Lesson 12
Doktrina at mga Tipan 29
Pambungad at Timeline
Noong Setyembre 1830, bago ginanap ang ikalawang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York, inasahan ng ilang miyembro ng Simbahan na malapit nang matupad ang mga propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa Sion at ang pagtitipon ng mga hinirang ng Diyos. Isang grupo ng anim na elder at tatlo pang miyembro ng Simbahan ang nagpulong at nagtanong sa Panginoon tungkol sa mga propesiyang ito. Bilang tugon sa kanilang pagtatanong, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29. Sa paghahayag na ito, itinuro sa kanila ng Panginoon ang tungkol sa pagtitipon ng mga hinirang ng Tagapagligtas bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito at ang ating pagkatubos mula sa Pagkahulog nina Adan at Eva sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Hunyo–Oktubre 1830Idinikta ni Joseph Smith ang Moises 1–5 habang ginagawa niya ang inspiradong pagsasalin ng mga unang kabanata ng Genesis.
-
Agosto–Setyembre 1830Ang mga miyembro ng Simbahan ay nalito sa di-umano’y mga paghahayag ni Hiram Page.
-
Setyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 29.
-
Setyembre 1830Ang Doktrina at mga Tipan 28 ay natanggap (maaaring matapos matanggap ang Doktrina at mga Tipan 29).
-
Setyembre 26–28, 1830Idinaos ang ikalawang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York.
-
Oktubre 1830Umalis si Oliver Cowdery at ang kanyang mga missionary companion para magmisyon sa mga Lamanita.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 29:1–29
Titipunin ni Jesucristo ang mga hinirang sa paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito
Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: pagdurusa at kapanglawan.
Kapag nagsimula na ang klase, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano magagamit ang mga salitang ito upang ilarawan ang ating panahon at mga araw hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ipaliwanag na bagama’t maaaring mabalisa ang ilang tao sa pagdurusa at kapanglawan na nangyayari at mangyayari sa daigdig, naghayag ang Panginoon ng mga katotohanan na gagabay at tutulong sa atin sa mahihirap na panahong ito. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 29 na nagtuturo kung ano ang dapat nilang gawin para maprotektahan mula sa mga panahon ng pagdurusa at kapanglawan at mapaghandaan ang mga ito.
Ipaliwanag na noong Setyembre 1830, bago ginanap ang isang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York, anim na elder at tatlo pang miyembro ng Simbahan ang nagtipon upang talakayin ang ilang paksa, kabilang ang paglabag nina Adan at Eva at ang propesiya tungkol sa pagtatatag ng Sion (tingnan sa Isaias 52:8; 3 Nephi 16:18; 21:22–24.) Sila ay nagkaisang nanalangin hinggil sa mga paksang ito, at bilang tugon, ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya para sa Kanyang mga tao.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya para sa Kanyang mga tao?
Magpakita sa mga estudyante ng isang larawan ng inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw.
-
Paano maitutulad ang Tagapaglitas sa inahing manok na nagtitipon ng mga sisiw nito sa ilalim ng mga pakpak nito? (Nais ng Panginoon na tipunin at protektahan tayo dahil mahal Niya tayo.)
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 2 hinggil sa dapat nating gawin upang matipon ng Tagapagligtas? (Bagama’t maaari silang gumamit ng ibang salita, dapat matukoy ng mga estudyante na kapag nakinig tayo sa tinig ng Tagapagligtas, nagpakumbaba ng ating sarili, at nagsumamo sa Diyos sa panalangin, titipunin at poprotektahan tayo ng Tagapagligtas. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “makikinig” sa tinig ng Tagapagligtas?
-
Ano ang ilang bagay na kailangang maprotektahan tayo sa ating panahon?
Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 29:3–8, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga elder.
-
Ayon sa talata 4, 7–8, ano ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga elder? (Ipahayag ang ebanghelyo upang matipon ang mga hinirang ng Panginoon.)
Ipaliwanag na noong ibigay ang paghahayag na ito, kaunti pa lang ang mga miyembro ng Simbahan at iniutos sa mga Banal na magtipon sa “isang lugar” (D at T 29:8). Gayunman, sa patuloy na pagdami ng mga miyembro ng Simbahan, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na manatili sa kanilang sariling lupain at magtipon sa kani-kanyang lugar. Ngayon, nagtitipon tayo kasama ang iba pang mga Banal sa mga stake ng Sion kung saan tayo nakatira.
-
Ayon sa talata 7, paano inilarawan ng Panginoon ang mga hinirang?
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang doktrinang itinuro sa talata 8 hinggil sa dahilan kung bakit tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga hinirang. (Dapat matukoy ng mga estudyante na tinitipon ng Panginoon ang mga hinirang upang sila ay maging handa sa lahat ng bagay para sa panahon ng pagdurusa at kapanglawan na darating sa masasama. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maging handa sa lahat ng bagay” (talata 8)?
-
Sa inyong palagay, bakit makatutulong sa atin ang pagtitipon kasama ang ibang mga Banal sa paghahanda natin sa panahon ng pagdurusa?
-
Saang mga lugar tayo ngayon natitipon bilang mga Banal na tutulong sa atin na mapaghandaan ang pagdurusa?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 29:9–13 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito ipinahayag ng Tagapagligtas na muli Siyang magbabalik sa mundo sa “kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (talata 11), na ang masasama ay masusunog sa Kanyang pagdating, at ang mabubuti ay mananahan kasama Niya nang isandaang libong taon sa mundo.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 29:14–21, at alamin ang mga pagdurusa na magaganap sa mga huling araw. Bago magbasa ang mga estudyante, ipaliwanag na karamihan sa inilarawan sa talata 18–21 ay mangyayari sa masasamang hukbo na nagtipon laban sa Israel sa huling digmaan ng Armagedon (tingnan sa D at T 29:21; tingnan din sa mga chapter heading ng Ezekiel 36–39 at ng Zacarias 12–14). Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Bakit gugustuhin ninyong matipon bilang isa sa mga hinirang ng Tagapagligtas kapag nangyari ang mga pagdurusang ito?
Ipaliwanag na kahit na titipunin ang mga hinirang at naghanda para sa pagdurusa sa mga huling araw, hindi ibig sabihin nito ay matatakasan na nila ang lahat ng paghihirap. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844), na nagpaliwanag kung bakit ang ilan sa mabubuti ay maaapektuhan ng mga pangyayari sa mga huling araw:
“Maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay bahagyang makakatakas’ [tingnan sa D at T 63:34]; gayunman maraming Banal ang makakatakas, sapagkat ang mga matwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Habacuc 2:4]; subalit maraming mabubuting magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 294).
Magpatotoo na kung pipiliin nating matipon sa Panginoon, magiging handa tayo sa mga pagdurusa at kapanglawan na mangyayari sa mga huling araw.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:17, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang mangyayari sa mga taong ayaw magsisi at makinig sa tinig ng Panginoon.
-
Ayon sa talata 17, ano ang mangyayari sa mga taong ayaw magsisi at makinig sa tinig ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Kung hindi tayo magsisisi at makikinig sa tinig ng Panginoon, hindi tayo malilinis ng Kanyang nagbabayad-salang dugo.)
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano natin maririnig ang tinig ng Panginoon? (Maaaring kasama sa posibleng mga sagot ang pagsunod sa buhay na propeta, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo.)
-
Ano ang ilan sa mga bunga ng hindi pagiging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, ibuod ang Doktrina at mga Tipan 29:22–29 na ipinapaliwanag na inihayag ng Panginoon kung ano ang mangyayari sa katapusan ng Milenyo, pati na ang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay at ang Huling Paghuhukom sa mabubuti at masasama. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang paglalarawan ng Panginoon sa Huling Paghuhukom sa talata 27.
-
Ano ang mangyayari sa mga taong nalinis sa kanilang mga kasalanan? Ano ang mangyayari sa mga hindi nalinis at nanatili sa kanilang mga kasalanan?
Magpatotoo na ang pinakamahalagang paghahanda na magagawa ng isang tao para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at para sa Huling Paghuhukom ay ang makinig sa Tagapagligtas, magsisi, at maging malinis mula sa kasalanan.
Ipabasa muli nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:4, 7. Ituon ang pansin ng mga estudyante sa tatlong alituntunin na nakasulat sa pisara, at itanong:
-
Bakit napakahalaga ng utos ng Panginoon na ipahayag ang ebanghelyo at tumulong sa pagtipon ng Kanyang mga hinirang batay sa mga katotohanang ito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para matipon sa Panginoon at para matulungan din ang iba na matipon sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan. Hikayatin sila na gawin ang anumang pahiwatig na matanggap nila.
Doktrina at mga Tipan 29:30–50
Inihayag ng Tagapagligtas na tinubos Niya tayo mula sa Pagkahulog at binibigyan Niya tayo ng kaligtasan mula sa ating mga kasalanan
Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 29 ay tugon sa maliit na grupo ng mga elder at iba pang mga miyembro ng Simbahan na nagtipon upang talakayin ang ilang paksa ng doktrina, kabilang ang Pagkahulog nina Adan at Eva. May ilan sa grupo na iba ang pananaw tungkol sa paglabag nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden.
Isulat sa pisara ang salitang Paglikha. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:30–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Paglikha.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga turo sa mga talatang ito, sabihin sa kanila na pagkatapos makumpleto ang Paglikha, sina Adan at Eva, ang mundo, at lahat ng bagay sa mundo ay nasa espirituwal na kalagayan. Ibig sabihin nito ay kahit may pisikal na katawan sina Adan at Eva, hindi sila mortal (hindi daranas ng kamatayan) at makapananahan sa piling ng Diyos magpakailanman. Gayunman, bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, lahat ng Kanyang mga nilikha ay naging temporal, o mortal, dahil sa Pagkahulog. Pagkatapos ng Pagkabuhay na mag-uli, babalik sila sa espirituwal na kalagayan—pisikal ngunit imortal din.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:34–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang mga kautusan, pati na ang iniutos Niya kina Adan at Eva sa Halaman ng Eden na huwag kainin ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa lahat ng kautusan ng Diyos, pati sa iniutos Niya kina Adan at Eva na huwag kainin ang bunga?
Isulat sa pisara ang Ang Pagkahulog, at sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 29:36–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva.
-
Ano ang ilang kinahihinatnan ng Pagkahulog? (Higit sa lahat, dahil sa Pagkahulog tayo ay daranas ng espirituwal at pisikal na kamatayan.)
Ipaliwanag na sa talata 41 itinuro ng Panginoon na dahil sa paglabag nina Adan at Eva, sila ay pinaalis sa Halamanan ng Eden at sa presensya ng Panginoon. Ang pagkahiwalay sa presensya ng Diyos ay tinatawag na espirituwal na kamatayan. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ay mabubuhay na mag-uli at ibabalik sa presensya ng Diyos upang hatulan. Ang mga taong sadyang naghimagsik laban sa katotohanan ay iwawaksi sa kinaroroonan ng Diyos at daranas ng pangalawang espirituwal na kamatayan.
Isulat sa pisara ang salitang Pagbabayad-sala. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:42–45, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya para kay Adan at sa kanyang mga binhi. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talata 42–43 ano ang ibibigay ng Tagapagligtas sa mga taong may pananampalataya sa Kanya at nagsisi ng kanilang mga kasalanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay magbibigay ng kapatawaran at buhay na walang hanggan sa lahat ng mananampalataya sa Kanya at magsisisi ng kanilang mga kasalanan.)
-
Ayon sa talata 44–45, ano ang mangyayari sa mga taong hindi nagsisisi ng kanilang mga kasalanan?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 29:46–50 na ipinapaliwanag na ipinahayag ng Tagapagligtas na dahil hindi mananagot ang maliliit na bata at yaong walang kakayahang makaunawa, sila rin ay matutubos sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Magpatotoo na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaraig ng bawat isa sa atin ang temporal na kamatayan sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapaglalabanan din natin ang espirituwal na kamatayan kung tayo ay magsisisi sa ating mga kasalanan at makikinig sa tinig ng Tagapagligtas.
Sabihin sa mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa araw na ito sa pamamagitan ng pagpiling makinig sa tinig ng Tagapagligtas, magsisi sa kanilang mga kasalanan, at matipon sa Kanya.