Lesson 3
Doktrina at mga Tipan 3; 10
Pambungad at Timeline
Noong tag-init ng 1828, nilisan ni Martin Harris ang Harmony, Pennsylvania, dala ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon para ipakita sa mga miyembro ng kanyang pamilya na nakatira sa Palmyra, New York. Nang hindi bumalik si Martin sa takdang panahon, nagpunta si Joseph Smith sa bahay ng kanyang mga magulang sa Manchester, New York, kung saan niya nalaman na nawala ni Martin ang mga pahina ng manuskrito. Nabalisa si Joseph at umuwi kinabukasan sa kanyang tahanan sa Harmony. Pagdating doon noong Hulyo 1828, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3. Sa paghahayag na ito pinagsabihan ng Panginoon si Joseph at sinabi sa kanya na pansamantalang mawawala sa kanya ang pribilehiyong magsalin, ngunit binigyan din siya ng katiyakan ng Panginoon, at sinabing, “Ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (D at T 3:10). Bukod pa rito, ipinaliwanag ng Panginoon ang Kanyang layunin sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon at ipinahayag na ang Kanyang gawain ay mamamayani sa kabila ng kasamaan ng mga tao.
Matapos maranasan ni Joseph Smith ang pagsisisi nang “ilang panahon” (D at T 3:14), ang mga lamina, na kinuha ni Moroni sa kanya noong nawala ang manuskrito, ay ibinalik sa kanya at siya ay binigyang muli ng kaloob na makapagsalin. Matapos ipagpatuloy ang pagsasalin, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 10 (maaaring natanggap ang ilang bahagi ng paghahayag na ito noon pang tag-araw ng 1828). Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon na hindi na muling isasalin ni Joseph ang mga nawalang pahina ng manuskrito. Nalaman ng Propeta na noon pa mang sinaunang panahon ay may inspiradong paghahanda nang ginawa upang mapunan ang pagkawala ng manuskrito at mapangalagaan ang mensahe ng Aklat ni Mormon.
-
Hunyo 14, 1828Dinala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon mula sa Harmony, Pennsylvania, patungong Palmyra, New York.
-
Hulyo 1828Naglakbay si Joseph Smith sa Manchester, New York, at nalamang nawala ang manuskrito.
-
Hulyo 1828Bumalik si Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania, at natanggap ang Doktrina at mga Tipan 3.
-
Setyembre 22, 1828Dahil naiwala ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim matapos ang kanyang paglabag na may kinalaman sa manuskrito, natanggap muli ni Joseph Smith ang mga ito mula kay Moroni.
-
Abril 5, 1829Dumating si Oliver Cowdery sa Harmony upang tumulong sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
-
Abril 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 10 (maaaring natanggap ang ilang bahagi noon pang tag-araw ng 1828).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 3:1–20
Ipinahayag ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay hindi mabibigo at pinagsabihan si Joseph Smith
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na may naghikayat sa kanila na kumilos nang salungat sa mga kautusan ng Diyos.
-
Bakit maaaring mahirap kung minsan na labanan ang pamimilit ng iba na gumawa ng mali?
Ipaliwanag na habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, naranasan ni Joseph ang pamimilit ng iba na isantabi niya ang payo ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 3 at 10 na makatutulong sa kanila na labanan ang pamimilit ng iba na kumilos nang salungat sa payo ng Diyos.
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nalaman nila tungkol sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Kung kinakailangan, idagdag ang mga sumusunod na detalye sa mga sagot ng mga estudyante:
Mula noong Abril hanggang Hunyo 1828, isinalin ng Propeta ang mga lamina sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania, kasama si Martin Harris, isang mayamang magsasaka, na kanyang tagasulat. Si Martin na mas matanda nang 22 taon kay Joseph, ay naglaan ng tulong pinansyal kina Joseph at Emma sa kanilang paglipat sa Harmony (kung saan nakatira ang pamilya ni Emma), at tinulungan ang Propeta habang siya ay nagsasalin. Ang asawa ni Martin na si Lucy, ay labis na nabalisa sa interes at pagbibigay ng suportang pinansiyal ni Martin sa gawain ni Joseph. Pinilit niya at ng iba pa na magpakita si Martin ng katibayan na totoong may mga lamina. Upang pawiin ang pagkabalisa nila, hiniling ni Martin kay Joseph na ihingi ng pahintulot sa Panginoon na madala niya ang 116 na naisaling pahina ng manuskrito upang ipakita bilang katibayan.
-
Bakit posibleng malagay sa mahirap na sitwasyon ang Propeta dahil sa kahilingang ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay ni Joseph Smith:
“Nagtanong nga ako, at ang sagot ay hindi dapat [dalhin ang manuskrito]. Gayunman, hindi siya nasiyahan sa sagot na ito, at muli niya itong ipinatanong sa akin. Nagtanong nga ako, at gayon din ang naging sagot. Subalit hindi pa rin siya nasiyahan, at sapilitang pinagtanong akong muli” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 73).
-
Sa inyong palagay, bakit patuloy pa ring itinanong ni Joseph sa Diyos ang gayon ding bagay kahit nakatanggap na siya ng malinaw na sagot?
Ipabasa sa isa pang estudyante ang mga sumusunod na karagdagang detalye sa kasaysayan:
Pagkatapos ng maraming pakiusap mula kay Martin, tinanong ni Joseph ang Panginoon sa ikatlong pagkakataon, at pinahintulutan ng Panginoon si Martin na dalhin ang manuskrito “sa ilang kundisyon” (Mga Turo: Joseph Smith,73). Nakipagtipan si Martin na ipakikita lamang niya ang manuskrito sa kanyang asawa at sa ilan pang miyembro ng pamilya. Bumalik si Martin sa New York dala ang manuskrito ngunit matapos ang ilang linggo ay hindi pa bumabalik o nagbabalita man lang ayon sa napagkasunduan nila ng Propeta. Sa huli, nagpunta si Joseph sa bahay ng kanyang mga magulang at pinasundo si Martin para malaman kung bakit hindi na ito bumalik. Pagkarating nang halos magtatanghalian na, umupo si Martin upang kumaing kasama ng mga Smith ngunit kaagad na ibinaba ang kanyang mga kubyertos. Nang tanungin kung ayos lang siya, sumigaw siya ng, “Naligaw na ang aking kaluluwa!” at kalaunan ay inamin na nawala niya ang 116 na pahina ng manuskrito (tingnan sa Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” 130–31, josephsmithpapers.org).
-
Ano ang maaaring maisip, madama, at ikabalisa ninyo kung kayo ang nasa sitwasyon ni Joseph sa sandaling iyon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sinabi ni Joseph nang malaman niyang nawawala ang manuskrito:
“Nawala nang lahat! [N]awala nang lahat! [A]no ang gagawin ko? Ako ‘y nagkasala; ako ang siyang nanukso sa poot ng Diyos; sapagkat dapat na nasiyahan na ako sa unang sagot na natanggap ko mula sa Panginoon—sapagka’t sinabi niya sa akin na hindi ligtas na mawala sa pangangalaga ko ang mga kasulatan” (Joseph Smith, sa Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” 131, josephsmithpapers.org).
Ipaliwanag na dahil “ipinilit [ni Joseph] sa Panginoon ang paghingi ng pribilehiyo na payagan si Martin Harris na dalhin ang mga kasulatan” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 10, josephsmithpapers.org), kinuha ni Moroni ang mga lamina at ang Urim at Tummim, at nawala kay Joseph ang kaloob na makapagsalin. Gayunman, ipinangako ni Moroni na muling matatanggap ni Joseph ang mga ito kung siya ay magpapakumbaba at magsisisi. Nang bumalik na si Joseph sa Harmony at humingi ng tawad sa Panginoon, pansamantalang isinauli ni Moroni ang Urim at Tummim, kung saan natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:1–3. Sabihin sa klase na alamin ang gustong ipaunawa ng Panginoon kay Joseph.
-
Ano ang katotohanang itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa Kanyang gawain? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang gawain ng Diyos ay hindi mabibigo.)
-
Paano nakatulong kay Joseph Smith sa mahirap na panahong ito ang pagkaalam niya sa katotohanang ito?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 3:4–11. Sabihin sa klase na alamin ang mga payo at pagwawasto na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith hinggil sa pagiging bahagi niya sa pagkawala ng mga manuskrito.
-
Sa paanong paraan “nagpadala sa mga panghihikayat ng mga tao” si Joseph at “kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos” (D at T 3:6–7)?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga pangyayaring ito tungkol sa maaaring mangyari kapag kinatakutan natin ang tao kaysa sa Diyos?
-
Ayon sa talata 8, anong alituntunin ang matutukoy natin tungkol sa gagawin ng Panginoon para sa atin kung tayo ay tapat sa Kanya? (Kung tayo ay tapat sa Panginoon, tutulungan Niya tayo laban sa nag-aapoy na sibat ng kaaway at sasamahan tayo sa mga panahon ng ligalig.)
-
Paano maihahalintulad ang pamimilit ng iba na gumawa ng mali sa nag-aapoy na sibat ng kaaway?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na pinili nilang maging tapat sa Panginoon sa halip na magpatangay sa pamimilit ng ibang tao. Anyayahan ang ilang estudyante na magkuwento tungkol sa mga paraan na tinulungan sila ng Panginoon sa kanilang mga pagsubok dahil naging masunurin sila.
Hikayatin ang mga estudyante na pagpasiyahan na ngayon na manatiling tapat sa Panginoon, at huwag magpatangay sa pamimilit o impluwensya na nakapaligid sa kanila.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 3:12–20 na ipinapaliwanag na ipinaalala ng Panginoon kay Joseph na nawala sa kanya ang pribilehiyong magsalin dahil hindi siya nagtiwala sa payo ng Panginoon. Gayunman, tiniyak sa kanya ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay hahayo at sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, makikilala ng mga tao ng Panginoon ang Tagapagligtas.
Doktrina at mga Tipan 10:1–29
Inihayag ng Panginoon ang plano ni Satanas na wasakin si Joseph Smith at ang gawain ng Diyos
Ipaliwanag na pagkatapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3, patuloy na nagpakumbaba si Joseph Smith sa harapan ng Diyos at kalaunan ay muling tinanggap ang kaloob na magsalin ng Aklat ni Mormon noong Setyembre 1828. Pagsapit ng Abril 1829 natanggap din niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 10, bagama’t maaaring natanggap na niya ang ilang bahagi ng paghahayag na ito noon pa mang nakaraang tag-init. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 10. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon sa Propeta tungkol sa nawalang 116 na pahina ng manuskrito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 10:1–7, at sabihin sa klase na alamin ang payo na ibinigay ng Panginoon kay Joseph nang magsimula na siyang magsaling muli. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa payo ng Panginoon kay Joseph sa talata 5? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung lagi tayong mananalangin, madadaig natin si Satanas at ang mga taong sumusuporta sa kanyang gawain.)
-
Paano tayo matutulungan ng panalangin na magapi si Satanas, at maiwasan ang mga taong sumusuporta sa kanyang gawain?
Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano sila natulungan ng panalangin na malabanan ang mga tukso ni Satanas. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal o napakapribado.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 10:8–19 na ipinapaliwanag na binalaan ng Panginoon si Joseph tungkol sa masamang plano ni Satanas na pabulaanan ang gawaing ipahahayag kung isinaling muli ni Joseph ang nawalang 116 na pahina ng manuskrito.
Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 10:20–29, nagsalita ang Panginoon tungkol sa impluwensya ni Satanas sa mga tao na kumuha ng 116 pahina ng manuskrito at kung paano nito isinasagawa ang kanyang masamang layunin. Gumawa ng dalawang column sa pisara. Pangalanan ang isang column na Mga hangarin ni Satanas at sa isa pang column na Mga estratehiya ni Satanas. Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Sabihin sa isang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 10:20–29 at alamin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga hangarin ni Satanas. Sabihin sa isa pang grupo na basahin ang parehong mga talata at alamin ang mga estratehiya na ginamit ni Satanas upang maisakatuparan ang kanyang mga hangarin. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila at itala ang kanilang mga sagot sa tamang column sa pisara.
-
Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa mga hangarin ni Satanas? (Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga alituntunin na natukoy nila, bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Gusto ni Satanas na wasakin ang ating mga kaluluwa at ang gawain ng Diyos. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang nagtuturo ng katotohanang ito sa mga talata 22–23 at 27.)
-
Paano makatutulong sa atin na maiwasan at matakasan ang mga patibong ni Satanas kapag alam natin ang kanyang mga estratehiya?
Doktrina at mga Tipan 10:30–70
Nalaman ni Joseph Smith ang plano ng Diyos na hadlangan ang mga pagtatangka ni Satanas na wasakin ang gawain
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 10:30–45 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na huwag isaling muli ang bahagi ng mga lamina kung saan nagmula ang isinalin na 116 na pahina. Sa halip, iniutos ng Panginoon sa Propeta na isalin ang talaan na nasa maliliit na lamina ni Nephi. Dahil nalalaman Niya ang lahat ng bagay, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon na isama sa talaan niya ang maliliit na lamina ni Nephi, na tinatayang katulad sa mga nawawalang pahina ang panahong saklaw nito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talata 44–45, at sabihin sa klase na pansinin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga talaan na nawala kumpara sa talaan na nasa maliliit na lamina ni Nephi.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 10:46–70 na ipinapaliwanag na itinuro din ng Panginoon kay Joseph ang papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa pagtatatag ng Kanyang doktrina.
Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa doktrina at mga alituntuning itinuro sa mga paghahayag na ito.