Institute
Lesson 9: Doktrina at mga Tipan 20–22


Lesson 9

Doktrina at mga Tipan 20–22

Pambungad at Timeline

Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, iniutos ng Panginoon na iorganisa ang Kanyang Simbahan ng Abril 6, 1830. Bagama’t ang paghahayag na ito, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 20, ay naitala ilang araw pagkatapos ng pag-organisa sa Simbahan, ang mga bahagi nito ay naipahayag noong Hunyo 1829. Ang paghahayag na ito ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon, naglahad ng mga responsibilidad sa mga katungkulan ng priesthood, at nagbigay ng mga tagubilin para sa mga ordenansa ng binyag at ng sakramento.

Sa araw na inorganisa ang Simbahan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 21. Dito, itinalaga ng Panginoon si Joseph bilang propeta, tagakita, at lider ng ipinanumbalik na Simbahan at ipinayo sa Simbahan na pakinggan ang mga salita ng Propeta. Hindi pa natatagalan matapos iorganisa ang Simbahan, itinanong ng ilang tao kung kailangan pa bang binyagan muli ang mga nabinyagan na sa ibang simbahan upang maging mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan. Nagtanong si Joseph at natanggap ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 22, kung saan itinuro ng Panginoon na ang binyag ay kailangang isagawa ng mga taong may wastong awtoridad.

Katapusan ng Marso, 1830Natapos ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon.

Abril 6, 1830Ang Simbahan ay inorganisa ni Joseph Smith sa Fayette, New York.

Abril 6, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 21.

Pagkatapos ng Abril 6, 1830Natapos at naitala ang Doktrina at mga Tipan 20 (bagama’t ang ilang bahagi nito ay maaaring natanggap noong mga unang buwan pa).

Abril 16, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 22.

Hunyo 9, 1830Ginanap ang unang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 20:1–36

Ang mga pangyayari sa Panunumbalik ay isinalaysay at ibinuod ang mga katotohanang itinuro sa Aklat ni Mormon

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan nila na hindi gaanong aktibong miyembro ng Simbahan ang nagsabing, “Hindi mo na kailangang maging aktibo sa Simbahan para maging isang mabuting tao o maging malapit sa Diyos.”

  • Bakit maaaring ganito ang nararamdaman ng ilang tao?

  • Ano ang isasagot ninyo sa inyong kaibigan?

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 20 ngayon, hikayatin sila na alamin ang mga katotohanan na tutulong sa kanila na maunawaan na kailangan nilang aktibong makibahagi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga pagpapala sa paggawa nito.

Ipaliwanag na noong mga unang buwan ng 1828, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng mga paghahayag na tumatalakay sa pagtatatag ng Simbahan (tingnan sa D at T 10:53). Nagsimula ang mga paghahanda para dito noong Hunyo 1829, nang tagubilinan ng Panginoon si Oliver Cowdery na tumulong sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan batay sa mga turo ng Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 18:3–4).

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 20 at ang mga talata 1–2, at alamin ang inihayag ng Panginoon tungkol sa pag-organisa sa Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw.

  • Anong mga katotohanan ang nalaman natin mula sa section heading at mga talatang ito tungkol sa pag-organisa sa Simbahan ni Jesucristo? (Bagama’t maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, tiyakin na natukoy nila na inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan ni Jesucristo ayon sa kalooban ng Diyos.)

  • Bakit mahalagang malaman ninyo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inorganisa o itinatag ayon sa tagubilin ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tala ng pangyayaring ito:

Propetang Joseph Smith

“Noong Abril 6, 1830, labing-isang araw lamang matapos maibalitang mabibili na ang Aklat ni Mormon, isang grupo ng 60 katao ang nagtipon sa tahanang yari sa troso ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Doon pormal na itinatag ni Joseph Smith ang Simbahan, na kalaunan ay pinangalanan sa pamamagitan ng paghahayag bilang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4). Napakasayang okasyon niyon, na may matinding pagbuhos ng Espiritu. Ang sacrament ay pinangasiwaan, bininyagan ang mga sumasampalataya, iginawad ang kaloob na Espiritu Santo, at inorden sa priesthood ang mga kalalakihan.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 10).

Sabihin sa mga estudyante na noong Marso 26, 1830, ilang araw bago iorganisa ang Simbahan, ang unang mga kopya ng Aklat ni Mormon ay mabibili na. Isinalaysay sa Doktrina at mga Tipan 20:5–36 ang paglabas ng Aklat ni Mormon at binigyang-diin ang ilan sa mga pangunahing doktrina na itinuro nito. Sabihin sa kalahati ng klase na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 20:5–16 at alamin ang mga doktrinal na katotohanan tungkol sa Aklat ni Mormon. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 20:17–25, at alamin ang mga pangunahing doktrina at alituntunin na itinuro ng Aklat ni Mormon. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talata 17, maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang pariralang “mga bagay na ito” ay tumutukoy sa doktrina at mga alituntunin na nalaman natin sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon.

Ipabahagi sa mga estudyante ang doktrina at mga alituntunin na natukoy nila sa naka-assign na mga talata sa kanila. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: ang Aklat ni Mormon ay katibayan na ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo sa ating panahon (mga talata 11–15). Kung tatanggapin natin ang Aklat ni Mormon nang may pananampalataya at sa kabutihan, tayo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan (talata 14). Kung naniniwala tayo kay Jesucristo, nabinyagan sa Kanyang pangalan, at nagtitiis hanggang wakas, tayo ay maliligtas (talata 25).

  • Batay sa mga katotohanang natukoy natin, bakit kaya hinintay pa ng Panginoon na matapos ang pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon bago Niya muling inorganisa ang Kanyang Simbahan dito sa lupa?

Doktrina at mga Tipan 20:37–84

Itinuro ng Panginoon sa Simbahan ang hinggil sa mga katungkulan ng priesthood, binyag, at sakramento

Ipaliwanag na bilang bahagi ng mga tagubilin tungkol sa organisasyon ng Simbahan, inilahad ng Panginoon ang mga kwalipikasyong kailangan para mabinyagan sa Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pansinin ang pariralang naglalarawan ng hinihingi ng Panginoon para sa binyag. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga nahanap ng mga estudyante.)

  • Alin sa mga pariralang ito ang pinakamahalaga sa inyo at bakit?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 20:38–67 na ipinapaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalahad ng mga tungkulin ng elder, priest, teacher, at deacon. Sa talata 65, nalaman natin na walang sinuman ang maoordenan sa anumang katungkulan sa priesthood nang walang boto ng pagsang-ayon ng mga miyembro ng Simbahan (tingnan din sa D at T 26:2).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:68–70. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga tungkulin ng mga miyembro ng Simbahan. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pakikipag-usap sa talata 69 ay tumutukoy sa kilos o asal.

  • Paano “[ma]ipakikita ng [isang tao] … sa pamamagitan ng makadiyos na paglakad at pakikipag-usap” (D at T 20:69) na karapat-dapat niyang matanggap ang Espiritu Santo at ang sakramento?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 20:71–74 na ipinapabatid sa mga estudyante na ang mga talatang ito ay nagpapaliwanag na ang mga tao ay hindi mabibinyagan maliban kung sila nasa edad na ng pananagutan at may kakayahan nang magsisi. Gayon din, ang binyag ay dapat gawin sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig at isagawa ng isang taong maytaglay ng priesthood.

Ipaalam sa mga estudyante na matapos ituro sa mga miyembro ng Simbahan ang hinggil sa pagbibinyag, iniutos ng Panginoon na magkakasamang magtipon nang regular ang mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:75, at alamin kung bakit dapat magtipon nang madalas ang mga miyembro ng Simbahan. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na di-kumpletong pahayag:

Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatototohanan natin …

Kapag tapat nating tinutupad ang mga pangakong ginawa natin sa oras ng sakramento, ipinapangako ng Panginoon …

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 20:76–79, at alamin kung paano nila kukumpletuhin ang dalawang pahayag na ito ng alituntunin. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga alituntunin na natukoy nila. Bagama’t maaari silang gumamit ng iba pang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag tumanggap tayo ng sakramento, pinatototohanan natin na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, na lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. Kapag tapat nating tinutupad ang mga pangakong ito na ginawa natin sa oras ng sakramento, ipinapangako ng Panginoon na mapapasaatin sa atin sa tuwina ang Espiritu upang makasama natin.

  • Anong pagkakatulad ang nakikita ninyo sa mga pangakong ginawa sa oras ng sakramento at sa tipan ng binyag (tingnan sa talata 37)?

  • Bakit mahalagang laging mapasainyo ang Espiritu?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano nila tapat na natutupad ang mga tipan na napanibago nila sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento. Hikayatin sila na gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang maging mas tapat sa pagtupad sa mga tipang iyon. Tiyakin sa kanila na kapag ginawa nila ang mga pagbabagong iyon, mapapasakanila ang Espiritu upang makasama nila.

Doktrina at mga Tipan 21

Dapat sundin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga salita ni Joseph Smith

Ipakita at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

“Masdan, mga kabataan ng Simbahan, nahaharap tayo sa labanan ng mga puwersa ng liwanag at kadiliman. …

“At sa daigdig na ito, ang kadilima’y nariyan lang” (Robert D. Hales, “Out of Darkness into His Marvelous Light,” Ensign, Mayo 2002, 70, 71).

Hikayatin ang mga estudyante na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 21 ang isang alituntunin na tutulong sa kanila kung paano manalo sa digmaan laban sa kadiliman. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 21.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 21:1–3 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon na dapat mag-ingat ng talaan tungkol sa kasaysayan ng Simbahan. Itinalaga Niya rin si Joseph Smith bilang tagakita, tagapagsalin, propeta, apostol, at elder ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan.

  • Ayon sa talata 5, ano ang sinabi ng Panginoon na dapat nating gawin sa mga salita ng propeta? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Iniutos sa atin ng Panginoon na tanggapin ang mga salita ng propeta na parang ang mga ito ay mula sa Kanyang sariling bibig.)

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang magagawa natin para maprotektahan laban sa “mga kapangyarihan ng kadiliman” (talata 6)? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag pinakinggan natin ang mga salita ng propeta nang may pagtitiis at pananampalataya, mapoprotektahan tayo laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman.)

  • Paano “[naitataboy] … ang mga kapangyarihan ng kadiliman” sa pakikinig at pagsunod sa mga salita ng propeta (D at T 21:6)?

  • Bakit maaaring kung minsan ay kailangang magtiis at manampalataya para matanggap at masunod ang mga salita ng mga propeta?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), at ipabasa nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Harold B. Lee

“Ang tanging kaligtasan natin ngayon bilang mga miyembro ng simbahang ito ay … makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta. … May ilang bagay na mangangailangan ng pagtitiis at pananampalataya. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; … at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan’ (D at T 21:6)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 99–100).

  • Paano kayo napagpala sa pagsunod sa mga salita ng mga buhay na propeta? (Maaari mong ibahagi ang iyong sariling karanasan.)

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga itinuro sa kasalukuyan ng mga propeta ng Panginoon. Hikayatin silang gumawa ng pangakong sundin ang mga turong iyon nang buong pagtitiis at pananampalataya.

Doktrina at mga Tipan 22

Ang pagbibinyag ay dapat isagawa ng mga taong may wastong awtoridad

Ipaliwanag na matapos maorganisa ang Simbahan noong Abril 1830, marami ang nagnais na maging mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Gayunman, nais ng ilang tao na nabinyagan sa ibang simbahan na sumapi sa ipinanumbalik na Simbahan nang hindi na muling bibinyagan pa. Matapos magtanong sa Panginoon, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 22, na nagtuturo na ang binyag ay dapat isagawa ng mga taong may wastong awtoridad.

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa panunumbalik ng Simbahan ng Panginoon sa lupa at tungkol sa mga buhay na propeta na namamahala sa Kanyang gawain.