“Lesson 35: Doktrina at mga Tipan 89–92,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 35,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 35
Doktrina at mga Tipan 89–92
Pambungad at Timeline
Matapos magsimulang magpulong ang Paaralan ng mga Propeta noong unang mga buwan ng 1833, nagtanong si Propetang Joseph Smith sa Panginoon hinggil sa paggamit ng tabako ng mga maytaglay ng priesthood sa kanilang mga pulong. Noong Pebrero 27, 1833, bilang tugon sa tanong ni Joseph, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 89. Sa paghahayag na ito, na nakilala bilang Word of Wisdom, nagbabala ang Panginoon sa paggamit ng mga nakapipinsalang sangkap, naghikayat ng pagkain ng masusustansyang pagkain, at nangako ng mga pagpapala sa mga susunod.
Noong Marso 8, 1833, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 90. Ang paghahayag na ito ay naglalaman ng mga tagubilin sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote o High Priesthood at “isang pagpapatuloy na hakbang” sa pagtatatag ng Unang Panguluhan (D at T 90, section heading).
Habang ginagawa ang inspiradong pagsasalin ng Lumang Tipan, nagtanong ang Propeta sa Panginoon kung dapat ba niyang isama ang Apocripa bilang bahagi ng kanyang pagsasalin ng Biblia. Noong Marso 9, 1833, sinagot ng Panginoon ang tanong ni Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 91 at sinabi sa kanya na hindi niya kailangang isalin ang Apocripa.
Noong Marso 15, 1833, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 92, na nag-uutos kay Frederick G. Williams na maging aktibong miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm na itinatag upang pangasiwaan ang kapakanan at negosyo ng Simbahan.
-
Pebrero 2, 1833Natapos nang rebyuhin ni Joseph Smith ang pagsasalin niya ng Bagong Tipan.
-
Pebrero 27, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 89.
-
Marso 8, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 90.
-
Marso 9, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 91.
-
Marso 15, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 92.
-
Marso 18, 1833Sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams ay inorden bilang mga Pangulo (tagapayo) sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote o High Priesthood.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 89:1–21
Inihayag ng Panginoon ang Word of Wisdom
Isulat sa pisara ang Word of Wisdom.
-
Naipaliwanag na ba ninyo sa isang tao kung bakit hindi kayo umiinom ng alak, tsaa, o kape o naninigarilyo? Ano ang sinabi ninyo? Ano ang tugon ng taong kausap ninyo?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 89, ipaliwanag na bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na magtatag ng Paaralan ng mga Propeta (tingnan sa D at T 88:127), si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga elder ay nagpulong sa silid sa itaas ng tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio. (Kung maaari, ipakita ang larawan ng slid.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
“Tuwing umaga matapos mag-almusal, ang mga kalalakihan ay nagkikita-kita sa paaralan upang pakinggan ang mga turo ni Joseph Smith. … Ang unang bagay na ginawa nila, matapos maupo, ay ‘magsindi ng kanilang kuwako [pipe] at habang nagtatabako, ay pinag-uusapan ang mga dakilang bagay tungkol sa kaharian,’ sabi ni Brigham Young. Napakakapal ng usok na nagmumula sa tabako kaya’t halos hindi na makita ng kalalakihan si Joseph. Kapag tapos na silang manabako, sila ay ‘ngunguya naman ng tabako sa isa o sa magkabilang pisngi, at pagkatapos ay idudura ito sa buong sahig’ [Brigham Young, di-inilathalang diskurso, Disyembre 2, 1867]. Sa ganitong maruming kapaligiran, sinikap ni Joseph Smith na ituro sa kalalakihan kung paano sila at ang kanilang mga naturuan na maging banal, ‘walang-bahid dungis,’ at karapat-dapat sa harapan ng Diyos” (Jed Woodworth, “The Word of Wisdom,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 183, o history.lds.org).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young (1801–1877) tungkol sa reaksyon ng Propeta sa mga sitwasyong ito:
“Madalas na kapag pumapasok ang Propeta sa silid upang magbigay ng mga tagubilin ay makikita niya ang kanyang sarili sa gitna ng makapal na usok ng tabako. Ito, at ang mga reklamo ng kanyang asawa sa paglilinis ng napakaruming sahig [mula sa pagnguya ng tabako], ang nakapagpaisip sa Propeta tungkol sa bagay na ito, at siya ay nagtanong sa Panginoon tungkol sa kinagawian ng mga Elder sa paggamit ng tabako, at ang pahayag na kilala bilang Word of Wisdom ang bunga ng kanyang pagtatanong” (Brigham Young, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 306).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga salita o mga parirala na naglalarawan sa mga layunin ng Panginoon sa pagbibigay ng paghahayag na ito.
-
Ayon sa mga talata 2–3, bakit ibinigay ang paghahayag na ito?
Ituro ang pariralang “hindi sa pamamagitan ng kautusan o pamimilit” sa talata 2, at ipaliwanag na sa una ay hindi ibinigay ng Panginoon ang Word of Wisdom sa mga Banal bilang kautusan. Sa huli, matapos ang maraming taon ng pagsunod ng mga Banal sa mga alituntunin ng Word of Wisdom, nagsimula nang ituro ng mga propeta ng Panginoon na ang Word of Wisdom ay isa na ngayong kautusan (tingnan sa manwal ng estudyante ang komentaryo para sa D at T 89:1–2).
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Isang Alituntunin na May Lakip na Pangako. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang alituntunin at pangakong inihayag ng Panginoon bilang bahagi ng Word of Wisdom habang patuloy nilang pinag-aaralan ang Doktrina at mga Tipan 89.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iba pang dahilan na ibinigay ng Panginoon sa paghahayag ng Word of Wisdom.
-
Ano ang mga halimbawa ng “masasama at mga pakana” sa mundo ngayon na maiiwasan natin sa pamamagitan ng pagsunod sa Word of Wisdom?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 89:5–9 at alamin ang mga nakapipinsalang sangkap na ibinabala ng Panginoon sa mga Banal na huwag gamitin.
-
Anong mga sangkap ang ibinabala ng Panginoon sa mga Banal na huwag gamitin? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na itinuro ng mga lider ng Simbahan na ang mga salitang “maiinit na inumin” ay tumutukoy sa tsaa at kape [tingnan sa pagtuturo ni Hyrum Smith na iniulat sa “The Word of Wisdom,” Times and Seasons, Hunyo 1, 1842, 800, josephsmithpapers.org].)
Ipaliwanag na hindi lahat ng nakapipinsalang sangkap na dapat nating iwasan ay tinukoy sa paghahayag. Ang mga lider ng Simbahan ay nagbabala laban sa paggamit ng “anumang inumin, gamot, kemikal, o mapanganib na gawain na ginagamit para makadama ng “kakaibang kasiyahan” o ng artipisyal na epekto na makapipinsala sa inyong katawan o isipan. Kabilang sa mga ito ang marijuana, bawal na gamot, mga gamot na inireseta o nabibili nang walang reseta na inaabuso ang paggamit, at mga kemikal na ginagamit sa bahay” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 26).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 89:10–17 at alamin ang mga pagkain na ipinayo ng Panginoon na kainin natin.
-
Anong mga pagkain ang ipinayo ng Panginoon na kainin natin?
-
Ayon sa talata 11, ano ang dapat na maging saloobin natin kapag kinain natin ang mga pagkaing ito?
Ipaalala sa mga estudyante na inilarawan ng Panginoon ang Word of Wisdom bilang “isang alituntunin na may lakip na pangako” (D at T 89:3). Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap: Kung susundin natin ang Word of Wisdom at sisikaping sundin ang mga kautusan, pagpapalain tayo ng Panginoon ng …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:18–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagpapalang ipinangako sa pagsunod sa Word of Wisdom.
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong sinusunod ang Word of Wisdom?
Ipaalala sa mga estudyante na ang pangako na kalusugan sa talata 18 ay hindi nangangahulugan na ang Word of Wisdom ay gamot para sa malubhang sakit o malubhang karamdaman. Sa halip, tumutulong ito sa mga tao na magkaroon ng pinakamabuting kalusugan at lakas na kayang matamo ng kanilang katawan.
-
Paano nakatutulong sa atin ang pagsunod sa Word of Wisdom na magtamo ng “karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman” (talata 19)? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagsunod sa Word of Wisdom ay nagtutulot sa atin na makasama ang Espiritu Santo, na naghahayag ng karunungan at kaalaman sa matatapat.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Nalaman ko … na ang pangunahing layunin ng Word of Wisdom ay may kinalaman sa paghahayag. …
“Kung ang isang taong ‘lango’ [sa mga nakapipinsalang sangkap] ay halos hindi marinig ang simpleng sinasabi sa kanya, paano pa siya makatutugon sa mga espirituwal na pahiwatig na umaantig sa pinakasensitibo niyang damdamin?
“Kasing halaga man ng Word of Wisdom ang batas ng kalusugan, ito ay higit na mahalaga sa inyo sa espirituwal kaysa sa pisikal” (Boyd K. Packer, “Prayers and Answers,”Ensign, Nob. 1979, 20).
-
Sa talata 21, anong tala sa banal na kasulatan ang tinutukoy ng pariralang “ang mapangwasak na anghel ay lalampasan sila, gaya ng mga anak ni Israel, at hindi sila papatayin”? (Ang pariralang ito ay tumutukoy sa nangyari sa mga anak ni Israel na tumanggap ng proteksyon mula sa Diyos sa panahon ng unang Paskua sa Egipto [tingnan sa Exodo 12:21–28].)
Ipaliwanag na ang pangakong ito na proteksyon mula sa Diyos ay maaaring tumukoy sa espirituwal na kaligtasan gayon din sa pisikal na kaligtasan.
-
Batay sa natutuhan ninyo mula sa Doktrina at mga Tipan 89, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag sa pisara upang makabuo ng isang alituntunin tungkol sa mga pagpapala ng pagsunod sa Word of Wisdom? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pangungusap sa pisara tulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang Word of Wisdom at sisikaping sundin ang mga kautusan, pagpapalain tayo ng Panginoon ng kalusugan, karunungan, lakas at proteksyon.)
-
Kailan ninyo natamo o ng isang taong kilala ninyo ang isa sa mga pagpapalang ito? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Ipaliwanag na matapos basahin ni Joseph Smith ang paghahayag na ito sa mga elder sa Paaralan ng mga Propeta, itinapon nila ang kanilang mga kuwako sa fireplace, na nagpapakita na handa ang ilan sa mga Banal na sundin ang Word of Wisdom bagama’t hindi pa ito inilahad na isang kautusan ng mga lider ng Simbahan hanggang sa makalipas ang maraming taon kalaunan. Hikayatin ang mga estudyante na magpasiya ngayon na sundin ang Word of Wisdom para matanggap nila ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon na kalusugan, karunungan, lakas at proteksyon.
Doktrina at mga Tipan 90:1–37
Itinuro ng Panginoon sa Unang Panguluhan ang hinggil sa kanilang mga tungkulin at awtoridad
Sabihin sa mga estudyante na mahigit isang linggo lang ang nakalipas matapos matanggap ng Propeta ang tungkol sa Word of Wisdom, siya ay nakatanggap ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 90. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang konteksto ng paghahayag na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 90:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Unang Panguluhan. Bago magbasa ang mga estudyante, sabihin sa kanila na tingnan ang kahulugan ng salitang orakulo (mga talata 4–5) sa talata 4, footnote a.
-
Ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Unang Panguluhan sa mga talata 3 at 6? (Ipaalala sa mga estudyante na ang pariralang “mga susi ng kaharian” [talata 2] ay tumutukoy sa kapangyarihan at awtoridad na pamahalaan at pangasiwaan ang kaharian ng Diyos sa lupa. Kung kinakailangan, ipaliwanag na mula sa talata 6 nalaman natin na hawak ng Unang Panguluhan ang mga susing ito.)
-
Ayon sa talata 4, paano nauugnay ang mga susi ng kaharian sa mga paghahayag na ibinibigay ng Diyos sa Simbahan? (Tumatanggap tayo ng mga paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, na mayhawak ng mga susi ng kaharian.)
-
Batay sa itinuro ng Panginoon sa talata 5, ano ang mangyayari sa atin kung hindi natin pahahalagahan ang mga paghahayag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong mayhawak ng mga susi ng kaharian? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung hindi natin pahahalagahan ang mga paghahayag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, matitisod at madarapa tayo kapag ang mga unos ng buhay ay humagupit sa atin.)
-
Ano ang ilang paraan na hindi pinahahalagahan ng mga tao ang mga paghahayag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?
-
Ano ang maaari nating gawin para matiyak natin na pinahahalagahan natin ang mga salita ng mga propeta?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 90:7–37 na ipinaliliwanag na iniutos ng Panginoon sa Unang Panguluhan na ihanda ang mga miyembro ng Paaralan ng mga Propeta sa pagtuturo ng ebanghelyo sa buong mundo at isaayos din ang kanilang mga pamilya at ang mga gawain ng Simbahan. Pinayuhan din ng Panginoon ang iba’t ibang indibiduwal na lumakad nang matwid at maglingkod sa kaharian ng Panginoon.
Doktrina at mga Tipan 91:1–6
Iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na huwag isalin ang Apocripa
Kung mayroon, magpakita sa mga estudyante ng isang magasin, diyaryo, at cell phone, at tanungin sila kung paano nila malalaman na totoo ang binabasa o naririnig nila.
Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 91, sabihin sa kanila na maghanap ng isang alituntunin na makatutulong sa kanila na malaman kung totoo ang binabasa at pinakikinggan nila.
Ipaliwanag na noong Marso 1833, si Joseph Smith ay abalang-abala sa inspiradong pagsasalin ng Lumang Tipan. Ang Biblia na ginamit niya sa pagsasalin ay naglalaman ng Lumang Tipan at Bagong Tipan pati na rin ng isang bahagi ng aklat na nasa pagitan ng mga tipan, na kilala bilang Apocripa. Ang Apocripa ay binubuo ng “Mga banal na aklat ng mga Judio na hindi ibinilang sa Bibliang Hebreo subalit pinanatili sa mga Biblia ng ilang simbahan [ng mga Kristiyano]. Malimit na ang mga aklat na ito ay mahalaga sa pag-uugnay ng Luma at Bagong Tipan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apocripa,” scriptures.lds.org). Habang ginagawa ni Propetang Joseph Smith ang pagsasalin ng Biblia, itinanong niya sa Panginoon kung dapat ba niyang isalin ang Apocripa.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 91:1–6, at alamin ang iniutos ng Panginoon hinggil sa Apocripa.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Apocripa sa mga talata 1–3?
-
Ayon sa mga talata 4–6, paano malalaman ni Joseph Smith kung ano ang totoo sa Apocripa?
-
Paano tayo matutulungan ng payo sa mga talata 4–6 para malaman natin kung ang binabasa at pinakikinggan natin ay totoo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na mahiwatigan ang katotohanan ng nabasa at narinig natin.)
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pangyayari na ipinaalam sa kanila ng Espiritu Santo na totoo ang nabasa o narinig nila. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang karanasan nila sa klase.
Doktrina at mga Tipan 92:1–2
Si Frederick G. Williams ay tinawag na sumapi sa Nagkakaisang Samahan o United Firm
Ipaliwanag na noong 1832, ilang lider ng Simbahan ang tinawag na maging bahagi ng Nagkakaisang Samahan o United Firm, kung minsan ay tinatawag na Nagkakaisang Orden o United Order, na itinatag upang pangasiwaan ang kapakanan at negosyo ng Simbahan. (Ang organisasyong ito ay kakaiba sa Nagkakaisang Orden o United Order na kalaunan ay itinatag ni Pangulong Brigham Young sa ilang komunidad sa Utah.) Sa paghahayag na ito, iniutos sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm na tanggapin si Frederick G. Williams bilang miyembro nito.
Tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante kung anong mga katotohanan o ideya mula sa lesson na ito ang pinakanapansin nila, at anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan at patotoo hinggil sa mga katotohanang ito. Hikayatin sila na ipamuhay ang kanilang natutuhan.