay ng Panginoon sa mga Banal.
-
Anong pangako ang tutuparin ng Panginoon kung susundin ng mga Banal ang utos na manatili sa Kirtland at ihanda, pabanalin, dalisayin, at linisin ang kanilang sarili? (Ang pangako na makikita nila ang Panginoon ayon sa Kanyang sariling panahon at paraan. Ang pangakong ito ay may kaugnayan sa utos na itayo ang Kirtland Temple, magdaos ng isang kapita-pitagang kapulungan [tingnan sa talata 70], at ang naunang pangako ng Panginoon na pagkakalooban ang mga Banal ng kapangyarihan mula sa kaitaasan [tingnan sa D at T 38:32; 95:8–9].)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:77–79. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iba pang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga elder na ito para makapaghanda.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga elder sa talata 77?
-
Ayon sa talata 78, ano ang ipinangako ng Panginoon na mangyayari kung masigasig nilang ituturo sa isa’t isa ang doktrina ng kaharian? (Ipaliwanag na ang pariralang “ang aking biyaya ay dadalo sa inyo” ay tumutukoy sa pagtanggap ng banal na tulong o lakas.)
-
Ayon sa pangako ng Panginoon sa talata 78, ano ang mangyayari kapag itinuturo natin nang masigasig sa isa’t isa ang doktrina ng kaharian? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag masigasig nating itinuro sa isa’t isa ang doktrina ng kaharian, tutulungan tayo ng Panginoon na mas lubos na maunawaan ang Kanyang doktrina.)
-
Sa paanong paraan nakatutulong sa inyo ang pagtuturo ng ebanghelyo sa iba para mas maunawaan ninyo ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 88:80, at alamin kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga elder na ituro at pag-aralan ang mga bagay na ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa paanong paraan tayo inihahanda ng masigasig na pagtuturo sa isa’t isa ng doktrina ng kaharian para makapaglingkod sa Diyos?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:81–82 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga elder na Kanyang isinugo sila “upang magpatotoo at balaan ang mga tao” at lahat ng nabigyang-babala ay inaasahan na balaan ang iba pa.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:83–86. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ibinigay na karagdagang payo ng Panginoon sa mga elder na tutulong sa kanila na maghanda sa pangangaral ng ebanghelyo at kung bakit napakahalaga ng payo na ito.
-
Ano ang ipinayo ng Panginoon sa mga elder? Bakit mahalaga ito?
-
Ayon sa mga talata 84–85, ano ang paghahandaan ng daigdig na makatutulong ang patotoo ng mga Banal?
Doktrina at mga Tipan 88:87–116
Inihayag ng Panginoon ang mga pangyayaring may kaugnayan sa Kanyang Ikalawang Pagparito
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 88:87–91. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari matapos magpatotoo ang mga Banal.
-
Anong mga uri ng patotoo ang susunod matapos magpatotoo ang mga Banal bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 88:92, at alamin ang sasabihin ng mga anghel. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:93–116 na ipinaliliwanag na sa panahon ng Ikalawang Pagparito, ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan na umusig at nagpahirap sa mga Banal ay igagapos. Ang mga Banal na nabubuhay pa sa mundo o namatay na ay ipapaitaas upang salubungin ang Tagapagligtas at bababang kasama Siya. Ang mga patay ay mabubuhay na mag-uli ayon sa pagkakasunud-sunod, alinsunod sa kanilang kabutihan. Pagkatapos ng kanilang pagkabuhay na mag-uli, ang mabubuti ay tatanggap ng kaluwalhatian ng Panginoon at ng kanilang mana. Si Satanas ay igagapos sa panahon ng Milenyo ngunit pagkatapos ay kakalagan sa maikling panahon. Dadaigin ni Miguel (Adan) at ng kanyang mga hukbo si Satanas at ang mga hukbo nito, at hindi na magkakaroon pa ng kapangyarihan o impluwensya si Satanas sa mga Banal.
Doktrina at mga Tipan 88:117–41
Iniutos ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood na palakasin ang pananampalataya ng iba, maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, magtayo ng isang bahay ng Diyos, at magtatag ng isang paaralan
Ipaliwanag na matapos ilarawan ng Panginoon ang ilan sa mga pangyayaring may kaugnayan sa Kanyang Ikalawang Pagparito, sinabi Niya sa mga Banal ang kailangan nilang gawin para maihanda ang kanilang sarili at ang iba para sa mga pangyayaring iyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:117–18. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tagapaglingkod upang makapaghanda para sa mga pangyayaring ito.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tagapaglingkod sa talata 117?
Ituro ang pariralang “at yayamang lahat ay walang pananampalataya” sa talata 118.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tagapaglingkod para maragdagan at mapalakas ang kanilang pananampalataya at ang pananampalataya ng iba sa talata 118?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa talata 118 tungkol sa paraan kung paano natin mapalalakas ang ating pananampalataya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag masigasig nating tinuruan ang isa’t isa, mapalalakas natin ang sarili nating pananampalataya at matutulungan ang iba na mapalakas ang kanilang pananampalataya. Iniutos sa atin ng Panginoon na maghangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at sa pamamagitan ng pananampalataya.)
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (talata 118)?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi pagtanggap lamang [nang walang gagawin]. …
“… Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi puwedeng mailipat mula sa nagtuturo tungo sa tinuturuan sa pamamagitan ng lecture, pagsasalarawan, o pagsasanay; sa halip, ang tinuturuan ay dapat magkaroon ng pananampalataya at kumilos para makamtan ang kaalaman para sa kanyang sarili” (David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,”Liahona, Set. 2007, 20).
-
Ayon kay Elder Bednar, paano tayo matututo sa pamamagitan pananampalataya?
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga tao mula sa mga banal na kasulatan na nanampalataya at kumilos upang magtamo ng kaalaman?
-
Kailan naragdagan o lumakas ang inyong pananampalataya dahil kumilos kayo para magtamo ng kaalaman?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para maipamuhay nang mas mabuti ang natutuhan nila. Hikayatin sila na masigasig na sundin ang anumang pahiwatig na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:119–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na gawin ng mga Banal upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito at mapalakas ang kanilang pananampalataya.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ng mga Banal? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na naunawaan ni Propetang Joseph Smith na ang talata 119 ay isang kautusan na magtayo ng isang bahay ng Diyos kung saan maidaraos ng mga Banal ang kanilang kapita-pitagang kapulungan at matuturuan mula sa kaitaasan. Bilang pagsunod sa iniutos sa talatang ito, itinayo kalaunan ng mga Banal ang Kirtland Temple.)
-
Ayon sa talata 120, ano ang mga dahilang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:121–26 kasama ng isang kapartner at alamin ang payo na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod upang maihanda sila na maturuan sa templo.
-
Paanong ang pagsunod sa payo na ito ay maghahanda sa mga miyembro na maturuan sila sa templo?
-
Paanong ang pagsunod sa payo na ito ay maghahanda sa inyo na maturuan sa mga pulong natin sa Simbahan at sa templo?
Ipaliwanag na noong Enero 3, 1833, isang linggo makalipas ang pagpupulong ng mga high priest, ang Panginoon ay nagbigay ng karagdagang tagubilin tungkol sa kung paano magsisilbing bahay ng pagkatuto ang bahay ng Diyos. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:127–41 na ipinaliliwanag na iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na magtatag ng Paaralan ng mga Propeta para sa mga yaong tinawag sa ministeryo. Layunin ng paaralang ito na ihanda sila para sa gawaing misyonero at paglilingkod sa Simbahan sa hinaharap. Iniutos sa mga dumalo sa paaralan na ituro at pag-aralan ang doktrina ng kaharian at maghangad ng karunungan mula sa pinakamabubuting aklat o iba pang mapagkukuhanan. Inihayag ng Panginoon ang kaayusan ng Paaralan ng mga Propeta, kabilang ang paraan ng pagbati at ang ordenansa ng paghuhugas ng mga paa. Ang orihinal na Paaralan ng mga Propeta ay idinaraos sa tindahan ni Newel K. Whitney.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isang doktrina o alituntunin mula sa lesson ngayon na mahalaga sa kanila at ipaliwanag kung bakit. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga pahiwatig na natanggap nila.