“Lesson 33: Doktrina at mga Tipan 88:1–69,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 33,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 33
Doktrina at mga Tipan 88:1–69
Pambungad at Timeline
Noong Disyembre 27, 1832, sa isang pagpupulong o kumpernsya ng mga lider ng priesthood sa silid sa itaas ng tindahan ni Newel K. Whitney, ang mga naroon ay nanalangin upang malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pagtatatag ng Sion. Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88:1–126 noong Disyembre 27 at 28, 1832. (Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88:127–37 ay natanggap kalaunan noong Enero 3, 1833.) Tinukoy ng Propeta ang paghahayag na ito bilang isang “‘dahon ng olibo’ … pinitas mula sa Puno ng Paraiso” (D at T 88, section heading), marahil dahil ito ay mensahe ng kapayapaan na may kakayahang palubagin ang hindi magandang damdamin ng ilang Banal sa Missouri sa mga lider ng Simbahan sa Kirtland, Ohio (tingnan sa D at T 84:76). Apat na karagdagang talata (D at T 88:138–41) ang idinagdag sa paglalathala ng 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan.
Ang Doktrina at mga Tipan 88 ay ituturo sa dalawang lesson. Tatalakayin sa lesson na ito ang Doktrina at mga Tipan 88:1–69, kung saan ipinahayag ni Jesucristo na Siya “ang liwanag … na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay” (D at T 88:13) at pagkatapos ay inanyayahan tayo na “magsilapit sa [Kanya]” (D at T 88:63).
-
Hunyo hanggang Disyembre 1832Nagkaroon ng di-pagkakasundo sa mga lider ng Simbahan sa Missouri at sa mga lider ng Simbahan sa Ohio.
-
Disyembre 27–28, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 88:1–126.
-
Enero 3, 1833Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 88:127–37. (Ang D at T 88:138–41 ay idinagdag kalaunan noong 1835.)
-
Enero 5, 1833Si Frederick G. Williams ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag upang humalili kay Jesse Gause bilang tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote o High Priesthood.
-
Enero 11, 1833Ipinadala ni Joseph Smith ang Doktrina at mga Tipan 88:1–126, at marahil ang Doktrina at mga Tipan 88:127–37, kina William W. Phelps sa Missouri, inilalarawan ito bilang “dahon ng olibo” at “mensahe ng … kapayapaan” (D at T 88, section heading).
-
Enero 23, 1833Nagsimula ang Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 88:1–13
Inihayag ng Panginoon na Siya ang liwanag at buhay na nasa lahat ng bagay
Idrowing sa pisara ang sumusunod na continuum at isulat ang mga label:
Paglayo mula sa Panginoon |
Paglapit sa Panginoon |
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung nasaan sila sa continuum. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88 ngayon, sabihin sa kanila na maghanap ng doktrina at mga alituntunin na tutulong sa kanila na maunawaan kung bakit mahalaga na mas mapalapit sa Diyos at kung paano mas mapapalapit pa sa Kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na impormasyon:
Noong Disyembre 27–28, 1832, si Joseph Smith at ilang high priest ay nagpulong sa silid sa itaas ng tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio. Ayon sa talaan ng mga kaganapan sa pagpupulong, sa unang araw, sinabi ni Joseph Smith sa nakatipong mga high priest na “upang makatanggap ng paghahayag at mga pagpapala ng langit, kailangang ituon natin ang ating isipan sa Diyos at sumampalataya at magkaisa sa puso at isipan. Sa gayon ay iminungkahi [ng Propeta] … sa lahat ng naroon na manalangin nang magkakahiwalay at malakas sa Panginoon na … ihayag ang Kanyang kalooban tungkol sa pagtatayo ng Sion at para sa kapakinabangan ng mga Banal, at para sa tungkulin … ng mga elder. Lahat kami ay yumukod sa harapan ng Panginoon, pagkatapos ay tumayo at nagsalita ang bawat isa para ipahayag ang kani-kanyang nadarama at determinasyong sundin ang mga utos ng Diyos” (sa “Minute Book 1,” 3–4, josephsmithpapers.org; inayon sa pamantayan ang pagbabaybay, pagbabantas, at malalaking titik). Bilang tugon sa kanilang kahilingan, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 88. Kalaunan ay tinukoy ni Joseph Smith ang paghahayag na ito na “‘dahon ng olibo’ … pinitas mula sa Puno ng Paraiso, ang mensahe ng Panginoon tungkol sa kapayapaan sa atin” (D at T 88, section heading).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:1–5. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga high priest na naghangad na sundin ang Kanyang kalooban.
-
Ayon sa talata 2, paano tumugon ang Panginoon sa ginawa ng mga high priest para hangarin ang Kanyang kalooban? (Ipaliwanag na ang salitang limos ay tumutukoy sa kabutihan at katapatan [tingnan sa D at T 59:12, footnote b].)
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga high priest na ito sa mga talata 3–5?
Ipaliwanag na ang mga pariralang “isa pang Mang-aaliw” at “Banal na Espiritu ng pangako” sa talata 3 at ang pariralang “ang Mang-aaliw na ito ang pangakong aking ibinigay sa inyo na buhay na walang hanggan” sa talata 4 ay naglalarawan sa ilan sa mga gawain ng Espiritu Santo.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, ipakita ang mga sumusunod na pahayag, at ipabasa ang mga ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang Espiritu Santo … sa Kanyang papel bilang Banal na Espiritu ng Pangako, ang nagpapatibay sa katotohanan at bisa ng inyong mga tipan at nagbubuklod ng mga pangako ng Diyos sa inyo” (D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,”Ensign o Liahona, Mayo 2009, 22).
“Kasama sa ‘kaganapan ng Espiritu Santo’ (D at T 109:14–15) ang inilarawan ni Jesus bilang ‘pangakong aking ibinigay sa inyo na buhay na walang hanggan, maging ang kaluwalhatian ng kahariang selestiyal’… (D at T 88:4–5)” (D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” 23, tala 5).
“Kabilang sa ganap na pagtatamasa ng kaloob na Espiritu Santo ang pagtanggap ng paghahayag at kaaliwan … at pinababanal mula sa kasalanan at pinagigindapat para sa kadakilaan sa kahariang selestiyal” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 28).
Ipaliwanag na ang pangako ng pagiging karapat-dapat para sa kadakilaan at pagtanggap ng kaluwalhatian ng Ama ay naging posible sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa talata 5). Inihayag pa sa mga talata 6–13 ang tungkol sa kapangyarihan at impluwensya ni Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:6–7, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ilan sa mga karagdagang turo na ito.
-
Ayon sa mga talata 6–7, ano ang “liwanag ni Cristo”? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, makatutulong na ipaliwanag na ang Liwanag ni Cristo ay “banal na lakas, kapangyarihan, o [impluwensya] na nanggagaling sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo,” scriptures.lds.org].)
-
Ayon sa talata 6, ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang Siya ay mapasalahat at sumalahat ng bagay?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 88:7–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang katotohanan na matututuhan natin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang liwanag.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Liwanag ni Cristo mula sa mga talata 7–10? Mula sa mga talata 11–12? Mula sa talata 13?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kapirasong papel ang isang doktrina tungkol sa Liwanag ni Cristo batay sa natutuhan nila mula sa mga talata 7–13. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na basahin ang isinulat nila. (Maaaring magmungkahi ng ilang katotohanan ng doktrina ang mga estudyante, ngunit tulungan silang matukoy na sa pamamagitan ng liwanag ni Cristo, ang Diyos ay nagbibigay ng liwanag, buhay, at batas sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Upang matulungan pa ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrinang ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang Liwanag ni Cristo ay ang banal na kapangyarihan o impluwensya na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. Nagbibigay ito ng liwanag at buhay sa lahat ng bagay. Hinihikayat nito ang lahat ng taong may isip sa buong mundo na makilala ang mabuti sa masama, ang tama sa mali. Pinasisigla nito ang inyong budhi [tingnan sa Moroni 7:16]. Ang impluwensiya nito ay humihina sa paglabag at pagkalulong at naibabalik sa wastong pagsisisi. Ang Liwanag ni Cristo ay hindi isang persona. Ito ay kapangyarihan at impluwensya na nagmumula sa Diyos at kapag sinunod ay aakay sa tao na maging marapat sa paggabay at inspirasyon ng Espiritu Santo [tingnan sa Juan 1:9; D at T 84:46–47]” (Richard G. Scott, “Katahimikan ng Budhi at Kapayapaan ng Isipan,”Ensign o Liahona, Nob. 2004, 15).
-
Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kung wala sa atin ang Liwanag ni Cristo?
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kapangyarihan at impluwensya ni Jesucristo at ang liwanag, buhay, at batas na ibinibigay Niya sa lahat ng bagay.
Doktrina at mga Tipan 88:14–41
Ipinaliwanag ng Panginoon na pinamamahalaan ng batas ang lahat ng kaharian ng Diyos
Ipaliwanag na bukod sa pagbibigay ng liwanag, buhay, at batas sa lahat ng bagay, ginawa ring posible ng Panginoon ang pagtubos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:14–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagtubos.
-
Ayon sa talata 16, ano ang pagkakatubos ng kaluluwa?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:18–20 na ipinaliliwanag na sa mga talatang ito inihayag ng Panginoon na ang mundo ay magiging kahariang selestiyal at na ang mga mabubuhay na mag-uli sa katawang selestiyal ay mamanahin ito magpakailanman at walang katapusan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:21–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung saan nakabatay ang mamanahin nating kaharian ng kaluwalhatian.
-
Ayon sa mga talatang ito, saan nakabatay ang kaharian ng kaluwalhatian na matatamo natin matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Nakabatay sa batas na pinili nating sundin sa buhay na ito ang mamanahin nating kaharian ng kaluwalhatian matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli.)
-
Sa inyong palagay, bakit hindi tayo makatitigil o makapamamalagi sa kaluwalhatiang selestiyal kung hindi tayo handang sumunod sa selestiyal na batas ng Diyos, na kinabibilangan ng mga ordenansa, tipan, at mga kautusan ng ebanghelyo ni Jesucristo?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:25–31 na ipinaliliwanag na itinuturo ng mga talatang ito na kapag namatay tayo, mabubuhay tayong mag-uli sa katawan ding iyon na taglay natin sa buhay na ito, ngunit ito ay perpekto na at imortal. Inihayag din ng Panginoon na ang kaluwalhatian ng ating nabuhay na mag-uling katawan ay tutugma sa uri ng espiritu na kinahinatnan natin batay sa batas na pinili nating sundin—kung ito man ay selestiyal, terestriyal, o telestiyal.
Ipaalala sa mga estudyante na lahat ng isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli, ngunit hindi lahat ay tatanggap ng iisang antas ng kaluwalhatian.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:32–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taong mabubuhay na mag-uli ngunit hindi magmamana ng isa sa mga antas ng kaluwalhatian.
-
Ayon sa talata 32 at 35, bakit hindi magmamana ng isang kaharian ng kaluwalhatian ang mga taong ito?
Banggitin ang pariralang “dahil hindi sila handang tamasahin yaong kanila sanang tatanggapin” sa talata 32.
-
Paano kaya maiuugnay ang pariralang ito sa ating sariling buhay?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa talata 34 kung ano ang mangyayari sa mga tao na nakahandang pamahalaan ng mga batas ng Diyos? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na kapag pinili nating magpasakop sa batas ng Diyos, tayo ay pangangalagaan, gagawing ganap, at pababanalin ni Jesucristo.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:36–39 na ipinaliliwanag na lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay at na may maraming kaharian. Ang mga taong sumusunod lamang sa batas ng Diyos ang mabibigyang-katwiran, o “ma[pa]patawad mula sa kaparusahan sa kasalanan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan,” scriptures.lds.org).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 88:39–40, at alamin kung bakit hindi mabibigyang-katwiran ang mga tao na piniling hindi sundin ang batas ng Diyos. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.
Sabihin sa mga estudyante na suriin ang sarili kung gaano nila mabuting nasusunod ang batas ng Diyos. Hikayatin sila na patuloy na sundin ang batas ng Diyos at gumawa ng anumang kinakailangang pagtatama o pagtutuwid sa buhay nila na magtutulot sa kanila na mamana ang kahariang selestiyal.
Doktrina at mga Tipan 88:41–69
Inihayag ng Panginoon na pinamamahalaan at nalalaman Niya ang lahat ng bagay, at inaanyayahan Niya ang mga tao na lumapit sa Kanya
Magdispley ng larawan ng mga bituin, tulad ng Nilikha ng Panginoon ang Lahat ng Bagay (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 2; tingnan din sa lds.org/media-library), at tanungin ang mga estudyante kung namasdan nila ang mga bituin sa kalangitan at naisip ang mga nilikha ng Diyos.
-
Anong mga ideya o tanong ang pumasok sa isipan ninyo nang masdan ninyo ang mga bituin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:41–47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kanyang Sarili at sa Kanyang mga nilikha.
-
Paano pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang mga nilikha?
-
Ayon sa mga talata 46–47, ano ang nakikita natin kapag minasdan natin maging ang pinakamaliit sa mga nilikha ng Diyos?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:51–61 na ipinaliliwanag na naglahad ang Tagapagligtas ng isang talinghaga tungkol sa mga tao na nagtatrabaho sa bukid, at bawat isa sa kanila ay dinalaw ng kanilang panginoon. Mula sa talinghagang ito, nalaman natin na dadalawin ng Panginoon ang bawat isa sa Kanyang mga daigdig at ang mga naninirahan dito. Ipaliwanag na dumating ang Panginoon sa Kanyang kaharian dito sa lupa at Siya ay muling paparito at maghahari sa Milenyo.
Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 88:62–69, itinuro ng Panginoon ang magagawa natin ngayon para mapalapit sa Kanya.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:62–63 at alamin ang mga bagay na magagawa natin para maanyayahan ang Tagapagligtas na lumapit sa atin.
-
Ano ang alituntuning itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paglapit sa Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagsilapit tayo sa Panginoon, Siya ay lalapit sa atin. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa talata 63.)
-
Anong mga salita sa talata 63 ang nagtuturo kung paano tayo makalalapit sa Tagapagligtas?
-
Ano ang ilang ginawa ninyo na nakatulong sa inyo na maghanap, humingi, at kumatok upang mas mapalapit sa Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang naranasan nila sa kanilang buhay na nagpatunay sa kanila na totoo ang alituntuning ito. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang karanasan at patotoo tungkol sa alituntuning ito.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 88:66–69. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga karagdagang paraan na mapapalapit tayo sa Ama at sa Anak.
-
Ayon sa talata 67, anong pagpapala ang darating sa mga yaong ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung ang ating mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, tayo ay mapupuno ng liwanag.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang inyong mata ay “nakatuon sa kaluwalhatian [ng Diyos]”?
-
Ayon sa talata 68, ano ang kinakailangan nating gawin para nakatuon lamang sa Diyos ang ating isipan? (Ipaliwanag na ang katagang “pabanalin ang inyong sarili” ay tumutukoy sa pagiging dalisay at malinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng impluwensya ng Espiritu Santo kapag nagsisisi tayo at tumutupad sa ating mga tipan.)
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito. Tukuyin ang drowing na continuum sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mas mapalapit sa Panginoon at kung bakit dapat nilang gawin ito. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na matanggap nila.