Institute
Lesson 18: Doktrina at mga Tipan 46–49


Lesson 18

Doktrina at mga Tipan 46–49

Pambungad at Timeline

Noong taglamig ng 1831, ang mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ay nabalisa nang makita nila ang kakatwang ikinikilos ng ilang bagong miyembro habang nagsasabing nasa ilalim sila ng impluwensya ng Espiritu. Nagtanong si Propetang Joseph Smith sa Panginoon tungkol sa kilos at asal na ito pati na ang pagbabawal ng mga Banal sa Kirtland sa mga di-miyembro na dumalo sa mga pagpupulong sa sakramento at iba pang mga miting ng Simbahan. Bilang tugon, noong Marso 8, 1831, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 46. Sa paghahayag na ito, ipinaliwanag ng Panginoon kung paano pangasiwaan ang mga miting sa Simbahan at paano makakaiwas na malinlang sa pamamagitan ng paghahangad na mabigyan ng mga kaloob ng Espiritu.

Bago sumapit ang Marso 1831, si Oliver Cowdery ang tagasulat at tagapagtala ni Joseph Smith para sa Simbahan. Gayunman, nang tawagin siya sa misyon, hindi na niya magagampanan ang mga tungkuling ito. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 47, tinawag ng Panginoon si John Whitmer upang pumalit kay Oliver at mag-ingat ng kasaysayan ng Simbahan.

Sa panahon ding ito, nais ding malaman ng mga Banal sa Ohio kung paano nila tutulungan ang mga miyembro ng Simbahan na nandarayuhan mula sa New York. Sa paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 48, sinabi ng Panginoon sa mga Banal kung paano tulungan ang mga bagong dating na miyembro.

Si Leman Copley, isang bagong miyembro ng Simbahan, ay nagnais na ipangaral ng mga missionary ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kanyang dating relihiyon, ang Shakers. Gayunman, patuloy pa rin niyang tinanggap ang mga maling paniniwala ng mga Shakers. Dahil nabalisa na patuloy pa rin si Leman sa kanyang mga paniniwala, nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon noong Mayo 7, 1831, at natanggap ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 49. Sa paghahayag na ito, nilinaw ng Panginoon ang Kanyang tunay na doktrina at tinuligsa ang ilang maling paniniwala ng Shakers.

Tagsibol 1831Ang mga bagong binyag sa Kirtland, Ohio, ay nakaranas ng mga huwad na espirituwal na pagpapakita.

Marso 8, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 46.

Marso 8, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 47.

Marso 10, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 48.

Marso 1831Si John Whitmer ay itinalaga na maglingkod bilang mananalaysay at tagapagtala o tagasulat ng Simbahan.

Mga huling araw ng Marso o mga unang araw ng Abril, 1831Si Parley P. Pratt ay bumalik sa Kirtland mula sa isang misyon sa Indian Territory at Missouri.

Mayo 7, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 49.

Mayo 1831Umalis sina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley sa Kirtland para puntahan ang isang komunidad ng mga Shakers.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 46:1–33

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal hinggil sa mga miting ng Simbahan at sa mga kaloob ng Espiritu

Ipaalala sa mga estudyante na ang mga mapanlinlang na espiritu ay unti-unting lumaganap sa Simbahan sa Kirtland. Ipaliwanag na noong taglamig ng 1831, ang mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ay nabalisa nang makita nila ang kakatwang ikinikilos ng ilang bagong miyembro. Isinulat ng isang miyembro ng Simbahan na si John Corrill: “Kakaiba ang mga ikinikilos nila, kung minsan ay ginagaya pa ang galaw ng mga Indian, nagtatakbo sa bukid, tumutuntong sa mga tuod ng puno at nangangaral doon na parang napapaligiran ng isang kongregasyon,—lubusan nang natangay sa kanilang mga pangitain kaya’t halos wala nang malay sa lahat ng nangyayari sa paligid nila” (sinipi sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 edisyon [Church Educational System manual, 2003], 92). Ipaliwanag na bagama’t hindi karaniwang nakikita sa Simbahan ngayon ang ganitong mga huwad na pagpapakita, yaong mga hindi nakauunawa o hindi pamilyar sa totoong manipestatsyon ng Espiritu Santo ay madaling malinlang.

  • Ano ang ilang sitwasyon ngayon kung saan maaaring madaling malinlang ang isang tao dahil sa maling pagkaunawa o hindi lubos na nauunawaan ang mga gawain ng Espiritu Santo?

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng bahagi 46 ngayon, sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang mga gawain ng Espiritu Santo at paano sila hindi malilinlang.

Sabihin sa mga estudyante na hiniling ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon na ipaliwanag sa kanya ang layunin at katangian ng mga kaloob ng Espiritu. Bukod pa rito, dahil sa pinasimulang patakaran sa Kirtland na mga miyembo lang ang maaaring dumalo sa mga pangkalahatang pagpupulong, na idinaraos sa harapan ng madla, hiningi ng Propeta ang patnubay ng Panginoon tungkol sa dapat na pangangasiwa at pagsasagawa ng mga pulong na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 46:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa Espiritu at sa mga pulong ng Simbahan.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga talata 3–6 tungkol sa kung sino ang dapat tulutang dumalo sa mga pangkalahatang pagpupulong na idinaraos sa harapan ng madla?

  • Ayon sa talata 2, paano dapat pangasiwaan ang mga pagpupulong sa Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 46:7–8. Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang patnubay na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal para matulungan silang mahingi ang patnubay ng Espiritu.

  • Ayon sa talata 7, anong payo ang ibinigay ng Panginoon para tulungan ang mga Banal na mapatnubayan ng Espiritu?

  • Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa talata 7?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ng mga Banal para hindi sila malinlang?

Ipaliwanag na ang pariralang “hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob” sa talata 8 ay tumutukoy sa mga kaloob ng Espiritu. Ang mga kaloob ng Espiritu ay “mga pagpapala o kakayahang ibinigay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 83).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 46:9–12, 26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga espirituwal na kaloob.

  • Anong doktrina ang matutukoy natin sa talata 9 tungkol sa dahilan kung bakit nagbibigay ang Diyos ng mga espirituwal na kaloob? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na doktrina: Nagbibigay ang Diyos ng mga espirituwal na kaloob para sa kapakinabangan ng mga nagmamahal sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Ayon sa mga talata 11–12, ilan sa atin ang nakatanggap ng mga espirituwal na kaloob?

  • Sa papaanong mga paraan nagiging kapaki-pakinabang sa atin ang mga espirituwal na kaloob?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 46:13–25, at alamin ang ilan sa mga kaloob ng Espiritu.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga kaloob ng Espiritu na binanggit sa bahaging ito at pag-isipan kung paano magiging kapaki-pakinabang ang kaloob na iyan sa mga anak ng Diyos. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga naisip nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 46:27–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano malalaman ng mga Banal kung aling mga kaloob ang mula sa Diyos at kung aling mga kaloob ang hindi.

  • Paano makatutulong ang mga turo ng Panginoon sa mga talatang ito sa mga Banal sa Kirtland na nakasaksi sa ilang kakaibang kilos at pag-uugali ng mga bagong miyembro?

Ipaliwanag na ang mga espirituwal na kaloob na nakalista sa Doktrina at mga Tipan 46 ay hindi ang kumpletong listahan ng mga espirituwal na kaloob na matatamo ng mga anak ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 46:30–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang payo na ibinigay ng Panginoon tungkol sa mga espirituwal na kaloob na ito. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag nang maikli ang nahanap nila.

Hikayatin ang mga estudyante na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa mga espirituwal na kaloob na natanggap nila at masigasig na hangarin ang mga kaloob na iyon ng Espiritu na magpapala sa kanilang buhay at sa buhay ng iba.

Doktrina at mga Tipan 47–48

Tinawag ng Panginoon si John Whitmer bilang mananalaysay ng Simbahan at sinabi sa mga Banal kung paano tutulungan ang mga bagong miyembro na dumating sa Kirtland

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 47 na ipinapaliwanag na tinawag ng Panginoon si John Whitmer na kapalit ni Oliver bilang mananalaysay ng Simbahan at upang maglingkod bilang tagasulat ng Propeta.

Ipaliwanag na noong 1831, maraming bagong miyembro ang lumipat sa Kirtland bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37:1–3). Inihayag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 48 ang pamamaraan na dapat sundin ng Simbahan sa pagbili ng mga lupain para sa titirahan ng mga bagong binyag na ito. Sinabi rin Niya sa mga Banal kung paano tutulungan ang mga ito kapag dumating na.

Doktrina at mga Tipan 49:1–28

Tinawag ng Panginoon sina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley na mangaral sa mga Shakers sa hilagang Ohio

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga taong kilala nila na iba ang pamumuhay o pinagmulang relihiyon bago sumapi sa Simbahan.

  • Anong mga hamon ang maaaring maranasan ng isang tao na naging miyembro ng Simbahan kapag iba ang kanyang dating mga tradisyon at paniniwala?

  • Paano nagpapahirap sa isang tao ang kanyang dating mga tradisyon at paniniwala para tanggapin at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo?

Ipaliwanag na sa mga unang buwan ng 1831, isang lalaki na nagngangalang Leman Copley ang nabinyagan sa Simbahan, pero naniniwala pa rin siya sa ilang maling aral ng kanyang dating sekta ng relihiyon, ang Shakers. Idrowing ang sumusunod na chart sa pisara, isulat lamang ang mga pamagat ng mga column at iwang blangko ang iba pa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 49, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Shakers. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila, at isulat ang kanilang mga sagot sa column na “Mga Paniniwala ng mga Shakers.”

Mga Paniniwala ng mga Shakers

Ang Totoong Doktrina ng Panginoon

Ang Ikalawang Pagparito ni Cristo ay naganap na.

D at T 49:5–7

Si Jesucristo ay nagpakita sa anyo ng isang babae na nagngangalang Ann Lee.

DatT 49:22

Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig ay hindi kinakailangan.

D at T 49:11–14

Ang pag-aasawa ay dapat tutulan.

D at T 49:15

Ang mga tao ay dapat na manatiling walang asawa.

D at T 49:16–17

Ang pagkain ng karne ay ipinagbabawal ng ilan.

D at T 49:18–21

Ipaliwanag na nag-alala si Joseph Smith tungkol sa patuloy na paniniwala ni Leman Copley sa mga itinuturo ng Shakers, kaya nagtanong siya sa Panginoon. Bunga nito, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 49.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 49:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga Shakers.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na ninanais ng mga Shakers?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat” sa talata 2?

  • Ano ang maaaring maging panganib kapag ilang bahagi lamang ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang sinusunod?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Leman Copley sa talata 4?

Hatiin ang klase sa anim na grupo. I-assign sa bawat grupo ang isa sa anim na scripture reference sa chart. (Kung maliit ang klase mo, maaari kang mag-assign sa bawat estudyante ng isa o mahigit pa sa mga scripture reference na ito.) Sabihin sa mga estudyante na basahin nang magkakasama sa kanilang grupo ang naka-assign na mga scripture passage sa kanila, at alamin ang mga doktrina at alituntunin na itinuro ng Panginoon upang iwasto ang mga maling paniniwala ng mga Shakers. Matapos ang sapat na oras, palapitin sa pisara ang isang estudyante mula sa bawat grupo at, sa kahon sa tabi ng kaukulang maling paniniwala ng mga Shakers, isulat ang scripture reference at ang totoong doktrina na tinukoy niya o ng kanyang grupo sa scripture passage na iyan.

  • Alin sa mga maling pilosopiyang ito ang umiiral pa rin sa mundo ngayon?

Patingnan sa mga estudyante ang mga katotohanan na nakasulat sa pisara para sa Doktrina at mga Tipan 49:15 at 49:16–17. (Ang kasal ay inorden ng Diyos. Iniutos sa mga mag-asawa na maging isa at magkaroon ng mga anak.)

  • Anong mga layunin ang tinutupad ng pagpapakasal ng isang lalaki at isang babae sa plano ng Ama sa Langit?

  • Bakit salungat sa plano ng Ama sa Langit ang pagbabawal sa pagpapakasal?

  • Ayon sa talata 16, sinasang-ayunan ng Diyos ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae at ang pisikal na intimasiya ng mag-asawa. Ano ang ilang paraan na tinatangkang kutyain o sirain ng mga tao ang tradisyunal na kasal o ang kasagraduhan ng pisikal na intimasiya ng mag-asawa?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para maihanda ang kanilang sarili sa pag-aasawa at sa kanilang tungkulin bilang mga magulang. Hikayatin silang magtakda ng mithiin na mas ihanda ang sarili sa sagradong responsibilidad na iyon.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 49:26–28 at alamin ang payo ng Panginoon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano nauugnay ang payo na ito sa mga Shakers? Paano kaya ito maiuugnay sa ating lahat?

Ipaliwanag na sa pagsunod sa utos ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 49:1, naglakbay sina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley patungo sa dating komunidad ng mga Shakers ni Copley sa hilagang Ohio at binasa sa kanila ang paghayayag na ito. Hindi tinanggap ng mga Shakers ang mensaheng ito. Kasabay nito, nanghina ang pananampalataya ni Leman Copley at nag-atubili kung babalik sa mga Shakers o mananatili sa ipinanumbalik na Simbahan. Kalaunan ay nagdesisyon siya na huwag nang bumalik sa mga Shakers ngunit nakalulungkot na hindi siya nanatiling tapat sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ipaliwanag na dahil hindi tinanggap ng mga Shakers at ni Leman Copley ang salita ng Diyos, nawala sa kanila ang mga pagpapalang natanggap sana nila (tingnan sa D at T 49:4). Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa kahalagahan ng pakikinig at pagtanggap sa katotohanan ng Panginoon. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo.