Lesson 28
Doktrina at mga Tipan 76:50–119
Pambungad at Timeline
Noong Pebrero 16, 1832, habang ginagawa nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang inspiradong pagsasalin ng Biblia at pinagninilayan ang kahulugan ng Juan 5:29, sila ay pinakitaan ng isang pangitain, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Sa bahagi ng pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76:50–119, ipinakita kina Joseph at Sidney ang mga naninirahan sa mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal at ang kahalagahan ng pagtanggap at pagiging matatag sa patotoo tungkol kay Jesucristo.
-
Enero 25, 1832Si Joseph Smith ay naorden bilang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote [High Priesthood] sa kumperensya ng Simbahan sa Amherst, Ohio.
-
Mga huling araw ng Enero 1832Bumalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Hiram, Ohio, para gawin ang inspiradong pagsasalin ng Bagong Tipan.
-
Pebrero 16, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 76.
-
Marso 24–25, 1832Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay kinuha ng mga mandurumog sa gabi at walang-awang binugbog at binuhusan ng alkitran at balahibo sa Hiram, Ohio.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 76:50–70
Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung sino ang mga tatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal
Basahin nang malakas ang mga sumusunod na sitwasyon, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang isasagot nila. Tiyaking mabigyan mo sila ng sapat na oras para makapag-isip.
-
Isang binatilyo ang naniniwala na dahil mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, pagpapalain Niya tayo anuman ang gawin natin. Naniniwala rin siya na bagama’t mapaparusahan tayo sa ating mga kasalanan, sa huli ay maliligtas tayong lahat sa kaharian ng Diyos.
-
Naniniwala ang isang dalagita na kung susundin niya nang lubos ang lahat ng kautusan, siya ay maliligtas sa kaharian ng Diyos.
-
Sinabi ng isang tao na dahil ipinanganak siyang muli, maliligtas siya sa kaharian ng Diyos kahit ano pa ang ginagawa niya sa buhay na ito.
-
Paano makaaapekto ang iba’t ibang pananaw na ito sa ginagawa ng tao sa buhay na ito?
Ipaliwanag na magkakaiba ang itinuturo ng mga relihiyon tungkol sa buhay matapos ang kamatayan, ngayon at gayundin noong 1832, noong ibinigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Halimbawa, itinuro ng karamihan sa mga relihiyon ng mga Kristiyano na lahat ng tao ay mapupunta sa langit o kaya ay sa impiyerno pagkatapos mamatay. Itinuturo ng iba pang mga relihiyon, tulad ng Universalists, na si Jesucristo ay pansamantalang magpaparusa sa mga makasalanan ngunit tutubusin din sa huli ang lahat ng tao.
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 76:50–119 ngayon, sabihin sa kanila na alamin ang doktrina at mga alituntunin na makatutulong sa kanila na maunawaan ang buhay matapos ang kamatayan at ano ang kailangan para matamo ang kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 76:1–49 sa pamamagitan ng pagsasabi sa ilang estudyante na ibuod ang bahagi ng pangitain na pinag-aralan sa nakaraang lesson.
Hatiin ang pisara sa tatlong column, at lagyan ng label na tulad ng sumusunod: Kaluwalhatiang Selestiyal: D at T 76:50–70, 92–96; Kaluwalhatiang Terestriyal: D at T 76:71–80, 87, 91, 97; at Kaluwalhatiang Telestiyal: D at T 76:81–86, 88–90, 98–112. Ipaliwanag na sa nalalabing bahagi ng Doktrina at mga Tipan 76, inihayag ng Panginoon ang ilan sa mga kailangan para mamana ang bawat isa sa mga kahariang ito ng kaluwalhatian.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:50–53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano nagiging karapat-dapat ang isang tao na makatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal. Matapos ang sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara upang isulat ang mga kwalipikasyon sa ilalim ng “Kaluwalhatiang Selestiyal.”
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tumanggap ng patotoo ni Jesucristo at maniwala sa Kanyang pangalan (talata 51)? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagkakaroon ng patotoo sa pamamagitan ng personal na paghahayag na si Jesucristo ang Tagapagligtas at kumilos ayon sa patotoong iyon.)
Ipaliwanag na ang mga pariralang “alinsunod sa kautusan” (talata 51) at “sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan” (talata 52) ay tumutukoy sa pagsunod sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo na inilarawan sa talata 51.
-
Paano “pinangibabawan ng pananampalataya” ang isang tao (talata 53)? (Kasama sa mapangibabawan ng pananampalataya ang pagdaig sa mga tukso at mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at matapat na pagtitiis sa mga pagsubok.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako” (talata 53)? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Banal na Espiritu ng Pangako ay ang Espiritu Santo. Tayo ay ibinubuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako kapag pinagtitibay ng Espiritu Santo ang mga ordenansa na natanggap natin, o nagpapatotoo sa Ama sa Langit na ang mga ito ay nagawa nang nararapat at tayo ay nananatiling tapat sa ating mga Tipan.)
Patingnan ang listahan sa pisara, at sabihin sa mga estudyante kung paano nila ibubuod ang dapat nating gawin para matanggap ang kaluwalhatiang selestiyal. Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Upang matanggap ang kaluwalhatiang selestiyal, dapat tayong tumanggap ng patotoo ni Jesucristo, tumanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo, at paglabanang magkasala at matukso sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 76:54–68, at alamin ang mga pagpapala na ibibigay ng Panginoon sa mga taong makatatanggap ng selestiyal na kaluwalhatian. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang pariralang “simbahan ng panganay” sa talata 54 ay tumutukoy sa mga miyembro ng Simbahan na karapat-dapat na magtamo ng buhay na walang hanggan, o ng kadakilaan (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie [1955], 2:41–42).
-
Alin sa mga katotohanang ito ang pinakamahalaga sa inyo at bakit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:69–70. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano inilarawan ang mga yaong tatanggap ng selestiyal na kaharian.
Ipaliwanag na ang pariralang “mga yaong matwid na tao” sa talata 69 ay tumutukoy sa kalalakihan at kababaihan na nagsisikap na mamuhay nang matwid ngunit hindi perpekto noong nabubuhay pa sa mundo.
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paano tayo magiging karapat-dapat na makatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Magiging perpekto lamang tayo sa pamamagitan ni Jesucristo.)
Patotohanan na bagama’t hindi tayo magiging perpekto kahit masigasig tayong sumusunod sa mga kautusan, makatutulong ang pagsisikap natin para matanggap ang biyaya ng Tagapagligtas at malinis ng Kanyang “ganap na pagbabayad-sala” (D at T 76:69).
-
Paano nakahihikayat sa atin ang pagkaunawa sa doktrinang ito habang nagsisikap tayong matamo ang kadakilaan sa kahariang selestiyal?
Doktrina at mga Tipan 76:71–80
Ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung sino ang mga tatanggap ng kaluwalhatiang terestriyal
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:71. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kasunod na ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon.
-
Paano maihahambing ang kaluwalhatian ng mga nasa kahariang terestriyal sa kaluwalhatian ng mga tao sa kahariang selestiyal?
Ipaliwanag na tulad ng araw na mas maliwanag sa buwan, ang mga taong magtatamo ng katawan na selestiyal ay mabubuhay na muli nang mas may malaking kaluwalhatian at mga pagpapala kaysa sa mga taong tatanggap ng katawan na terestriyal.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:72–80 nang may kapartner at talakayin ang pagkakaiba ng mga tatanggap ng kaluwalhatiang terestriyal sa mga tatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang mga pagkakaibang nakita nila. Isulat ang kanilang mga sagot sa pisara sa ilalim ng “Kaluwalhatiang Terestriyal.”
Patingnan ang mga pariralang “sila ang mga yaong namatay nang walang batas” sa talata 72 at ang “hindi tumanggap ng patotoo ni Jesus sa laman, subalit pagkaraan ay tinanggap ito” sa talata 74, at ipaliwanag na ito ay maaaring tumutukoy sa mga taong hindi tumanggap ng ebanghelyo sa mundo ngunit namuhay nang mabuti, pati na rin ang mga taong hindi kailanman narinig ang ebanghelyo. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahulugan ng mga talatang ito, patingnan sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 137:7–8, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito.
-
Ano ang nilinaw ng Panginoon sa mga talatang ito tungkol sa mga namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo? (Ang mga “tatanggap nito nang buo nilang puso” [D at T 137:8] kung nagkaroon lang sila ng pagkakataon ay magmamana ng kahariang selestiyal.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “nabulag ng panlilinlang ng mga tao” sa Doktrina at mga Tipan 76:75? Sa anong mga paraan nabubulag ang mga tao sa panlilinlang ng kapwa nila?
-
Ano ang ibig sabihin ng pariralang “yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” sa talata 79?
-
Kung ang isang taong hindi matatag sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo ay tatanggap ng kaluwalhatiang terestriyal, ano ang katotohanang ipinahihiwatig nito tungkol sa matatatag sa patotoo kay Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tayo ay matatatag sa pagpapatotoo kay Jesucristo, tatanggap tayo ng kaluwalhatiang selestiyal.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesucristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang maniwala kay Cristo at sa kanyang ebanghelyo nang may di-natitinag na pananalig. …
“Ngunit hindi lamang ito. Higit pa ito sa paniniwala at kaalaman. Dapat tayong maging mga tagatupad ng salita at hindi tagapakinig lamang. Higit pa ito sa pagsasabi lamang; hindi lamang ito paghahayag ng pagiging banal na Anak ng Tagapagligtas. Ito ay pagsunod at pag-ayon at personal na kabutihan. …
“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay … ang ‘magtiis hanggang wakas.’ (2 Ne. 31:20.) Ito ay ang ipamuhay ang ating relihiyon, gawin ang ating ipinangangaral, sundin ang mga kautusan.” …
“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang pumanig sa Panginoon sa lahat ng bagay. … Ito ay ang isipin ang iniisip niya, paniwalaan ang kanyang pinaniniwalaan, sambitin ang kanyang sasambitin at gawin ang kanyang gagawin sa sitwasyong iyan. Ito ay ang magtaglay ng pag-iisip ni Cristo, at maging kaisa niya, tulad niya sa kanyang Ama” (Bruce R. McConkie, “Be Valiant in the Fight of Faith,” Ensign, Nob. 1974, 35).
-
Mag-isip ng isang taong kilala ninyo na matatag sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Anong mga katangian at gawain ang nagpapakita ng katatagan ng taong ito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano sila katatag sa kanilang patotoo kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang bagay na gagawin nila upang lalong maging matatag sa kanilang patotoo kay Jesucristo.
Doktrina at mga Tipan 76:81–112
Ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung sino ang tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:81–83, 101, 103. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol sa mga tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal.
-
Sino ang tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng “Kaluwalhatiang Telestiyal.”)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:84–85, 104–106, at alamin ang mangyayari sa masasama bago nila matanggap ang kaluwalhatiang telestiyal.
-
Ano ang ang mangyayari sa masasama bago nila matanggap ang kaluwalhatiang telestiyal?
Ipaliwanag na dahil hindi sila nagsisisi sa buhay na ito, ang mga tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal ay kailangang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan sa “impiyerno” (D at T 76:84, 106; tingnan din sa D at T 19:4–12). Sa mga talatang ito, ang impiyerno ay tumutukoy sa bilangguan ng mga espiritu at hindi tumutukoy sa pangwakas na kalagayan ng masasama. Sa pagtatapos ng Milenyo, ang mga taong ito ay babangon sa Pagkabuhay na Mag-uli ng masasama at magmamana ng kahariang telestiyal.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:109–111. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mangyayari kapag ang mga taong magmamana ng kahariang telestiyal ay haharap sa Diyos upang hatulan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano pa ang malalaman natin tungkol sa paraan ng paghatol sa atin.
-
Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pagbabatayan ng kaharian ng kaluwalhatian na mamanahin natin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang kaharian ng kaluwalhatian na mamanahin natin ay ibabatay sa ating mga gawa at sa mga pagnanais ng ating puso.)
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa katotohanang ito habang nagsisikap tayong maging mga tao na nararapat sa selestiyal na kaharian?
Doktrina at mga Tipan 76:113–19
Ipinaliwanag nina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung paano matatanggap ng iba ang kaalamang natanggap nila sa pamamagitan ng paghahayag
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 76:113–19 na ipinapaliwanag na matapos mailarawan ang pangitaing ito, sinabi nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na iniutos ng Panginoon na huwag nilang isulat ang lahat ng ipinakita sa kanila. Ipinaliwanag din nila na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay maaaring matanggap ng iba ang kaalamang natanggap nila.
Ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson ngayon. Tapusin ang lesson sa pagsusulat sa pisara ng mga salitang Simulan, Itigil, at Ipagpatuloy, at sabihin sa mga estudyante kung ano ang kanilang sisimulan, ihihinto, o ipagpapatuloy gawin dahil sa natutuhan nila sa lesson ngayon.