“Lesson 43: Doktrina at mga Tipan 109–110,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 43,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 43
Doktrina at mga Tipan 109–10
Pambungad at Timeline
Inilatag ang mga batong panulok ng Kirtland Temple noong Hulyo 23, 1833. Sa sumunod na tatlong taon, ang mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ay nagsakripisyo nang malaki para maitayo ang templo bilang pagsunod sa utos ng Panginoon (tingnan sa D at T 88:119; 95:8–9). Habang naghahanda para sa paglalaan ng Kirtland Temple, nagsulat si Propetang Joseph Smith, katulong si Oliver Cowdery, ng isang panalangin na, “ibinigay sa kanya sa pamamagitan ng paghahayag” (D at T 109, section heading), na inialay niya sa pulong ng paglalaan na ginanap sa araw ng Linggo, Marso 27, 1836. Ang panalanging ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 109 at naglalaman ng mga pagsamo sa Panginoon na “tanggapin ang paglalaan ng [templo] na ito sa [Kanya]” (D at T 109:78), para pagpalain ang “lahat ng taong papasok [dito]” (D at T 109:13), at “alalahanin ang [Kanyang] buong simbahan, … upang ang kaharian, na [Kanyang] ginawa ng walang mga kamay, ay maging isang malaking bundok at punuin ang buong mundo” (D at T 109:72).
Noong Abril 3, 1836, nagpakita si Jesucristo kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Ang mga propeta na sina Moises, Elias, at Elijah ay nagpakita rin at ipinagkatiwala ang mahahalagang susi ng priesthood. Ang ulat ng mga pagpapakitang ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 110.
-
Mga unang araw ng Hunyo 1833Sinimulang itayo ng mga miyembro ng Simbahan ang Kirtland Temple sa Kirtland, Ohio.
-
Marso 27, 1836Binasa ni Propetang Joseph Smith ang panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 109.
-
Marso 30, 1836Ang Panginoong Jesucristo ay nagpakita sa ilan sa mga nagtipon sa isang sagradong pagtitipon sa Kirtland Temple.
-
Abril 3, 1836Nakita at narinig nina Joseph Smith at Oliver Cowdery si Jesucristo at natanggap ang mga susi ng priesthood mula kina Moises, Elias, at Elijah sa Kirtland Temple, ayon sa nakatala sa Doktrina at mga Tipan 110.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 109:1–28
Hiniling ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon na tanggapin ang Kirtland Temple at pagpalain ang mga sasamba rito
Magdispley ng ilang larawan ng templo.
-
Bakit tayo nagtatayo ng mga templo?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng doktrina at mga alituntunin na sumasagot sa tanong na ito sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 109–10 sa lesson ngayong araw na ito.
Magdispley ng larawan ng Kirtland Temple (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 117; tingnan din sa LDS.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Ang pagtatayo ng Kirtland Temple ay isang napakalaking hamon para sa mga Banal sa Kirtland dahil kakaunti lang sila at karamihan sa kanila ay maralita. Sa araw ng Linggo, Marso 27, 1836, mga 1,000 katao ang nagtipon sa templo, at daan-daan pa ang mga nasa labas, na karamihan ay kabilang sa mga taong tumulong sa pagtatayo ng templo. Sa mungkahi ng Propeta, “ang ilan sa mga hindi nakapasok [ng templo] ay nagpulong sa mga katabing schoolhouse samantalang ang iba ay umuwi para hintayin ang ikalawang magaganap na paglalaan.” Ang paglalaan ay nagsimula sa isang pambungad na panalangin at himno, kung saan nagsalita si Sidney Rigdon nang dalawa’t kalahating oras. “Pagkatapos ay inilahad niya ang pangalan [ni Joseph Smith] sa kongregasyon” para sang-ayunan bilang “Propeta at Tagakita” (The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 5: October 1835–January 1838, inedit ni Brent M. Rogers at iba pa [2017], 189). Pagkatapos ng 20-minutong intermission, nagsalita nang maikli sa kongregasyon si Propetang Joseph Smith at hiningi ang boto ng pagsang-ayon para sa mga lider ng Simbahan. Binasa nang malakas ng Propeta ang panalangin ng paglalaan. Tinapos ang pulong sa pagsasabi ng kongregasyon ng Hosana Shout, na ginawa nila sa pamamagitan ng tatlong beses na pagsasabi nang malakas ng, “Hosana, hosana, hosana sa Diyos at sa Kordero! Amen, amen, at amen.” (Tingnan sa Joseph Smith Papers, Journals, Volume 1: 1832–1839, inedit ni Dean C. Jessee at iba pa [2008], 203–11.)
Ipaliwanag na ang panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 109. Ito ang naging huwaran para sa lahat ng sumunod na panalangin sa paglalaan ng mga templo.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 109:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga dahilan kung bakit itinayo ng mga Banal ang Kirtland Temple.
-
Ayon sa mga talata 2 at 5, bakit itinayo ng mga Banal ang Kirtland Temple?
-
Ayon sa talata 4, ano ang ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith na gagawin ng Panginoon?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 109:6–11 na ipinaliliwanag na sa isang bahagi ng panalangin ng paglalaan, binanggit muli ng Propeta ang utos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo (tingnan sa D at T 88:117–20), at isinamo niya na makamtan nila ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa kanila kapag natapos na ang templo.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 109:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagpapalang ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa mga talatang ito tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag tayo ay sumasamba sa Diyos sa templo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Madarama ng mga sumasamba sa Diyos sa loob ng templo ang Kanyang kapangyarihan, matututo tungkol sa Kanya, tatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo, at magiging handa na matamo ang bawat kinakailangang bagay.)
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo” (D a T 109:15) ay tumanggap ng “pangakong … buhay na walang hanggan, maging ang kaluwalhatian ng kahariang selestiyal” (D at T 88:4; tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Ensign o Liahona, May 2009, 23, tala 5).
Patingnan ang alituntunin na nasa pisara, at itanong:
-
Sa anong mga paraan kayo pinagpapala sa pagsamba ninyo sa Diyos sa templo?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 109:16–20 na ipinaliliwanag na ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith na tanggapin ng Panginoon ang Kirtland Temple bilang Kanyang bahay at na “walang maruming bagay [ang] papayagang pumasok [dito]” (talata 20).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith.
-
Ano ang ipinagdasal ng Propeta na mangyayari kapag lumabag ang mga tao ng Diyos?
Ipaliwanag na kung hindi tayo karapat-dapat na pumasok sa templo dahil sa pagkakasala, maaari tayong magsisi, mapatawad, at makatanggap ng lahat ng ipinangako ng Panginoon sa mga karapat-dapat na sumasamba sa Kanya sa templo.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 109:22–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang hiniling ng Propeta na gawin ng Panginoon para sa Kanyang mga tagapaglingkod.
-
Ayon sa mga talata 22–24, ano ang hiniling ng Propeta na gawin ng Panginoon para sa Kanyang mga tagapaglingkod na naglilingkod bilang mga missionary?
-
Palagay ninyo bakit mahalaga para sa mga missionary na “[masakbitan ng] … kapangyarihan” sa templo bago sila “makahayo” para ibahagi ang ebanghelyo (talata 22)?
-
Ayon sa mga talata 25–28, ano ang hiniling ng Propeta na gawin ng Panginoon para sa mga Banal?
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa mga talatang ito tungkol sa mga pagpapala ng pagsamba sa Diyos sa templo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinasamba natin ang Diyos sa templo, masasakbitan tayo ng Kanyang kapangyarihan at proteksyon.)
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng masakbitan ng kapangyarihan ng Diyos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga pagpapalang matatanggap natin kapag tayo ay nasasakbitan ng kapangyarihan ng Diyos.
“Sa bahay ng Panginoon, ang matatapat na miyembro ng Simbahan ay maaaring mapagkalooban ng ‘kapangyarihan mula sa itaas’ [D at T 95:8], kapangyarihan na tutulong sa atin na labanan ang tukso, tumupad ng mga tipan, sumunod sa mga kautusan ng Panginoon, at magbahagi ng malakas at walang takot na patotoo sa pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay” (Joseph B. Wirthlin, “Cultivating Divine Attributes,” Ensign, Nob. 1998, 27).
-
Paano naging pagpapala sa inyo ang “kapangyarihan mula sa itaas” (D at T 95:8)?
Ibahagi ang iyong patotoo na kapag sinasamba natin ang Diyos sa templo, masasakbitan tayo ng Kanyang kapangyarihan at proteksyon.
Doktrina at mga Tipan 109:29–80
Hiniling ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon na maawa sa mga Banal at sa iba at tanggapin ang templo
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 109:29–80 na ipinaliliwanag na nanalangin si Propetang Joseph Smith na ang mga taong “nagkalat ng mga maling ulat” tungkol sa mga Banal ay “lituhin” (talata 29) at na ang mga miyembro ng Simbahan ay “makabangon … [upang] gawin ang gawain [ng Panginoon]” (talata 33). Hiniling din niya sa Panginoon na puspusin ang templo “ng [Kanyang] kaluwalhatian” (talata 37) at bigyan ang Kanyang mga tagapaglingkod ng patotoo at kapangyarihan na kailangan nila upang maipangaral ang ebanghelyo (mga talata 38–41). Bukod dito, hiniling ng Propeta na maging handang tumanggap ng ebanghelyo ang “mga naninirahan sa mundo” (mga talata 38–39).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paglalarawan ng nangyari matapos ilaan ni Propetang Joseph Smith ang templo.
Sa gabi matapos ang paglalaan, mahigit tatlong daang mga maytaglay ng priesthood ang nagpulong sa loob ng templo. Isang tunog na parang rumaragasang malakas na hangin ang pumuno sa buong gusali, at lahat sila ay napatayo. Marami ang nagpropesiya, nagsalita sa iba’t ibang wika, at nakakita ng mga pangitain at mga anghel. Ilang tao sa paligid ang nakakita ng isang haligi ng apoy at ng mga anghel sa itaas ng templo na nag-aawitan (tingnan sa Manuscript History of the Church, vol. B-1, addenda, note J, p. 3–4, josephsmithpapers.org). Sa sumunod na anim na linggo, naranasan ng mga Banal sa Kirtland ang maraming espirituwal na pagpapakita. Ang pinakamahalagang espirituwal na pagpapakita ay naganap isang linggo matapos ang paglalaan ng templo, noong Abril, 3, 1836.
Doktrina at mga Tipan 110:1–10
Nagpakita ang Tagapagligtas sa kaluwalhatian at tinanggap ang Kirtland Temple bilang Kanyang bahay
Ipaliwanag na noong Abril 3, 1836, isang grupo ng mga miyembro ng Simbahan ang nagpulong sa templo para sa sacrament meeting. Pagkatapos mapangasiwaan ang sakramento, pumasok sina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa mataas na pulpito sa dulong kanluran ng templo at ibinaba ang mga tabing na nakapaligid sa pulpito. Lumuhod ang Propeta at si Oliver Cowdery sa loob ng tagong lugar na ito at nagdasal.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:1–3, at alamin ang nangyari bilang tugon sa panalanging ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipakita ang sumusunod na larawan:
-
Paano inilarawan ng Propeta ang Tagapagligtas?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 110:4–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery.
-
Ayon sa talata 5, bakit sinabi kina Joseph Smith at Oliver Cowdery na “magsaya” sila?
-
Ayon sa mga talata 6–8, bakit may dahilan ang mga Banal na “magsaya”?
-
Anong alituntunin ang maaari nating matukoy mula sa mga talata 7–8 tungkol sa mangyayari kapag sumunod tayo sa mga kautusan ng Panginoon at “hindi durumihan ang [Kanyang] banal na bahay” (talata 8)? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon at pananatilihing dalisay ang Kanyang bahay, ipapakita Niya ang Kanyang sarili sa atin sa Kanyang mga templo.)
Ipaliwanag na karaniwang ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 15:23). Gayunman, maipapakita rin Niya ang Kanyang sarili sa “[pagpapakita] sa [Kanyang] mga tagapaglingkod” (D at T 110:8).
-
Paano natin mapananatiling dalisay at malinis ang bahay ng Panginoon?
-
Sa inyong palagay, bakit dapat tayong maging masunurin at dalisayin ang ating sarili upang maipakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin sa templo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung sino ang pagpapalain dahil sa panunumbalik ng mga pagpapala ng templo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Doktrina at mga Tipan 110:11–16
Ipinagkatiwala nina Moises, Elias, at Elijah ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery
Ipaliwanag na matapos ang kanilang pangitain tungkol sa Tagapagligtas sa Kirtland Temple, nagpakita kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ang iba pang mga sugo ng langit. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 110:11–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung sino pa ang nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.
-
Sino pa ang nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple?
-
Ano ang ipinagkatiwala ng bawat sugo ng langit kina Joseph Smith at Oliver Cowdery?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na “ipinagkatiwala [ni Moises] … ang mga susi ng pagtitipon sa Israel” (D at T 110:11), na ginagamit sa pamamahala ng gawaing misyonero. “Ipinagkatiwala ni [Elias] ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham” (D at T 110:12), o ang pangako na sa pamamagitan “ng [binhi ni Abraham] ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo, maging ng mga pagpapala ng Ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan” (Abraham 2:11). Ipinagkatiwala ni Elijah ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod (tingnan sa D at T 110:13–16), na nagtutulot sa karapat-dapat na mga mag-asawa at mga pamilya na mabuklod nang walang hanggan.
-
Bakit mahalaga na ipanumbalik ang mga susi na ito ng priesthood sa mga huling araw? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood, pinamamahalaan at isinasagawa ng mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon ang gawain ng kaligtasan.)
Ipaliwanag na ang mga susi ng priesthood na ipinagkatiwala kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ay hawak at ginagamit ngayon ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan.
-
Paano kayo napagpala ng mga susi at kapangyarihan ng priesthood na ipinagkatiwala nina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple?
Rebyuhing muli ang doktrina at mga alituntuning natukoy sa lesson sa araw na ito, at ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang ito. Kung may oras pa, maaari mong ipanood ang video na “The Holy Temple” (5:09), kung saan pinatototohanan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pagpapala ng templo. Ang video na ito ay makukuha sa LDS.org.
Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiing magpunta sa templo nang madalas kung may pagkakataon upang matanggap nila ang lakas at proteksyon ng Diyos.