“Lesson 40: Doktrina at mga Tipan 102; 104,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 40,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 40
Doktrina at mga Tipan 102; 104
Pambungad at Timeline
Mula nang maorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830, nagdaos si Propetang Joseph Smith ng mga pagpupulong o kumperensya kasama ang mga lider ng priesthood para pagpasiyahan ang mahahalagang bagay na nauukol sa Simbahan. Nilinaw pa ng mga paghahayag na natanggap kalaunan ang gawain at tungkulin ng mga lider ng priesthood sa Simbahan (tingnan sa D at T 107:59–100; tingnan din sa D at T 107, section heading). Alinsunod sa paghahayag na ibinigay noong Nobyembre 1831 (tingnan sa D at T 107:78–79; tingnan din sa D at T 107, section heading), noong Pebrero 17, 1834, inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang unang mataas na kapulungan o high council, na isinunod sa mga sinaunang kapulungan na nakita niya sa pangitain. Ang mga tala ng pulong na iyon ay iwinasto ng Propeta at nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 102.
Noong Abril 1832, bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, itinatag ni Propetang Joseph Smith ang Nagkakaisang Samahan o United Firm upang pangasiwaan ang pagpapatakbo sa negosyo ng Simbahan. Sa mga unang buwan ng 1834, dumanas ang Nagkakaisang Samahan o United Firm ng matinding problemang pinansiyal, at sa pulong na ginanap noong Abril 10, 1834, ipinasiya ng mga miyembro ng United Firm na buwagin ang organisasyon. Gayunman, dalawang linggo kalaunan, nakatanggap ang Propeta ng isang paghahayag, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 104, kung saan iniutos ng Panginoon na muling itatag ang samahan o firm at pinayuhan ang mga lider ng Simbahan na bayaran ang kanilang mga utang at pangalagaan ang mga maralita.
-
Marso–Abril, 1832Iniutos sa siyam na lider ng priesthood sa pamamagitan ng paghahayag na itatag ang Nagkakaisang Samahan o United Firm (na kilala rin bilang Nagkakaisang Orden o United Order) upang pangasiwaan ang mga gawaing nauukol sa kalakal at paglalathala ng Simbahan (tingnan sa D at T 78; 82).
-
Taglagas ng 1833Ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, ay sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan.
-
Pebrero 17, 1834Inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang unang mataas na kapulungan o high council sa Kirtland, Ohio. Ang Doktrina at mga Tipan 102 ay naglalaman ng mga kaganapan, o mga tala ng pulong na iwinasto ng Propeta.
-
Abril 10, 1834Dahil sa problemang pinansiyal, nagpasiya ang miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm na buwagin ang organisasyon.
-
Abril 23, 1834Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 104.
-
Mayo 5, 1834Nilisan ni Propetang Joseph Smith ang Kirtland, Ohio, kasama ang Kampo ng Israel (na tinawag kalaunan na Kampo ng Sion) upang maglakbay patungo sa Missouri.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 102:1–34
Inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang unang mataas na kapulungan o high council sa pamamagitan ng paghahayag
Isulat ang mga pariralang Ang paraan ng mundo at Ang paraan ng Panginoon sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng paggawa ng mga bagay ayon sa mundo at mga halimbawa ng paggawa ng mga bagay ayon sa paraan ng Panginoon.
-
Bakit mahalagang gawin natin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 102 at 104 na makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang paraan ng Panginoon sa paggawa ng mga bagay-bagay.
Ipaliwanag na matapos maorganisa ang Simbahan, kaagad sinunod ni Propetang Joseph Smith ang mga tagubilin ng Panginoon na magdaos ng regular na mga pagpupulong o kumperensya ng Simbahan. Ang mga kumperensyang ito ay dinaluhan ng sinumang mga elder at high priest na makadadalo, na tumulong sa pagpapasiya ng mahahalagang bagay na ukol sa Simbahan, pati na kung paano disiplinahin ang mga miyembro na nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Gayunman, ang ilan sa mga dumadalong ito “ay nagbubulungan, naiinip, o kaya’y aalis sa kalagitnaan ng sesyon ng kapulungan. Naging dahilan din ang mga maling palagay at kahinaan kaya nahirapan sila na hingin at alamin ang kalooban ng Panginoon” (Joseph F. Darowski and James Goldberg, “Restoring the Ancient Order,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 208–10, o history.lds.org).
-
Bakit maaaring mahirap sa mga sitwasyong ito na talakayin ang mga sagradong bagay at gumawa ng mahahalagang pasiya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Noong Pebrero 12, 1834, nakipagpulong si Propetang Joseph Smith sa mga high priest at elder ng Simbahan sa kanyang bahay sa Kirtland. Sinabi ng Propeta sa kanila na nalulungkot siya dahil sa asal ng mga yaong dumadalo sa mga pulong ng kapulungan. Ipinaliwanag niya na dahil sa hindi nila sinunod ang huwaran ng Panginoon para sa pagsasagawa ng mga pulong, marahil ay maraming pagpapala ang nawala sa kanila. Makaraan ang limang araw, pinulong muli ni Joseph Smith ang mga high priest at elder sa kanyang tahanan. Nag-organisa siya ng isang kapulungan “alinsunod sa mga batas ng Diyos” na natanggap niya noon (tingnan sa D at T 107:78–79). Pagkatapos ay sinabi ng Propeta sa mga naroon na “ipakikita niya ang kaayusan ng mga kapulungan sa mga sinaunang panahon” batay sa isang pangitain na nakita niya tungkol kay Apostol Pedro at kanyang mga tagapayo na namumuno sa isang kapulungan sa Jerusalem (sa “Minute Book 1,” 29, JosephSmithPapers.org).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang uri ng kapulungan na ipinanumbalik ni Propetang Joseph Smith.
-
Anong kapulungan ang inorganisa ng Propeta ayon sa sinaunang huwaran?
-
Paano itinalaga ang mataas na kapulungan o high council?
-
Ayon sa talata 2, ano ang isang layunin ng mataas na kapulungan o high council?
Ipaliwanag na ang mga mataas na kapulungan o high council ay may iba’t ibang layunin, marami sa mga ito ay pang-administratibo. Gayunman, isang mahalagang layunin nito ay tulungan ang stake presidency sa “pagsasaayos ng mahahalagang suliranin” (talata 2) sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga disciplinary council para sa mga miyembro na nakagawa ng mabibigat na kasalanan.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang layunin ng mga konseho sa pagdidisiplina o disciplinary council, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“Layunin ng mga konseho sa pagdidisiplina na iligtas ang kaluluwa ng mga nagkasala, protektahan ang walang kasalanan, at pangalagaan ang kadalisayan, integridad, at magandang pangalan ng Simbahan.
“… Sa prosesong ito at sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang isang miyembro ay maaaring mapatawad sa mga kasalanan, maibalik ang kapayapaan ng isipan, at magtamo ng lakas na maiwasang magkasala sa hinaharap” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 89).
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 102:3–11 na ipinaliliwanag na nakatala sa talata 3 ang mga miyembro ng unang mataas na kapulungan at nakasaad sa mga talata 6–11 kung ano ang dapat gawin kapag nagkaroon ng mga bakante at kung sino ang dapat na mamuno.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 102:12–14, at alamin kung paano nagpapasiya ang mataas na kapulungan o high council sa pagkakasunud-sunod ng mga magsasalita sa mga konseho sa pagdidisiplina o disciplinary council. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:15–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit nagpapalabunutan ng mga numero ang mga high councilor.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang matututuhan natin tungkol sa paraan kung paano isagawa ang konseho sa pagdidisiplina o disciplinary council?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 102:20–22 na ipinaliliwanag na ang mga talatang ito ay naglalarawan kung ano ang gagawin kung hindi nakatitiyak ang sinumang miyembro ng kapulungan tungkol sa desisyon ng konseho.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano haharapin o lulutasin ng kapulungan ang mga suliranin sa loob ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na ang mga salitang “ang pangulo” sa talata 23 ay tumutukoy kay Propetang Joseph Smith, na namuno sa unang mataas na kapulungan sa Kirtland, Ohio. Bilang Pangulo ng Simbahan, siya ay may karapatang “magtanong at matamo ang isipan ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag” tungkol sa “doktrina o alituntunin” pati na rin sa mga kautusang ibinigay sa Simbahan (talata 23; tingnan din sa D at T 28:2). Bukod pa rito, malalaman din natin ang isang mas malawak na katotohanan mula sa talata 23 na nauugnay sa tungkulin ng mga indibiduwal (gaya ng mga stake president) na namumuno sa mga lokal na kapulungan ng Simbahan at dapat pagpasiyahan ang mga bagay-bagay sa ilalim ng kanilang pamamahala.
-
Anong katotohanan ang nakatala sa talata 23 tungkol sa tungkulin ng mga namumuno sa mga kapulungan o council ng Simbahan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga taong namumuno sa mga kapulungan o council ng Simbahan ay makapagtatanong sa Panginoon at makatatanggap ng paghahayag.)
-
Sa palagay ninyo bakit mahalaga na maunawaan natin ang katotohanang ito?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 102:27–34 na ipinaliliwanag na ang mga pasiya ng stake disciplinary council ay maaaring iapela sa Unang Panguluhan (tingnan sa talata 27).
Doktrina at mga Tipan 104:1–77
Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin hinggil sa Nagkakaisang Samahan o United Firm
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tipang ginawa nila sa Panginoon. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit mahalagang tuparin ang kanilang mga tipan. Sabihin sa kanila na maghanap ng doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 104 na tutulong sa kanila sa pagtupad ng kanilang mga tipan.
Sabihin sa mga estudyante na noong tagsibol ng 1832, bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Nagkakaisang Samahan o United Firm, na siyang responsable sa pangangasiwa ng mga negosyo ng Simbahan. Ang mga lider ng priesthood na tinawag na maglingkod sa Nagkakaisang Samahan o United Firm ay gumawa ng “walang hanggang tipan” (tingnan sa D at T 78:11–12; 82:11, 15).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
“Pagsapit ng 1834, naharap sa ilang matitinding suliranin ang [United Firm]. Dahil sa karahasan na nagpaalis sa mga miyembro ng simbahan sa Jackson County noong tag-init at taglagas ng 1833, hindi na nagamit pa ang palimbagan ni William W. Phelps at ang tindahan ni [Sidney] Gilbert. Gayunpaman responsable pa rin ang samahan [United Firm] na bayaran ang mga inutang para suplayan o patakbuhin ang palimbagan at tindahan.” Malaki rin ang utang ng tindahan ni Newel K. Whitney sa Ohio noong panahong iyon. Bukod pa rito, dalawang miyembro ng United Firm sa Missouri ang pinaratangan ng hindi pagtulong sa mga maralita at nangangailangan, sa gayon ay hindi tinupad ang kanilang mga tipan. Noong Abril 10, 1834, ang mga miyembro ng United Firm sa Kirtland ay nagpasyang buwagin ang samahan [United Firm] (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, inedit ni Matthew C. Godfrey at iba pa [2016], 20–21). Noong Abril 23, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 104, kung saan pinayuhan ng Panginoon ang mga miyembro ng United Firm.
Ipaliwanag na “sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith, ang katagang ‘Nagkakaisang Samahan’ [United Firm] ay napalitan kalaunan ng ‘Nagkakaisang Orden’ [United Order] sa paghahayag” (D at T 104, section heading).
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 104:1–10. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkakapartner na hanapin ang mga pangako ng Panginoon sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm na tumupad sa kanilang mga tipan, at ipahanap sa iba pang mga estudyante ang mga babala ng Panginoon sa mga miyembrong hindi tumupad sa kanilang mga tipan. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.
-
Ayon sa mga pangako ng Panginoon sa talata 2, ano ang ibibigay Niya sa atin kung tayo ay tapat sa ating mga tipan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay tapat sa ating mga tipan, bibigyan tayo ng Panginoon ng napakaraming pagpapala. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano makatutulong sa atin na maging tapat sa ating mga tipan ang pag-alaala sa mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon?
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo nang maging tapat kayo sa inyong mga tipan?
Hikayatin ang mga estudyante na magpasiya ngayon na tapat na tuparin ang kanilang mga tipan upang patuloy nilang matanggap ang mga pagpapala ng Panginoon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm.
-
Ayon sa mga talata 11–12, bakit “itinalaga” ng Panginoon ang isang pangangasiwaan sa bawat miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm?
-
Anong doktrina ang inihayag ng Panginoon sa talata 14? (Dapat matukoy ng mga estudyante, ang sumusunod na doktrina: Nilikha ng Panginoon ang lupa, at lahat ng bagay na narito ay sa Kanya.)
-
Bakit maaaring makatulong sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm na malaman at maalaala ang doktrinang ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:15–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga katiwala na gamitin ang mga bagay o yaman ng lupa. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang paraan ng Panginoon sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa ating responsibilidad na tulungan ang iba? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Dapat nating gamitin ang ibinigay sa atin ng Panginoon para tulungan ang iba.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 104:19–53 na ipinaliliwanag na inilahad ng Panginoon ang mga partikular na pangangasiwaang ibinigay sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture references: D at T 104:23, 25, 31, 33, 35, 38, 42, 46. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talatang ito, at alamin ang pangakong ibinigay ng Panginoon sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa inyong palagay, bakit binigyang-diin ng Panginoon ang pariralang “aking pararamihin ang pagpapala sa kanila” (talata 33)?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 104:47–77 na ipinaliliwanag na iniutos ng Panginoon sa Nagkakaisang Samahan o United Firm sa Kirtland na ihiwalay ito sa Nagkakaisang Samahan o United Firm sa Missouri. Sinabi rin ng Panginoon sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm sa Kirtland na tumulong sila sa “[pagpa]palimbag [ng] mga salita [ng Panginoon]” at [pagpapa]tayo [ng Kanyang] simbahan” (mga talata 58–59). Iniutos din Niya sa kanila na magkaroon ng mga “ingatang-yaman,” o mga tala, para sa mga perang kinita nila mula sa kanilang mga pangangasiwa (mga talata 60–68).
Doktrina at mga Tipan 104:78–86
Tinagubilinan ng Panginoon ang mga lider ng Simbahan hinggil sa mga pagkakautang ng Nagkakaisang Samahan o United Firm
Ipaalala sa mga estudyante na pagsapit ng tagsibol ng 1834, marami nang utang ang Nagkakaisang Samahan o United Firm. Ilang pangyayari, tulad ng ginawa ng mga mandurumog sa Missouri, ang nakahadlang para mabayaran ang mga pagkakautang.
Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 104:78, at alamin ang tagubilin ng Panginoon hinggil sa mga pagkakautang ng Simbahan.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan o United Firm?
Ipaliwanag na ang pagbabayad ng mga pagkakautang na ito ay tila imposible para sa mga Banal na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:79–82. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya para sa mga Banal kung sila ay “mapagpakumbaba at matatapat at tumatawag sa [Kanyang] pangalan” (talata 82) habang nagsisikap silang bayaran ang kanilang mga pagkakautang.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa ipinangako ng Panginoon hinggil sa kung ano ang gagawin Niya para sa atin kung tayo ay mapagpakumbaba at tapat at tumatawag sa Kanyang pangalan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tayo ay mapagpakumbaba at tapat at tumatawag sa pangalan ng Panginoon, tutulungan Niya tayo na masunod natin ang Kanyang mga kautusan.)
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa doktrina at mga alituntunin na tinukoy sa lesson na ito. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga katotohanang ito.