Institute
Lesson 37: Doktrina at mga Tipan 94–97


“Lesson 37: Doktrina at mga Tipan 94–97,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 37,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 37

Doktrina at mga Tipan 94–97

Pambungad at Timeline

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 94, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magplano para sa lunsod ng Kirtland “alinsunod sa huwaran” na ibinigay Niya sa kanila (D at T 94:2). Iniutos din ng Panginoon sa mga Banal sa Kirtland na magtayo ng isang bahay para sa Panguluhan ng Simbahan at isang palimbagan.

Sa isang paghahayag na ibinigay noong Disyembre 27–28, 1832, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Kirtland, Ohio (tingnan sa D at T 88:119). Makalipas ang mahigit limang buwan, hindi pa rin sinimulan ng mga lider at miyembro ng Simbahan ang pagtatayo ng templo. Noong Hunyo 1, 1833, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 95, kung saan matinding pinarusahan at pinagsabihan ng Panginoon ang mga Banal sa Kirtland dahil sa pagpapaliban ng pagtatayo ng templo. Nangako rin Siya na pagkakalooban Niya ng kapangyarihan ang mga Banal sa templo at nagbigay ng mga tagubilin hinggil sa pagtatayo nito.

Noong Hunyo 4, 1833, nagpulong ang ilang high priest upang talakayin kung paano gagamitin at pamamahalaan ang nabiling Peter French farm. Dahil hindi magkasundo, nagtanong sila sa Panginoon, at bilang tugon, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 96. Sa paghahayag na ito, binigyan ng Panginoon si Bishop Newel K. Whitney ng responsibilidad na pamahalaan ang French farm, kasama rito ang lupain kung saan itatayo ang Kirtland Temple, at itinalaga si John Johnson bilang miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm.

Noong tag-init ng 1833, bilang pagsunod sa mga utos ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88, ang mga lider ng Simbahan sa Missouri ay nagtatag ng isang paaralan na katulad ng sa Paaralan ng mga Propeta, na nasa Kirtland, Ohio. Sa mga unang araw ng Hulyo ang mga lider ng Simbahan na ito ay sumulat kay Propetang Joseph Smith na humihingi ng karagdagang payo hinggil sa paaralang ito. Ang Panguluhan ng Simbahan ay nagpadala ng sagot noong Agosto 6, 1833, kasama ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 94; 97–98. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 97, iniutos ng Panginoon sa mga Banal sa Missouri na “kaagad” magtayo ng templo sa Missouri (D at T 97:11) at inilarawan ang mga pagpapalang matatanggap nila sa paggawa nito. Nagbabala rin ang Panginoon sa mga Banal na makararanas sila ng “matinding pagpapahirap” kapag hindi nila sinunod ang Kanyang mga kautusan (D at T 97:26).

Paalala: Itinama sa 2013 edition ng mga banal na kasulatan ang petsa na nagsasaad kung kailan natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 94. Tatalakayin sa lesson na ito ang mga bahagi 94–97 ayon sa kung kailan natanggap ang mga ito (95, 96, 97, 94) sa halip na ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito sa Doktrina at mga Tipan.

Disyembre 27–28, 1832Iniutos ng Panginoon sa mga Banal sa Kirtland, Ohio, na magtayo ng templo.

Abril 10, 1833Binili ng Simbahan ang 103 acres ng lupa sa Kirtland mula kay Peter French.

Hunyo 1, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 95.

Hunyo 4, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 96.

Hulyo 20, 1833Winasak ng mga mandurumog sa Independence, Missouri, ang palimbagan at binuhusan ng alkitran at balahibo sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen.

Hulyo 23, 1833Sa pagbabanta ng karahasan ng mga mandurumog, nilagdaan ng mga lider ng Simbahan sa Missouri ang kasunduan na lilisanin ng lahat ng Mormon ang Jackson County pagsapit ng Abril 1, 1834.

Agosto 2, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 97 at 94.

Agosto 6, 1833Ang Panguluhan ng Simbahan ay nagpadala ng sulat sa mga lider ng Simbahan sa Missouri at isinama ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 94; 97–98.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 95:1–17

Pinarusahan at pinagsabihan ng Panginoon ang mga Banal dahil sa pagpapaliban ng pagtatayo ng templo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na iniwasto sila ng isang tao.

  • Ano ang gagawin ninyo kapag iniwasto kayo ng ibang tao?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit dapat nating hangaring iwasto ang ating buhay?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 95 na tutulong sa kanila na maunawaan kung bakit dapat nating hingin ang pagwawasto ng Diyos.

Isulat sa pisara ang Disyembre 27–28, 1832. Ipaalala sa mga estudyante na sa mga petsang ito natanggap ni Propetang Joseph Smith ang isang paghahayag kung saan iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng “isang bahay ng Diyos” (D at T 88:119), o isang templo.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 95, at alamin ang petsa kung kailan ibinigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 95. Sabihin sa kanila na kalkulahin kung gaano katagal ang pagitan ng dalawang paghahayag na ito. Ipaliwanag na sa panahong ito, ang mga lider ng Simbahan ay nakabili ng lupain para sa templo at bumuo ng komite para sa pagtatayo ng templo. Gayunman, pagsapit ng Hunyo 1, 1833, hindi pa rin sinimulan ng mga Banal ang pagtatayo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 95:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa pagpapaliban ng mga Banal sa pagtatayo ng templo.

  • Ayon sa talata 2, ano ang sinabi ng Panginoon na kailangang mangyari dahil ipinagpaliban ng mga Banal ang pagtatayo ng templo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ang kahulugan ng parusahan ay disiplinahin o iwasto.)

  • Anong doktrina ang matutukoy natin mula sa talata 1 tungkol sa kung bakit pinarurusahan ng Panginoon ang mga taong minamahal Niya? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Pinarurusahan ng Panginoon ang mga minamahal Niya upang sila ay mapatawad sa kanilang mga kaslaanan.)

  • Sa inyong palagay, paano nagpapakita ang pagpaparusa ng Panginoon ng Kanyang pagmamahal sa atin?

Ipaliwanag na kapag pinarurusahan o pinagsasabihan tayo ng Panginoon maaari nating piliing tanggapin o hindi tanggapin ang pagwawastong iyon. Magpatotoo na kung pipiliin nating tanggapin ang pagwawastong iyon sa pamamagitan ng pagsisisi, patatawarin tayo ng Panginoon at maghahanda Siya ng daan para sa ating “ikaliligtas sa lahat ng bagay” (D at T 95:1).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 95:4–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Kirtland.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Sa mga templo, inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod upang magawa ang Kanyang gawain at mapagkalooban sila ng kapangyarihan.)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng magkaloob ay bigyan ang isang tao ng isang kaloob. Sa mga talatang ito, ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na Siya ay magkakaloob, o magbibigay sa kanila sa templo ng kaloob na espirituwal na kapangyarihan. Ang pangako ring ito ay ibibigay sa lahat ng karapat-dapat na mga Banal ngayon kapag pumasok sila sa mga sagradong tipan sa Panginoon sa Kanyang mga banal na templo.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pagkakaloob ng espirituwal na kapangyarihan na matatanggap natin sa templo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay pumunta sa templo, kapwa sila pinagkakalooban ng kapangyarihan. …

“… Lahat ng gumawa ng sagradong mga tipan sa Panginoon at tumutupad sa mga tipang iyon ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag, mapaglingkuran ng mga anghel, makipag-ugnayan sa Diyos, makatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo, at, sa huli, maging mga tagapagmana na kasama ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama” (M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,”Liahona, Set. 2014, 32).

Ipaliwanag na ang pagtatayo ng Kirtland Temple ay isang napakalaking gawain para sa mga Banal. Sa mga unang buwan ng 1833, kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan sa Ohio, at karamihan sa kanila ay napakahirap.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 95:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung susundin nila ang Kanyang mga kautusan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talata 11? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang mga kautusan, tayo ay magkakaroon ng kakayahan na magawa ang iniuutos ng Panginoon sa atin.)

  • Ano ang ilang sitwasyon na maaari ninyong maranasan kung saan magagamit ninyo ang alituntuning ito?

  • Kailan ninyo nadama na natanggap ninyo ang tulong ng Panginoon sa paggawa ng isang mahirap na bagay dahil sinunod ninyo ang mga kautusan?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 95:13–17 na ipinaliliwanag na nagbigay ang Panginoon ng mga instruksyon hinggil sa sukat at gamit ng mga partikular na silid sa Kirtland Temple.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 95:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang isang paraan na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang ipinangako na bibigyan ang mga Banal ng kakayahan na maitayo ang templo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na ang tatlong tao na itinalaga ay sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams, na Panguluhan ng High Priesthood, o Unang Panguluhan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano natupad ang pangakong ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams ay magkasamang nanalangin at nakita ang templo sa pangitain. Kalaunan ay ginunita ni Frederick G. Williams na matapos nilang makita nang detalyado ang panlabas na hitsura ng templo, “parang lumapit ang gusali sa mismong harapan [nila]” at nakita nila ang hitsura ng loob ng templo na parang naroon sila mismo sa loob nito (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 317).

Doktrina at mga Tipan 96:1–9

Ang bishop ay itinalaga upang pangasiwaan ang lahat ng ari-arian ng Simbahan

Ipaalam sa mga estudyante na noong Abril 10, 1833, binili ng mga lider ng Simbahan ang sakahan ni Peter French sa Kirtland, Ohio. Sa isang pagpupulong ng mga high priest noong Hunyo 4, 1833, hindi magkasundo ang kapulungan kung paano gagamitin o pamamahalaan ang sakahang ito. Nagkasundo ang mga miyembro ng kapulungan na magtanong sa Panginoon, at dahil dito natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 96. Sa paghahayag na ito, itinalaga ng Panginoon si Bishop Newel K. Whitney na pamahalaan ang sakahan, inihayag na ang templo ay dapat itayo sa isang bahagi ng lupain, at itinalaga si John Johnson bilang miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm.

Doktrina at mga Tipan 97:1–28

Binigyang-diin din ng Panginoon ang Kanyang kagustuhang magtayo ng templo ang mga Banal sa Missouri

Kung maaari, magpakita ng isang larawan ng templo na nasa malayong lugar mula sa tinitirhan ng iyong mga estudyante.

  • Sa inyong palagay, bakit nais ng Panginoon na makapunta ang Kanyang mga karapat-dapat na anak sa Kanyang mga templo?

Sabihin sa mga estudyante na hindi lamang nais ng Panginoon na magtayo ng isang templo sa Kirtland, Ohio, ngunit nais din Niyang magtayo ang mga Banal ng isang templo sa Sion, o Independence, Missouri. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng doktrina habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 97 na tutulong sa kanila na mas maunawaan kung bakit iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo at sambahin Siya sa mga templo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 97, at sabihin sa klase na pansinin kung kailan ibinigay ang paghahayag na ito at anong mahalagang pangyayari ang naganap kamakailan sa Missouri.

  • Mahigit isang linggo bago ibinigay ang paghahayag na ito, ano ang nangyari sa mga Banal? (Sabihin sa mga estudyante na ang balita tungkol sa pwersahang kasunduan na lilisanin ng mga Banal ang Jackson County ay hindi pa nakarating kay Propetang Joseph Smith nang ibigay ang paghahayag na ito.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 97:1–9 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga Banal na nalulugod Siya na nagtatag sila ng isang paaralan ng mga elder sa Sion, na iniutos Niya noon sa kanila (tingnan sa D at T 88). Nalugod din ang Panginoon kay Parley P. Pratt, na namumuno sa paaralan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng mga tagubilin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 97:10–14, ipaliwanag na ang Propeta at kanyang mga tagapayo ay nagpadala na noon pa ng liham sa mga Banal sa Missouri, na nag-uutos sa kanila na kaagad simulan ang pagtatayo ng templo sa Independence, Missouri. Ang liham ay naglalaman din ng mga tagubilin at mga drowing na nagdedetalye kung ano ang dapat na hitsura ng loob ng templo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:10–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga dahilan kung bakit nais ng Panginoon na magtayo ng templo sa Sion ang mga Banal.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Sion?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 97:15–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung magtatayo sila ng templo.

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung magtatayo sila ng templo?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “may dalisay na puso” (mga talata 16, 21)?

  • Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa talata 16 tungkol sa mararanasan ng mga tao na may dalisay na puso sa loob ng templo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrina na tulad ng sumusunod: Sa templo, ipakikita ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga tao na may dalisay na puso.)

  • Ano ang ilang paraan na ipakikita ng Diyos ang Kanyang sarili sa templo?

  • Paano kayo napagpala sa pagpasok ninyo sa templo nang karapat-dapat?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 97:22–28 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga Banal na parurusahan Niya ang masasama at na ang Sion ay makatatakas at mapagpapala kung susunod ang mga Banal sa Kanyang salita. Gayunpaman, kung hindi nila gagawin ang iniutos ng Diyos, daranas ang mga miyembro ng Simbahan ng “matinding pagpapahirap” (talata 26).

Doktrina at mga Tipan 94:1–17

Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin para sa pagtatayo ng mga gusali ng Simbahan at pinagtibay ang pangangailangang magtayo ng templo

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 94 na ipinaliliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga Banal na isaayos ang lunsod ng Kirtland “alinsunod sa huwarang” ibinigay Niya sa kanila. Bukod sa utos sa mga Banal na magtayo ng templo, iniutos din ng Panginoon sa kanila na magtayo ng isang bahay para sa Panguluhan ng Simbahan at ng isang palimbagan.

Patotohanan ang kapangyarihan at mga pagpapala na matatamo natin sa bahay ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin para mapadalisay ang kanilang sarili at makapunta sa templo nang regular upang matanggap nila ang mga dakilang pagpapala na ipinangako ng Panginoon.

Print