Institute
Lesson 31: Doktrina at mga Tipan 84


“Lesson 31: Doktrina at mga Tipan 84,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 31,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 31

Doktrina at mga Tipan 84

Pambungad at Timeline

Noong Setyembre 1832, bumalik ang mga missionary sa Kirtland, Ohio, mula sa pangangaral ng ebanghelyo sa silangang Estados Unidos at nag-ulat ng kanilang tagumpay kay Joseph Smith. Sa muli nilang pagkikita, nagtanong ang Propeta sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 84. Sa paghahayag na ito, ipinaliwanag ng Panginoon kung paano inihahanda ng priesthood ang mga Banal na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos at matanggap ang lahat ng mayroon Siya. Itinuro ng Panginoon ang kahalagahan ng pakikinig sa Kanyang mga salita at pinagsabihan ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, dahil sa hindi gaanong pagpapahalaga sa Aklat ni Mormon at sa Kanyang mga kautusan. Inutusan din Niya ang mga Banal na ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo at naglaan ng mga tagubilin sa paggawa nito.

Huling bahagi ng Hunyo 1832Si Joseph Smith ay bumalik sa Kirtland, Ohio, mula sa Independence, Missouri.

Setyembre 12, 1832Sina Joseph at Emma Smith ay lumipat mula sa Hiram patungo sa Kirtland, Ohio, upang tumira sa tindahan ni Newel K. Whitney.

Setyembre 22–23, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 84.

Mga unang araw ng Oktubre 1832Sina Joseph Smith at Newel K. Whitney ay naglakbay patungong Boston, Massachusetts; Albany, New York; at New York City upang ipangaral ang ebanghelyo at bumili ng mga paninda para sa tindahan ng Kirtland.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 84:1–32

Ipinahayag ng Panginoon na isang templo ang itatayo sa Bagong Jerusalem at ipinaliwanag ang layunin ng priesthood

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan silang naniniwala na maaaring maging espirituwal at malapit sa Diyos ang mga tao nang walang organisadong relihiyon o mga ordenansa ng priesthood. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang sumusunod na mga tanong habang iniisip nila kung paano sila tutugon sa kanilang kaibigan:

  • Bakit kailangan nating maging at manatiling matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Bakit kailangan nating tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood at tumupad sa mga kaukulang tipan para mapalapit sa Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 84 ay maghanap ng mga doktrina at mga alituntunin na makatutulong para maunawaan nila kung bakit kailangan nating maging aktibong mga miyembro ng Simbahan at kailangang makibahagi sa mga ordenansa ng priesthood.

Ipaliwanag na lumipat si Joseph Smith mula sa Hiram patungo sa Kirtland, Ohio, noong Setyembre 12, 1832. Sa buwan ding iyon, nagbalik ang ilang elder mula sa pangangaral sa silangang Estados Unidos at binisita si Joseph Smith para mag-ulat tungkol sa kanilang paglilingkod sa misyon. Noong Setyembre 22–23, habang kasama ni Joseph Smith ang ilang elder na ito, siya ay nagtanong sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 84.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit itinayo ng Panginoon ang Simbahan sa mga huling araw.

  • Bakit itinayo ng Panginoon ang Simbahan sa mga huling araw?

Ipaliwanag na ang pariralang “pagpapanumbalik ng kanyang mga tao” sa talata 2 ay tumutukoy sa pagtitipon ng Israel at sa kanilang pagbabalik sa mga tipan at mga pangako ng Panginoon sa sinaunang Israel.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inaasahan ng Panginoon na gagawin ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya kapag nagtayo ng templo ang mga Banal?

Ituro ang pariralang “mga anak na lalaki ni Moises” sa talata 6, at ipaliwanag na tinutukoy ng pariralang ito ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

“Ang [pariralang ito] ay simula ng isang pangungusap na ipinagpatuloy sa [talata] 31. Lahat ng nakapagitna ay mga dagdag, na naglalaman ng mga pahayag tungkol sa angkan kung saan dumaloy ang Priesthood patungo kina Moises at Aaron, at kung paano ito ipinanumbalik sa ating panahon” (Hyrum M. Smith at Janne M. Sjodahl, Doctrine and Covenants Commentary [1972], 498).

Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano mababasa ang pangungusap nang wala ang dagdag na paliwanag na nakapaloob sa mga talata 6–31, maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang unang bahagi ng pangungusap sa talata 6 (“At ang mga anak na lalaki ni Moises”) at ang natitirang bahagi ng pangungusap sa talata 31 (simula sa mga salitang “at gayon din ang mga anak na lalaki ni Aaron, ay mag-aalay”). Ipaliwanag na ang pariralang “mga anak na lalaki ni Aaron” ay tumutukoy sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang nakumpletong pangungusap mula sa talata 6 at 31. Ipaliwanag na tinutulungan tayo ng pangungusap na ito na maunawaan na ang panunumbalik ng priesthood, na tinalakay sa mga dagdag na talatang ito, ay kinakailangan sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 84:6–16 na ipinapaliwanag na nilalaman ng mga talatang ito ang linya ng awtoridad ng priesthood ni Moises na tuwirang maiuugnay pabalik kay Adan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:17–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inihayag ng Panginoon tungkol sa priesthood.

  • Ano ang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa priesthood sa talata 17?

  • Ano ang ibig sabihin ng “ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito,” o ang Melchizedek Priesthood, ang may hawak “ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos” (talata 19)? (Kung kailangan, ipaliwanag na ang “mga hiwaga” ay “mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga” scriptures.lds.org].)

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na itinuro ni Joseph Smith na ang Melchizedek Priesthood “ang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 126).

  • Anong doktrina ang matutukoy natin mula sa talata 20 tungkol sa mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita sa mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood.)

Ipaliwanag na ang kapangyarihan ng kabanalan ay kapangyarihan ng kabutihan, at sa pamamagitan nito ay nakikilala natin ang Diyos at magiging katulad Niya tayo (tingnan sa Bruce R. McConkie, The Promised Messiah [1978], 589).

  • Ayon sa mga talata 21–22, ano ang nangyayari kapag wala ang mga ordenansa at awtoridad ng Melchizedek Priesthood?

  • Anong mga ordenansa ang pinangangasiwaan sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood?

Idispley ang mga sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson at Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang itinuturo nila tungkol sa kapangyarihan ng kabanalan.

Elder D. Todd Christofferson

“Ang tapat na pakikipagtipan natin sa Kanya ang nagtutulot sa ating Ama sa Langit na padaluyin sa ating buhay ang Kanyang banal na impluwensya, ‘ang kapangyarihan ng kabanalan’ (D at T 84:20). Magagawa Niya ito dahil sa pakikibahagi natin sa mga ordenansa ng priesthood, nagagamit natin ang ating kalayaan at pinili nating tanggapin ito. …

“Sa lahat ng ordenansa, lalo na sa templo, pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan mula sa itaas. Ang ‘kapangyarihan ng kabanalan’ na ito ay dumarating sa tao at sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo” (D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 22).

Elder David A. Bednar

“Ang mga tipang tinanggap at tinupad nang may integridad at mga ordenansang isinagawa sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood ay kinakailangan upang matanggap ang lahat ng pagpapala na matatamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sapagkat sa mga ordenansa ng priesthood, ang kapangyarihan ng kabanalan ay ipapakita sa kalalakihan at kababaihan sa laman, kabilang na ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala (tingnan sa D at T 84:20–21)” (David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 88).

  • Ayon kay Elder Christofferson, ano ang kapangyarihan ng kabanalan?

  • Ano ang magagawa natin para magkaroon ng kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay?

  • Ayon kay Elder Bednar, anong mga pagpapala ang dumarating sa ating buhay kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood at tinutupad ang ating mga tipan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano nila nakita ang kapangyarihan ng kabanalan sa kanilang buhay nang tumanggap sila ng mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood at tumupad sa kanilang mga tipan. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi sa klase ng kanilang mga nasasaisip at karanasan. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal o sagrado). Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na pagsikapang matanggap ang lahat ng ordenansa ng priesthood sa abot ng kanilang makakaya at matapat na tumupad sa kanilang mga tipan upang ang kapangyarihan ng kabanalan ay makita sa kanilang buhay.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:23–24, na inaalam kung paano ipinakita ng Panginoon ang kahalagahan ng pagtanggap ng mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood.

  • Ano ang ginawa ng mga anak ni Israel kaya nawalan sila ng pagkakataong magkaroon ng kapangyarihan ng kabanalan sa kanilang buhay?

Ibuod ang mga talata 25–32 na ipinapaliwanag na dahil pinatigas ng mga anak ni Israel ang kanilang mga puso, ang mga susi ng Melchizedek Priesthood at ang mga ordenansa nito ay kinuha mula sa mga tao. Gayunman, pinahintulutan ng Panginoon na manatili sa kanila ang Aaronic Priesthood. Ipinaliwanag din ng Panginoon na ang mga anak na lalaki ni Moises at ang mga anak na lalaki ni Aaron, o ang mga mayhawak ng priesthood, ay maglilingkod sa loob ng templo na itatayo sa Sion (tingnan sa D at T 84:31–32).

Doktrina at mga Tipan 84:33–44

Inihayag ng Panginoon ang sumpa at tipan ng priesthood

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44, itinuro ng Panginoon ang tungkol sa sumpa at tipan ng priesthood.

Isulat ang mga salitang Mga Tipan at Mga Pangako sa pisara bilang mga pamagat. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44. Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang mga tipang ginagawa ng isang tao bilang bahagi ng sumpa at tipan ng priesthood. Sabihin sa natitirang kalahati na alamin ang mga pangako ng Panginoon sa mga tapat sa sumpa at tipang ito. Ipasulat sa ilang estudyante ang nalaman nila sa ilalim ng tamang pamagat na nasa pisara.

  • Paano ninyo ibubuod ang mga tipan at pangako bilang isang alituntunin? (Maaaring iba’t iba ang mga salitang gagamitin ng mga estudyante, pero tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung gagampanang mabuti ng matatapat na tumatanggap ng priesthood ang kanilang mga tungkulin, tatanggapin ang Panginoon at ang Kanyang mga tagapaglingkod, at sumusunod sa mga salita ng buhay na walang-hanggan, pababanalin sila ng Diyos at ipagkakaloob sa kanila ang lahat ng mayroon Siya. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng priesthood, idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Paul B. Pieper ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Paul B. Pieper

“Ang buong pagpapala ng priesthood ay natatanggap ng mag-asawa nang magkasama o hindi kailanman.

“Nakakatuwa na sa sumpa at tipan ng priesthood, ginamit ng Panginoon ang mga salitang matamo at matanggap. Hindi Siya gumamit ng pandiwang ordenan. Sa templo natatamo at natatanggap ng kalalakihan at kababaihan—nang magkasama—ang mga pagpapala at kapangyarihan ng Aaronic at Melchizedek Priesthood” (Paul B. Pieper, “Inihayag na mga Katotohanan ng Mortalidad,” Liahona, Ene. 2016, 47).

Patingnan ang alituntunin na nasa pisara.

  • Ano ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang tungkuling natanggap ninyo sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tanggapin ang mga tagapaglingkod ng Panginoon? Bakit hindi natin matatanggap ang Panginoon nang hindi natin tinatanggap ang Kanyang mga tagapaglingkod?

Doktrina at mga Tipan 84:45–59

Ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit ang mundo ay nasa kadiliman at pinayuhan ang mga Banal na magsisi

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:45–48, na inaalam kung ano ang mangyayari sa mga masigasig na tumatalima o sumusunod sa salita ng Diyos.

  • Ano ang mangyayari sa mga masigasig na tumatalima sa salita ng Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:49–53. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon sa mga ayaw makinig sa Kanyang tinig.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang mga taong ayaw makinig sa Kanyang tinig?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:54–59, na inaalam kung gaano kahusay ang mga Banal sa Sion sa pagtalima sa salita ng Diyos.

  • Ayon sa talata 57, anong bagay ang hindi gaanong pinahahalagahan ng mga Banal?

Ipaliwanag na “ang dating mga kautusan” sa talata 57 ay maaaring tumutukoy sa mga naunang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan at sa mga turo mula sa Biblia.

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga talata 54–58 tungkol sa kahihinatnan ng kawalan ng paniniwala o hindi gaanong pagpapahalaga sa salita ng Diyos? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin paniniwalaan o hindi gaanong pahahalagahan ang salita ng Diyos, ang ating isipan ay magdidilim at maparurusahan tayo.)

Ipaliwanag na ang mapailalim sa kaparusahan ay hatol ng pagkakasala sa atin ng Diyos dahil sa pagtangging tanggapin at sundin ang liwanag at kaalamang ipinahayag Niya (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sumpa, Mga Sumpa,” scriptures.lds.org; D at T 93:31–32).

  • Paano pinadidilim ng kawalang-paniniwala o hindi gaanong pagpapahalaga sa isang sagradong bagay ang isipan ng isang tao?

Doktrina at mga Tipan 84:60–120

Inutusan ng Panginoon ang mga Banal na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo at nagtagubilin sa mga tinawag na mangaral

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 84:60–120 na ipinapaliwanag na inutusan ng Panginoon ang mga Banal na ipahayag ang ebanghelyo sa buong mundo. Ang Panginoon ay nangako sa mga Banal na kung “papagyamanin [nila sa kanilang] isipan tuwina ang salita ng [Diyos],” ipagkakaloob Niya sa kanila ang inspirasyon na malaman ang sasabihin kapag nagbabahagi ng ebanghelyo (D at T 84:85). Inutusan ng Panginoon ang mga taong malakas sa Espiritu na patatagin at palakasin ang mahihina at ipinaliwanag na habang ginagampanan ng mga Banal ang iba’t iba nilang tungkulin, mapalalakas nila ang Simbahan at mapapatatag ang isa’t isa.

Magtapos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 84. Sabihin sa mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila.