Lesson 4
Doktrina at mga Tipan 5; 17
Pambungad at Timeline
Ilang buwan mula nang maiwala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, ninais niyang mabigyan pa ng karagdagang katibayan na totoong may mga laminang ginto. Ang kanyang asawa ay hayagang nagsalita nang laban kay Propetang Joseph Smith, na pinaparatangan ito na niloloko nito ang kanyang asawa at ang iba dahil sinasabi nito na nasa kanya ang sinaunang talaan. Noong Marso 1829, bumalik si Martin sa Harmony, Pennsylvania, para hilingin kung maaari niyang makita ang mga lamina. Nalaman ni Joseph sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 5 na tatawag ang Panginoon ng tatlong saksi na pakikitaan ng mga lamina at magpapatotoo tungkol sa mga ito sa mundo. Ipinangako ng Panginoon kay Martin na kung siya ay magpapakumbaba, pahihintulutan siyang makita ang mga lamina.
Noong Hunyo 1829, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 17, sinabi ng Panginoon na maaaring makita nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ang mga lamina at ang iba pang mga sagradong bagay ayon sa kanilang pananampalataya. Matapos magtamo ng patotoo tungkol sa mga lamina, sila ay “magpapatotoo sa mga ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos” (D at T 17:3).
-
Mga unang buwan ng 1829Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay mabagal na nagsimula.
-
Marso 1829Hiniling ni Martin Harris na makita ang mga lamina; natanggap ang Doktrina at mga Tipan 5.
-
Abril–Mayo 1829Tumulong Si Oliver Cowdery bilang tagasulat habang isinasalin ni Joseph Smith ang mga lamina.
-
Hunyo 1829Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay lumipat sa Fayette, New York.
-
Hunyo 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 17.
-
Hunyo 1829Dinalaw ni Moroni si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi at ipinakita sa kanila ang mga lamina.
-
Mga Hulyo 1, 1829Natapos nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 5:1–22
Ilalabas ng Panginoon ang Kanyang salita sa mga huling araw sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, at tatlong saksi ang magpapatotoo nito
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Maniwala lamang kapag nakita.
-
Ano ang ilang paraan na maaaring gamitin ng mga tao ang pariralang ito pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya at relihiyon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila sasagutin ang isang taong nagsasabi na hindi siya maniniwala sa Diyos o sa Aklat ni Mormon kung walang pisikal na katibayan. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 5 ngayon, sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan na tutulong sa kanila na malaman kung paano nila sasagutin ang isang tao na nagsasabing hindi niya mapapaniwalaan ang isang bagay kung walang pisikal na katibayan.
Sabihin sa mga estudyante na noong Marso 1829, naglakbay si Martin Harris mula sa Palmyra, New York, para bisitahin si Propetang Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania. Mga halos walong buwan na ang lumipas mula nang maiwala ni Martin ang 116 na pahina ng manuskrito, at hindi pa muling nagkita sina Martin at Joseph mula noon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:1–3 at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang hiniling ni Martin Harris kay Joseph Smith at kung ano ang sinabi ng Panginoon sa Propeta na isagot sa kahilingan ni Martin.
-
Ano ang hiniling ni Martin at ano ang sinabi ng Panginoon na isagot ng Propeta sa kahilingan ni Martin?
-
Batay sa kahilingan ni Martin, ano ang tila naramdaman niya na pinakamainam na paraan para makakuha ng katibayan na totoo ang sinasabi ni Joseph?
Ipaliwanag na sinasabi rin ng mga tao sa ating panahon na kung sila ay may pisikal na katibayan, maniniwala sila na totoo ang Aklat ni Mormon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):
“Madalas kapag narinig ng [mga tao] … ang kuwento tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon, itinatanong nila kung nasa isang museo ba ang mga lamina kung saan nila maaaring makita ang mga ito. Ilan sa kanila na may kaalaman sa siyensya, [ang nagsasabi] na kung makikita at masusuri ng mga dalubhasa ang mga lamina at mapag-aaralang basahin ito, magpapatotoo sila na totoo ang aklat, at kung gayon ang buong mundo ay mapapaniwala” (Joseph Fielding Smith, Church History and Modern Revelation [1953], 1:40).
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 5:4–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na huwag ipakita ang mga lamina sa mundo.
-
Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon sa pag-utos kay Joseph Smith na huwag pakita ang mga lamina sa mundo? (Kung hindi naniwala ang mga tao sa mga salita ng Panginoon na inihayag sa pamamagitan ni Joseph Smith, hindi pa rin sila maniniwala kahit makita pa nila ang mga lamina [tingnan sa D at T 5:7]; itinago ng Panginoon ang mga lamina mula sa mundo “para sa isang matalinong layunin” [tingnan sa D at T 5:9].)
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga salita ng Panginoon kay Joseph sa mga talatang ito tungkol sa pariralang nakasulat sa pisara (“Maniwala lamang kapag nakita”)?
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong sa ilalim ng “Maniwala lamang kapag nakita”: Paano ko matatamo o mapapalalim ang aking patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng kahit dalawang sagot sa tanong na ito sa mga salita ng Panginoon kina Joseph at Martin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang isang paraan na sinabi ng Panginoon na tutulungan Niya ang mundo na malaman ang katotohanan ng Aklat ni Mormon.
-
Ayon sa talata 11, ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya para tulungan ang mundo na maniwala sa patotoo ni Joseph Smith tungkol sa Aklat ni Mormon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang patotoo ni Joseph Smith at ng Tatlong Saksi ay magsisilbing katibayan ng katotohanan ng Aklat ni Mormon.)
-
Ayon sa mga talata 12–13, paano matatamo ng Tatlong Saksi ang kanilang patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon?
-
Paano maiiba ang patotoo ng Tatlong Saksi sa patotoo na matatanggap ng iba?
-
Paano mapalalakas ng patotoo at ng pagsaksi ng iba, kabilang na ang patotoo ni Propetang Joseph Smith at ng Tatlong Saksi, ang sarili ninyong patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:16, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang isang alituntunin na itinuro ng Panginoon tungkol sa kung paano tayo magkakaroon ng patotoo sa katotohanan. (Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante para maunawaan ang talatang ito, maaari mong imungkahi na i-cross-reference nila ang talata 16 sa Eter 4:11.)
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin niya para sa mga taong naniniwala sa Kanyang mga salita? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung maniniwala tayo sa mga salita ng Diyos, patototohanan Niya sa atin ang katotohanan nito sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Bishop Glenn L. Pace, dating miyembro ng Presiding Bishopric:
“Walang ibang paraan para magtamo ng patotoo kundi sa pamamagitan ng pagsaksi ng Espiritu Santo. Wala kayong ibang maaasahan. … Maraming halimbawa sa mga banal na kasulatan kung paano nawalang-saysay ang isang pisikal na katibayan kung walang kaakibat na pagpapatibay ng Espiritu Santo. Ang pagbabalik-loob ay dumarating hindi sa pamamagitan ng pisikal na katibayan mula sa langit” (Glenn L. Pace, “The Elusive Balance,” New Era, Mar. 1989, 49).
-
Sa inyong palagay, bakit pinagtitibay ng Panginoon ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng Espiritu at hindi lamang sa pamamagitan ng pisikal na katibayan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na ipinakita ng Panginoon ang katotohanan ng Kanyang sinabi sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Mag-anyaya ng ilang estudyante na gustong magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 5:17–22 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na ang patotoo ng Tatlong Saksi ay lalaganap sa mundo at magdadala ng kaparusahan sa mga taong patitigasin ang kanilang mga puso laban dito. Ipinaliwanag din ng Panginoon na ibubuhos ang kaparusahan sa mga tao sa mundo kung hindi sila magsisisi.
Doktrina at mga Tipan 5:23–35
Sinabihan ng Panginoon si Martin Harris na maaaring maging isa siya sa Tatlong Saksi kung magsisisi siya
Sabihin sa mga estudyante na isiping muli ang pagkakataon na ipinakita ng Panginoon ang katotohanan ng Kanyang mga salita sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Sabihin sa kanila na isulat sa isang pirasong papel ang ginawa nila upang matulungan ang kanilang sarili na matanggap ang pagpapatibay na iyon.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 5:23–25, at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Martin Harris na kailangan niyang gawin para magkaroon ng patotoo tungkol sa mga lamina.
-
Ano ang mga nakalagay sa listahan ninyo na katulad ng sinabi ng Panginoon kay Martin Harris sa mga talatang ito?
-
Batay sa sinabi ng Panginoon kay Martin Harris sa talata 24, anong alituntunin ang matututuhan natin para makatanggap tayo mismo ng patunay sa katotohanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung magpapakumbaba tayo at mananalangin sa Diyos nang may pananampalataya at tapat na puso, makatatanggap tayo ng patunay sa katotohanan.)
-
Ano ang ibig sabihin ng manalangin nang may pagpapakumbaba, pananampalataya, at katapatan?
-
Kailan kayo nakapagdasal nang may pagpapakumbaba, pananampalataya, at katapatan? Paano naiiba ang panalanging ito sa iba pang mga panalangin na narinig o sinambit ninyo?
Hikayatin ang mga estudyante na manalangin nang may pagpapakumbaba, pananampalataya, at katapatan upang matamo o mapalakas ang kanilang pagsaksi sa katotohanan.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 5:26–35 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Martin Harris na hangga’t hindi niya tinatanggap ang kanyang pagkakamali sa harapan ng Panginoon at sinusunod ang mga kautusan, hindi siya magkakaroon ng pribilehiyong makita ang mga lamina. Sinabi rin ng Panginoon kay Joseph Smith na itigil muna ang pagsasalin. Ipinangako ng Panginoon na padadalhan ng tulong si Joseph upang makapagsalin.
Doktrina at mga Tipan 17:1–9
Iniutos ng Panginoon sa Tatlong Saksi na magpatotoo tungkol sa mga lamina
Ipaliwanag na noong Abril 1829, ipinadala ng Panginoon si Oliver Cowdery para tumulong kay Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Pagsapit ng Hunyo 1829, sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay matatapos na sa pagsasalin habang naninirahan sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung saan humantong ang paghahayag na ito. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 17:1–2, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang kailangang gawin ng Tatlong Saksi para makita ang mga lamina at ano pa ang mga karagdagang bagay na ipinangako ng Panginoon na ipapakita sa kanila.
-
Ano ang kailangang gawin ng Tatlong Saksi upang makita ang mga lamina?
-
Maliban sa mga lamina, ano ang iba pang mga bagay ang ipinangako ng Panginoon na ipapakita sa kanila?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 17:3–6, at alamin ang magiging responsibilidad ng Tatlong Saksi matapos makita ang mga lamina.
-
Ayon sa talata 3, ano ang inasahan ng Panginoon kina Oliver, David, at Martin matapos maipakita sa kanila ang mga lamina?
-
Batay sa sinabi ng Panginoon sa Tatlong Saksi sa talata 3, ano ang ating responsibilidad pagkatapos nating matanggap ang patunay sa katotohanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Matapos tayong magtamo ng patunay sa katotohanan, may responsibilidad tayo na patotohanan ito.)
-
Sa inyong palagay, bakit iniuutos sa atin ng Panginoon na magpatotoo sa katotohanan matapos tayong magkaroon ng patotoo tungkol dito?
-
Kailan kayo nakadama ng pasasalamat dahil naibahagi ninyo sa ibang tao ang inyong patotoo sa katotohanan?
-
Paano napagpala ang inyong buhay ng ibang tao na nagbahagi at nagpatotoo sa katotohanan matapos nilang matanggap ang kanilang patotoo?
Ipaliwanag na matapos matanggap ang paghahayag na ito, sina Joseph Smith, Martin Harris, David Whitmer at Oliver Cowdery ay nagtungo sa kakahuyan malapit sa bahay ng mga Whitmer sa Fayette, New York, upang idalangin na matanggap nila ang ipinangakong patunay. Bilang sagot sa kanilang panalangin, nakita nila ang isang anghel na hawak-hawak ang mga lamina, at narinig nila ang tinig ng Diyos na ipinahahayag na ang Aklat ni Mormon ay naisalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (“Ang patotoo ng Tatlong Saksi,” Aklat ni Mormon). Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” ay nailathala sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon mula nang unang ilathala ito.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga katotohanang mapapatotohanan nila. Hikayatin sila na mangako na ibabahagi nila ang kanilang patotoo sa katotohanan sa ibang tao.