Institute
Lesson 20: Doktrina at mga Tipan 51–56


Lesson 20

Doktrina at mga Tipan 51–56

Pambungad at Timeline

Ang mga Banal mula sa Colesville, New York, ay dumating sa Ohio noong Mayo 1831, at si Bishop Edward Partridge ang nag-asikaso ng kanilang matitirahan. Upang magabayan si Bishop Partridge, ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon kay Bishop Partridge kung paano isaayos ang pangangasiwa ng mga ari-arian at salapi sa mga Banal.

Noong Hunyo 3–6, 1831, ang mga elder ng Simbahan ay nagtipon para sa isang pagpupulong o kumperensya. Sa huling araw ng kumperensya, ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52. Sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon na ang susunod na kumperensya ay dapat ganapin sa Missouri at ipinangako na Kanyang ipaaalam doon ang lugar ng lupaing mana ng mga Banal. Nagtalaga ang Panginoon ng mga elder na maglalakbay nang dala-dalawa sa Missouri at tinagubilinan sila kung paano sila maglalakbay at mangangaral ng ebanghelyo. Inihayag din Niya ang huwaran para makilala ang mga tunay na tagasunod ni Jesucristo.

Nang sumunod na mga araw mula noong kumperensya ng Hunyo 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 53–55. Ang mga paghahayag na ito ay kinapapalooban ng mga tagubilin para sa ilang miyembro ng Simbahan na naninirahan sa Ohio ngunit lilipat na sa Missouri. Sa mga paghahayag na ito, nangusap ang Panginoon kina Sidney Gilbert, Newel Knight, at William W. Phelps, at binigyan sila ng mga tagubilin tungkol sa mga gawain nila sa Simbahan at sa kanilang mga talento.

Noong mga unang araw ng Hunyo 1831, sina Ezra Thayre at Thomas B. Marsh ay tinawag na magmisyon sa Missouri (tingnan sa D at T 52:22). Gayunman, dahil sa kapalaluan at kasakiman, hindi pa handa si Ezra na umalis kasama ni Thomas. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 56, pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag kay Ezra Thayre at tinawag si Selah J. Griffin na maging kompanyon ni Brother Marsh.

Mayo 14, 1831Ang mga Banal mula sa Colesville, New York, ay dumating sa Ohio at inanyayahang manirahan bilang isang grupo sa sakahan ni Leman Copley sa Thompson, Ohio.

Mayo 20, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 51.

Mayo–Hunyo 1831Sinimulang paalisin ni Leman Copley ang mga Banal na naninirahan sa kanyang lupain.

Hunyo 3–6, 1831Isang kumperensya ng Simbahan ang idinaos sa Kirtland, Ohio. Sa kumperensya nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo, at ang mga unang high priest sa dispensasyong ito ay inorden.

Hunyo 6–15, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 52–56.

Hunyo 19, 1831Umalis sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at iba pa sa Ohio para sa kanilang unang paglalakbay papuntang Missouri.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 51

Itinalaga ng Panginoon si Edward Partridge na pangasiwaan ang mga temporal na pangangailangan ng mga Banal

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Anong mga sagradong responsibilidad ang ipinagkatiwala ng Ama sa Langit (o ipagkakatiwala) sa akin sa buhay na ito?

Ano ang mga inaasahan sa akin ng Panginoon tungkol sa mga responsibilidad na ito?

Anong mga pagpapala ang matatanggap ko sa pagtupad sa mga responsibilidad na ito?

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang mga tanong na ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 51 na makatutulong sa kanila na maunawaan kung paano nila matutupad ang kanilang mga responsibilidad mula sa Panginoon at anong mga pagpapala ang matatanggap nila sa pagtupad sa mga responsibilidad na iyon.

Ipaliwanag na ang mga Banal na lumipat mula sa New York ay nagsimulang dumating sa Ohio noong tagsibol ng 1831. Naglakbay ang isang grupo mula sa Colesville, New York, nang may malaking sakripisyo. Sa ilalim ng pamumuno ni Newel Knight, iniwan nila ang kanilang mga tahanan noong Abril at, pagkatapos ng isang buwang paglalakbay, sila ay dumating sa Kirtland sa kalagitnaan ng Mayo. Pinayuhan sila ni Joseph Smith na manirahan sa kalapit bayan na tinatawag na Thompson sa lupain ni Leman Copley. Bilang bishop, si Edward Partridge ay responsable para sa pagpapasimula ng batas ng paglalaan sa mga Banal (tingnan sa D at T 42:30–33) at humingi ng payo kung paano niya ito sisimulan. Nagtanong ang Propeta sa Panginoon, at bilang sagot ay natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 51:1–8 na ipinapaliwanag na binigyan ng Panginoon si Bishop Edward Patridge ng mga partikular na direksyon kung paano ioorganisa ang mga Banal ayon sa batas ng paglalaan. Dapat bigyan ni Bishop Partridge ang bawat pamilya na naglaan ng kanilang ari-arian sa Simbahan ng bahagi ng mga lupain at kabuhayan ayon sa “kalagayan at … kakulangan at pangangailangan” ng pamilya (talata 3).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 51:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal.

  • Sa inyong palagay, sa anong mga paraan kaya nakatulong ang payo ng Panginoon sa talata 9 sa pagpapamuhay ng mga Banal sa batas ng paglalaan? (Tingnan din sa Jacob 2:17.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 51:10–18 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa bishop na magtayo ng kamalig [storehouse] na pag-iimbakan ng mga sobrang gamit at pagkain. Ipinaliwanag din ng Panginoon na ang Ohio ay pansamantalang lugar lamang na pagtitipunan ng mga Banal.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 51:19, at alamin ang pangako ng Panginoon sa mga matatapat na sumusunod sa batas ng paglalaan.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa matatanggap natin kung tayo ay matapat, makatarungan, at matalinong mga katiwala? (Dapat matukoy ng mga estudyante na Kung tayo ay matapat, makatarungan, at matalinong katiwala, makapapasok tayo sa kagalakan ng Panginoon at magmamana ng buhay na walang hanggan.)

  • Bakit mahalagang maunawaan ng mga Banal ang alituntuning ito sa pagsisimula ng pagpapamuhay nila ng batas ng paglalaan?

  • Ano ang ibig sabihin ng maging katiwala?

Kung kailangan, ipaliwanag na ang katiwala ay “isang tao na namamahala sa kapakanan o ari-arian ng iba. Ang tawag sa pinangangalagaan ng katiwala ay pinangangasiwaan. Lahat ng bagay sa mundo ay nabibilang sa Panginoon; tayo ay kanyang mga katiwala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Katiwala, Ipinagkatiwala,”scriptures.lds.org).

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan ang mga salitang katiwala at pinangangasiwaan ay kaakibat ng batas ng paglalaan. Ang salitang katiwala ay tumutukoy sa mga taong inilaan ang mga materyal na pag-aari para sa Panginoon sa pamamagitan ng tipan at binigyan ng salapi at lupain mula sa Panginoon para gamitin ayon sa kanilang mga pangangailangan at kakulangan lamang. Ang salitang pinangangasiwaan ay tumutukoy sa mga salapi o lupaing iyon na ibinigay ng Panginoon. Bagama’t ang mga salitang ito ay may tiyak na kahulugan sa konteksto ng batas ng paglalaan, ang mga alituntunin na gumabay sa mga Banal kung paano isasagawa ang kanilang pangangasiwa ay gagabay rin sa atin sa mga responsibilidad at tungkulin na natatanggap natin mula sa Panginoon.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung saan ipinaliwanag niya kung paano naaangkop ang mga alituntuning ito sa atin ngayon. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Quentin L. Cook

“Tayo ay nabubuhay sa mga panahong mapanganib kung kailan marami ang naniniwala na hindi tayo mananagot sa Diyos at wala tayong personal na pananagutan o pangangasiwa sa ating sarili o sa iba. …

“Sa Simbahan, ang pangangasiwa ay hindi limitado sa temporal na pagtitiwala o responsibilidad. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: ‘Tayo ang tagapangasiwa ng ating mga katawan, isipan, pamilya, at ari-arian. … Ang isang matapat na tagapangasiwa ay yaong namamahala nang matwid, nangangalaga sa sariling pamilya, at nagmamalasakit sa mahihirap at nangangailangan’’ [“Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 78]” (Quentin L. Cook, “Pangangasiwa—Isang Sagradong Pagtitiwala,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 91).

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging matapat, makatarungan, at matalinong katiwala?

  • Kailan kayo napagpala ng isang taong matapat, makatarungan, at matalino sa pagtupad ng mga responsibilidad na ibinigay sa kanya ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga responsibilidad na ibinigay sa kanila ng Panginoon. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano sila magiging mas matapat, makatarungan, at matalino sa pagtupad ng mga responsibilidad na iyon. Hikayatin sila na sundin ang anumang pahiwatig na natatanggap nila.

Doktrina at mga Tipan 52

Iniutos ng Panginoon sa ilang lider na maglakbay sa Missouri at magbigay ng huwaran upang makaiwas sa panlilinlang

Ipaliwanag na bilang pagsunod sa utos ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na magtipon nang magkakasama (tingnan sa D at T 44:1–2), nagtipon ang mga elder sa isang kumperensya na idinaos sa Kirtland, Ohio, noong Hunyo 1831. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 52, at alamin ang nangyari sa kumperensya. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman niya.

Ipaliwanag na sa huling araw ng kumperensya, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 52:1–13 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at iba pang mga lider na maglakbay papuntang Missouri at ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 52:14. Sabihin sa klase na alamin ang babala ng Panginoon sa mga elder bago nila simulan ang kanilang paglalakbay.

  • Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa mga elder, at paano nauugnay sa atin ang babalang iyan?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talatang ito na makatutulong sa atin na makaiwas sa panlilinlang? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang huwaran ng Diyos sa lahat ng bagay, maiiwasan nating malinlang ni Satanas.)

  • Ano ang huwaran o paraan? (Ito ay isang ehemplo na maaari nating tularan.)

  • Ano ang ilang halimbawa ng huwaran o paraan na ibinigay sa atin ng Diyos para matulungan tayo na huwag malinlang?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 52:15–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang huwarang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal na makatutulong sa kanila na matukoy ang tunay na mga tagasunod ni Jesucristo.

  • Ayon sa huwaran ng Panginoon, paano natin matutukoy ang mga tunay na tagasunod ni Jesucristo? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga salitang mga ordenansa na ginamit sa paghahayag na ito ay maaaring tumukoy sa mga ordenansa ng priesthood o lalo na sa mga kautusan at batas ng Panginoon.)

  • Paano makatutulong ang huwaran na ito para hindi tayo malinlang?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 52:20–44 na ipinapaliwanag na tumawag ang Panginoon ng karagdagang mga missionary at hinikayat ang lahat ng mga Banal na pangalagaan ang mga maralita, maysakit, at naghihirap.

Doktrina at mga Tipan 53

Tinawag ng Panginoon si Sidney Gilbert upang ipangaral ang ebanghelyo at maglakbay papuntang Missouri

Ipaliwanag na si Sidney Gilbert, na kasosyo sa negosyo ni Newel K. Whitney, ay naroon marahil noong Hunyo 6 nang matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nag-uutos sa maraming elder na magpunta sa Missouri (tingnan sa D at T 52). Gayunman, hindi nabanggit ang pangalan ni Sidney sa paghahayag na iyan. Di-nagtagal matapos matanggap ang paghahayag na iyan, nilapitan ni Sidney si Joseph Smith at nagtanong kung ano ang gagawin niya. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 53. Iniutos Niya kay Sidney na talikdan ang sanlibutan, maglingkod bilang kinatawan ng bishop, at maglakbay kasama si Propetang Joseph Smith patungo sa Missouri.

Doktrina at mga Tipan 54

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na taga Colesville na lisanin ang Ohio at lumipat sa Missouri

Magdrowing ng dalawang column sa pisara, at isulat ang Tuparin ang mga Tipan sa itaas ng isang column at Sirain ang mga Tipan sa itaas ng isa pang column.

  • Ano ang nakatulong sa inyo para mahikayat kayo na tuparin ang inyong mga tipan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung anong mga impluwensya sa daigdig ang maaaring magtangkang himukin sila na sirain ang kanilang mga tipan.

Sabihin sa mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 54 ay maghanap sila ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang kahalagahan ng pagtupad ng kanilang mga tipan sa Diyos.

Ipaalala sa mga estudyante na si Leman Copley ay dating miyembro ng United Society of Believers in Christ’s Second Appearing (kilala rin bilang Shakers). Matapos siyang magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo, nakipagtipan siya sa ilalim ng mga alituntunin ng paglalaan na pahihintulutan niya ang mga Banal na taga Colesville na tumira sa kanyang lupain sa Thompson, Ohio. Nang simulang tirahan ng mga Banal ang kanyang lupain, sumama si Leman sa iba pang mga missionary sa pagpunta sa North Union, Ohio, upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Shakers (tingnan sa D at T 49). Hindi nagtagumpay ang misyon, at nanghina ang pananampalataya ni Leman sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Di-nagtagal, pagkauwi mula sa kanyang misyon sa mga Shakers, sinira ni Leman ang kanyang tipan at pinaalis ang mga Banal sa kanyang lupain.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 54, at alamin kung bakit idinaos ang kumperensyang ito.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 54:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa nangyayari kapag sinira ng isang tao ang kanyang mga tipan.

  • Ano ang ipinapahiwatig ng mga itinuro ng Panginoon sa mga talata 4-5 tungkol sa kabigatan ng pagsira sa ating mga tipan sa Diyos? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng Sirain ang mga Tipan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin kapag “walang halaga at walang bisa” ang tipan” (talata 4)? Anong mga pagpapala ang nawawala sa atin kapag sinira natin ang ating mga tipan?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 6 tungkol sa mga pagpapalang natatanggap natin kapag tinutupad natin ang ating mga tipan at ang mga kautusan ng Diyos? (Kung matapat nating tinutupad ang ating mga tipan at sinusunod ang mga kautusan ng Diyos, makatatanggap tayo ng awa. Isulat sa pisara ang alituntuning ito sa ilalim ng Tuparin ang mga Tipan.)

  • Ano ang ilang paraan na mararanasan natin ang awa ng Diyos? (Maaaring kasama sa sagot ang kapatawaran, tulong na madaig ang kasalanan, banal na patnubay, pisikal at espirituwal na pagpapagaling, mga sagot sa panalangin, at lahat ng pagpapalang natatanggap natin.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Jeffrey R. Holland

“Tanging ang mga gumagawa at tumutupad ng tipan ang makapag-aangkin ng pinakamataas na mga pagpapala ng kahariang selestiyal. Oo, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagtupad ng tipan, pinag-uusapan natin ang puso at pinakadiwa ng ating layunin sa mortalidad. …

“Kung talagang gusto nating magtagumpay … , kung gusto nating makamtan ang bawat tulong at bawat benepisyo at bawat pagpapala mula sa Ama, kung gusto nating mabuksan ang pintuan ng langit sa atin upang matanggap ang mga kapangyarihan ng kabanalan, kailangan nating tupdin ang ating mga tipan!” (Jeffrey R. Holland, “Keeping Covenants: A Message for Those Who Will Serve a Mission,” New Era, Ene. 2012, 2, 4).

  • Paano ninyo nadama ang awa ng Diyos kapag matapat ninyong tinutupad inyong mga tipan sa Kanya? (Maaari kang magbahagi ng sariling karanasan, at hikayatin ang mga estudyante na matapat na tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos.)

Ibuod ang mga talata 7–10 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito, iniutos ng Panginoon na ang mga Banal sa Colesville, na pinalayas ni Leman Copley sa kanyang lupain, ay pumunta sa Missouri, kung saan maghahanda ang Panginoon ng lugar para sa kanila.

Doktrina at mga Tipan 55

Tinagubilinan ng Panginoon si William W. Phelps tungkol sa kanyang tungkulin sa Simbahan

Ipaliwanag na si William W. Phelps, isang patnugot at manlilimbag mula sa New York, ay dumating sa Kirtland, Ohio, kasama ang kanyang pamilya noong Hunyo 1831. Nakumbinsi si William sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ngunit hindi pa nabinyagan. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 55 na ipinapaliwanag na sa paghahayag na ito iniutos ng Panginoon kay William na magpabinyag at sinabi sa kanya na gamitin ang kanyang mga karanasan at mga talento para makatulong sa paglimbag at pagsulat ng mga aklat para sa Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 56

Pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag sa misyon ni Ezra Thayre at nagbabala sa mga Banal laban sa kasakiman at kapalaluan

Ipaliwanag na tinawag ng Panginoon sina Thomas B. Marsh at Ezra Thayre na magkasamang maglakbay papuntang Missouri at ipangaral ang ebanghelyo, at tinawag din Niya sina Newel Knight at Selah J. Griffin na ganoon din ang gawin (tingnan sa D at T 52:22, 32). Gayunman, noong handa nang umalis si Thomas, si Ezra ay hindi pa handa.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 56:1–13 na ipinapaliwanag na pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag na maglingkod ni Ezra Thayre na kasama si Thomas B. Marsh at itinalaga si Selah J. Griffin bilang kapalit niya. Dahil sa sitwasyon ng mga Banal sa Thompson, Ohio, pinawalang-bisa rin ng Panginoon ang utos na magkasamang pumunta sina Selah J. Griffin at Newel Knight sa Missouri. Sinabi ng Panginoon kay Newel na samahan ang mga Banal na nagbalak na manirahan sa Thompson at dalhin sila sa Missouri.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 56:14–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga katotohanang matututuhan natin mula sa pagwawasto at pagpapayo ng Panginoon sa mga naunang Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga katotohanang nalaman nila.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.