Lesson 5
Doktrina at mga Tipan 6; 8–9
Pambungad at Timeline
Dahil walang regular na tagasulat, paminsan-minsan lamang nagagawa ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon hanggang noong Marso 1829, nang iutos kay Propetang Joseph Smith na tumigil muna sa pagsasalin at maghintay ng tulong (tingnan sa D at T 5:30–34). Bilang katuparan ng pangako ng Panginoon na “maghahanda ng mga paraan” (D at T 5:34), dumating si Oliver Cowdery sa tahanan ng Propeta sa Harmony, Pennsylvania, at nag-alok ng kanyang tulong. Nagsimulang magsaling muli si Joseph Smith noong Abril 7, 1829, katulong si Oliver bilang tagasulat. Kalaunan ng buwang iyon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6. Sa paghahayag na ito, tumanggap si Oliver ng payo hinggil sa kanyang gagampanan sa gawain ng Panginoon.
Nang sinimulan na ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, hinangad ni Oliver na mabigyan siya ng pagkakataong makapagsalin. Sa isang paghahayag na natanggap noong Abril 1829 at nakatala sa Doktrina at mga Tipan 8, ipinangako ng Panginoon kay Oliver ang kaloob na paghahayag at ang kakayahang magsalin ng mga sinaunang talaan.
Sinubukang simulan ni Oliver ang pagsasalin pero hindi siya makapagpatuloy. Sa kahilingan ni Oliver, nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 9, kung saan ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit nahirapan si Oliver na magsalin at nagbigay din ng mga alituntunin hinggil sa paghahayag.
-
Mga huling buwan ng 1828Nalaman ni Oliver Cowdery ang tungkol kay Joseph Smith habang naninirahan sa Manchester, New York.
-
Abril 1829Naglakbay si Oliver Cowdery sa Harmony, Pennsylvania, upang makipagkita kay Joseph Smith.
-
Abril 1829Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay mabilis na naisagawa kasama si Oliver Cowdery bilang tagasulat.
-
Abril 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 6 at 8.
-
Abril 1829Sinubukan ni Oliver Cowdery na magsalin.
-
Abril 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 9.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 6:1–24
Itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery ang gagampanan nito sa gawain ng Diyos
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sitwasyon na nararanasan nila ngayon o inaasahang kakaharapin balang araw na kailangan ng patnubay ng Ama sa Langit.
-
Bakit magiging mahalaga na makatanggap ng patnubay ng Ama sa Langit sa gayong mga sitwasyon?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 6, 8, at 9 ngayon, sabihin sa kanila na isipin ang mga tanong na ito at alamin ang mga doktrina at alituntunin na tutulong sa kanila sa pagsagot sa mga ito.
Ipaliwanag na noong tagsibol ng 1829, idinalangin ni Propetang Joseph Smith na padalhan siya ng Panginoon ng isang taong makakatulong niya sa gawain ng pagsasalin tulad ng ipinangako (tingnan sa Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” 143–44, josephsmithpapers.org; tingnan din sa D at T 5:30, 34). Ang pangako ng Panginoon ay natupad sa pagdating ni Oliver Cowdery noong Abril 5, 1829. Sinimulan na nina Joseph at Oliver ang pagsasalin nang buong sigasig, na si Oliver ang nagsilbing tagasulat. Matapos nilang simulan ang pagsasalin, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 6:1–4 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kina Joseph at Oliver na “isang dakila at kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap” (talata 1) at yaong mga gustong tumulong ay tinatawag ng Diyos na tumulong.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 6:5–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang payo at mga pangakong ibinigay ng Panginoon kay Oliver Cowdery.
-
Anong payo at mga pangako ang ibinigay ng Panginoon kay Oliver? (Kung kailangan, ipaliwanag ang paulit-ulit na payo ng Panginoon na sundin ang mga kautusan.)
-
Anong mga salita o parirala ang nagpapakita na nais ng Panginoon na sagutin ang ating mga dalangin at bigyan tayo ng patnubay?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 6:10–13 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Oliver Cowdery na siya ay may kaloob na paghahayag.
Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 6:14–17, 22–24. Sabihin sa kanila na tukuyin ang doktrina at mga alituntunin na itinuro ng Panginoon kay Oliver hinggil sa paghahayag.
-
Anong doktrina at mga alituntunin hinggil sa pagtanggap ng paghahayag ang napansin ninyo sa mga talatang ito?
Habang tinutukoy ng klase ang mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito, maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat ang mga ito sa pisara. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Kapag madalas tayong humihingi ng sagot sa ating Ama sa Langit, tatagubilinan Niya tayo sa pamamagitan ng Espiritu. Kapag nagtatanong tayo sa Panginoon, bibigyan Niya ng kaliwanagan ang ating isipan. Ang Panginoon ay nangungusap ng kapayapaan sa ating isipan bilang pagpapatotoo sa katotohanan.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang naranasan nila kung kailan nakatanggap sila ng paghahayag mula sa Panginoon sa isa sa mga ganitong paraan. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. (Ipaalala sa mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal o sagrado.)
Banggitin ang mga pariralang “ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin” sa talata 22, at “sinabi ko sa iyo ang mga bagay na walang sinumang tao ang nakaaalam” sa talata 24. Ipaliwanag na matapos ibigay ang paghahayag na ito, sinabi ni Oliver sa Propeta ang tungkol sa naranasan niya habang nakatira sa pamilya ni Joseph sa Palmyra, New York. Ikinuwento ni Oliver na, matapos malaman ang tungkol sa mga lamina, “nagdasal siya sa Panginoon para malaman kung totoo ba ang mga bagay na ito, at na inihayag sa kanya ng Panginoon na ito ay totoo, ngunit inilihim niya ang pangyayaring ito, at hindi binanggit kaninuman, kung kaya’t matapos ibigay ang paghahayag na ito, alam niya na ang gawain ay totoo, dahil walang taong nabubuhay na nakaaalam ng bagay na tinukoy sa paghahayag na ito, maliban sa Diyos at sa kanyang sarili” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 15, josephsmithpapers.org).
Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na maghangad ng sarili nilang patotoo sa katotohanan mula sa Panginoon.
Doktrina at mga Tipan 6:25–37
Pinayuhan ng Panginoon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na magsalin at “huwag mag-alinlangan, huwag matakot”
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 6:25–31 na ipinapaliwanag na ibinigay ng Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang mga susi para dalhin sa liwanag ang mga banal na kasulatan. Sinabi ng Panginoon kay Oliver na kung nais niya ito, magkakaroon siya ng kaloob na makapagsalin at makakasama si Joseph Smith bilang pangalawang saksi ng Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na maaaring nag-alinlangan sina Joseph at Oliver nang panahong iyon kung tatanggapin ba ng iba ang Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na ipinangako ng Panginoon kina Joseph at Oliver na pagpapalain sila kahit hindi man tanggapin ng iba ang gawain.
Ipabasa nang malakas sa ilang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 6:32–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano pinalakas ng Panginoon ang loob nina Joseph at Oliver. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang pariralang “mundo at impiyerno” [D at T 6:34] ay tumutukoy sa sanlibutan at kay Satanas).
-
Anong mga salita o parirala sa mga talatang ito ang makahulugan sa inyo at matutulungan kayong daigin ang pag-aalinlangan at takot?
Doktrina at mga Tipan 8
Tinulungan ng Panginoon si Oliver Cowdery na maunawaan ang diwa ng paghahayag
Ipaliwanag na hindi nagtagal matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa bahagi 6, gustong malaman ni Oliver Cowdery kung kailan siya makapagsisimulang magsalin. Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 8 bilang sagot sa kahilingan ni Oliver.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 8:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga alituntunin na kailangang maunawaan ni Oliver Cowdery para makapagsalin.
-
Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa mga talata 2–3 tungkol sa paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrinang katulad ng sumusunod: Ang Panginoon ay nangungusap sa ating isipan at puso sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)
-
Sa paanong paraan nangungusap ang Panginoon sa ating mga isipan? Sa paanong paraan Siya nangungusap sa ating mga puso?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang impresyon sa isipan ay tiyak. Ang mga detalyadong salita ay maaaring marinig o madama at maisulat na parang idinidikta ang mga tagubilin.
“Ang komunikasyon sa puso ay mas pangkalahatang impresyon. Madalas nagsisimula ang Panginoon sa pagbibigay ng mga pahiwatig. Kapag kinilala ang kahalagahan nito at sinunod ang mga ito, ang isang tao ay nagkakaroon ng karagdagang kakayahan na makatanggap ng mas detalyadong tagubilin sa isipan. Ang impresyon sa puso, kung susundin, ay pinagtitibay ng mas detalyadong tagubilin sa isipan” (Richard G. Scott, “Helping Others to Be Spiritually Led” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Ago. 11, 1998], 3–4).
-
Batay sa sarili ninyong karanasan sa doktrinang ito, bakit sa inyong palagay pinipili ng Panginoon na makipag-ugnayan sa atin sa pamamagitan ng ating isipan at puso?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 8:6–12 na ipinapaliwanag na biniyayaan ng Panginoon si Oliver Cowdery ng mga kaloob na tutulong sa kanya na tumulong kay Propetang Joseph Smith sa tungkulin nito na ipanumbalik ang ebanghelyo.
Doktrina at mga Tipan 9
Naghayag ang Panginoon ng mga alituntunin tungkol sa paghahayag
Ipaliwanag na nagsimulang magsalin si Oliver Cowdery, ngunit hindi niya ito magawa at bumalik sa pagiging tagasulat ng Propeta. Nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nagpapaliwanag kung bakit hindi makapagsalin si Oliver.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 9:1–6, 11 na ipinapaliwanag na ang takot o kawalan ng pananampalataya ni Oliver ang hadlang sa kanyang pagsasalin. Pinayuhan ng Panginoon si Oliver na maging matiyaga at pinangakuan na bibigyan siya ng pagkakataon na isalin ang “iba [pang] mga talaan, (talata 2) sa hinaharap.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 9:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro kay Oliver Cowdery tungkol sa pagtanggap ng paghahayag.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “pag-aralan ito sa iyong isipan” sa talata 8? (Pag-isipan ang mga desisyon at pagpipilian, pagtimbang-timbanging mabuti ang mga alternatibo. Ipaliwanag na ipinapakita ng tagubiling ito mula sa Panginoon na ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay hindi ginawa nang walang kahirap-hirap mula sa tagapagsalin kundi kinailangan dito ng matinding pag-iisip.)
-
Anong doktrina ang itinuro sa talata 8 hinggil sa inaasahan ng Panginoon sa atin kapag hiningi natin ang Kanyang patnubay at gabay? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrinang katulad ng sumusunod: Sa paghahangad nating makatanggap at makatukoy ng paghahayag, inaasahan ng Panginoon na pagsisikapan natin ito.)
-
Kailan ninyo nadama na nadagdagan ang inyong kakayahan na tumanggap ng paghahayag mula sa Panginoon dahil sa inyong pagsisikap?
Ipaliwanag na sa mga talatang ito, hindi lamang itinuro ng Panginoon kay Oliver na mahalaga na pinagsisikapan niya ang pagtanggap ng paghahayag kundi itinuro din Niya rito kung paano maaaring makipag-ugnayan ang Panginoon sa atin.
-
Anong mga parirala sa mga talatang ito ang makatutulong sa atin na maunawaan ang mga karagdagang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Paano nakatutulong ang tagubilin ng Panginoon kay Oliver sa mga talatang ito para mailarawan ang doktrina na dumarating ang paghahayag kapwa sa ating isipan at puso?
Maaari mong linawin na ang mga pariralang “ang iyong dibdib ay mag-alab” sa talata 8 at “pagkatuliro ng pag-iisip” sa talata 9 ay sumasagisag sa dalawa sa maraming posibleng paraan ng pagpapahiwatig ng Espiritu kung tama o mali ang isang bagay.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano karaniwang ipinadarama sa atin ng Panginoon kung tama o mali ang isang bagay, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott:
“Para sa akin, magulo iyan [ang pagkatuliro ng isipan], at hindi ako mapapanatag. …
“… Ang damdamin ng kapayapaan ang pinaka-karaniwang pagpapatibay na nararanasan ko mismo. …
“… Makadarama kayo ng kapayapaan, aliw, at katiyakan na nagpapatibay na tama ang inyong desisyon. O … maguguluhan kayo, matutuliro ang inyong isipan, na nagpapahiwatig na mali ang inyong pasiya” (Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 10).
Maaari mong ipaliwanag na kahit masigasig nating hinahangad ang patnubay ng Diyos, kung minsan ay tila walang sagot na dumarating. Tiyakin sa mga estudyante na kung tayo ay namumuhay nang marapat, makakaasa tayo na sasagutin tayo ng Diyos sa Kanyang itinakdang panahon.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 9:12–14 na ipinapaliwanag na hindi pinarusahan ng Panginoon si Oliver Cowdery dahil sa nabigo ang pagtatangka niyang magsalin. Nangako ang Panginoon na kapwa sila uunlad ni Joseph kung matapat nilang ipagpapatuloy ang gawain.
Patingnan sa mga estudyante ang mga tanong sa pisara na isinulat mo sa simula ng klase. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook ang kanilang mga sagot sa mga tanong na batay sa natutuhan nila ngayon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang anumang inspirasyong matatanggap nila tungkol sa kung ano ang magagawa nila para mas makatanggap at makatukoy ng paghahayag.