“Lesson 46: Doktrina at mga Tipan 121:1–10; 122–123,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 46,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 46
Doktrina at mga Tipan 121:1–10; 122–23
Pambungad at Timeline
Noong Oktubre, 31, 1838, dinakip ng milisya ng estado ng Missouri si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan sa Far West, Missouri. Kalaunan ang kalalakihang ito ay ikinulong sa Liberty Jail sa Clay County, Missouri, at dumanas ng matinding hirap sa apat na buwan na pagkabilanggo. Habang nasa Liberty Jail, sumulat ang Propeta para sa mga miyembro ng Simbahan noong Marso 20, 1839, at sumulat pang muli mga dalawang araw kalaunan, kung saan naglakip ang Propeta ng mga panalanging isinulat niya na nagsusumamo sa Panginoon na kaawaan siya at ang lahat ng “mga nagdurusang Banal” (tingnan sa D at T 121:4, 6). Isinama rin niya ang sagot ng Panginoon sa mga panalanging iyon, pati na rin ang payo sa mga miyembro ng Simbahan na sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan sa Missouri. Ang ilang bahagi ng mga liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121–23.
-
Agosto–Oktubre 1838Ang mga hindi pagkakaunawaan at tensyon sa pagitan ng mga taga Missouri at mga miyembro ng Simbahan ay nauwi sa marahas na labanan.
-
Oktubre 27, 1838Si Gobernador Lilburn W. Boggs ay nagbigay ng awtorisasyon na lipulin o paalisin ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw mula sa estado ng Missouri.
-
Oktubre 30, 1838Sinalakay ng mga vigilante ang mga miyembro ng Simbahan sa pamayanan ng Hawn’s Mill, na 12 milya pasilangan ng Far West, na ikinamatay ng 17 kalalakihan at mga batang lalaki at ikinasugat ng 13 iba pa.
-
Oktubre 31, 1838Si Propetang Joseph Smith at iba pa ay dinakip at ikinulong ng milisya ng estado ng Missouri sa Far West, Missouri.
-
Disyembre 1, 1838Si Propetang Joseph Smith at kanyang mga kasama ay ikinulong sa Liberty Jail sa Clay County, Missouri.
-
Marso 20–22, 1839Sumulat ng mga liham si Propetang Joseph Smith mula sa Liberty Jail, at ilan sa mga nilalaman nito ang nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121–23.
-
Abril 6, 1839Si Propetang Joseph Smith at kanyang mga kasama ay kinuha mula sa Liberty Jail at dinala sa Gallatin, Missouri, para dumalo sa pagdinig sa korte. Noong Abril 16, 1839, pinayagan silang tumakas, at nakasama nila ang mga Banal sa Illinois.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 121:1–10; 122:1–9
Sinagot ng Panginoon ang mga pagsamo ni Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail
Anyayahan ang anim na estudyante na basahin nang malakas ang isa sa mga sumusunod na talata. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano kaya sila tutugon sa mga sitwasyong ito.
-
Nang magsimula ang mga miyembro ng Simbahan na manirahan sa hilagang Missouri noong 1836, nakaranas sila ng parehong problema na dinanas nila noon sa Jackson County at saanmang dako sa Missouri: ang mga orihinal na tagaroon ay naghinala sa kanila at natakot na baka di-magtagal ang mga Mormon na ang magkokontrol sa ekonomiya at pulitika sa lugar. Ang pagkakaiba sa relihiyon ay nagdulot din ng tensyon sa pagitan ng dalawang grupo. Bukod pa rito, ang mga nag-apostasiya sa Simbahan ay nagdulot din ng problema sa mga Banal.
-
Pagsapit ng tag-init ng 1838, ang di-magandang ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan, mga tumiwalag, at mga orihinal na naninirahan sa hilagang Missouri ay lalong tumindi. Sa isang talumpati na ibinigay noong Hunyo 17, 1838, iginiit ni Sidney Rigdon na dapat nang paalisin sa mga komunidad ng mga Banal ang mga tumiwalag. Hindi nagtagal pagkaraan noon, isang liham ang ipinadala sa mga tumiwalag na ito, at binalaan silang lisanin ang lugar o pagdusahan ang mga mangyayari kapag nanatili pa sila. Noong Hulyo 4, 1838, nagbigay pa ng isang talumpati si Sidney Rigdon kung saan binalaan niya ang mga mandurumog na marahas na makikipaglaban ang mga miyembro ng Simbahan kapag inatake sila. Bukod pa rito, isang maliit na bilang ng kalalakihan ang bumuo ng isang militar na grupo na tinatawag na Mga Danita, na may mga pagkakataong kumikilos nang hindi alam ng Unang Panguluhan at gumagamit ng pananakot at maging ng karahasan sa mga kaaway ng Simbahan.
-
Noong Agosto 1838, isang grupo ng galit na mamamayan ang nagtipon sa Gallatin, Missouri, upang pigilan sa pagboto ang maliit na grupo ng mga miyembro ng Simbahan. Humantong ito sa pag-aaway, kung saan ilang tao sa magkabilang panig ang malubhang nasugatan. Samantala, sinabi ng mga residente ng Carroll County, Missouri, sa mga Banal na dapat na nilang lisanin ang county pagsapit ng Agosto 7, 1839. Sa kabila ng pagsisikap ng mga Banal na ipagtanggol ang kanilang sarili, noong mga unang araw ng Oktubre, isang grupo ng mga mandurumog ang sumalakay sa pamayanan ng De Witt, Carroll County, hanggang sa napilitang umalis ang mga Banal.
-
Matapos sapilitang paalisin ang mga Banal mula sa De Witt, ganoon din ang ginawa ng mga mandurumog sa Adan-ondi-Ahman. Si Propetang Joseph Smith “at ang iba pang mga lider ng simbahan ay nagsabi na ang dahilan kung bakit kinailangang agresibong ipagtanggol ng mga Banal ang kanilang sarili ay dahil hindi sila nabibigyan ng proteksyon ng mga awtoridad ng estado. … Nang sumunod na ilang linggo, ang mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga anti-Mormon ay marahas na nagsikilos laban sa isa’t isa at walang ginawa ang pamahalan at milisya sa tumitinding tensyon.” Kabilang sa mga pagkilos na ito ang pagsunog ng mga gusali at pagkumpiska ng mga ari-arian. (The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 6: February 1838–August 1839, inedit ni Mark Ashurt-McGee at iba pa [2017], 265–66). Noong Oktubre 1838, ilang tumiwalag sa Simbahan ang pumirma ng affidavit na inaakusahan si Propetang Joseph Smith na siyang pasimuno ng karahasan sa Missouri. Noong mga huling araw ng Oktubre 1838, isang grupo ng milisya ng estado ang dumakip ng tatlong kalalakihang Banal sa mga Huling Araw na naglilibot sa lugar malapit sa Ilog Crooked, Missouri. Nang kumalat ang balitang papatayin ang mga bihag nang gabing iyon, kaagad na pinakilos ng mga Banal ang 60 kataong miyembro ng milisya upang iligtas ang mga bihag. Nang makaharap ng kalalakihang ito ang milisya na kalaban ng mga Mormon, nagkabarilan sila, at tatlong miyembro ng Simbahan, kabilang si Apostol David W. Patten, at isang taga Missouri ang napatay. Dahil pinagbatayan lamang ang mga eksaheradong ulat na nagpaparatang na ang mga miyembro ng Simbahan ang lumikha ng mga kaguluhan sa Missouri, naglabas si Gobernador Lilburn W. Boggs ng executive order noong Oktubre 27, 1838, na nag-uutos na palayasin ang lahat ng Mormon mula sa estado o lipulin sila. Noong Oktubre 30, 1838, mahigit 200 katao ang umatake sa pamayanan ng mga Mormon sa Hawn’s Mill malapit sa Far West at pinatay ang 17 kalalakihan at mga batang lalaki at nasugatan ang 13 iba pa.
-
Noong Oktubre 1838, nagtipon ang 1800 miyembro ng milisya ng estado sa paligid ng lunsod ng Far West. Nang nagharap na para sa napipintong paglalaban, dinakip ng milisya si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan. Pagkatapos nito ay pumasok na ang militia sa Far West, ninakawan ang lunsod, at pinagbantaan at sinalakay ang mga miyembro ng Simbahan. Dahil inakusahan ng pagtataksil sa pamahalaan at iba pang krimen, si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay dinala kalaunan sa Richmond, Missouri, kung saan sila hinatulan ni Judge Austin King na mabilanggo sa Liberty Jail sa Clay County, Missouri, hanggang sa sumapit ang paglilitis sa kanila sa susunod na tagsibol. Dumating sila sa Liberty Jail noong Disyembre 1, 1838.
-
Si Propetang Joseph Smith, ang kapatid niyang si Hyrum, Sidney Rigdon, Alexander McRae, Lyman Wight, at Caleb Baldwin ay ikinulong sa silong ng piitan ng Liberty Jail nang apat na buwan sa panahon ng matinding taglamig. Ang silid ay may sukat na 14 by 14 feet (4.3 by 4.3 meters) at may kisame na 6 hanggang 6.5 feet ang taas (sa pagitan ng 1.8 at 2 meters). Dalawang maliliit na bintanang may rehas ang nagbigay ng kaunting liwanag. Kabilang sa kakaunti nilang kagamitan ang maruming dayami para tulugan at timba para sa dumi ng tao. Ang tanging proteksyon nila sa lamig ay iisang kumot. Dahil sobrang panis at nakakasuka ang kanilang pagkain, matinding gutom lang ang nagtutulak sa kanila na kumain, na kadalasang nagdudulot sa kanila ng sakit. Bukod pa rito, labis silang nasasaktan sa naririnig na balita tungkol sa pagtaboy sa mga naghihirap na mga Banal mula sa Missouri sa kalagitnaan ng taglamig.
-
Kung kayo ay miyembro ng Simbahan sa Missouri sa panahong ito, ano kaya ang magiging reaksyon ninyo sa mga pagsubok na ito?
Ipaliwanag na habang siya ay nasa Liberty Jail, sumulat si Propetang Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan noong Marso 20, 1839, at isa pang liham pagkaraan ng mga dalawang araw. Ang Doktrina at mga Tipan 121–23 ay naglalaman ng ilang bahagi ng mga liham na ito. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng doktrina at mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 121–23 na makatutulong sa atin ngayon sa mga panahon ng pagsubok.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginawa ni Propetang Joseph Smith sa panahong ito ng matinding pagsubok.
-
Ano ang ginawa ng Propeta sa panahong ito ng matinding pagsubok?
-
Ano ang tumimo sa inyo tungkol sa kanyang mga pagsamo at katanungan sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sagot ng Panginoon sa mga katanungan at pagsamo ni Propetang Joseph Smith.
-
Anong mga parirala sa mga talatang ito ang nagbigay ng kapanatagan sa Propeta at iba pang mga miyembro ng Simbahan na nagdurusa?
-
Anong mga alituntunin ang matutukoy natin sa mga talatang ito na makatutulong sa atin sa panahon ng “kasawian at … mga pagdurusa” (talata 7)? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang mga sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung tayo ay tatawag sa Diyos sa oras ng matinding kasawian at pagdurusa, matatanggap natin ang Kanyang kapayapaan. Kung matitiis natin nang mabuti ang ating mga pagdurusa, pagpapalain tayo ng Diyos ngayon at sa mga kawalang-hanggan.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “pagtitiisang mabuti [ang ating mga pagdurusa]” (talata 8)?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Ang pagsubok sa atin ng mapagmahal na Diyos ay hindi upang malaman kung matitiis natin ang hirap. Kundi kung matitiis natin ito nang husto. Nalalampasan natin ang pagsubok sa pagpapakita na naaalala natin Siya at ang mga utos Niya sa atin. At ang pagtitiis nang husto ay pagsunod sa mga utos na iyon anuman ang oposisyon, tukso, at kaguluhan sa ating paligid” (Henry B. Eyring, “Sa Lakas ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 17).
-
Ayon sa pahayag na ito, paano natin matitiis nang husto ang ating mga pagdurusa?
-
Sa anong mga pagkakataon sa buhay ng Tagapagligtas na tiniis Niya nang husto ang kasawian at pagdurusa?
Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 121:11–46 ay naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa ilang katanungan at pagsamo ni Propetang Joseph Smith na nakatala sa mga talata 1–10 at tatalakayin sa susunod na lesson.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 122:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa Propeta habang siya ay nasa Liberty Jail.
-
Aling mga pangako ang pinakatumimo sa inyo? Bakit?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 122:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang alituntuning itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith tungkol sa mga paghihirap na naranasan niya at ng mga Banal.
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 7 tungkol sa kung paano makatutulong sa atin ang ating mga pagdurusa? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang ating mga pagdurusa ay makapagbibigay sa atin ng karanasan at makabubuti sa atin.)
-
Sa anong mga paraan na ang ating mga kasawian at pagdurusa ay “magbibigay sa [atin] ng karanasan, … at para sa [ating] ikabubuti” (talata 7)?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naging kapakinabangan para sa kanila ang kapighatian o pagdurusa. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan sa klase.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 122:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano pa ang itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith habang siya ay nasa Liberty Jail.
-
Anong doktrina ang matutukoy natin tungkol kay Jesucristo sa talata 8? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay.)
-
Sa anong mga paraan “nagpakababa-baba [ang Tagapagligtas] sa lahat [ng bagay]”?
-
Paano makatutulong sa atin ang kaalaman na ang Tagapagligtas ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay kapag dumaranas tayo ng matinding kasawian at pagdurusa?
-
Anong payo ang nakatala sa talata 9?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga kasawian o pagdurusa na kasalukuyan nilang nararanasan o naranasan kamakailan. Rebyuhin ang doktrina at mga alituntuning nakasulat sa pisara, at patotohanan ito sa kanila. Hikayatin ang mga estudyante na alalahaning ipamuhay ang mga katotohanang ito sa oras ng matinding kasawian at pagdurusa.
Doktrina at mga Tipan 123:1–17
Pinayuhan ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal na nararapat silang magtipon at maglathala ng mga tala tungkol sa mga pag-uusig na dinanas nila
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 123:1–10 na ipinaliliwanag na pinayuhan ng Propeta ang mga Banal na magtipon at maglathala ng mga ulat tungkol sa mga pag-uusig na dinanas nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 123:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangang tipunin at ilathata ng mga Banal ang mga ulat na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 123:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal tungkol sa kanilang mga pagsisikap na ilahad ang katotohanan sa iba.
-
Ayon sa talata 15, bakit sinabihan ang mga Banal na huwag ituring ang kanilang mga ginagawa na “maliit na bagay”?
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa talata 15 tungkol sa kahalagahan ng tila maliit na pagpapasiya? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang matalinong pagpapasiya sa mga bagay na tila maliit ay magpapala nang malaki sa ating buhay at sa mga susunod na henerasyon.)
-
Paano nakatutulong ang halimbawa ng timon ng isang barko (ang manibela nito) sa talata 16 para maunawaan natin ang kahalagahan ng ilang pagpapasiya na tila maliit lamang?
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga kautusan na tila maliit o hindi mahalaga ngunit maaaring magkaroon ng malaking epekto sa atin at sa mga susunod henerasyon? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at patotoo hinggil sa alituntuning ito.
Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na tukuyin ang ilang “maliit” na kautusan na higit nilang masigasig na masusunod. Sabihin sa kanila na magsulat ng isang mithiin na sisimulan ngayon upang mas masigasig nilang masunod ang mga kautusang iyon.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 123:17, at alamin kung ano ang ipinayo ni Propetang Joseph Smith na gawin ng mga Banal sa mahirap na panahong ito.
-
Ano ang ipinayo ng Propeta na gawin ng mga Banal?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (talata 17)? (Kung kailangan, ipaliwanag na nangangahulugan ito ng pagtanggap ng tulong ng Diyos.)
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 17? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung gagawin natin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya kapag naghahangad tayo ng tulong ng Diyos, makatitiyak tayo na tutulungan tayo ng Diyos.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya” kapag naghahangad tayo ng tulong ng Diyos sa mahihirap na kalagayan?
Ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa Doktrina at mga Tipan 123:15, 17, at hikayatin silang masigasig na sundin ang mga kautusan ng Panginoon at ibigay ang lahat ng makakaya nila kapag naghahangad sila ng tulong ng Diyos.