Institute
Lesson 11: Doktrina at mga Tipan 26–28


Lesson 11

Doktrina at mga Tipan 26–28

Pambungad at Timeline

Pagkatapos maorganisa ang Simbahan, naglakbay nang ilang beses si Propetang Joseph Smith patungo sa Harmony, Pennsylvania, at sa mga branch ng Simbahan sa New York upang palakasin ang mga miyembro at maitatag ang Simbahan. Noong Hulyo 1830, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag na pinapayuhan sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at John Whitmer kung paano gugugulin ang kanilang oras habang naghahanda para sa kumperensya ng Simbahan sa panahon ng taglagas. Ang paghahayag na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 26, ay nagbigay ng mga tagubilin para sa mga bagay na espirituwal at temporal at iba pang mga pagtuturo tungkol sa alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon sa Simbahan.

Habang nasa Harmony noong Agosto 1830, naglakbay si Joseph Smith upang kumuha ng alak para sa sakramento nang magpakita sa kanya ang isang sugo mula sa langit. Itinuro sa Propeta ang tungkol sa mga simbolo ng sakramento at ang kahalagahan ng pagsusuot ng buong baluti ng Diyos. Ang mga tagubilin na natanggap niya ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 27.

Dahil sa dumaraming pag-uusig sa Harmony, Pennsylvania, tinanggap nina Joseph at Emma Smith ang paanyaya ni Peter Whitmer Sr. na manirahan muli kasama ng kanyang pamilya sa Fayette, New York. Nang makarating sila sa unang bahagi ng Setyembre 1830, nalaman ng Propeta na ipinahayag ni Hiram Page na nakatatanggap ito ng mga paghahayag para sa Simbahan sa pamamagitan ng isang bato. Nagtanong si Joseph sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 28, kung saan nilinaw ng Panginoon ang kaayusan sa pagtanggap ng paghahayag kung sino ang dapat tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan.

Hunyo 1830Ang pag-uusig ng mga mandurumog sa Colesville, New York, ay nakahadlang sa pagkumpirma sa mga bagong binyag.

Hunyo 1830Sinimulan ni Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Biblia sa pamamagitan ng pagdikta ng “Mga Pangitain ni Moises” (Moises 1).

Hulyo 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 26.

Agosto 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 27.

Agosto 1830Ipinahayag ni Hiram Page na nakatatanggap siya ng mga paghahayag para sa Simbahan.

Mga unang araw ng Setyembre 1830Lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Fayette, New York.

Setyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 28.

Setyembre 26–28, 1830Idinaos ang ikalawang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York.

Oktubre 1830Si Oliver Cowdery at ang iba pa ay lumisan para magmisyon sa mga Lamanita.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 26

Itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod ang alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan nila na hindi miyembro ng Simbahan ang dumalo na kasama nila sa isang miting kung saan sinang-ayunan ang mga lider ng Simbahan.

  • Paano ninyo ipaliliwanag sa inyong kaibigan ang tungkol sa pagsang-ayon sa Simbahan?

Ipaalala sa mga estudyante na noong tag-init ng 1830, si Joseph Smith at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay dumanas ng matinding pang-uusig. Sa isang pagkakataon, hindi natuloy ang pagkumpirma sa ilang bagong binyag dahil sa mga banta ng mga mandurumog. Dalawang beses inaresto at nilitis si Joseph dahil sa mga maling paratang. Pagkatapos ng mga pagdakip at paglitis sa kanya sa New York, umuwi sina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania, kung saan natanggap ni Joseph ang tatlong paghahayag mula sa Panginoon noong Hulyo 1830 (tingnan sa D at T 24–26). Sa ikatlong paghahayag (D at T 26), pinayuhan ng Panginoon sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at John Whitmer kung paano dapat gugulin ang kanilang oras at itinuro ang tungkol sa pangkalahatang pagsang-ayon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 26:1, at sabihin sa klase na alamin ang ipinayo ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod kung paano gugugulin ang kanilang oras.

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon kina Joseph, Oliver, at John tungkol sa gagawin nila sa kanilang oras?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon hinggil sa nalalapit na kumperensya ng Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 26:2, at alamin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon tungkol sa paraan kung paano pamahalaan ang mga gawain ng Simbahan.

  • Anong doktrina ang ipinahayag ng Panginoon sa talata 2 tungkol sa paraan kung paano dapat gawin ang lahat ng bagay sa Simbahan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang lahat ng bagay sa Simbahan ay dapat gawin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon at pananampalataya.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “pangkalahatang pagsang-ayon”? (Ang “pangkalahatang pagsang-ayon” ay tumutukoy sa paggamit ng mga miyembro ng Simbahan ng kanilang kalayaan na ipahayag ang kanilang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon sa isang tao na tinawag ng Panginoon na maglingkod sa Kanyang Simbahan o maordenan sa isang katungkulan sa priesthood. Ang pangkalahatang pagsang-ayon ay ipinapakita sa pamamagitan ng pagtataas ng kanang kamay.)

  • Ano ang pagkakaiba ng pangkalahatang pagsang-ayon at ng pagboto o pagpapasiya sa pamamagitan ng boto ng nakararami?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong HenryB. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ibig sabihin kapag ipinapakita natin ang ating pangkalahatang pagsang-ayon:

Pangulong Henry B. Eyring

“Sa ating boto ng pagsang-ayon, tapat tayong nangangako. Nangangako tayong ipanalangin ang mga lingkod ng Panginoon at na gagabayan at palalakasin Niya sila (tingnan sa D at T 93:51). Nangangako tayo na hahangarin at aasahan nating madama ang inspirasyon mula sa Diyos sa kanilang payo at tuwing gagampanan nila ang kanilang tungkulin (tingnan sa D at T 1:38). …

“Sa pagtaas natin ng kamay para sang-ayunan ang isang tao, nangangako tayong tumulong sa anumang layon ng Panginoon na isakatuparan ng taong iyon” (Henry B. Eyring, “Tinawag ng Diyos at Sinang-ayunan ng mga Tao,” LIahona, Hunyo 2012, 4).

  • Paano maaaring maging isang pagpapala at proteksyon para sa Simbahan ang pangkalahatang pagsang-ayon?

Doktrina at mga Tipan 27:1-4

Itinuro kay Joseph Smith ang mga katotohanan hinggil sa mga simbolo ng sakramento

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tungkol sa kanilang pinakahuling karanasan sa pagtanggap ng sakramento. Sabihin sa kanila na tahimik na i-rate kung gaano naging makabuluhan ang karanasang iyon sa scale na 1 hanggang 10, na ang 1 ay pinaka-hindi makabuluhan at ang 10 ay pinakamakabuluhan.

  • Ano ang magagawa ng isang tao para maging mas espirituwal at makabuluhan ang pagtanggap ng sakramento? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 27 na makatutulong sa kanila na gawing mas espirituwal at makabuluhang karanasan ang pagtanggap nila ng sakramento.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 27, ipaliwanag na noong Agosto 1830, binisita nina Newel at Sally Knight sina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania. Sina Sally at Emma ay nabinyagan noong Hunyo 28, 1830, ngunit hindi pa sila nakumpirma dahil sa pang-uusig ng mga mandurumog. Sa pagbisita ng mga Knight, napagpasiyahang kumpirmahin na sina Sally at Emma at na magkakasamang tumanggap ng sakramento ang grupo.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 27, at alamin kung ano ang nangyari nang umalis ang Propeta para kumuha ng alak para sa sakramento.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 27:1–4, at sabihin sa klase na alamin ang inihayag ng sugo mula sa langit kay Joseph Smith tungkol sa sakramento.

  • Ano ang itinuro ng sugo kay Joseph Smith tungkol sa dapat nating kainin o inumin bilang mga simbolo ng sakramento?

  • Ayon sa talata 2, ano ang dapat nating pagtuunan kapag tumatanggap tayo ng sakramento? (Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, iniuutos sa atin na dapat nating ituon ang ating mata sa kaluwalhatian ng Diyos at alalahanin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng doktrinang ito sa talata 2.)

  • Ano ang ibig sabihin ng ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos? (Magtuon sa Kanya at iayon ang ating kalooban sa Kanya.)

  • Paano nakatulong ang pagninilay-nilay sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa oras ng sakramento para magkaroon kayo ng mas espirituwal at makabuluhang karanasan tungkol dito?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang magagawa nila upang mas lalong maalaala ang sakripisyo ni Jesucristo at tumanggap ng sakramento na ang “mata ay nakatuon sa kaluwalhatian [ng Diyos]” (D at T 27:2). Hikayatin sila na gawin ang naisip nila sa susunod na tumanggap sila ng sakramento.

Doktrina at mga Tipan 27:5–18

Inilarawan ng Panginoon ang isang malaking pagtitipon ng kanyang mga tagapaglingkod mula sa lahat ng dispensasyon na tatanggap ng sakramento bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:5, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya kapag muli Siyang dumating.

Sabihin sa mga estudyante na sa Doktrina at mga Tipan 27:5–14, nalaman ni Joseph Smith na ang matatapat na Banal sa bawat dispensasyon ay tatanggap ng sakramento kasama ng Tagapagligtas bilang bahagi ng isang malaking pagtitipon sa Adan-ondi-Ahman bago pumarito ang Tagapagligtas sa kaluwalhatian. Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang mga talatang ito at ipahanap ang ilan sa mga iyon na makikibahagi.

  • Ayon sa talata 14, sino ang tatanggap ng sakramento kasama ng Tagapagligtas?

Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Bawat matapat na tao sa buong kasaysayan ng mundo, bawat taong nabuhay na karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng Ama ay dadalo at makikibahagi sa sakramento, kasama ng Panginoon” (Bruce R. McConkie, The Promised Messiah [1978], 595).

  • Ano ang mararamdaman ninyo kung makakasama ninyo ang Tagapagligtas sa pagtanggap ng sakramento?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:15–18, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang dapat nating gawin para matamo ang mga pagpapala ng Panginoon, pati ang pagiging karapat-dapat na makasama ang Panginoon sa sagradong miting na ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong alituntunin ang matutukoy ninyo sa mga talata 15–18 tungkol sa mga pagpapalang tatanggapin natin kapag isinuot natin ang buong baluti ng Diyos? (Bagama’t maaari silang gumamit ng iba pang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung isusuot natin ang buong baluti ng Diyos, mapaglalabanan natin ang kasamaan at mananatiling tapat hanggang sa pagparito ng Panginoon.)

  • Ano ang maaari ninyong gawin para maisuot ang baluti ng Diyos sa bawat araw? Paano kayo matutulungan ng mga bagay na ito para mapaglabanan ang kasamaan at manatiling tapat?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang magsuot tayo ng buong baluti ng Diyos at hindi lamang ang isang bahagi nito?

Ibahagi ang iyong patotoo kung paano nakaapekto sa iyong pananampalataya at kakayahang mapaglabanan ang kasamaan ang pagsisikap mong isuot ang baluti ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para laging maisuot ang buong baluti ng Diyos. Hikayatin sila na gawin ang anumang pahiwatig na matanggap nila.

Doktrina at mga Tipan 28

Nalaman ni Oliver Cowdery na tanging ang propeta lamang ang makatatanggap ng paghahayag para sa Simbahan

Ipaliwanag na dahil sa tumitinding pag-uusig sa Harmony, Pennsylvania, tinanggap nina Joseph at Emma ang paanyaya ni Peter Whitmer Sr. na manirahan kasama ng kanyang pamilya sa Fayette, New York. Pagkarating ng mga Smith sa Fayette noong Setyembre 1830, kaagad naharap sa isa pang mahirap na sitwasyon ang Propeta. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 28. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mahirap na sitwasyon na kinaharap ng Propeta sa pagkakataong ito.

  • Sa inyong palagay, anong mga problema ang idinulot ng pahayag ni Hiram Page na nakatatanggap siya ng mga paghahayag para sa Simbahan?

Ituro sa section heading na maging “si Oliver Cowdery ay nahikayat” sa sinabi ni Hiram Page tungkol sa pagtanggap nito ng paghahayag. Ipaliwanag na bukod pa sa problema kay Hiram Page, isang naunang pangyayari na kinasangkutan ni Oliver Cowdery ang nagbigay-diin sa pangangailangang ituro ng Panginoon sa mga Banal ang tamang kaayusan sa pagtanggap ng paghahayag sa Kanyang Simbahan o kung sino ang dapat tumanggap ng paghahayag para sa Kanyang Simbahan. Noong matatapos na ang tag-init ng 1830, sumulat si Oliver kay Propetang Joseph Smith at sinabing naisip niyang mali ang isang scripture passage sa paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 20. Isinulat ni Oliver sa Propeta: “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ng Diyos na burahin mo ang mga salitang iyon” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 51, josephsmithpapers.org). Bagama’t kalaunan ay nakumbinsi ni Joseph na nagkamali si Oliver sa kanyang paghahangad na itama ang isang paghahayag mula sa Panginoon sa Kanyang propeta, ipinapakita ng pangyayaring ito na kailangang maunawaan ng mga Banal kung paano inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa Kanyang Simbahan.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 28:1–3 at sa mga kapartner nila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 28:4–8. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang kanilang mga talata, at alamin ang itinuro ng Panginoon para matulungan ang mga Banal na maunawaan kung paano dumarating ang paghahayag sa Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang kapartner ang nalaman nila. Matapos ang sapat na oras, itanong sa klase:

  • Anong mahalagang doktrina tungkol sa paghahayag ang matutukoy natin sa talata 1–3? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Tanging ang Pangulo ng Simbahan lamang ang makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.)

  • Anong katotohanan tungkol sa paghahayag ang matututuhan natin sa talata 4–8? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Maaari tayong makatanggap ng paghahayag para sa ating sariling kapakinabangan at para matulungan tayo sa ating mga tungkulin.)

  • Paano maaaring nakatulong ang mga katotohanang ito kay Oliver Cowdery at sa iba pa na nalinlang ng di-umano’y mga paghahayag na natanggap ni Hiram Page?

  • Paano maaaring makatulong sa ating panahon ang pag-unawa sa mga katotohanang ito?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang halimbawa nang tumanggap ng paghahayag ang Pangulo ng Simbahan para sa buong Simbahan. Sabihin din sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon nang tumanggap sila ng paghahayag para sa sarili nilang kapakanan o para humingi ng tulong para sa kanilang mga tungkulin. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga naisip nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 28:9–16 na sinasabi sa mga estudyante na sa mga talatang ito iniutos ng Panginoon kay Oliver Cowdery na sabihin kay Hiram Page na ang di-umano’y mga paghahayag ay hindi mula sa Diyos at siya ay nalinlang ni Satanas. Muling inulit ng Panginoon ang kahalagahan ng paggawa ng lahat ng bagay sa Simbahan sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon.

Ipaliwanag na matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito, nagdaos siya ng kumperensya noong Setyembre 26 at inilagay sa kaayusan ang Simbahan. Sa kumperensya, “Si Brother Page, gayundin ang mga miyembro ng Simbahan na naroon, ay iwinaksi na ang nasabing bato at lahat ng bagay na may kaugnayan dito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 229).

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy ninyo sa lesson na ito.