“Lesson 30: Doktrina at mga Tipan 81–83,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 30,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 30
Doktrina at mga Tipan 81–83
Pambungad at Timeline
Noong Marso 8, 1832, tinawag ni Propetang Joseph Smith sina Jesse Gause at Sidney Rigdon na maglingkod bilang kanyang mga tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote [Panguluhan ng High Priesthood]. Noong Marso 15, 1832, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 81, kung saan nilinaw ng Panginoon ang mga tungkulin ni Brother Gause bilang tagapayo ni Joseph Smith. Gayunman, hindi nanatiling tapat si Jesse Gause, at kalauna’y tinawag ng Panginoon si Frederick G. Williams, na ang pangalan ay makikita ngayon sa Doctrine and Covenants 81, para humalili kay Brother Gause sa Panguluhan.
Noong Abril 1832, si Propetang Joseph Smith at ang iba pa ay naglakbay patungo sa Independence, Missouri, sinusunod ang utos ng Panginoon na magtatag ng organisasyon upang maitayo ang Sion at pangalagaan ang mga maralita (tingnan sa D at T 78). Habang naroon, nakatanggap ang Propeta ng dalawang paghahayag. Noong Abril 26, sa isang pulong ng mga high priest at elder ng Simbahan sa Independence, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 82, kung saan pinatawad ng Panginoon ang mga kapatid na ito sa kanilang mga pagkakasala at binalaan sila na huwag nang magkasala pa. Nagtagubilin din Siya sa mga miyembro ng United Firm na ibuklod nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng tipan upang pamahalaan ang temporal na kapakanan ng Sion. Pagkaraan ng apat na araw, si Joseph Smith ay tumanggap ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 83, kung saan nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin tungkol sa pangangalaga ng mga balo, ulila, at maralita.
-
Enero 25, 1832Si Joseph Smith ay naorden bilang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote [Pangulo ng High Priesthood] sa Amherst, Ohio.
-
Marso 8, 1832Hinirang ni Joseph Smith sina Sidney Rigdon at Jesse Gause bilang kanyang mga tagapayo sa Panguluhan ng High Priesthood.
-
Marso 15, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 81.
-
Marso 24–25, 1832Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay dinukot sa gabi at binugbog nang todo ng mga mandurumog sa Hiram, Ohio.
-
Marso 29, 1832Namatay si Joseph Murdock Smith, ampon na anak nina Joseph at Emma Smith.
-
Abril 1–24, 1832Si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ay naglakbay patungong Independence, Missouri.
-
Abril 26, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 82.
-
Abril 30, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 83.
-
Mayo–Hunyo, 1832Nanirahan si Joseph Smith kasama ni Newel K. sa Greenville, Indiana nang ilang linggo. Nabalian ng paa at binti si Newel habang lumulundag mula sa tumatakbong karwahe sa kanyang biyahe pabalik sa Ohio.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 81
Inilatag ng Panginoon ang tungkulin ng mga tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong bago magklase:
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na nasa pisara. Bilang bahagi ng talakayan, ipaliwanag na bagama’t maaaring makatanggap ang mga lider ng Simbahan ng inspirasyon na tawagin ang isang tao sa isang partikular na tungkulin, nakasalalay pa rin sa taong iyon ang matapat na pagtupad sa tungkulin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading para sa Doktrina at mga Tipan 81. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang isang taong tinawag ng Panginoon ngunit hindi naging tapat sa kanyang tungkulin.
-
Sino ang unang tinawag ng Panginoon na maglingkod bilang tagapayo ni Joseph Smith?
-
Bakit inalis si Jesse Gause sa kanyang katungkulan?
Bigyan ng kopya ang isang estudyante ng sumusunod na impormasyon tungkol kay Jesse Gause, at ipabasa ito nang malakas sa kanya:
Tinawag si Jesse Gause bilang tagapayo ni Propetang Joseph Smith noong Marso 1832. Noong Agosto 1, 1832, nagmisyon siya kasama ni Zebedee Coltrin. Habang nasa misyon siya, binisita ni Brother Gause ang kanyang asawa at sinikap na makumbinsi ito sa katotohanan, ngunit tumanggi itong sumapi sa Simbahan. Di-nagtagal, nagkasakit nang malubha si Brother Coltrin at bumalik sa Kirtland. Sa kasawiang-palad, pinili ni Brother Gause na huwag tapusin ang kanyang misyon at hindi nanatiling tapat sa Simbahan. Noong Enero 1833, tinawag ng Panginoon si Frederick G. Williams na humalili kay Jesse Gause bilang tagapayo, at ang pangalan ni Frederick ay isinulat sa pagkakasipi ng paghahayag na ito bilang kahalili ni Jesse. Ang paghahayag ay inilathala kasama ang pangalan ni Frederick sa 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan (at sa lahat ng sumunod na mga edisyon). Bagama’t binago ang pangalan, ang mga tagubilin sa paghahayag tungkol sa tungkulin ng isang tagapayo ay nanatiling tama dahil naaangkop ito sa tungkulin, hindi lamang ang taong pinangalanan.
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang sumusunod na parirala sa section heading: “Ang paghahayag … ay dapat na ituring na hakbang tungo sa pormal na pagtatatag ng Unang Panguluhan.” Ipaliwanag na hindi inihayag ng Panginoon ang kumpletong organisasyon ng Kanyang Simbahan sa Propeta nang sabay-sabay. Inihayag Niya ang iba’t ibang bahagi ng organisasyon sa mga pagkakataong kailangan na ito at kapag handa na ang mga Banal na tanggapin ang mga ito. Kung kaya’t ang Pangulo ng Simbahan at ang kanyang mga tagapayo (ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote) ay hindi agad tinawag na “Unang Panguluhan” kundi pagkalipas pa ng ilang panahon. Ang una ay dokumentado ng paggamit ng mga katagang “Unang Panguluhan” ay noong tag-init ng 1835 (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, ed. Matthew C. Godfrey at iba pa [2016], 357, footnote 733; tingnan sa also xxvi, footnote 61).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Frederick G. Williams tungkol sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote.
-
Ayon sa talata 2, ano ang hawak ng Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrina na tulad ng sumusunod: Hawak ng Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, idispley ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagtataglay ng lahat ng susi na kailangan para pangasiwaan ang Simbahan. Ang Pangulo ng Simbahan ang tanging may karapatang gamitin ang lahat ng susing iyon. Ipinagkakatiwala niya ang mga susing ito sa iba pang namumuno sa Simbahan—sa mga temple president, mission president, stake president, district president, bishop, branch president, at pangulo ng korum, kabilang na ang mga pangulo ng mga korum ng deacon at teacher” (“Priesthood Keys,” New Era, Mayo 2012, 38–39).
-
Ano ang magagawa ng Unang Panguluhan gamit ang mga susi ng priesthood? (Pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa lupa.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:3–5, na inaalam ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Frederick G. Williams tungkol sa tungkulin niya.
-
Ano ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Frederick G. Williams?
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Frederick G. Williams kung magiging tapat siya sa kanyang tungkulin?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pangako ng Panginoon kay Frederick G. Williams? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung tayo ay tapat sa ating mga tungkulin, tayo ay gagawa ng mabuti para sa ating mga pinaglilingkuran at itataguyod ang kaluwalhatian ng Diyos.)
-
Paano nakatutulong ang paglilingkod natin nang tapat sa ating mga tungkulin para makagawa tayo ng mabuti sa ating mga pinaglilingkuran? Paano nito itinataguyod ang kaluwalhatian ng Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng karanasan kung kailan pinagpala sila dahil may isang taong naglingkod nang tapat sa kanyang tungkulin.
Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging higit na matapat sa kanilang tungkulin. Sabihin sa kanila na kumilos ayon sa anumang inspirasyong natatanggap nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Frederick G. Williams kung magiging tapat siya hanggang wakas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Patingnan sa mga estudyante ang mga tanong na nasa pisara, at itanong kung paano nila madaragdagan ang kanilang mga sagot batay sa mga natutuhan nila. Patotohanan ang kahalagahan ng pagiging tapat sa ating mga tungkulin at pagtulong sa mga nasa paligid natin.
Doktrina at mga Tipan 82:1–7
Binalaan ng Panginoon ang mga taong nakatanggap nang marami mula sa Kanya
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 82, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Ilang buwan na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Sidney Rigdon na nasa Ohio at Bishop Edward Partridge na nasa Missouri. Noong Abril 1832, si Propetang Joseph Smith at ilang lider ng Simbahan ay naglakbay mula Ohio patungong Jackson County, Missouri, bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na “umupo sa kapulungan ng mga banal na nasa Sion” (D at T 78:9). Sa kanilang pagdating, nagdaos ng dalawang araw na kapulungan ng mga high priest ng Simbahan. Sa pagitan ng mga sesyon sa umaga at sa hapon ng unang araw ng kapulungan, inayos nina Sidney Rigdon at Edward Partridge ang kanilang alitan. Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 82 ay natanggap sa sesyon sa hapon. (Tingnan saThe Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, ed. Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 229–34.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:1, na inaalam kung ano ang sinabi ng Panginoon kina Sidney Rigdon at Edward Partridge tungkol sa paglutas sa kanilang alitan. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman niya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang babalang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung hindi sila titigil sa paggawa ng kasalanan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dahilan kung bakit ang mga kahatulang binanggit sa talata 2 ay sasapit sa mga patuloy na gumagawa ng kasalanan.
-
Ayon sa mga talatang ito, bakit sasapit ang paghuhukom sa mga Banal na patuloy na nagkakasala?
-
Anong mga katotohanang batay sa doktrina ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pananagutan sa talata 3? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga pahayag ng doktrina na tulad ng sumusunod: Mas malaki ang hihingin ng Panginoon sa mga taong pinagkalooban Niya ng mas marami. Sila na nagkasala laban sa mas dakilang liwanag ay tatanggap ng mas malaking kaparusahan.)
-
Ayon sa talata 4, paano nagkasala ang mga Banal laban sa mas dakilang liwanag?
-
Sa palagay ninyo, bakit mas marami ang hihingin sa mga tumanggap nang mas marami mula sa Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon at pag-isipang mabuti kung ano sa palagay nila ang inaasahan ng Panginoon na gagawin nila dahil natanggap nila ang mga pagpapalang iyon. Hikayatin sila na gawin ang anumang pahiwatig na matatanggap nila.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 82:5–7 na ipinaliliwanag na nagbabala ang Panginoon sa mga Banal na ang kapangyarihan ni Satanas sa buong mundo ay lalo pang lumalakas. Itinuro din Niya na kapag sadya tayong bumaling sa kasalanan mula sa kabutihan, ang mga dati nating kasalanan ay magbabalik.
Doktrina at mga Tipan 82:8–24
Iniutos ng Panginoon sa siyam na kalalakihan na magtatag ng isang kumpanya na mangangasiwa sa mga temporal na kapakanan ng Simbahan
Ipaliwanag na matapos balaan ng Panginoon ang kapulungan ng mga high priest tungkol sa mga kahatulan ng Diyos at patuloy na paglakas ng kapangyarihan ni Satanas sa lupa, Siya ay nagbigay rin ng isang pangako para sa mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pangako ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na tinutukoy ng pariralang “bagong kautusan” sa talata 8 ang karagdagang paghahayag na ibibigay ng Panginoon kung paano pamamahalaan ang United Firm.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talata 8–9 kung bakit nagbibigay ng mga kautusan ang Panginoon?
-
Ano ang ipinapangako ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung masunurin tayo sa mga kautusan ng Panginoon, tutuparin Niya ang Kanyang pangako na pagpapalain tayo sa tuwina.)
-
Ano ang mangyayari kung hindi natin gagawin ang ipinag-uutos ng Panginoon?
-
Paano makaiimpluwensya sa ating mga mithiin at desisyon ang pagkakaroon ng paniniwala sa alituntuning ito?
Bigyang-diin na ang mga pangako ng Panginoon ay hindi laging natutupad kung kailan o sa paraang inaasam o inaasahan natin, ni tinitiyak nito na hindi na tayo makararanas ng paghihirap o pagdurusa. Gayunman, ang mga pangako ng Panginoon ay laging natutupad.
-
Sa paanong mga paraan ninyo nakita na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako na pagpapalain kayo sa pagsisikap ninyong sundin ang Kanyang mga kautusan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972). Sabihin sa klase na pakinggan kung paano inilarawan ni Pangulong Smith ang mga pagpapalang matatanggap natin kung tayo ay masunurin.
“Kapag sinuway natin ang mga utos na ibinigay sa atin ng Panginoon para sa ating patnubay, wala tayong karapatan sa Kanyang mga pagpapala. …
“Sundin ang mga kautusan. … Maging tapat sa bawat tipan at pananagutan, at pagpapalain kayo ng Panginoon nang higit pa sa inaasam ninyo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 264, 271).
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 82:11–24 na ipinapaliwanag na nagtagubilin ang Panginoon sa mga lider ng Simbahan tungkol sa pagtatatag ng United Firm, itinalaga ang mga miyembro nito, at ipinaliwanag ang mga layunin ng samahang ito at ang mga ibubunga ng pagsuway.
Doktrina at mga Tipan 83
Ipinahayag ng Panginoon kung paano pangangalagaan ang mga balo, ulila, at maralita
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 83 na ipinapaliwanag na noong Abril 30, 1832, idinikta ni Joseph Smith ang isang paghahayag na naglilinaw kung paano, sa ilalim ng batas ng paglalaan, aalagaan ang mga babae at batang nawalan ng kanilang asawa o ama.
Magtapos sa pagpapatotoo sa doktrina at mga alituntuning tinalakay sa lesson na ito, at sabihin sa mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila.