Institute
Lesson 32: Doktrina at mga Tipan 85–87


“Lesson 32: Doktrina at mga Tipan 85–87,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 32,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 32

Doktrina at mga Tipan 85–87

Pambungad at Timeline

Noong mga huling araw ng Nobyembre 1832, ilan sa mga Banal na lumipat sa Sion ang hindi inilaan ang kanilang mga ari-arian na tulad ng iniutos ng Panginoon. Dahil dito, hindi sila tumanggap ng lupang pamana na ayon sa mga batas ng Simbahan. Tinalakay ni Propetang Joseph Smith ang isyung ito sa isang inspiradong liham kay William W. Phelps, na may petsang Nobyembre 27, 1832, na ang isang bahagi nito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 85.

Noong Disyembre 6, 1832, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 86 habang ginagawa niya ang inspiradong pagsasalin ng Biblia. Ang paghahayag na ito ay naglaan ng karagdagang paliwanag tungkol sa talinghaga ng trigo at mga agingay [pangsirang damo] at ang ginagampanan ng priesthood sa pagtulong sa Panginoon na matipon ang mabubuti sa mga huling araw.

Sa buong taon ng 1832, nabalitaan ni Propetang Joseph Smith at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan marahil ng mga ulat sa pahayagan ang tungkol sa mga nakababalisang pangyayari sa iba’t ibang dako ng mundo. Halimbawa, alam nila ang pagtatalu-talo tungkol sa pang-aalipin sa Estados Unidos, at alam din nila ang tungkol sa pagpapawalang-bisa ng federal na taripa sa estado ng South Carolina. Noong Disyembre 25, 1832, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 87, na kinapapalooban ng mga propesiya tungkol sa mga digmaan at kahatulang “ibubuhos sa lahat ng bansa” (D at T 87:3) sa mga huling araw.

Nobyembre 6, 1832Isinilang ni Emma Smith si Joseph Smith III.

Nobyembre 6, 1832Bumalik si Joseph Smith mula sa pangangaral sa silangang Estados Unidos.

Nobyembre 8, 1832Nakaharap ni Joseph Smith si Brigham Young sa unang pagkakataon.

Nobyembre 27, 1832Ang Doktrina at mga Tipan 85 ay isinulat (hango mula sa isang liham na isinulat ni Joseph Smith kay William W. Phelps).

Disyembre 6, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 86.

Disyembre 25, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 87.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 85

Iniutos ng Panginoon na magpanatili ng talaan ng mga taong naglaan at tumanggap ng mga mana

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay bahagi sila ng isang sports team na may patakarang dinisenyo upang tulungan silang magtagumpay.

  • Ano ang maaaring mangyari kung ang isang tao sa team ay nagpasiyang huwag sundin ang mga patakaran ng koponan?

Ipaliwanag na isang sitwasyong tulad nito ang nangyari noong 1832 nang dumami ang mga Banal na nagsidatingan sa Missouri. Ang ilan sa mga Banal na ito ay hindi sumunod sa mga batas na ibinigay ng Panginoon para sa pagtatayo ng Sion. Nasasaad sa mga naunang paghahayag na ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi makapaninirahan sa Sion hangga’t hindi sila nakatatanggap ng isang sertipiko mula sa mga lider ng Simbahan. Kapag dumating na sila, dapat nilang ilaan ang lahat ng kanilang pera at ari-arian sa Simbahan at tatanggap sila ng mana mula sa bishop. Bukod pa rito, dapat nilang sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos. (Tingnan sa D at T 64:34–35; 72:15–19, 24–26.) Doktrina at mga Tipan 85 ay hango sa isang liham na isinulat ng propeta kay William W. Phelps, isang lider ng Simbahan sa Missouri, na nagpapaliwanag kung ano ang gagawin tungkol sa mga miyembro na hindi sumusunod sa mga batas ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 85:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi sa klerk sa Missouri na itala.

  • Ano ang iniutos sa klerk na itala?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 85:3, 5, 9 11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinagawa ng Propeta sa mga lider ng Simbahan sa Missouri tungkol sa mga hindi sumusunod sa mga batas na ibinigay ng Panginoon para sa pagtatayo ng Sion. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa tagubilin ng Propeta tungkol sa mga hindi sumusunod sa mga batas ng Diyos?

Doktrina at mga Tipan 86

Ipinaliwanag pa ng Panginoon ang talinghaga ng trigo at mga agingay [pangsirang damo]

Ipaalam sa mga estudyante na noong Disyembre 6, 1832, habang ginagawa ang inspiradong pagsasalin ng Biblia, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 86, na karagdagang paliwanag tungkol sa talinghaga ng trigo at mga agingay [pangsirang damo] na nasasaad sa Biblia.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talinghaga na matatagpuan sa Mateo 13:24–30. Habang nagbabasa ang estudyante, isulat ang mga sumusunod na salita sa pisara: trigo, mga agingay [pangsirang damo], ang bukid, mga manghahasik ng binhi, ang kaaway.

  • Ano ang isinasagisag ng trigo at mga pangsirang damo? (Kung kailangan, ipaliwanag na sumisimbolo ang trigo sa mabubuti at sumisimbolo ang mga pangsirang damo sa masasama [tingnan sa Mateo 13:38].)

  • Bakit nais ng lalaki sa talinghaga na hintayin ang paglaki ng mga pangsirang damo bago ito bunutin?

trigo at mga pangsirang damo

Magdispley ng larawan ng trigo at ng mga pangsirang damo. Ipaliwanag na ang mga pangsirang damo ay isang uri ng nakalalasong damo. Ang trigo at mga pangsirang damo ay halos magkatulad kapag umuusbong, ngunit makikita ang pagkakaiba nila kapag ganap nang tumubo. Kung susubukang bunutin ng mang-aani ang mga pangsirang damo bago ganap na tumubo ang trigo at pangsirang damo, malamang na marami rin siyang mapipinsalang trigo.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 86:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kahulugan ng bukid, mga manghahasik ng binhi, at ng kaaway. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila.

  • Batay sa paliwanag ng Panginoon sa mga simbolong ito, paano ninyo ibubuod ang kahulugan ng talinghagang ito?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang talinghagang ito ay kumakatawan sa panahon ng sinaunang Simbahang Kristiyano, noong ang mga orihinal na Apostol ng Tagapagligtas ay buhay pa, hanggang sa katapusan ng mundo. Ang mga katagang “pinupunla niya [ni Satanas] ang mga agingay [pangsirang damo]” at “ang mga agingay [pangsirang damo] … [ay] tinatangay ang Simbahan sa ilang” sa talata 3 ay tumutukoy sa Malawakang Apostasiya, at ang mga katagang “ang dahon ay sumisibol” sa talata 4 ay tumutukoy sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 86:7, na inaalam kung ano pa ang itinuro ng Panginoon tungkol sa talinghaga ng trigo at mga agingay [pangsirang damo].

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talata 7 tungkol sa kaayusan ng pagtitipon sa mga huling araw?

  • Ano ang itinuturo nito tungkol sa mangyayari sa mabubuti at masasama sa mga huling araw? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Titipunin ng Panginoon ang mabubuti sa mga huling araw at pagkatapos ay lilipulin ang masasama sa Kanyang Ikalawang Pagparito.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 86:8–10 na ipinapaliwanag na pagkatapos ipahayag ang kahulugan ng talinghagang ito, tinawag ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan na “mga karapat-dapat na tagapagmana” (talata 9). Ang ibig sabihin nito ay bahagi ang mga miyembro ng Simbahan ng tipang ginawa kay Abraham, kung saan ipinangako kay Abraham na matatamasa ng kanyang mga inapo ang mga pagpapala ng priesthood at ibabahagi ang mga pagpapalang iyon sa iba (tingnan sa Abraham 2:9–11).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 86:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano natin maibabahagi ang mga pagpapala ng priesthood sa iba.

  • Paano natin maibabahagi sa iba ang mga pagpapala ng priesthood? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Sa pagpapatuloy natin sa kabutihan ng Panginoon, tayo ay magiging liwanag sa mundo at tagapagligtas ng ibang tao sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na matanggap ang mga pagpapala sa pamamagitan ng priesthood.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mananatili sa kabutihan [ng Panginoon]” (talata 11)?

  • Paano nauugnay ang alituntunin sa pisara sa talinghaga ng trigo at mga agingay [pangsirang damo]? (Bilang bahagi ng tipan ni Abraham, may responsibilidad tayo na tumulong sa pagtipon sa mabubuti bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)

  • Sa paanong mga paraan nauugnay ang alituntuning ito sa family history at paglilingkod sa templo at pati na rin sa gawaing misyonero?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon kung kailan may isang taong nagsilbing liwanag sa kanila, o sa kakilala nila, at tumulong na gabayan sila sa pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan sa klase. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para manatili sa kabutihan ng Panginoon at magsilbing liwanag sa mga nakapaligid sa kanila at tagapagligtas din ng iba, pati na rin sa kanilang mga ninuno.

Doktrina at mga Tipan 87

Inihayag ng Panginoon na bubuhos ang digmaan sa lahat ng bansa

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon kung kailan may nakaharap sila na isang tao na pinipintasan si Propetang Joseph Smith.

Ipaliwanag na noong Disyembre 25, 1832, naghayag ang Panginoon ng propesiya kay Joseph Smith na naging dahilan para pintasan ng ilang tao ang Propeta.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 87:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang propesiyang ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na nalaman ni Joseph Smith ang tungkol sa alitan sa pulitika sa pagitan ng estado ng South Carolina at ng pamahalaan ng Estados Unidos dahil sa taripa (buwis sa inaangkat na produkto). Dahil ang mga residente ng South Carolina ay mas umaasa sa mga produktong inaangkat kaysa sa mga tao na naninirahan sa mga estado sa Hilaga, sa palagay nila ay hindi makatwiran ang federal na taripa at sadyang ipinataw para mahirapan ang mga taga Timog. Ang mga pinuno ng gobyerno sa South Carolina ay gumawa ng batas na nagpapawalang-saysay, o nagpapawalang-bisa, sa mga batas-federal, at marami sa mga taga South Carolina ang nagsimulang maghanda para labanan ang pamahalaang federal. Ipinahayag ng pangulo ng Estados Unidos na mahigpit niyang ipatutupad ang mga batas ng Estados Unidos. Noong Disyembre 1832, ibinalita sa mga diyaryo sa buong Estados Unidos ang tungkol sa alitang ito. Sa panahong ito natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 87. Noong mga unang araw ng 1833, hindi pa natatagalan nang ibigay ang propesiyang ito, payapang inayos ng pamahalaan ng Estados Unidos ang isyu sa estado ng South Carolina.

  • Paano magagamit ng ilang tao ang mga pangyayaring ito para magtanim ng pagdududa kay Joseph Smith bilang isang propeta?

Ipaalam sa mga estudyante na bagama’t ang mga bagay na ito ay tila nalutas na, noong 1843 muling pinagtibay ni Joseph Smith ang propesiya na magsisimula ang digmaan sa South Carolina tungkol sa isyu ng pang-aalipin (tingnan sa D at T 130:12–13). Noong 1861 lamang, dahil sa pagtatalo tungkol sa pang-aalipin, pinaputukan ng mga barkong pandigma ng mga estado sa Timog ang mga sundalong federal ng Estados Unidos na naka-istasyon sa Fort Sumter, sa daungan ng Charleston, South Carolina. Sumali ang iba pang mga estado sa Timog sa isang digmaang sibil laban sa mga estado sa Hilaga. Kalaunan, humingi ng tulong sa Great Britain ang mga estado sa Timog. Bukod pa rito, maraming naging alipin na taga Timog ang sumali sa hukbo ng taga Hilaga at nakipaglaban sa kanilang mga dating panginoon. Ang Digmaang Sibil ng Amerika ay tumagal hanggang 1865 at nagresulta sa pagkamatay ng humigit-kumulang 620,000–750,000 mga sundalo. Ang iba pang bahagi ng propesiyang ito ay matutupad at tumutukoy sa malalaking sakuna at digmaan na hahantong sa pagkawasak ng lahat ng bansa.

  • Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa mga propesiya ng mga propeta ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrina na tulad ng sumusunod: Matutupad lahat ang mga propesiya ng mga propeta ng Panginoon.)

  • Anong halimbawa pa ang maibibigay ninyo na nagpapakita na natupad ang mga propesiya ng mga propeta ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 87:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga huling araw. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa mga talata 6–7, ano ang ilang dahilang ibinigay ng Panginoon kung bakit nagaganap ang malulungkot na pangyayaring ito? (Ang mga katagang “nagpaparusang kamay” ng Diyos sa talata 6 ay tumutukoy sa katotohanan na ginagamit ng Panginoon ang Kanyang mga paghahatol para pukawin ang mga tao na magsisi at parusahan ang masasama.)

  • Ayon sa talata 8, ano ang ipinag-uutos ng Panginoon na gawin natin para makapaghanda tayo sa mga digmaan at sakunang magaganap sa mga huling araw? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Inuutusan tayo ng Panginoon na tumayo sa mga banal na lugar at huwag matinag.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag” (talata 8)?

  • Ano ang ilang banal na lugar na makapagbibigay sa atin ng kapayapaan at kaligtasan?

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nilang pinagpala sila ng kapayapaan o kaligtasan dahil sa pagtayo sa mga banal na lugar. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiing tumayo sa mga banal na lugar nang mas madalas at paigtingin ang kanilang mga pagsisikap na huwag matinag dito.

Magtapos sa pagbahagi ng iyong patotoo sa mga katotohanang tinukoy sa lesson ngayong araw.